Lubos na Pagtitiwala kay Jehova—Nagdudulot ng Kapanatagan
Lubos na Pagtitiwala kay Jehova—Nagdudulot ng Kapanatagan
“Diringgin ni Jehova kapag tumawag ako sa kaniya.”—AWIT 4:3.
1, 2. (a) Sa anong panganib napaharap si David? (b) Aling mga awit ang tatalakayin natin?
SI Haring David ay matagal nang namamahala sa Israel, pero napapaharap siya ngayon sa malaking panganib. Ipinroklama ng kaniyang tusong anak na si Absalom ang sarili nito bilang hari, at napilitan si David na lisanin ang Jerusalem. Pinagtaksilan din siya ng isang pinagkakatiwalaang kaibigan, at ngayon, kasama ang ilang tapat sa kaniya, naglalakad siyang nakatapák sa Bundok ng mga Olibo habang tumatangis. Bukod diyan, si Simei, na miyembro ng isang pamilya sa sambahayan ni Haring Saul, ay naghahagis ng bato at nagsasaboy ng alabok kay David kasabay ng pagsumpa.—2 Sam. 15:30, 31; 16:5-14.
2 Hahantong ba si David sa Sheol nang may pighati at kahihiyan dahil sa dinaranas niyang ito? Hindi, sapagkat nagtitiwala siya kay Jehova. Makikita ito sa ikatlong Awit, na kinatha ni David tungkol sa kaniyang pagtakas. Isinulat din niya ang ikaapat na Awit. Ipinakikita ng mga komposisyong ito na dinirinig at sinasagot ng Diyos ang mga panalangin. (Awit 3:4; 4:3) Tinitiyak sa atin ng mga ito na si Jehova ay kasama ng kaniyang tapat na mga lingkod araw at gabi, anupat inaalalayan sila at binibigyan ng kapayapaan at katiwasayan. (Awit 3:5; 4:8) Talakayin natin ang mga awit na ito at tingnan kung paano ito nagdudulot ng kapanatagan at nagpapasidhi ng pagtitiwala sa Diyos.
Kapag ‘Maraming Bumabangon Laban sa Atin’
3. Gaya ng ipinakikita sa Awit 3:1, 2, ano ang sitwasyon ni David?
3 “Ang puso ng mga lalaki ng Israel ay sumusunod kay Absalom,” ang sabi ng mensahero. (2 Sam. 15:13) Palibhasa’y nagtataka kung bakit napakaraming sumusuporta kay Absalom, nagtanong si David: “O Jehova, bakit dumarami ang aking mga kalaban? Bakit maraming bumabangon laban sa akin? Marami ang nagsasabi tungkol sa aking kaluluwa: ‘Wala siyang kaligtasan mula sa Diyos.’” (Awit 3:1, 2) Iniisip ng maraming Israelita na hindi ililigtas ni Jehova si David mula sa kamay ni Absalom at ng mga tauhan nito.
4, 5. (a) Sa ano nakatitiyak si David? (b) Ano ang ibig sabihin ng pananalitang “ang Isa na nagtataas ng aking ulo”?
4 Pero panatag si David dahil buo ang tiwala niya sa Diyos. Umawit siya: “Gayunma’y ikaw, O Jehova, ay isang kalasag sa palibot ko, ang aking kaluwalhatian at ang Isa na nagtataas ng aking ulo.” (Awit 3:3) Nakatitiyak si David na poprotektahan siya ni Jehova kung paanong pinoprotektahan ng kalasag ang isang kawal. Oo, ang matanda nang hari ay tumatakas na may takip ang ulo at nakayuko dahil sa kahihiyan. Pero babaguhin ng Kataas-taasan ang kaniyang kawawang kalagayan tungo sa kaluwalhatian. Tutulungan siya ni Jehova na makatayo nang tuwid at muling maitaas ang kaniyang ulo. Tumawag si David sa Diyos anupat nagtitiwalang sasagutin Niya siya. Ganiyan din ba ang pagtitiwala mo kay Jehova?
