Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Nakapasok Ka Na ba sa Kapahingahan ng Diyos?

Nakapasok Ka Na ba sa Kapahingahan ng Diyos?

Nakapasok Ka Na ba sa Kapahingahan ng Diyos?

“Ang salita ng Diyos ay buháy at may lakas.”​—HEB. 4:12.

1. Paano tayo makapapasok sa kapahingahan ng Diyos sa ngayon? Bakit madaling sabihin iyan pero mahirap gawin?

SA NAUNANG artikulo, natutuhan natin na makapapasok tayo sa kapahingahan ng Diyos sa pamamagitan ng pakikipagtulungan sa kaniyang mga layunin. Madaling sabihin iyan pero mahirap gawin. Halimbawa, kapag nalaman natin na hindi sang-ayon si Jehova sa isang bagay na gustung-gusto natin, baka sa simula ay tumutol tayo. Kung gayon, kailangan tayong magbago at maging “handang sumunod.” (Sant. 3:17) Sa artikulong ito, tatalakayin natin ang ilang sitwasyon na susubok sa ating pagkamasunurin at sa ating determinasyong makipagtulungan sa layunin ng Diyos.

2, 3. Ano ang kailangan nating gawin para manatili tayong kanais-nais sa paningin ni Jehova?

2 Handa ka bang tumanggap ng payo mula sa Bibliya? Sinasabi ng Kasulatan na layunin ng Diyos na tipunin sa kaniyang sarili “ang mga kanais-nais na bagay ng lahat ng mga bansa.” (Hag. 2:7) Siyempre pa, karamihan sa atin ay hindi “kanais-nais” nang una nating malaman ang katotohanan. Pero dahil mahal natin si Jehova at ang kaniyang Anak at gusto nating palugdan ang Diyos, gumawa tayo ng mga pagbabago sa ating saloobin at pagkilos. Pagkatapos ng mga panalangin at pagsisikap, dumating ang araw na tayo’y nabautismuhan.​—Basahin ang Colosas 1:9, 10.

3 Pero kahit bautisado na tayo, hindi pa rin tayo sakdal. Nakikipagpunyagi pa rin tayo sa ating mga kahinaan. Gayunman, makatitiyak tayo na pagpapalain ni Jehova ang ating mga pagsisikap kung patuloy tayong makikipagpunyagi para lalong maging kanais-nais sa kaniyang paningin.

Kapag Pinayuhan Tayo

4. Sa anong tatlong paraan tayo maaaring tumanggap ng payo mula sa Kasulatan?

4 Bago tayo gumawa ng mga pagbabago, kailangang alamin muna natin kung ano ang dapat nating baguhin. Baka matalakay sa isang pahayag sa Kingdom Hall o sa isang artikulo sa ating mga publikasyon ang ating malubhang kapintasan. Pero kung hindi natin nakuha ang punto kapag iniharap ito sa isang pahayag o sa isang publikasyon, maaaring gamitin ni Jehova ang isang kapuwa Kristiyano para itawag-pansin sa atin ang ating kahinaan.​—Basahin ang Galacia 6:1.

5. Ano ang ilang negatibong reaksiyon ng mga pinapayuhan? Bakit hindi dapat sumuko ang mga Kristiyanong elder sa pagtulong sa atin?

5 Hindi madaling tumanggap ng payo mula sa isang di-sakdal na tao, ibinigay man ito sa mataktika at maibiging paraan. Pero ayon sa Galacia 6:1, inuutusan ni Jehova ang mga may espirituwal na kuwalipikasyon na “magsikap” na ituwid tayo “sa espiritu ng kahinahunan.” Kung tutugon tayo, lalo tayong magiging kanais-nais sa paningin ng Diyos. Ang nakapagtataka, kapag nananalangin tayo, inaamin natin na hindi tayo sakdal. Pero kapag itinawag-pansin sa atin ang isang espesipikong kahinaan, may tendensiya tayo na mangatuwiran, maliitin ang problema, kuwestiyunin ang motibo ng nagpapayo, o punahin ang paraan ng pagpapayo. (2 Hari 5:11) At kung ang payo ay may kinalaman sa isang bagay na maselan​—ang ginagawa ng isang kapamilya, ang ating pananamit at pag-aayos, ang ating kalinisan sa katawan, o isang libangan na paborito natin pero kinapopootan ni Jehova​—baka hindi maging maganda ang reaksiyon natin, anupat mabigla tayo at madismaya naman ang nagpayo sa atin. Pero kapag nakapag-isip-isip na tayo, kadalasa’y aaminin natin na tama naman ang payo.

