Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

‘O ang Lalim ng Karunungan ng Diyos!’

‘O ang Lalim ng Karunungan ng Diyos!’

‘O ang Lalim ng Karunungan ng Diyos!’

“O ang lalim ng kayamanan at karunungan at kaalaman ng Diyos! Totoong di-masaliksik ang kaniyang mga hatol at di-matalunton ang kaniyang mga daan!”​—ROMA 11:33.

1. Para sa mga bautisadong Kristiyano, ano ang maituturing na pinakamalaking pribilehiyo?

ANO ang pinakamalaking pribilehiyong ipinagkaloob sa iyo? Baka ang una mong maisip ay isang atas na natanggap mo o isang karangalang iginawad sa iyo. Pero sa mga bautisadong Kristiyano, ang pinakamalaking pribilehiyo ay ang pahintulutang magkaroon ng malapít na kaugnayan sa tanging tunay na Diyos, si Jehova. Bilang resulta, ‘nakilala niya’ tayo.​—1 Cor. 8:3; Gal. 4:9.

2. Bakit isang napakalaking pribilehiyo na makilala natin si Jehova at makilala niya tayo?

2 Bakit isang napakalaking pribilehiyo na makilala natin si Jehova at makilala niya tayo? Dahil bukod sa siya ang pinakadakilang Persona sa buong uniberso, siya rin ang Tagapagsanggalang ng mga taong iniibig niya. Kinasihan si propeta Nahum na isulat: “Si Jehova ay mabuti, isang moog sa araw ng kabagabagan. At nakikilala niya yaong mga nanganganlong sa kaniya.” (Na. 1:7; Awit 1:6) Sa katunayan, ang pag-asa nating mabuhay magpakailanman ay nakadepende sa pagkakilala natin sa tunay na Diyos at sa kaniyang Anak, si Jesu-Kristo.​—Juan 17:3.

3. Ano ang kailangan para masabing kilala natin ang Diyos?

3 Hindi dahil alam natin ang pangalan ng Diyos ay masasabi nang kilala natin siya. Dapat na makilala natin siya bilang Kaibigan, anupat alam ang kaniyang gusto at di-gusto. Ang pamumuhay kaayon ng kaalamang ito ay mahalaga rin para maipakitang kilalang-kilala natin ang Diyos. (1 Juan 2:4) Pero may isa pang kailangan kung talagang gusto nating makilala si Jehova. Kailangan nating malaman hindi lang kung ano ang ginawa niya kundi gayundin kung paano at kung bakit niya iyon ginawa. Miyentras nauunawaan natin ang mga layunin ni Jehova, lalo tayong namamangha sa ‘lalim ng karunungan ng Diyos.’​—Roma 11:33.

Isang Diyos na May Layunin

4, 5. (a) Ayon sa pagkakagamit sa Bibliya, saan tumutukoy ang salitang “layunin”? (b) Ilarawan kung paanong hindi lang sa isang paraan maaaring tuparin ang isang layunin.

4 Si Jehova ay isang Diyos na may layunin, at binabanggit ng Bibliya ang kaniyang “walang-hanggang layunin.” (Efe. 3:10, 11) Ano ba talaga ang kahulugan ng pananalitang iyan? Ayon sa pagkakagamit sa Bibliya, ang salitang “layunin” ay tumutukoy sa isang espesipikong tunguhin na hindi lang sa isang paraan maaaring tuparin.

5 Bilang ilustrasyon: Iniisip ng isang tao na pumunta sa isang espesipikong lugar. Kung gayon, ang kaniyang tunguhin, o layunin, ay ang makarating sa lugar na iyon. Maaari siyang pumili kung anong sasakyan ang gagamitin niya at kung saan siya daraan. Habang naglalakbay sa napiling ruta, nakita niyang masama pala ang lagay ng panahon doon, matrapik, at sarado ang ilang kalye, anupat kailangan niyang magbago ng ruta. Pero anumang pagbabago ang kinailangan niyang gawin, natupad pa rin ang kaniyang tunguhin nang makarating siya sa kaniyang destinasyon.