5 Sa pananalitang “ang Isa na nagtataas ng aking ulo,” ipinahihiwatig ni David na si Jehova ang inaasahan niyang tutulong sa kaniya. Ang Magandang Balita Biblia ay nagsasabi: “Ngunit ang totoo, sa lahat ng oras, iniingatan mo at inililigtas; sa aki’y tagumpay ang iginagawad, mahina kong loob ay pinalalakas.” Hinggil sa pananalitang “ang Isa na nagtataas ng aking ulo,” isang reperensiyang akda ang nagsasabi: “Kapag itinataas ng Diyos . . . ang ‘ulo’ ng isa, pinupuspos Niya siya ng pag-asa at kapanatagan.” Nang puwersahang alisin sa trono ng Israel, may dahilan si David na manlumo. Pero ‘ang pagtataas
ng kaniyang ulo’ ay magdudulot ng panibagong lakas ng loob, kapanatagan, at lubos na pagtitiwala sa Diyos.‘Sasagutin ni Jehova!’
6. Bakit sinabi ni David na sasagutin ang kaniyang panalangin mula sa banal na bundok ni Jehova?
6 Taglay ang kapanatagan at pagtitiwala kay Jehova, nagpatuloy si David: “Sa pamamagitan ng aking tinig ay tatawag ako kay Jehova, at sasagutin niya ako mula sa kaniyang banal na bundok.” (Awit 3:4) Bilang pagsunod sa utos ni David, ang kaban ng tipan, na sumasagisag sa presensiya ng Diyos, ay dinala sa Bundok Sion. (Basahin ang 2 Samuel 15:23-25.) Kaya angkop lang na sabihin ni David na sasagutin ang kaniyang panalangin mula sa banal na bundok ni Jehova.
7. Bakit hindi natatakot si David?
7 Palibhasa’y nakatitiyak na pinakikinggan ng Diyos ang mga panalangin, hindi natatakot si David. Sa halip, umawit siya: “Kung tungkol sa akin, hihiga ako upang ako ay makatulog; ako ay tiyak na gigising, sapagkat lagi akong inaalalayan ni Jehova.” (Awit 3:5) Kahit sa gabi, kung kailan mas malamang na may biglang sumalakay, hindi siya natatakot matulog. Natitiyak niya na gigising siyang muli, sapagkat napatunayan na niya mula sa kaniyang mga karanasan na makapagtitiwala siya sa pag-alalay ng Diyos. Makapagtitiwala rin tayo kung susunod tayo sa “mga daan ni Jehova” at hinding-hindi siya iiwan.—Basahin ang 2 Samuel 22:21, 22.
8. Paano ipinakikita ng Awit 27:1-4 na nagtitiwala si David sa Diyos?
8 Ang lubos na pagtitiwala ni David sa Diyos ay makikita sa isa pang awit na kinatha niya, na kababasahan ng kinasihang pananalitang ito: “Si Jehova ang aking liwanag at aking kaligtasan. Kanino ako matatakot? Si Jehova ang moog ng aking buhay. Kanino ako manghihilakbot? . . . Bagaman ang isang kampamento ay magtayo ng mga tolda laban sa akin, ang aking puso ay hindi matatakot. . . . Isang bagay ang hinihiling ko kay Jehova—ito ang hahanapin ko, na ako ay makatahan sa bahay ni Jehova sa lahat ng mga araw ng aking buhay, upang mamasdan ang kaigayahan ni Jehova at tumingin nang may pagpapahalaga sa kaniyang templo.” (Awit 27:1-4) Kung ganiyan din ang nadarama mo at ipinahihintulot naman ng iyong kalagayan, regular kang dadalo sa mga pulong kasama ng mga kapatid sa kongregasyon.—Heb. 10:23-25.
9, 10. Sa kabila ng pananalita sa Awit 3:6, 7, bakit masasabing hindi mapaghiganti si David?
9 Bagaman si David ay pinagtaksilan ni Absalom at ng iba pa, umawit siya: “Hindi ako matatakot sa sampung libu-libong tao na humahanay laban sa akin sa magkabi-kabila. Bumangon ka, O Jehova! Iligtas mo ako, O Diyos ko! Sapagkat patatamaan mo nga sa panga ang lahat ng aking kaaway. Ang mga ngipin ng mga balakyot ay babasagin mo.”—Awit 3:6, 7.
