Ano ang Kapahingahan ng Diyos?
Ano ang Kapahingahan ng Diyos?
“May nananatili pang sabbath na pagpapahinga para sa bayan ng Diyos.”—HEB. 4:9.
1, 2. Ano ang matututuhan natin mula sa Genesis 2:3, at anong mga tanong ang bumabangon?
SINASABI sa unang kabanata ng Genesis na sa loob ng anim na makasagisag na araw, inihanda ng Diyos ang lupa para panirahan ng tao. Sa dulo ng bawat “araw” na ito, sinabi ng Bibliya: “Nagkaroon ng gabi at nagkaroon ng umaga.” (Gen. 1:5, 8, 13, 19, 23, 31) Pero ganito ang sinabi hinggil sa ikapitong araw: “Pinasimulang pagpalain ng Diyos ang ikapitong araw at ginawa itong sagrado, sapagkat noon ay nagpapahinga na siya mula sa lahat ng kaniyang gawa na nilalang ng Diyos.”—Gen. 2:3.
2 Pansinin ang anyo ng pandiwa na “nagpapahinga.” Ipinahihiwatig nito na ang ikapitong araw—ang “araw” ng kapahingahan ng Diyos—ay nagpapatuloy pa noong 1513 B.C.E. nang isulat ni Moises ang aklat ng Genesis. Nagpapatuloy pa rin ba sa ngayon ang araw ng kapahingahan ng Diyos? Kung gayon, makapapasok ba tayo rito? Napakahalagang malaman natin ang sagot sa mga ito.
“Nagpapahinga” Pa Rin ba si Jehova?
3. Paano ipinahihiwatig ng mga salita ni Jesus sa Juan 5:16, 17 na nagpapatuloy pa ang ikapitong araw noong unang siglo?
3 May dalawang dahilan kung bakit masasabi natin na nagpapatuloy pa ang ikapitong araw noong unang siglo C.E. Una, pansinin ang sinabi ni Jesus sa mga pumuna sa ginawa niyang pagpapagaling sa araw ng Sabbath. Sinabi sa kanila ng Panginoon: “Ang aking Ama ay patuloy na gumagawa hanggang ngayon, at ako ay patuloy na gumagawa.” (Juan 5:16, 17) Bakit niya sinabi ito? Pinaratangan noon si Jesus ng pagtatrabaho sa araw ng Sabbath. Kaya nang sabihin niya, “Ang aking Ama ay patuloy na gumagawa,” pinabulaanan niya ang paratang na iyon. Para bang sinasabi ni Jesus sa mga pumupuna sa kaniya: ‘Pareho kami ng gawain ng aking Ama. Yamang ang aking Ama ay patuloy na gumagawa sa panahon ng kaniyang Sabbath na libu-libong taon ang haba, maaari din akong patuloy na gumawa, kahit sa araw ng Sabbath.’ Kaya naman ipinahiwatig ni Jesus na kung tungkol sa layunin ng Diyos sa lupa, hindi pa tapós noong panahon niya ang ikapitong araw, o dakilang araw ng Sabbath na kapahingahan ng Diyos. *
4. Paano ipinakikita ng pananalita ni Pablo na nagpapatuloy pa ang ikapitong araw noong panahon niya?
4 Ang ikalawang dahilan ay makikita sa pananalita ni apostol Pablo. Nang sipiin niya ang Genesis 2:2 hinggil sa kapahingahan ng Diyos, isinulat niya: “Tayo na mga nanampalataya ay pumapasok sa kapahingahan.” (Heb. 4:3, 4, 6, 9) Kaya nagpapatuloy pa ang ikapitong araw noong panahon ni Pablo. Kailan magwawakas ang araw ng kapahingahang iyan?