6. Paano ipinakita ni Jehova na gumagawa siya ng pagbabago para matupad ang kaniyang layunin?

6 Gumagawa rin si Jehova ng mga pagbabago para matupad ang kaniyang walang-hanggang layunin. Dahil isinasaalang-alang niya ang kalayaang magpasiya ng kaniyang matatalinong nilalang, handa niyang baguhin ang paraan ng pagtupad sa kaniyang layunin. Halimbawa, tingnan natin kung paano tinupad ni Jehova ang kaniyang layunin may kinalaman sa ipinangakong Binhi. Sinabi noon ni Jehova sa unang mag-asawa: “Magpalaanakin kayo at magpakarami at punuin ninyo ang lupa at supilin iyon.” (Gen. 1:28) Nahadlangan ba ang layuning iyan dahil sa pagrerebeldeng naganap sa hardin ng Eden? Aba, hindi! Agad na kumilos si Jehova ayon sa bagong sitwasyon, anupat nagbago ng “ruta” para matupad ang kaniyang layunin. Inihula niya ang pagdating ng “binhi” na mag-aalis ng pinsalang idinulot ng mga rebelde.​—Gen. 3:15; Heb. 2:14-17; 1 Juan 3:8.

7. Ano ang matututuhan natin sa paglalarawan ni Jehova sa kaniyang sarili sa Exodo 3:14?

7 Ang kakayahan ni Jehova na makibagay sa mga bagong kalagayan habang tinutupad ang kaniyang layunin ay kaayon ng paglalarawan niya sa kaniyang sarili. Nang banggitin ni Moises kay Jehova ang mga posibleng hadlang sa atas na ibinigay sa kaniya, tiniyak sa kaniya ni Jehova: “‘Ako ay magiging gayon sa anumang ako ay magiging gayon.’ At isinusog niya: ‘Ito ang sasabihin mo sa mga anak ni Israel, “Isinugo ako sa inyo ni ako ay magiging gayon.”’” (Ex. 3:14) Oo, may kakayahan si Jehova na gampanan ang anumang papel na kailangan para lubusang matupad ang kaniyang layunin! Napakaganda ng pagkakalarawan dito ni apostol Pablo sa kabanata 11 ng Roma. Tungkol ito sa isang makasagisag na punong olibo. Kung susuriin natin ang ilustrasyong iyon, lalo nating pahahalagahan ang lalim ng karunungan ni Jehova, ang pag-asa man natin ay sa langit o mabuhay nang walang hanggan sa lupa.

Ang Layunin ni Jehova May Kinalaman sa Inihulang Binhi

8, 9. (a) Anong apat na mahahalagang katotohanan ang tutulong sa atin na maunawaan ang ilustrasyon tungkol sa punong olibo? (b) Anong tanong ang isasaalang-alang natin? Ano ang isinisiwalat nito tungkol kay Jehova?

8 Bago natin maunawaan ang ilustrasyon tungkol sa punong olibo, kailangan muna nating malaman ang apat na katotohanan hinggil sa pagsasakatuparan ng layunin ni Jehova may kaugnayan sa inihulang binhi. Una, ipinangako ni Jehova kay Abraham na “tiyak na pagpapalain ng lahat ng bansa sa lupa ang kanilang sarili” sa pamamagitan ng kaniyang binhi, o mga inapo. (Gen. 22:17, 18) Ikalawa, inialok sa bansang Israel na nagmula kay Abraham ang pribilehiyong pagmulan ng “isang kaharian ng mga saserdote.” (Ex. 19:5, 6) Ikatlo, nang tanggihan ng karamihan sa likas na mga Israelita ang Mesiyas, gumawa si Jehova ng ibang mga hakbang para magkaroon ng “isang kaharian ng mga saserdote.” (Mat. 21:43; Roma 9:27-29) Pinakahuli, bagaman si Jesus ang pangunahing bahagi ng binhi ni Abraham, ang iba ay binigyan din ng pribilehiyong maging bahagi ng binhing iyon.​—Gal. 3:16, 29.

9 Salig sa apat na mahahalagang katotohanang ito, natutuhan natin sa aklat ng Apocalipsis na 144,000 indibiduwal ang mamamahalang kasama ni Jesus bilang mga hari at saserdote sa langit. (Apoc. 14:1-4) Tinutukoy rin ang mga ito bilang “mga anak ni Israel.” (Apoc. 7:4-8) Pero ang 144,000 bang iyon ay puro likas na Israelita, o mga Judio? Isinisiwalat ng sagot sa tanong na iyan na gumagawa si Jehova ng pagbabago upang matupad ang kaniyang layunin. Tingnan natin kung paano makatutulong ang liham ni apostol Pablo sa mga taga-Roma para masagot iyan.

