Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mga Pamilyang Kristiyano—‘Manatiling Gising’

Mga Pamilyang Kristiyano—‘Manatiling Gising’

Mga Pamilyang Kristiyano​—‘Manatiling Gising’

“Manatili tayong gising at panatilihin ang ating katinuan.”​—1 TES. 5:6.

1, 2. Ano ang kailangan para makapanatiling gising sa espirituwal ang pamilya?

TUNGKOL sa “dakila at kakila-kilabot na araw ni Jehova,” sinulatan ni apostol Pablo ang mga Kristiyano sa Tesalonica: “Mga kapatid, kayo ay wala sa kadiliman, upang ang araw na iyon ay umabot sa inyo gaya ng sa mga magnanakaw, sapagkat kayong lahat ay mga anak ng liwanag at mga anak ng araw. Hindi tayo nauukol sa gabi ni sa kadiliman man.” Sinabi pa niya: “Sa gayon nga, huwag na tayong matulog pa gaya ng ginagawa ng iba, kundi manatili tayong gising at panatilihin ang ating katinuan.”​—Joel 2:31; 1 Tes. 5:4-6.

2 Ang payong ito ni Pablo sa mga taga-Tesalonica ay angkop na angkop din sa mga Kristiyanong nabubuhay sa “panahon ng kawakasan.” (Dan. 12:4) Habang papalapit ang kawakasan ng balakyot na sistemang ito, pursigido si Satanas na italikod sa Diyos ang mga tunay na mananamba. Kaya isang katalinuhan na isapuso natin ang payo ni Pablo na manatiling mapagbantay. Para makapanatiling gising sa espirituwal ang pamilyang Kristiyano, mahalagang gampanan ng bawat miyembro ang kani-kaniyang pananagutan na binabanggit sa Bibliya. Ano ba ang papel ng asawang lalaki, asawang babae, at mga anak para matulungan ang kanilang pamilya na ‘makapanatiling gising’?

Mga Asawang Lalaki​—Tularan ang “Mabuting Pastol”

3. Ayon sa 1 Timoteo 5:8, ano ang kalakip sa pananagutan ng lalaki bilang ulo ng sambahayan?

3 ‘Ang ulo ng babae ay ang lalaki,’ ang sabi ng Bibliya. (1 Cor. 11:3) Ano ang kalakip sa pananagutan ng lalaki bilang ulo ng sambahayan? Binabanggit sa Bibliya ang isang aspekto ng pagkaulo: “Kung ang sinuman nga ay hindi naglalaan para roon sa mga sariling kaniya, at lalo na para roon sa mga miyembro ng kaniyang sambahayan, itinatwa na niya ang pananampalataya at lalong masama kaysa sa taong walang pananampalataya.” (1 Tim. 5:8) Oo, dapat ilaan ng lalaki ang materyal na pangangailangan ng kaniyang pamilya. Pero kung gusto niyang tulungan ang kaniyang pamilya na makapanatiling gising sa espirituwal, higit pa riyan ang kailangan. Dapat niyang patibayin ang espirituwalidad ng kaniyang pamilya, anupat tinutulungan ang bawat miyembro na mapatibay ang kaugnayan nila sa Diyos. (Kaw. 24:3, 4) Paano niya ito magagawa?

4. Ano ang makatutulong sa asawang lalaki para mapatibay ang espirituwalidad ng kaniyang sambahayan?

4 Yamang “ang asawang lalaki ang ulo ng kaniyang asawang babae kung paanong ang Kristo rin ay ulo ng kongregasyon,” dapat suriin at tularan ng asawang lalaki ang paraan ng pangunguna ni Jesus sa kongregasyon. (Efe. 5:23) Pansinin kung paano inilarawan ni Jesus ang kaugnayan niya sa kaniyang mga tagasunod. (Basahin ang Juan 10:14, 15.) Ano ang dapat gawin ng asawang lalaki para mapatibay ang espirituwalidad ng kaniyang sambahayan? Dapat niyang pag-aralan ang mga sinabi at ginawa ni Jesus bilang ang “mabuting pastol” at ‘maingat na sundan ang kaniyang mga yapak.’​—1 Ped. 2:21.