5. Ano ang layunin ng ikapitong araw, at kailan lubusang maisasakatuparan ang layuning iyan?
5 Para masagot iyan, tandaan natin ang layunin ng ikapitong araw. Ipinaliliwanag ito ng Genesis 2:3: “Pinasimulang pagpalain ng Diyos ang ikapitong araw at ginawa itong sagrado.” Ang ikapitong araw ay ‘ginawang sagrado’—pinabanal, o itinalaga, ni Jehova—para maisakatuparan ang kaniyang layunin. Layunin niya na ang lupa ay panirahan ng masunuring mga tao na mag-aalaga rito at sa lahat ng nabubuhay rito. (Gen. 1:28) Ang Diyos na Jehova at si Jesu-Kristo, ang “Panginoon ng sabbath,” ay “patuloy na gumagawa hanggang ngayon” para matupad ang layuning iyan. (Mat. 12:8) Magpapatuloy ang araw ng kapahingahan ng Diyos hanggang sa lubusang maisakatuparan ang layunin niya sa katapusan ng Sanlibong Taóng Paghahari ni Kristo.
Huwag “Mahulog sa Gayunding Uri ng Pagsuway”
6. Anong mga halimbawa ang nagsisilbing babala sa atin, at ano ang matututuhan natin mula sa mga ito?
6 Malinaw na sinabi ng Diyos kina Adan at Eva ang kaniyang layunin, pero hindi sila nakipagtulungan dito. Nakalulungkot, hindi lang sina Adan at Eva ang sumuway sa Diyos. Milyun-milyong iba pa ang tumulad sa kanila. Pati ang piniling bayan ng Diyos, ang bansang Israel, ay naging masuwayin. Kaya naman nagbabala si Pablo sa unang-siglong mga Kristiyano na baka ang ilan sa kanila ay matulad sa mga Israelita. Sumulat siya: “Gawin natin ang ating buong makakaya na pumasok sa kapahingahang iyon, dahil baka may sinumang mahulog sa gayunding uri ng pagsuway.” (Heb. 4:11) Pansinin na pinag-ugnay ni Pablo ang pagkamasuwayin at ang hindi pagpasok sa kapahingahan ng Diyos. Ano ang kahulugan nito? Kung maghihimagsik tayo sa layunin ng Diyos sa anumang paraan, posible kayang hindi tayo makapasok sa kapahingahan ng Diyos? Napakahalagang malaman ang sagot sa tanong na iyan, at tatalakayin pa natin iyan nang higit. Pero pag-usapan muna natin ang masamang halimbawa ng mga Israelita at kung bakit hindi sila nakapasok sa kapahingahan ng Diyos.
“Hindi Sila Papasok sa Aking Kapahingahan”
7. Ano ang layunin ni Jehova nang iligtas niya ang mga Israelita mula sa pagkaalipin sa Ehipto, at ano naman ang inaasahan sa kanila?
7 Noong 1513 B.C.E., isiniwalat ni Jehova sa lingkod niyang si Moises ang kaniyang layunin para sa mga Israelita. Sinabi ng Diyos: “Bababa ako upang hanguin sila mula sa kamay ng mga Ehipsiyo at upang iahon sila mula sa lupaing iyon [Ehipto] tungo sa isang lupaing mabuti at maluwang, sa isang lupaing inaagusan ng gatas at pulot-pukyutan.” (Ex. 3:8) Gaya ng ipinangako ni Jehova sa kanilang ninuno na si Abraham, ang layunin ng Diyos sa pagliligtas sa mga Israelita “mula sa kamay ng mga Ehipsiyo” ay upang gawin silang kaniyang bayan. (Gen. 22:17) Binigyan ng Diyos ang mga Israelita ng mga batas na tutulong sa kanila na magkaroon ng mapayapang kaugnayan sa kaniya. (Isa. 48:17, 18) Sinabi niya sa mga Israelita: “Kung mahigpit ninyong susundin ang aking tinig at iingatan nga ang aking tipan [gaya ng nakabalangkas sa Kautusan], kayo ay tiyak na magiging aking pantanging pag-aari mula sa lahat ng iba pang bayan, sapagkat ang buong lupa ay akin.” (Ex. 19:5, 6) Samakatuwid, ang mga Israelita ay maaaring maging bayan ng Diyos kung susundin nila ang kaniyang mga utos.
