Ang Pinasimpleng Ingles na Edisyon
Ang Pinasimpleng Ingles na Edisyon
NATUTUWA kaming ipatalastas na simula sa isyung ito ng edisyon para sa pag-aaral ng Bantayan, maglalabas kami ng pinasimpleng Ingles na edisyon sa loob ng isang taon. Ipadadala ito sa mga kongregasyon kasabay ng regular na edisyon. Mayroon itong mga araling artikulo, at ilang pangalawahing artikulo, kung may espasyo pa. Naniniwala kami na masasapatan nito ang mahalagang espirituwal na pangangailangan ng maraming Saksi ni Jehova. Bakit?
Ingles ang karaniwang sinasalita ng ating mga kapatid sa mga bansang gaya ng Fiji, Ghana, Kenya, Liberia, Nigeria, Papua New Guinea, at Solomon Islands. Bagaman ang mga kapatid natin sa mga bansang ito ay nagsasalita rin ng ibang lokal, o katutubong wika, kadalasan nang Ingles ang ginagamit nila sa mga pulong at sa pangangaral. Pero ang Ingles na ginagamit nila ay mas simple kaysa sa ginagamit sa ating mga publikasyon. Mayroon ding ibang lingkod ni Jehova na lumipat sa ibang bansa kung saan kailangan silang gumamit ng Ingles kahit na limitado lang ang alam nila sa wikang ito. Isa pa, baka walang pulong na idinaraos sa kanilang sariling wika.
Ang mga artikulong tinatalakay natin linggu-linggo sa Pag-aaral sa Bantayan ang pangunahing paraan para matustusan tayo ng espirituwal na pagkain sa tamang panahon. Kaya para lubusang makinabang sa materyal na ito ang lahat ng dadalo, ang pinasimpleng Ingles na edisyon ay gagamit ng simpleng pananalita at pangungusap. May naiibang pabalat ang bagong edisyong ito. Ang bilang ng mga parapo sa mga araling artikulo ay kapareho ng sa regular na edisyon. Mayroon din itong mga tanong, larawan, at tanong sa repaso. Kaya lahat ay maaaring sumubaybay at makibahagi sa Pag-aaral sa Bantayan anumang edisyon ang hawak nila. Para makita ang pagkakaiba ng mga salitang ginamit sa dalawang edisyon, tingnan ang halimbawa sa ibaba na kinuha sa parapo 2 ng unang araling artikulo sa isyung ito.
Umaasa kami na ang bagong paglalaang ito ang sagot sa panalangin ng marami na nagsabi kay Jehova: “Ipaunawa mo sa akin, upang matutuhan ko ang iyong mga utos.” (Awit 119:73) Naniniwala kami na mas makapaghahandang mabuti sa Pag-aaral sa Bantayan bawat linggo ang mga may limitadong kaalaman sa Ingles, pati na ang mga batang nagsasalita ng Ingles. Mahal ni Jehova ang “buong samahan ng mga kapatid,” at nagpapasalamat tayo na ginagamit niya ang “tapat at maingat na alipin” para maglaan ng saganang espirituwal na pagkain.—1 Ped. 2:17; Mat. 24:45.
Lupong Tagapamahala ng mga Saksi ni Jehova