‘Dalhin Mo ang mga Balumbon, Lalo Na ang mga Pergamino’
‘Dalhin Mo ang mga Balumbon, Lalo Na ang mga Pergamino’
INIUTOS iyan ni apostol Pablo sa kaniyang kapuwa misyonerong si Timoteo. Anong klaseng mga balumbon at pergamino ang tinutukoy ni Pablo? Bakit niya ipinakukuha ang mga ito? At ano ang matututuhan natin sa kahilingang ito?
Noong kalagitnaan ng unang siglo C.E., nang isulat ni Pablo ang mga salitang ito, ang 39 na aklat ng Hebreong Kasulatan ay nahati na sa 22 o 24 na aklat, na karamihan ay malamang na nasa magkakahiwalay na balumbon. Sinabi ni Propesor Alan Millard na ang mga balumbong ito, bagaman napakamahal, ay “abot-kaya pa rin ng mga taong nakaririwasa.” Ang ilan ay nakabibili ng kahit isang balumbon. Halimbawa, ang bating na Etiope ay may isang balumbon noon sa kaniyang karo at “binabasa [niya] nang malakas ang propetang si Isaias.” Siya’y ‘may kapangyarihan sa ilalim ni Candace na reyna ng mga Etiope at namamahala sa lahat ng kayamanan nito.’ Tiyak na mayaman siya kaya may sarili siyang kopya ng ilang bahagi ng Kasulatan.—Gawa 8:27, 28.
Hiniling ni Pablo kay Timoteo: “Pagparito mo, dalhin mo ang balabal na iniwan ko sa Troas kay Carpo, at ang mga balumbon, lalo na ang mga pergamino.” (2 Tim. 4:13) Ipinahihiwatig nito na maraming aklat si Pablo. Sa lahat ng aklat niya, tiyak na ang Salita ng Diyos ang pinakamahalaga sa kaniya. Hinggil sa “mga pergamino” sa talatang ito, sinabi ng iskolar ng Bibliya na si A. T. Robertson: “Malamang na ito ay mga kopya ng mga aklat ng Matandang Tipan, yamang mas mahal [at mas matibay] ang pergamino kaysa sa papiro.” Mula sa pagkabata, si Pablo ay “nag-aral . . . sa paanan ni Gamaliel,” isang iginagalang na guro ng Kautusang Mosaiko. Kaya makatuwiran lang na magkaroon si Pablo ng personal na kopya ng mga balumbon ng Salita ng Diyos.—Gawa 5:34; 22:3.
Kung Paano Ginamit ng mga Kristiyano ang mga Balumbon
Magkagayunman, iilan lamang noon ang may sariling mga balumbon ng Banal na Kasulatan. Kaya paano mababasa ng karamihan sa mga Kristiyano ang Salita ng Diyos? Ang sagot ay ipinahihiwatig sa unang liham ni Pablo kay Timoteo: “Habang ako ay papariyan, magsikap ka sa pangmadlang pagbabasa.” (1 Tim. 4:13) Ang pangmadlang pagbabasa ay bahagi ng pagpupulong ng mga kongregasyong Kristiyano noon, isang tradisyong sinusunod ng mga lingkod ng Diyos mula pa noong panahon ni Moises.—Gawa 13:15; 15:21; 2 Cor. 3:15.
Bilang isang matanda, kinailangan ni Timoteo na “magsikap” sa pagbabasa nang malakas para makinabang ang mga walang sariling kopya ng Kasulatan. Tiyak na matamang nakikinig ang lahat habang binabasa ang Salita ng Diyos, at pag-uwi ng bahay, malamang na pinag-
uusapan ng mga pamilya ang binasa sa pulong.Mahahaba ang mga balumbon. Halimbawa, ang tanyag na Dead Sea Scroll of Isaiah ay halos 7.3 metro ang haba. Ang mga balumbon ay mayroon ding hawakang kahoy sa magkabilang dulo, at kadalasan nang binabalot ng tela o inilalagay sa banga bilang proteksiyon. Kaya ang mga balumbon ay mabigat. Malamang na hindi kaya ng karamihan sa mga Kristiyano na magdala ng marami nito sa kanilang pangangaral. Bagaman si Pablo ay may sariling kopya ng ilang balumbon ng Kasulatan, malamang na hindi niya ito kayang dalhing lahat sa kaniyang paglalakbay. Lumilitaw na iniwan niya ang ilan nito sa Troas, sa kaibigan niyang si Carpo.