8. Ano sana ang naging buhay ng mga Israelita kung naging masunurin sila sa Diyos?
8 Isip-isipin ang magiging buhay ng mga Israelita kung sumunod lang sila sa Diyos! Pagpapalain ni Jehova ang kanilang mga bukid, ubasan, at mga kawan. Poprotektahan din niya sila mula sa mga kaaway. (Basahin ang 1 Hari 10:23-27.) Kapag dumating ang Mesiyas, madaratnan niya ang Israel bilang isang independiyenteng bansa at hindi sakop ng Roma. Puwede sanang maging huwarang kaharian ang Israel sa mga kalapit na bansa nito—isang matibay na patotoo na ang pagsunod sa tunay na Diyos ay nagdudulot ng espirituwal at materyal na mga pagpapala.
9, 10. (a) Bakit seryosong bagay ang pagnanais ng Israel na bumalik sa Ehipto? (b) Paano makaaapekto sa pagsamba ng Israel ang pagbalik sa Ehipto?
9 Napakagandang pribilehiyo ang ibinigay sa Israel—ang makipagtulungan sa layunin ni Jehova, na magdudulot ng pagpapala hindi lang sa kanila kundi sa bandang huli, sa lahat ng pamilya sa lupa! (Gen. 22:18) Pero sa kabuuan, ang mapaghimagsik na salinlahing iyon ay hindi interesadong maging huwarang kaharian para sa ibang mga bansa. Gusto pa nga nilang bumalik sa Ehipto! (Basahin ang Bilang 14:2-4.) Pero kaayon ba ito ng layunin ng Diyos para sa kanila? Tiyak na hindi. Sa katunayan, kung babalik ang mga Israelita sa pagkaalipin sa Ehipto, hindi nila matutupad ang Kautusang Mosaiko at hindi sila makikinabang sa kaayusan ni Jehova para sa kapatawaran ng kanilang mga kasalanan. Napakakitid ng kanilang pananaw at sarili lang nila ang kanilang iniisip! Hindi kataka-takang sabihin ni Jehova sa mga rebeldeng iyon: “Nasuklam ako sa salinlahing ito at nagsabi, ‘Lagi silang naliligaw sa kanilang mga puso, at hindi nila nalalaman ang aking mga daan.’ Kaya sumumpa ako sa aking galit, ‘Hindi sila papasok sa aking kapahingahan.’”—Heb. 3:10, 11; Awit 95:10, 11.
10 Sa paghahangad na bumalik sa Ehipto, minaliit ng suwail na bansang iyon ang espirituwal na mga pagpapalang tinanggap nila. Mas mahalaga pa sa kanila ang mga puero, sibuyas, at mga bawang sa Ehipto. (Bil. 11:5) Tulad ni Esau na walang utang na loob, handang ipagpalit ng mga rebeldeng iyon sa masarap na pagkain ang napakahalagang espirituwal na pamana.—Gen. 25:30-32; Heb. 12:16.
11. Nakaapekto ba sa layunin ng Diyos ang kawalang-pananampalataya ng mga Israelita noong panahon ni Moises?
11 Sa kabila ng kawalang-pananampalataya ng salinlahing iyon ng mga Israelita na umalis sa Ehipto, ‘patuloy na gumawa’ si Jehova para matupad ang kaniyang layunin. Ibinaling niya ang kaniyang pansin sa sumunod na salinlahi, na mas masunurin kaysa sa kanilang mga ama. Kasuwato ng utos ni Jehova, pumasok sila sa Lupang Pangako at sinakop iyon. Mababasa natin sa Josue 24:31: “Ang Israel ay patuloy na naglingkod kay Jehova sa lahat ng mga araw ni Josue at sa lahat ng mga araw ng matatandang lalaki na ang mga araw ay lumawig pa pagkaraan ni Josue at nakaalam ng lahat ng gawa ni Jehova na ginawa niya para sa Israel.”