6. Paano isinisiwalat ng salita ng Diyos ang “mga kaisipan at mga intensiyon ng puso”?

6 Ipinaaalaala sa atin ng temang teksto ng artikulong ito na ang salita ng Diyos ay “may lakas.” Oo, ang salita ng Diyos ay may lakas na makapagpabago sa buhay ng mga tao. Kung paanong tinulungan tayo nito na gumawa ng mga pagbabago bago tayo mabautismuhan, matutulungan din tayo nito na gumawa ng mga pagbabago ngayong bautisado na tayo. Sa kaniyang liham sa mga Hebreo, isinulat din ni Pablo na ang salita ng Diyos ay “tumatagos maging hanggang sa paghihiwalay ng kaluluwa at espiritu, at ng mga kasukasuan at ng kanilang utak sa buto, at may kakayahang umunawa ng mga kaisipan at mga intensiyon ng puso.” (Heb. 4:12) Ibig sabihin, kapag naunawaan natin ang layunin ng Diyos para sa atin, ang pagtugon natin dito ay nagsisiwalat ng ating pagkatao. Kung minsan ba ay magkaiba ang ating panlabas na pagkatao (ang “kaluluwa”) at ang ating tunay na pagkatao (ang “espiritu”)? (Basahin ang Mateo 23:27, 28.) Pag-isipan kung paano ka tutugon sa sumusunod na mga sitwasyon.

Umalinsabay sa Organisasyon ni Jehova

7, 8. (a) Ano marahil ang nag-udyok sa ilang Judiong Kristiyano na manghawakan pa rin sa ilang bahagi ng Kautusang Mosaiko? (b) Bakit natin masasabing sinasalungat nila ang layunin ni Jehova?

7 Kabisado ng marami sa atin ang Kawikaan 4:18: “Ang landas ng mga matuwid ay tulad ng maningning na liwanag na lumiliwanag nang lumiliwanag hanggang sa ang araw ay malubos.” Ibig sabihin, sa paglipas ng panahon ay mas bubuti ang ating paggawi at lilinaw ang ating pagkaunawa sa mga layunin ng Diyos.

8 Gaya ng tinalakay natin sa naunang artikulo, naging mahirap para sa maraming Judiong Kristiyano na iwan ang Kautusang Mosaiko pagkamatay ni Jesus. (Gawa 21:20) Bagaman ipinaliwanag ni Pablo na wala na sa ilalim ng Kautusan ang mga Kristiyano, hindi tinanggap ng iba ang kaniyang pangangatuwiran. (Col. 2:13-15) Marahil iniisip nila na kung patuloy nilang susundin ang ilang bahagi ng Kautusan, makaiiwas sila sa pag-uusig. Anuman ang kanilang dahilan, sumulat si Pablo sa mga Kristiyanong Hebreo at sinabi niya sa kanila na hindi sila makapapasok sa kapahingahan ng Diyos kung ayaw nilang makipagtulungan sa Kaniyang layunin. * (Heb. 4:1, 2, 6; basahin ang Hebreo 4:11.) Para sang-ayunan ni Jehova, kailangan nilang tanggapin na inaakay na niya sa ibang direksiyon ang kaniyang bayan.