10 Hindi mapaghiganti si David. Kung mayroon mang ‘magpapatama sa panga’ ng kaniyang mga kaaway, ang Diyos ang gagawa nito. Gumawa si Haring David ng kaniyang personal na kopya ng Kautusan at alam niyang sinasabi roon ni Jehova: “Akin ang paghihiganti, at ang kagantihan.” (Deut. 17:14, 15, 18; 32:35) Ang Diyos din ang bahalang ‘bumasag sa mga ngipin ng mga balakyot.’ Ibig sabihin, aalisin ang kakayahan nilang puminsala. Alam ni Jehova kung sino ang mga balakyot dahil nakikita niya “kung ano ang nasa puso.” (1 Sam. 16:7) Laking pasasalamat natin na binibigyan tayo ng Diyos ng pananampalataya at lakas para makapanindigang matatag laban sa pasimuno ng kasamaan, si Satanas, na malapit nang ihagis sa kalaliman gaya ng isang umuungal na leong walang ngipin na karapat-dapat sa pagkapuksa!—1 Ped. 5:8, 9; Apoc. 20:1, 2, 7-10.
“Ang Kaligtasan ay Kay Jehova”
11. Bakit dapat nating ipanalangin ang ating mga kapananampalataya?
11 Alam ni David na tanging si Jehova lang ang makapaglalaan ng kaligtasan na kailangang-kailangan niya. Pero hindi lang ang kaniyang sarili ang iniisip niya. Kumusta naman ang sinasang-ayunang bayan ni Jehova sa kabuuan? Angkop lang na tapusin ni David ang kaniyang kinasihang komposisyon sa mga salitang: “Ang kaligtasan ay kay Jehova. Ang iyong pagpapala ay sumasaiyong bayan.” (Awit 3:8) Totoo, gabundok ang mga problema ni David, pero iniisip pa rin niya ang bayan ni Jehova sa pangkalahatan at nagtitiwala siyang pagpapalain sila ng Diyos. Hindi ba’t dapat na isipin din natin ang ating mga kapananampalataya? Alalahanin natin sila sa ating mga panalangin, anupat hinihiling kay Jehova na bigyan sila ng banal na espiritu para magkaroon sila ng lakas ng loob at pagtitiwala na ipahayag ang mabuting balita.—Efe. 6:17-20.
12, 13. Ano ang nangyari kay Absalom, at ano ang reaksiyon ni David?
12 Namatay si Absalom sa kahiya-hiyang paraan—isang babala sa lahat ng lumalapastangan sa iba, lalo na sa mga pinahiran ng Diyos, gaya ni David. (Basahin ang Kawikaan 3:31-35.) Nagkaroon ng pagbabaka, at natalo ang hukbo ni Absalom. Tumakas si Absalom sakay ng isang mula at nasabit ang makapal niyang buhok sa mga sanga ng isang malaking punungkahoy. Nakabitin siya roon—buháy pero walang kalaban-laban—hanggang sa patayin siya ni Joab gamit ang tatlong tagdan na itinarak sa kaniyang puso.—2 Sam. 18:6-17.
13 Natuwa ba si David nang malaman ang sinapit ng kaniyang anak? Hindi. Sa halip, nagpalakad-lakad siya habang tumatangis at sumisigaw: “Anak kong Absalom, anak ko, anak kong Absalom! O kung ako na sana ang namatay, ako nga, sa halip na ikaw, Absalom na anak ko, anak ko!” (2 Sam. 18:24-33) Naibsan lang ang matinding pamimighati ni David nang kausapin siya ni Joab. Napakalagim ng naging wakas ni Absalom, na dahil sa sakim na ambisyon ay nakipaglaban sa kaniyang sariling ama—ang pinahiran ni Jehova—at dumanas ng kapahamakan!—2 Sam. 19:1-8; Kaw. 12:21; 24:21, 22.
Muling Nagpahayag si David ng Pagtitiwala sa Diyos
14. Ano ang masasabi tungkol sa Awit 4?
14 Gaya ng ikatlong Awit, ang ikaapat ay isa ring marubdob na panalangin ni David na nagpapakitang buo ang tiwala niya kay Jehova. (Awit 3:4; 4:3) Posibleng kinatha ito ni David para ipahayag ang nadama niyang ginhawa at pasasalamat sa Diyos nang mabigo ang pakana ni Absalom. O maaaring isinulat ito na ang nasa isip ay ang mga mang-aawit na Levita. Anuman ang nasa isip ni David, ang pagbubulay-bulay rito ay magpapatibay sa ating pagtitiwala kay Jehova.