12. Paano natin nalalaman na posibleng makapasok sa kapahingahan ng Diyos sa ngayon?
12 Pero tumanda at namatay ang masunuring salinlahing iyon at pinalitan ng salinlahing “hindi nakakakilala kay Jehova o sa gawa na kaniyang ginawa para sa Israel.” Kaya naman, “ang mga anak ni Israel ay gumawa ng masama sa paningin ni Jehova at naglingkod sa mga Baal.” (Huk. 2:10, 11) Ang Lupang Pangako ay hindi naging “dako ng kapahingahan” para sa kanila. Dahil sa kanilang pagsuway, hindi sila nagkaroon ng namamalaging kapayapaan sa Diyos. Sumulat si Pablo: “Kung inakay . . . ni Josue [ang mga Israelita] sa isang dako ng kapahingahan, hindi na sana nagsalita ang Diyos pagkatapos tungkol sa iba pang araw. Kaya may nananatili pang sabbath na pagpapahinga para sa bayan ng Diyos.” (Heb. 4:8, 9) Ang “bayan ng Diyos” na tinutukoy ni Pablo ay ang mga Kristiyano. Ibig bang sabihin, makapapasok sa kapahingahan ng Diyos ang mga Kristiyano? Oo, kapuwa ang mga Kristiyanong Judio at di-Judio!
May mga Hindi Nakapasok sa Kapahingahan ng Diyos
13, 14. Ano ang kaugnayan ng pagsunod sa Kautusang Mosaiko at pagpasok sa kapahingahan ng Diyos (a) noong panahon ni Moises? (b) noong unang siglo?
13 Nang sumulat si Pablo sa mga Kristiyanong Hebreo 4:1.) Paano? Sinusunod pa rin nila ang ilang batas sa Kautusang Mosaiko. Totoo na sa loob ng halos 1,500 taon, ang mga Israelitang nagnanais mamuhay kaayon ng layunin ng Diyos ay kailangang sumunod sa Kautusan. Pero nang mamatay si Jesus, inalis na ang Kautusang iyon. Hindi ito naunawaan ng ilang Kristiyano, at patuloy nilang sinunod ang ilang aspekto ng Kautusan. *
Hebreo, nababahala siya na ang ilan sa kanila ay hindi nakikipagtulungan sa layunin ng Diyos. (Basahin ang14 Ipinaliwanag ni Pablo sa mga Kristiyanong determinadong sumunod sa Kautusan na ang mataas na pagkasaserdote ni Jesus, ang bagong tipan, at ang espirituwal na templo ay nakahihigit sa pagkasaserdote, tipang Kautusan, at templo ng sinaunang Israel. (Heb. 7:26-28; 8:7-10; 9:11, 12) Malamang na pangingilin ng lingguhang Sabbath sa ilalim ng Kautusan ang nasa isip ni Pablo nang isulat niya ang tungkol sa pribilehiyo ng pagpasok sa araw ng kapahingahan ni Jehova: “May nananatili pang sabbath na pagpapahinga para sa bayan ng Diyos. Sapagkat ang tao na pumasok sa kapahingahan ng Diyos ay nagpahinga na rin naman mula sa kaniyang sariling mga gawa, gaya ng ginawa ng Diyos mula sa kaniyang mga gawa.” (Heb. 4:8-10) Dapat tandaan ng mga Kristiyanong Hebreong iyon na hindi nila makakamit ang pagsang-ayon ni Jehova sa pamamagitan ng kanilang “sariling mga gawa,” o pagsunod sa Kautusang Mosaiko. Bakit? Dahil mula noong Pentecostes 33 C.E., ang pabor ng Diyos ay ipinagkaloob na sa mga nananampalataya kay Jesu-Kristo.