5. Gaano kakilala ng Mabuting Pastol ang kongregasyon?

5 Ang kaugnayan ng pastol sa kaniyang mga tupa ay nakasalig sa pagkakilala at pagtitiwala. Kilalang-kilala ng pastol ang kaniyang mga tupa, at siya rin naman ay kilala at pinagtitiwalaan ng mga tupa. Kabisado nila at sinusunod ang kaniyang tinig. “Kilala ko ang aking mga tupa at kilala ako ng aking mga tupa,” ang sabi ni Jesus. Pero hindi lang bahagyang impormasyon ang alam niya sa kongregasyon. Ang salitang Griego na isinaling “kilala” ay nagpapahiwatig ng “personal at malalim na kaalaman.” Oo, kilalang-kilala ng Mabuting Pastol ang bawat tupa. Alam niya ang mga pangangailangan, katangian, at kahinaan ng bawat isa. Nakikita ng ating Huwaran kahit ang maliliit na detalye tungkol sa kaniyang mga tupa. At kilalang-kilala naman siya ng mga tupa at nagtitiwala sila sa kaniyang pangunguna.

6. Paano matutularan ng mga asawang lalaki ang Mabuting Pastol?

6 Para matularan ang pagkaulo ni Kristo, dapat isipin ng asawang lalaki na isa siyang pastol at ang kaniyang pamilya ay mga tupa. Dapat niyang sikapin na lubusan silang makilala. Posible ba ito? Oo, kung palagi niyang kakausapin ang bawat miyembro ng pamilya, pakikinggan ang mga ikinababahala nila, pangungunahan ang mga gawain ng pamilya, at sisikaping gumawa ng mahuhusay na desisyon may kinalaman sa pampamilyang pagsamba, pagdalo sa mga pulong, paglilingkod sa larangan, at paglilibang. Kung mangunguna ang asawang lalaki taglay ang kaalaman hindi lang sa Salita ng Diyos kundi pati na sa kaniyang pamilya, malamang na magtiwala sila sa kaniyang pagkaulo at manatili silang nagkakaisa sa tunay na pagsamba.

7, 8. Paano matutularan ng asawang lalaki ang Mabuting Pastol sa pagpapakita ng pagmamahal sa kaniyang pamilya?

7 Mahal din ng mabuting pastol ang kaniyang mga tupa. Kapag pinag-aaralan natin ang mga ulat ng Ebanghelyo hinggil sa buhay at ministeryo ni Jesus, napahahalagahan natin ang pagmamahal na ipinakita niya sa mga alagad. ‘Ibinigay pa nga niya ang kaniyang kaluluwa alang-alang sa mga tupa.’ Dapat tularan ng mga asawang lalaki si Jesus sa pagpapakita ng pagmamahal sa kanilang pamilya. Sa halip na pagmalupitan ang asawa, ang lalaking nais magkamit ng pagsang-ayon ng Diyos ay patuloy na iibig sa kaniyang asawa “kung paanong inibig din ng Kristo ang kongregasyon.” (Efe. 5:25) Dapat siyang maging mabait at makonsiderasyon sa pagsasalita dahil karapat-dapat sa karangalan ang asawang babae.​—1 Ped. 3:7.

8 Sa pagsasanay sa mga anak, ang ulo ng pamilya ay dapat na maging matatag sa pagtataguyod ng makadiyos na mga simulain. Pero dapat niya itong lakipan ng pagmamahal. Ang paglalapat ng kinakailangang disiplina ay dapat gawin sa maibiging paraan. May mga kabataan na nahihirapang umunawa kung ano ang inaasahan sa kanila. Sa ganitong sitwasyon, dapat habaan ng ama ang kaniyang pasensiya. Kung palaging tinutularan ng mga lalaki ang halimbawa ni Jesus, ginagawa nilang ligtas at matiwasay ang kanilang tahanan. Madarama ng kanilang pamilya ang espirituwal na katiwasayang tinutukoy ng salmista.​—Basahin ang Awit 23:1-6.