15. Bakit may-pagtitiwala tayong makapananalangin kay Jehova sa pamamagitan ng kaniyang Anak?
15 Muling ipinahayag ni David ang kaniyang Awit 4:1) Makadarama tayo ng gayunding pagtitiwala kung nagsasagawa tayo ng katuwiran. Dahil alam nating pinagpapala ng “matuwid na Diyos” na si Jehova ang kaniyang tapat na bayan, may-pagtitiwala tayong makapananalangin sa kaniya sa pamamagitan ng kaniyang Anak taglay ang pananampalataya sa haing pantubos ni Jesus. (Juan 3:16, 36) Lubos na kapayapaan nga ang dulot nito!
lubos na pagtitiwala sa Diyos at sa bisa ng panalangin. Umawit siya: “Kapag tumawag ako, sagutin mo ako, O aking matuwid na Diyos. Sa kabagabagan ay maglaan ka ng maluwang na dako para sa akin. Pagpakitaan mo ako ng lingap at dinggin mo ang aking panalangin.” (16. Ano ang posibleng dahilan ng panghihina ng loob ni David?
16 Kung minsan, baka mapaharap tayo sa sitwasyong sisira ng ating pagtitiwala. Posibleng naranasan ito ni David, dahil umawit siya: “Kayong mga anak ng mga tao, hanggang kailan ba iinsultuhin ang aking kaluwalhatian, habang patuloy ninyong iniibig ang mga walang-katuturang bagay, habang patuloy ninyong hinahangad na makasumpong ng kasinungalingan?” (Awit 4:2) Ang pananalitang “mga anak ng mga tao” ay maliwanag na tumutukoy sa sangkatauhan sa negatibong diwa. Ang mga kaaway ni David ay ‘umiibig sa mga walang-katuturang bagay.’ Ganito ang salin ng Ang Biblia—Bagong Salin sa Pilipino: “Hanggang kailan ninyo iibigin ang mga kahibangan at hahanapin ang mga dios-diosan?” Panghinaan man tayo ng loob dahil sa ginagawa ng iba, patuloy tayong manalangin nang marubdob at lubos na magtiwala sa tanging tunay na Diyos.
17. Ipaliwanag kung paano tayo maaaring gumawi kaayon ng Awit 4:3.
17 Makikita ang pagtitiwala ni David sa Diyos sa pananalitang ito: “Kaya talastasin ninyo na talagang ibubukod ni Jehova ang kaniyang matapat; diringgin ni Jehova kapag tumawag ako sa kaniya.” (Awit 4:3) Kailangan ang lakas ng loob at lubos na pagtitiwala kay Jehova para makapanatiling matapat sa kaniya. Halimbawa, kailangan ng isang pamilyang Kristiyano ang mga katangiang ito kapag natiwalag ang isang di-nagsisising kamag-anak. Pinagpapala ni Jehova ang mga matapat sa kaniya at sa kaniyang mga daan. Ang pagkamatapat at lubos na pagtitiwala naman kay Jehova ay nagdudulot ng kagalakan sa kaniyang bayan.—Awit 84:11, 12.
18. Kaayon ng Awit 4:4, ano ang dapat nating gawin kung napagsalitaan tayo ng masakit o nagawan ng masama?
18 Paano kung nasaktan tayo sa sinabi o ginawa ng iba? Mananatili ang ating kagalakan kung ikakapit natin ang sinabi ni David: “Maligalig kayo, ngunit huwag magkasala. Magsalita kayo sa inyong puso, sa inyong higaan, at manahimik kayo.” (Awit 4:4) Kung napagsalitaan tayo ng masakit o nagawan ng masama, huwag tayong magkasala sa pamamagitan ng paghihiganti. (Roma 12:17-19) Puwede nating ibulalas ang ating nadarama habang nasa higaan. Kung ipananalangin natin iyon, baka mabago ang ating pananaw at maudyukan tayong magpatawad dahil sa pag-ibig. (1 Ped. 4:8) Pansinin ang payo ni apostol Pablo, na posibleng batay sa Awit 4:4: “Mapoot kayo, gayunma’y huwag magkasala; huwag hayaang lumubog ang araw na kayo ay pukáw sa galit, ni magbigay man ng dako sa Diyablo.”—Efe. 4:26, 27.