9. Ano ang dapat nating maging saloobin kapag may mga pagbabago sa ating pagkaunawa sa Kasulatan?

9 Sa panahon natin, nagkaroon ng mga paglilinaw sa ating pagkaunawa sa ilang turo ng Bibliya. Hindi natin ito dapat ikabahala. Sa halip, dapat itong magpatibay ng ating tiwala sa tapat at maingat na alipin. Kapag napag-unawa ng mga kinatawan ng uring alipin na kailangang linawin o ituwid ang ating pangmalas tungkol sa isang turo ng Bibliya, hindi sila nangingiming gumawa ng pagbabago kahit magdulot ito ng kritisismo. Mas mahalaga sa kanila ang makipagtulungan sa layunin ng Diyos. Paano ka tumutugon kapag may pagbabago sa ating pagkaunawa sa Kasulatan?​—Basahin ang Lucas 5:39.

10, 11. Ano ang matututuhan natin sa pagtugon ng iba sa mga bagong pamamaraan ng pangangaral ng mabuting balita?

10 Pag-usapan natin ang isa pang halimbawa. Mga 100 taon na ang nakalilipas, ang ilang Estudyante sa Bibliya na bihasang tagapagsalita ay nag-akala na ang pagbibigay ng pahayag pangmadla ang pinakamahusay na paraan ng pangangaral. Gustung-gusto nilang magpahayag at ang ilan sa kanila ay tuwang-tuwa sa paghanga ng mga tagapakinig. Pero nang maglaon, naging maliwanag na gusto ni Jehova na makibahagi ang kaniyang bayan sa iba’t ibang paraan ng pangangaral, kasali na ang pagbabahay-bahay. Ayaw subukan ng ilang mahuhusay na tagapagsalita ang mga bagong pamamaraang ito. Kung titingnan, mukha silang espirituwal na mga taong nakatalaga sa Panginoon. Pero nang maging malinaw ang layunin ng Diyos tungkol sa gawaing pangangaral, nahayag ang kanilang tunay na mga kaisipan, intensiyon, at motibo. Ano ang nadama ni Jehova sa kanila? Hindi siya nalugod sa kanila. Iniwan nila ang organisasyon.​—Mat. 10:1-6; Gawa 5:42; 20:20.

11 Hindi rin naman madali para sa ibang mga Estudyante sa Bibliya na magbahay-bahay, lalo na sa simula. Pero naging masunurin sila, kaya sa paglipas ng panahon, nawala ang kanilang mga pangamba at pinagpala sila ni Jehova. Paano ka tumutugon kapag inanyayahan kang makibahagi sa bagong paraan ng pangangaral na hindi mo nakasanayan? Handa ka bang sumubok ng mga bagong bagay?

Kapag Tinalikuran ng Ating Mahal sa Buhay si Jehova

12, 13. (a) Bakit sinabi ni Jehova na itiwalag ang mga nagkasalang di-nagsisisi? (b) Anong pagsubok ang napapaharap sa ilang Kristiyanong magulang, at bakit napakahirap nito?

12 Tiyak na sasang-ayon tayong lahat na para mapalugdan ang Diyos, dapat tayong maging malinis sa pisikal, moral, at espirituwal na paraan. (Basahin ang Tito 2:14.) Pero kung minsan, baka masubok ang katapatan natin sa layunin ng Diyos hinggil sa bagay na ito. Halimbawa, ipagpalagay na iniwan ng kaisa-isang anak ng huwarang mag-asawang Kristiyano ang katotohanan. Dahil pinili ng kabataang ito ang “pansamantalang kasiyahan sa kasalanan” sa halip na ang personal na kaugnayan kay Jehova at sa kaniyang mga magulang, siya’y itiniwalag.​—Heb. 11:25.