9. Gaya ng patriyarkang si Noe, ano ang pananagutan ng mga asawang lalaki, at ano ang makatutulong sa kanila para magampanan ito?

9 Ang patriyarkang si Noe ay nabuhay noon sa isang panahon ng kawakasan. Pero iningatan siya ni Jehova na “ligtas . . . kasama ng pitong iba pa nang magpasapit siya ng delubyo sa isang sanlibutan ng mga taong di-makadiyos.” (2 Ped. 2:5) Pananagutan ni Noe na tulungan ang kaniyang pamilya na makaligtas sa Baha. Gayon din ang sitwasyon ng mga Kristiyanong ulo ng pamilya sa mga huling araw na ito. (Mat. 24:37) Napakahalaga ngang pag-aralan nila ang halimbawa ng “mabuting pastol” at pagsikapang tularan siya!

Mga Asawang Babae​—‘Patibayin ang Inyong Sambahayan’

10. Ano ang ibig sabihin ng pagpapasakop ng asawang babae sa kaniyang asawa?

10 “Ang mga asawang babae ay magpasakop sa kani-kanilang asawang lalaki gaya ng sa Panginoon,” isinulat ni apostol Pablo. (Efe. 5:22) Hindi naman ito paghamak sa mga asawang babae. Bago lalangin ang unang babae, si Eva, sinabi ng Diyos: “Hindi mabuti para sa lalaki na manatiling nag-iisa. Gagawa ako ng isang katulong para sa kaniya, bilang kapupunan niya.” (Gen. 2:18) Ang pagiging “katulong” at “kapupunan”​—ang pagsuporta sa asawang lalaki habang ginagampanan nito ang mga pananagutan sa pamilya​—ay isang marangal na papel.

11. Paano ‘nagpapatibay ng kaniyang sambahayan’ ang ulirang asawang babae?

11 Ang ulirang asawang babae ay nagsisikap para sa kaniyang sambahayan. (Basahin ang Kawikaan 14:1.) Di-gaya ng babaing mangmang na walang respeto sa kaayusan ng pagkaulo, ang babaing marunong ay may matinding paggalang sa kaayusang ito. Sa halip na sumuway at sundin ang sariling kagustuhan gaya ng ginagawa ng marami sa sanlibutan, nagpapasakop siya sa kaniyang asawa. (Efe. 2:2) Ang babaing mangmang ay nagsasalita ng negatibo tungkol sa kaniyang asawa, ngunit ang marunong ay nagsisikap na maging higit na kagalang-galang ang kaniyang asawa sa paningin ng kanilang mga anak at ng ibang tao. Hindi siya nakikipagtalo rito ni naninisi man para hindi malapastangan ang pagkaulo nito. Nariyan din ang tungkol sa pagtitipid. Malamang na lustayin ng babaing mangmang ang perang pinaghirapan ng kanilang pamilya. Hindi ganiyan ang marunong na babae. Nakikipagtulungan siya sa kaniyang asawa sa pagbabadyet ng pera. Matipid siya at maingat sa paggastos. Hindi niya pinupuwersang mag-obertaym ang kaniyang asawa.

12. Ano ang maaaring gawin ng asawang babae para ‘makapanatiling gising’ ang kanilang pamilya?

12 Ang ulirang asawang babae ay tumutulong sa kaniyang asawa sa paglalaan ng espirituwal na edukasyon ng mga anak para ‘makapanatiling gising’ ang pamilya. (Kaw. 1:8) Aktibo siya sa pagsuporta sa Pampamilyang Pagsamba. Sinusuportahan din niya ang kaniyang asawa kapag nagbibigay ito ng payo at disiplina sa kanilang mga anak. Ibang-iba siya sa di-nakikipagtulungang asawang babae, na ang mga anak ay napapabayaan sa pisikal at espirituwal!