19. Paano makatutulong ang Awit 4:5 may kinalaman sa ating espirituwal na mga hain?
19 Upang idiin ang pangangailangang magtiwala sa Diyos, umawit si David: “Maghain kayo ng mga hain ng katuwiran, at magtiwala kayo kay Jehova.” (Awit 4:5) Magkakaroon lang ng halaga ang mga hain ng mga Israelita kung tama ang motibo nila sa paghahandog. (Isa. 1:11-17) Para tanggapin ng Diyos ang ating espirituwal na mga hain, dapat din tayong magkaroon ng tamang motibo at lubos na magtiwala sa kaniya.—Basahin ang Kawikaan 3:5, 6; Hebreo 13:15, 16.
20. Saan tumutukoy ang ‘liwanag ng mukha ni Jehova’?
20 Nagpatuloy si David: “Marami ang nagsasabi: ‘Sino ang magpapakita sa amin ng mabuti?’ Pasinagin mo sa amin ang liwanag ng iyong mukha, O Jehova.” (Awit 4:6) ‘Ang liwanag ng mukha ni Jehova’ ay tumutukoy sa kaniyang pabor. (Awit 89:15) Kaya nang manalangin si David: “Pasinagin mo sa amin ang liwanag ng iyong mukha,” ang ibig niyang sabihin ay ‘pagpakitaan mo kami ng pabor.’ Dahil nagtitiwala tayo kay Jehova, nasa atin ang kaniyang pabor at ang malaking kagalakan habang ginagawa natin ang kaniyang kalooban.
21. Ano ang tinitiyak sa atin kung lubusan tayong makikibahagi sa espirituwal na pag-aani sa ngayon?
21 Habang pinananabikan ang bigay-Diyos na kagalakang nakahihigit sa kagalakan kapag panahon ng pag-aani, si David ay umawit kay Jehova: “Tiyak na bibigyan mo ng kasayahan ang aking puso higit pa kaysa noong panahon na ang kanilang butil at ang kanilang bagong alak ay nananagana.” (Awit 4:7) Siguradong makadarama tayo ng masidhing kagalakan kung lubusan tayong makikibahagi sa espirituwal na pag-aani sa ngayon. (Luc. 10:2) Sa pangunguna ng ‘mataong bansa’ ng mga pinahiran, nagagalak tayo sa patuloy na pagdami ng ‘mga manggagawa sa pag-aani.’ (Isa. 9:3) Lubusan ka bang nakikibahagi sa masayang pag-aaning ito?
Magpatuloy sa Gawain Taglay ang Buong Pagtitiwala sa Diyos
22. Kaayon ng Awit 4:8, ano ang kalagayan ng mga Israelita kapag sinusunod nila ang Kautusan ng Diyos?
22 Tinapos ni David ang awit na ito sa ganitong pananalita: “Sa kapayapaan ay mahihiga ako at matutulog, sapagkat ikaw lamang, O Jehova, ang nagpapatahan sa akin nang tiwasay.” (Awit 4:8) Kapag sinusunod ng mga Israelita ang Kautusan ni Jehova, mapayapa ang kaugnayan nila sa kaniya at tiwasay sila. Halimbawa, noong naghahari si Solomon, ‘ang Juda at ang Israel ay nananahanan nang tiwasay.’ (1 Hari 4:25) Ang mga nagtitiwala sa Diyos ay mapayapa kahit napopoot sa kanila ang karatig na mga bansa. Gaya ni David, natutulog tayo nang payapa dahil binibigyan tayo ng Diyos ng katiwasayan.
23. Ano ang madarama natin kung buo ang tiwala natin sa Diyos?
23 Patuloy tayong maglingkod kay Jehova nang may pagtitiwala. Manalangin din sana tayo nang may pananampalataya at sa gayo’y madama ang “kapayapaan ng Diyos na nakahihigit sa lahat ng kaisipan.” (Fil. 4:6, 7) Napakalaking kagalakan ang dulot niyan sa atin! At tiyak na may-kapanatagan nating mahaharap ang kinabukasan kung laging buo ang tiwala natin kay Jehova.
Paano Mo Sasagutin?
• Anong mga problema ang napaharap kay David dahil kay Absalom?
• Paano nagdudulot ng kapanatagan ang Awit 3?
• Sa anu-anong paraan pinatitibay ng Awit 4 ang ating pagtitiwala kay Jehova?
• Paano tayo nakikinabang kapag buo ang tiwala natin sa Diyos?
[Mga Tanong sa Aralin]
[Larawan sa pahina 29]
Kahit noong tumatakas siya dahil kay Absalom, nagtiwala pa rin si David kay Jehova
[Mga larawan sa pahina 32]
Buo ba ang tiwala mo kay Jehova?