“Isang Kaharian ng mga Saserdote”

10. Anong pribilehiyo ang sa bansang Israel lang ibinigay?

10 Gaya ng nabanggit na, ang bansang Israel lang ang may pribilehiyong pagmulan ng mga miyembrong bubuo sa ‘isang kaharian ng mga saserdote at isang banal na bansa.’ (Basahin ang Roma 9:4, 5.) Pero ano ang mangyayari pagdating ng ipinangakong Binhi? Mailalaan ba ng likas na bansang Israel ang hustong bilang na 144,000 espirituwal na Israelita na magiging pangalawahing bahagi ng binhi ni Abraham?

11, 12. (a) Kailan nagsimula ang pagpili sa mga bubuo ng makalangit na Kaharian, at ano ang reaksiyon ng karamihan sa mga Judio noon? (b) Paano kinumpleto ni Jehova ang “hustong bilang” ng mga magiging binhi ni Abraham?

11 Basahin ang Roma 11:7-10. Bilang isang bansa, tinanggihan ng unang-siglong mga Judio si Jesus. Kaya naman hindi na sila ang tanging pagmumulan ng binhi ni Abraham. Gayunman, nang simulang piliin ang mga bubuo sa makalangit na “kaharian ng mga saserdote” noong Pentecostes 33 C.E., tinanggap ng ilang matuwid-pusong mga Judio ang paanyaya. Palibhasa’y iilang libo lang, para silang isang “nalabi” kumpara sa buong bansang Judio.​—Roma 11:5.

12 Kung gayon, paano kukumpletuhin ni Jehova ang “hustong bilang” ng magiging binhi ni Abraham? (Roma 11:12, 25) Pansinin ang sagot ni apostol Pablo: “Hindi naman sa para bang nabigo ang salita ng Diyos. Sapagkat hindi lahat ng nagmumula sa [likas na] Israel ay talagang ‘Israel.’ Hindi rin naman dahil binhi sila [supling] ni Abraham ay mga anak na silang lahat [bahagi ng binhi ni Abraham] . . . Samakatuwid nga, ang mga anak sa laman ay hindi talaga mga anak ng Diyos, kundi ang mga anak sa pamamagitan ng pangako ang ibinibilang na binhi.” (Roma 9:6-8) Kaya naman hindi na kahilingan ni Jehova na maging likas na inapo ni Abraham ang isa para maging bahagi ng binhi.

Ang Makasagisag na Punong Olibo

13. Sa ano kumakatawan (a) ang punong olibo, (b) ang mga ugat nito, (c) ang pinakakatawan nito, at (d) ang mga sanga nito?

13 Ikinumpara ni Pablo sa mga sanga ng makasagisag na punong olibo ang mga magiging bahagi ng binhi ni Abraham. * (Roma 11:21) Ang alagang punong olibong ito ay kumakatawan sa katuparan ng layunin ng Diyos may kinalaman sa tipang Abrahamiko. Ang ugat ng puno ay banal at kumakatawan kay Jehova bilang ang isa na nagbigay-buhay sa espirituwal na Israel. (Isa. 10:20; Roma 11:16) Ang pinakakatawan nito ay lumalarawan kay Jesus bilang pangunahing bahagi ng binhi ni Abraham. Ang mga sanga naman ay kumakatawan sa “hustong bilang” ng mga kasama sa pangalawahing bahagi ng binhi ni Abraham.

14, 15. Sino ang “pinutol” mula sa alagang punong olibo, at sino naman ang inihugpong dito?

14 Sa ilustrasyon tungkol sa punong olibo, ang likas na mga Judio na nagtakwil kay Jesus ay inihalintulad sa “pinutol” na mga sanga nito. (Roma 11:17) Sa gayon, naiwala nila ang oportunidad na maging bahagi ng binhi ni Abraham. Pero sino ang papalit sa kanila? Sa pananaw ng likas na mga Judiong nagmamapuri na mga inapo sila ni Abraham, walang puwedeng pumalit sa kanila. Ngunit patiuna nang sinabi sa kanila ni Juan na Tagapagbautismo na kung gugustuhin ni Jehova, maaari siyang magbangon ng mga anak kay Abraham kahit mula sa mga bato.​—Luc. 3:8.