13. Bakit mahalagang suportahan ng asawang babae ang kaniyang asawa sa pagiging aktibo nito sa teokratikong mga gawain?

13 Ano ang nadarama ng matulunging asawang babae kapag aktibo sa gawain ng kongregasyon ang asawa niya? Siyempre, natutuwa siya! Ang kaniyang asawa man ay ministeryal na lingkod, elder, o kabilang sa Hospital Liaison Committee o Kingdom Hall Operating Committee, masaya siya sa pribilehiyo nito. Ang aktibong pagsuporta sa kaniyang asawa sa salita at sa gawa ay tiyak na nangangailangan ng pagsasakripisyo. Pero alam niya na ang pagiging abala ng kaniyang asawa sa teokratikong mga gawain ay tumutulong sa buong pamilya na makapanatiling gising sa espirituwal.

14. (a) Kailan maaaring maging mahirap sa asawang babae na suportahan ang kaniyang asawa, at paano niya ito mapagtatagumpayan? (b) Paano nakatutulong ang asawang babae sa kapakanan ng buong pamilya?

14 Maaaring maging mahirap sa ulirang asawang babae na suportahan ang kaniyang asawa kapag hindi siya sang-ayon sa desisyon nito. Gayunman, nagpapakita pa rin siya ng “tahimik at mahinahong espiritu” at nakikipagtulungan sa kaniyang asawa para magtagumpay ang desisyon nito. (1 Ped. 3:4) Sinisikap niyang tularan ang magagandang halimbawa ng makadiyos na mga babaing gaya nina Sara, Ruth, Abigail, at ng ina ni Jesus, si Maria. (1 Ped. 3:5, 6) Tinutularan din niya ang matatandang babae sa ngayon na “mapagpitagan sa paggawi.” (Tito 2:3, 4) Sa pagpapakita ng pag-ibig at paggalang sa kaniyang asawa, malaki ang naitutulong ng ulirang asawang babae sa pagsasama nilang mag-asawa at sa kapakanan ng buong pamilya. Ang kanilang tahanan ay isang dakong maginhawa at ligtas. Para sa isang lalaking espirituwal, napakahalaga ng matulunging asawa!​—Kaw. 18:22.

Mga Kabataan​—‘Ituon ang Mata sa mga Bagay na Di-nakikita’

15. Paano makatutulong ang mga kabataan sa kanilang mga magulang para ‘makapanatiling gising’ ang pamilya?

15 Mga kabataan, paano kayo makatutulong sa inyong mga magulang para ‘makapanatiling gising’ sa espirituwal ang inyong pamilya? Pag-isipan ang gantimpalang iniaalok sa inyo ni Jehova. Marahil mula pa sa pagkabata, ipinakikita na sa inyo ng inyong mga magulang ang mga larawan ng buhay sa Paraiso. Habang lumalaki kayo, malamang na ginamit nila ang Bibliya at mga salig-Bibliyang publikasyon para mailarawan ninyo sa isip ang buhay na walang hanggan sa bagong sanlibutan. Kung itutuon ninyo ang inyong mata sa paglilingkod kay Jehova at ipaplano ang inyong buhay kaayon nito, tutulong ito sa inyo na ‘makapanatiling gising.’

16, 17. Ano ang maaaring gawin ng mga kabataan para magtagumpay sa takbuhan ng buhay?

16 Isapuso ang sinabi ni apostol Pablo sa 1 Corinto 9:24. (Basahin.) Takbuhin ang takbuhan ng buhay sa layuning magtagumpay. Piliin ang daang aakay sa gantimpalang buhay na walang hanggan. Hinayaan ng marami na maibaling ang kanilang mata sa materyal na mga bagay sa halip na manatiling nakapokus sa gantimpala. Napakalaking pagkakamali niyan! Ang pagpapayaman ay hindi aakay sa tunay na kaligayahan. Pansamantala lang ang mga bagay na nabibili ng pera. Kaya ituon ninyo ang inyong mata sa “mga bagay na di-nakikita.” Bakit? Dahil “ang mga bagay na di-nakikita ay walang hanggan.”​—2 Cor. 4:18.