15. Bakit mahalaga ang pagsunod para makapasok tayo sa kapahingahan ng Diyos?
15 Bakit hindi nakapasok sa Lupang Pangako ang mga Israelita noong panahon ni Moises? Dahil sa pagkamasuwayin. Bakit hindi makapasok sa kapahingahan ng Diyos ang ilang Kristiyano noong panahon ni Pablo? Dahil din sa pagkamasuwayin. Hindi nila naunawaan na tapós na ang papel ng Kautusan at inaakay na ni Jehova ang kaniyang bayan sa ibang direksiyon.
Pagpasok sa Kapahingahan ng Diyos sa Ngayon
16, 17. (a) Paano makapapasok ang mga Kristiyano sa kapahingahan ng Diyos sa ngayon? (b) Ano ang tatalakayin sa susunod na artikulo?
16 Hindi igigiit ng sinumang Kristiyano sa ngayon na kailangang sundin ang Kautusang Mosaiko para maligtas. Napakalinaw ng kinasihang mga salita ni Pablo sa mga taga-Efeso: “Sa pamamagitan nga ng di-sana-nararapat na kabaitang ito ay iniligtas na kayo sa pamamagitan ng pananampalataya; at hindi ito dahil sa inyo, ito ay kaloob ng Diyos. Hindi, hindi ito dahil sa mga gawa, upang walang taong magkaroon ng saligan sa paghahambog.” (Efe. 2:8, 9) Kaya paano makapapasok ang mga Kristiyano sa kapahingahan ng Diyos? Itinalaga ni Jehova ang ikapitong araw—ang araw ng kaniyang kapahingahan—para maisakatuparan niya ang kaniyang layunin para sa lupa. Makapapasok tayo sa kapahingahan ni Jehova sa pamamagitan ng pakikipagtulungan sa kaniyang layunin na isinisiwalat sa pamamagitan ng kaniyang organisasyon.
17 Kung ipagwawalang-bahala naman natin ang salig-Bibliyang payo na ibinibigay ng tapat at maingat na alipin at gagawin ang sa palagay natin ay tama, sinasalungat natin ang layunin ng Diyos. Isasapanganib nito ang ating mapayapang kaugnayan kay Jehova. Sa susunod na artikulo, tatalakayin natin ang ilang karaniwang sitwasyon na doo’y maipapakita nating masunurin tayo. Ang mga desisyon natin sa mga sitwasyong ito ay magpapakita kung talaga ngang nakapasok tayo sa kapahingahan ng Diyos.
[Mga talababa]
^ par. 3 Tuwing araw ng Sabbath, ang mga saserdote at mga Levita ay nagtatrabaho sa templo at “nananatiling walang-sala.” Bilang mataas na saserdote ng dakilang espirituwal na templo ng Diyos, maaari ding isagawa ni Jesus ang kaniyang atas mula sa Diyos nang hindi nalalabag ang Sabbath.—Mat. 12:5, 6.
^ par. 13 Hindi natin alam kung may Judiong Kristiyano na nagdiwang ng Araw ng Pagbabayad-Sala pagkaraan ng Pentecostes 33 C.E. Tiyak na kawalang-galang iyon sa hain ni Jesus! Pero may ilang Judiong Kristiyano na sumusunod pa rin sa ilang tradisyon ng Kautusan.—Gal. 4:9-11.
Mga Tanong Para sa Pagbubulay-bulay
• Ano ang layunin ng araw ng kapahingahan ng Diyos?
• Paano natin nalaman na nagpapatuloy pa ang ikapitong araw?
• Bakit hindi nakapasok sa kapahingahan ng Diyos ang mga Israelita noong panahon ni Moises at ang ilang unang-siglong Kristiyano?
• Paano makapapasok ang mga Kristiyano sa kapahingahan ng Diyos sa ngayon?
[Mga Tanong sa Aralin]
[Blurb sa pahina 27]
Makapapasok tayo sa kapahingahan ni Jehova sa ngayon sa pamamagitan ng pakikipagtulungan sa kaniyang layunin na isinisiwalat sa pamamagitan ng kaniyang organisasyon
[Mga larawan sa pahina 26, 27]
Ano ang kailangang gawin ng bayan ng Diyos para makapasok sila sa kaniyang kapahingahan?