15 Kaya ano ang ginawa ni Jehova para matupad ang kaniyang layunin? Ipinaliwanag ni Pablo na ang mga sanga mula sa ligáw na punong olibo ay inihugpong sa alagang punong olibo bilang kapalit ng pinutol na mga sanga. (Basahin ang Roma 11:17, 18.) Sa gayon, ang pinahiran-ng-espiritung mga Kristiyano mula sa mga bansa, gaya ng ilan sa kongregasyon sa Roma, ay inihugpong, wika nga, sa makasagisag na punong olibo, anupat naging bahagi sila ng binhi ni Abraham. Noong una, tulad sila ng mga sanga ng ligáw na punong olibo na walang anumang oportunidad na maging bahagi ng pantanging tipang iyon. Pero binuksan ni Jehova ang daan para sila’y maging espirituwal na mga Judio.​—Roma 2:28, 29.

16. Paano ipinaliwanag ni apostol Pedro ang pagbuo sa bagong espirituwal na bansa?

16 Ipinaliwanag ni apostol Pedro ang sitwasyon sa ganitong paraan: “Samakatuwid, sa inyo [espirituwal na mga Israelita, kasama na ang mga Kristiyanong Gentil] ay mahalaga siya [Jesu-Kristo], sapagkat kayo ay mga mananampalataya; ngunit sa mga hindi nananampalataya, ‘ang mismong bato na itinakwil ng mga tagapagtayo ang naging ulo ng panulukan,’ at ‘isang batong katitisuran at isang batong-limpak na pambuwal.’ . . . Ngunit kayo ay ‘isang piniling lahi, isang maharlikang pagkasaserdote, isang banal na bansa, isang bayang ukol sa pantanging pag-aari, upang ipahayag ninyo nang malawakan ang mga kagalingan’ ng isa na tumawag sa inyo mula sa kadiliman tungo sa kaniyang kamangha-manghang liwanag. Sapagkat dati ay hindi kayo bayan, ngunit ngayon ay bayan na ng Diyos; kayo yaong mga hindi pinagpakitaan ng awa, ngunit ngayon ay yaong mga pinagpakitaan na ng awa.”​—1 Ped. 2:7-10.

17. Bakit “salungat sa kalikasan” ang ginawa ni Jehova?

17 Ikagugulat ng marami ang ginawa ni Jehova. Sinabi ni Pablo na ito’y “salungat sa kalikasan.” (Roma 11:24) Bakit kaya? Buweno, hindi pangkaraniwan, ni hindi nga natural, na ihugpong ang ligáw na sanga sa isang alagang puno; pero ginagawa ito ng ilang magsasaka noong unang siglo. * Sa katulad na paraan, hindi rin pangkaraniwan ang ginawa ni Jehova. Sa pananaw ng mga Judio, hindi makapagluluwal ng kaayaayang bunga ang mga Gentil. Subalit ginawa sila ni Jehova na bahagi ng “isang bansang” nagluluwal ng mga bunga ng Kaharian. (Mat. 21:43) Mula nang pahiran si Cornelio​—ang unang di-tuling Gentil na nakumberte​—noong 36 C.E., nabuksan sa di-tuling mga Judio ang oportunidad na maihugpong sa makasagisag na punong olibo.​—Gawa 10:44-48. *

18. Ano ang oportunidad ng likas na mga Judio pagkaraan ng 36 C.E.?

18 Nangangahulugan ba ito na pagkaraan ng 36 C.E., wala nang oportunidad ang likas na mga Judio na maging bahagi ng binhi ni Abraham? Hindi naman. Sinabi ni Pablo: “Sila [likas na mga Judio] rin, kung hindi sila mananatili sa kanilang kawalan ng pananampalataya, ay ihuhugpong; sapagkat maihuhugpong silang muli ng Diyos. Sapagkat kung ikaw ay pinutol mula sa punong olibo na likas na ligáw at inihugpong sa alagang punong olibo nang salungat sa kalikasan, lalo pa ngang ang mga ito na likas ay ihuhugpong sa kanilang sariling punong olibo!” *​—Roma 11:23, 24.