Ano ang Matututuhan Natin kay Pablo?
Bago sabihin ang kahilingan niya, si Pablo, na nakabilanggo sa Roma sa ikalawang pagkakataon, ay sumulat: “Naipaglaban ko na ang mainam na pakikipaglaban, natakbo ko na ang takbuhin hanggang sa katapusan . . . Mula ngayon ay nakalaan para sa akin ang korona ng katuwiran.” (2 Tim. 4:7, 8) Malamang na isinulat niya ito noong mga 65 C.E. sa panahon ng pag-uusig ni Nero. Mas mahigpit na ngayon ang pagbibilanggo. Sa katunayan, nakikini-kinita na niyang papatayin siya. (2 Tim. 1:16; 4:6) Kaya naman gustung-gusto ni Pablo na madala sa kaniya ang mga balumbon. Bagaman nakatitiyak na naipaglaban na niya ang mainam na pakikipaglaban hanggang sa katapusan, hangad pa rin niyang mapalakas ang sarili sa pamamagitan ng pag-aaral ng Salita ng Diyos.
Malamang na nasa Efeso pa rin si Timoteo nang matanggap niya ang kahilingan ni Pablo. (1 Tim. 1:3) Mula sa Efeso, ang Roma ay mga 1,600 kilometro kung daraan sa Troas. Sa liham ding iyon, nakiusap si Pablo kay Timoteo: “Gawin mo ang iyong buong makakaya na makarating bago ang taglamig.” (2 Tim. 4:21) Hindi iniulat sa Bibliya kung may nasakyang barko si Timoteo para makarating sa Roma sa panahong binanggit ni Pablo.
Ano ang matututuhan natin sa kahilingan ni Pablo na dalhin sa kaniya “ang mga balumbon, lalo na ang mga pergamino”? Nasasabik pa rin siya sa Salita ng Diyos kahit sa pinakamahirap na yugtong ito ng kaniyang buhay. Maliwanag na ito ang dahilan kung bakit lagi siyang masigla at aktibo sa paglilingkod sa Diyos at nakapagpapatibay sa marami.
Sa ngayon, pinagpala tayo kung may sarili tayong kopya ng kumpletong Bibliya! Ang iba nga ay may ilang kopya at iba’t ibang edisyon. Gaya ni Pablo, dapat din nating linangin ang pananabik na magkaroon ng mas malalim na kaunawaan sa Kasulatan. Sa 14 na kinasihang liham ni Pablo, ang ikalawang liham kay Timoteo ang pinakahuling isinulat. Makikita sa huling bahagi nito ang kaniyang personal na kahilingan. Sa katunayan, ang pakiusap ni Pablo kay Timoteo na ‘dalhin ang mga balumbon, lalo na ang mga pergamino,’ ang isa sa pinakahuling kahilingan niya na nakaulat.
Hinahangad mo rin bang ipaglaban ang mainam na pakikipaglaban ng pananampalataya hanggang sa katapusan, gaya ni Pablo? Gusto mo bang makapanatiling aktibo sa espirituwal at handa sa pakikibahagi sa gawaing pagpapatotoo hangga’t ipinahihintulot ni Jehova? Kung gayon, sundin ang payo ni Pablo sa mga Kristiyano. “Laging bigyang-pansin ang iyong sarili at ang iyong turo” sa pamamagitan ng masigasig at palagiang pag-aaral ng Bibliya, na makukuha na ngayon ng mas maraming tao at mas kumbinyente nang gamitin kaysa sa mga balumbon.—1 Tim. 4:16.
[Mapa/Mga Larawan sa pahina 18, 19]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
Efeso
Troas
Roma