17 Kasama sa “mga bagay na di-nakikita” ang mga pagpapala ng Kaharian. Mamuhay na ang tunguhin ay ang makamit ang mga iyon. Ang paglilingkod kay Jehova ay nagdudulot ng tunay na kaligayahan. Naglalaan ito ng mga oportunidad para maabot ang simpleng mga tunguhin at pangmatagalang mga tunguhin. * Ang pagtatakda ng makatotohanang mga tunguhin ay tutulong sa inyo na makapanatiling nakapokus sa paglilingkod sa Diyos taglay ang pag-asang matamo ang gantimpalang buhay na walang hanggan.​—1 Juan 2:17.

18, 19. Paano matitiyak ng isang kabataan na dinidibdib niya ang katotohanan?

18 Dibdibin ang katotohanan​—ito ang unang hakbang patungo sa buhay. Mga kabataan, nagawa na ba ninyo iyan? Itanong sa sarili: ‘Isa ba akong taong espirituwal, o nakikibahagi ako sa espirituwal na mga gawain dahil lang sa mga magulang ko? Pinasusulong ko ba ang mga katangiang nakalulugod sa Diyos? Sinisikap ko bang regular na makibahagi sa mga gawaing may kaugnayan sa tunay na pagsamba, gaya ng regular na pananalangin, pag-aaral, pagdalo sa mga pulong, at paglilingkod sa larangan? Sinisikap ko rin bang mapalalim ang aking personal na kaugnayan sa Diyos para maging mas malapít sa kaniya?’​—Sant. 4:8.

19 Bulay-bulayin ang halimbawa ni Moises. Bagaman lumaki sa kulturang banyaga, pinili niyang makilala bilang mananamba ni Jehova sa halip na bilang anak ng anak na babae ni Paraon. (Basahin ang Hebreo 11:24-27.) Mga kabataang Kristiyano, dapat din kayong maging determinadong maglingkod kay Jehova nang may katapatan. Kung gagawin ninyo iyan, matatamo ninyo ang tunay na kaligayahan, ang pinakamagandang buhay na posible sa ngayon, at ang pag-asang ‘makapanghawakang mahigpit sa tunay na buhay.’​—1 Tim. 6:19.

20. Sa takbuhan para sa buhay, sino ang tatanggap ng gantimpala?

20 Sa mga palaro noong sinaunang panahon, isang mananakbo lang ang nananalo. Hindi ganiyan ang takbuhan para sa buhay. Kalooban ng Diyos na “ang lahat ng uri ng mga tao ay maligtas at sumapit sa tumpak na kaalaman sa katotohanan.” (1 Tim. 2:3, 4) Marami na ang nagtagumpay, at marami pa ang tumatakbong kasabay ninyo. (Heb. 12:1, 2) Ang lahat ng hindi susuko ay tatanggap ng gantimpala. Kaya maging determinadong manalo!

21. Ano ang tatalakayin sa susunod na artikulo?

21 Tiyak na ‘darating ang dakila at kakila-kilabot na araw ni Jehova.’ (Mal. 4:5) Hindi dapat madatnang walang kamalay-malay ang mga pamilyang Kristiyano. Mahalagang gampanan ng bawat miyembro ng pamilya ang kani-kaniyang bigay-Diyos na pananagutan. Ano pa ang maaari ninyong gawin para makapanatiling gising at mapatibay ang inyong kaugnayan sa Diyos? Tatalakayin sa susunod na artikulo ang tatlong paraan na makatutulong sa espirituwalidad ng buong pamilya.

[Talababa]

^ par. 17 Tingnan ang Bantayan, Nobyembre 15, 2010, pahina 12-16; Hulyo 15, 2004, pahina 21-23.

Ano ang Natutuhan Mo?

• Bakit dapat ‘manatiling gising’ ang mga pamilyang Kristiyano?

• Paano matutularan ng asawang lalaki ang Mabuting Pastol?

• Ano ang maaaring gawin ng ulirang asawang babae para masuportahan ang kaniyang asawa?

• Paano makatutulong ang mga kabataan para makapanatiling gising sa espirituwal ang kanilang pamilya?

[Mga Tanong sa Aralin]

[Larawan sa pahina 9]

Para sa isang lalaking espirituwal, napakahalaga ng matulunging asawa