“Maliligtas ang Buong Israel”

19, 20. Ano ang isinasakatuparan ni Jehova gaya ng inilalarawan ng makasagisag na punong olibo?

19 Oo, natutupad sa kamangha-manghang paraan ang layunin ni Jehova hinggil sa “Israel ng Diyos.” (Gal. 6:16) Ang sabi nga ni Pablo, “maliligtas ang buong Israel.” (Roma 11:26) Sa takdang panahon ni Jehova, “ang buong Israel”​—samakatuwid nga, ang kumpletong bilang ng espirituwal na mga Israelita​—ay maglilingkod bilang mga hari at saserdote sa langit. Walang makahahadlang sa layunin ni Jehova!

20 Gaya ng inihula, ang binhi ni Abraham​—si Jesu-Kristo kasama ang 144,000​—ay magdudulot ng mga pagpapala sa “mga tao ng mga bansa.” (Roma 11:12; Gen. 22:18) Sa ganitong paraan, ang buong bayan ng Diyos ay makikinabang sa kaayusang ito. Oo, habang binubulay-bulay natin ang katuparan ng walang-hanggang layunin ni Jehova, talagang napapahanga tayo sa “lalim ng kayamanan at karunungan at kaalaman ng Diyos.”​—Roma 11:33.

[Mga talababa]

^ par. 13 Hindi ginamit ni Pablo ang punong olibo bilang larawan ng bansang Israel. Bagaman may mga naging hari at saserdote sa likas na Israel, ang bansa ay hindi naging kaharian ng mga saserdote. Hindi pinahihintulutan ng kautusan na maging mga saserdote ang mga hari sa Israel. Kaya hindi puwedeng lumarawan sa bansang ito ang punong olibo. Ginamit ni Pablo ang ilustrasyong iyon para ipakita kung paano natutupad ang layunin ng Diyos na bumuo ng “isang kaharian ng mga saserdote” may kaugnayan sa espirituwal na Israel. Ito’y rebisyon sa inilathala sa Watchtower, Agosto 15, 1983, pahina 14-19.

^ par. 17 Nangyari ito sa pagtatapos ng tatlo at kalahating taon kung saan may oportunidad ang likas na mga Judio na maging bahagi ng bagong espirituwal na bansa. Tinukoy ito sa hula hinggil sa 70 sanlinggo ng mga taon.​—Dan. 9:27.

^ par. 18 Ang unlaping Griego na isinaling ‘alaga’ sa Roma 11:24 ay mula sa salita na nangangahulugang “mabuti, mahusay” o “angkop na angkop sa layunin nito.” Partikular itong ginagamit para sa mga bagay na nakatutugon sa layunin kung bakit iyon ginawa.

Natatandaan Mo Ba?

• Ano ang matututuhan natin sa paraan ni Jehova ng pagtupad sa kaniyang layunin?

• Sa Roma kabanata 11, sa ano kumakatawan . . .

ang punong olibo?

ang ugat nito?

ang pinakakatawan nito?

ang mga sanga nito?

• Bakit “salungat sa kalikasan” ang proseso ng paghuhugpong?

[Mga Tanong sa Aralin]

[Kahon/Larawan sa pahina 24]

 Bakit Inihuhugpong ang mga Sanga ng Ligáw na Olibo?

▪ Si Lucius Junius Moderatus Columella ay isang Romanong kawal at magsasaka na nabuhay noong unang siglo C.E. Nakilala siya dahil sa isinulat niyang 12 aklat tungkol sa pagsasaka at buhay sa kabukiran.

Sa kaniyang ikalimang aklat, binanggit niya ang sinaunang kawikaang ito: “Siya na nagbubungkal sa taniman ng olibo ay humihingi ng bunga; siya na naglalagay ng pataba ay nakikiusap dito na mamunga; siya na tumatabas dito ay pumupuwersa rito na mamunga.”

Matapos ilarawan ang mga punong mayabong pero hindi naman namumunga, ganito ang inirekomenda niya: “Makabubuting butasan ito gamit ang barena at isiksik sa butas ang sangang pinutol mula sa ligáw na punong olibo; ang resulta, mamumunga ito nang sagana yamang nalahian ng mabungang supang.”

[Larawan sa pahina 23]

Naiintindihan mo ba ang ilustrasyon tungkol sa makasagisag na punong olibo?