13 Lumung-lumo ang mga magulang! Alam nila ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa pagtitiwalag: “Tigilan [ninyo] ang pakikihalubilo sa sinumang tinatawag na kapatid na isang mapakiapid o taong sakim o mananamba sa idolo o manlalait o lasenggo o mangingikil, na huwag man lamang kumaing kasama ng gayong tao.” (1 Cor. 5:11, 13) Alam din nila na kasama sa “sinumang” tinutukoy sa talatang ito ang mga kapamilya na hindi nila kasama sa bahay. Pero mahal na mahal nila ang kanilang anak! Kaya baka mangatuwiran sila: ‘Paano namin matutulungang bumalik kay Jehova ang aming anak kung lilimitahan namin ang pakikisama sa kaniya? Hindi kaya mas matutulungan namin siya kung palagi namin siyang makakausap?’ *

14, 15. Ano ang dapat tandaan ng mga magulang ng anak na tiwalag?

14 Nalulungkot tayo para sa mga magulang na iyon. Puwede sanang magbago ang kanilang anak kung gugustuhin nito, pero pinili niya ang sanlibutan kaysa sa kaniyang mga magulang at kapananampalataya. Wala namang magawa ang mga magulang. Napakahirap ng kanilang sitwasyon!

15 Pero ano ang gagawin ng mga magulang na ito? Susundin ba nila ang malinaw na tagubilin ni Jehova? Totoo na may ilang pagkakataon na kailangan nilang kausapin ang kanilang anak tungkol sa isang bagay na pampamilya. Pero gagawin ba nila itong dahilan para laging makausap ang kanilang anak na tiwalag? Sa pagdedesisyon, dapat nilang isaalang-alang ang damdamin ni Jehova. Layunin niyang ingatang malinis ang organisasyon at, kung posible, tulungang matauhan ang mga nagkasala. Paano maipakikita ng mga Kristiyanong magulang na itinataguyod nila ang layuning ito?

16, 17. Ano ang matututuhan natin sa halimbawa ni Aaron?

16 Napaharap sa ganitong mahirap na sitwasyon ang kapatid ni Moises na si Aaron. Isip-isipin kung ano ang nadama ni Aaron nang maghandog ng kakaibang apoy kay Jehova ang mga anak niyang sina Nadab at Abihu at nang puksain sila ni Jehova. Siyempre pa, naputol na ang anumang kaugnayan ng dalawang ito sa kanilang mga magulang. Pero may iniutos pa si Jehova kay Aaron at sa tapat na mga anak nito: “Huwag ninyong pabayaang hindi nakaayos ang inyong mga ulo, at huwag ninyong pupunitin ang inyong mga kasuutan [bilang pamimighati], upang hindi kayo mamatay at upang hindi . . . magalit [si Jehova] laban sa buong kapulungan.” (Lev. 10:1-6) Napakalinaw ng aral. Dapat na mas masidhi ang pag-ibig natin kay Jehova kaysa sa di-tapat na mga kapamilya.

17 Sa ngayon, hindi naman agad-agad na pinupuksa ni Jehova ang mga lumalabag sa kaniyang batas. Dahil sa kaniyang pag-ibig, binibigyan niya sila ng pagkakataong magsisi. Pero ano kaya ang madarama ni Jehova kung patuloy siyang susubukan ng mga magulang sa pamamagitan ng di-kinakailangang pakikipagsamahan sa kanilang anak na tiwalag?

18, 19. Anong mga pagpapala ang matatamo ng mga kapamilyang sumusunod sa mga tagubilin ni Jehova hinggil sa mga tiwalag?

18 Maraming dating tiwalag ang nagsasabi na natauhan sila dahil sa paninindigan ng kanilang mga kapamilya at kaibigan. Halimbawa, nang irekomenda ng matatanda ang panunumbalik ng isang kabataang babae, sinabi nila na ang isang dahilan kung bakit siya nagbago ay “dahil sa paggalang ng kaniyang kuya sa kaayusan ng pagtitiwalag.” Sinabi ng babae na ang “tapat na pagsunod [ng kaniyang kuya] sa tagubilin ng Kasulatan ay nag-udyok sa kaniya na manumbalik.”

19 Ano ang matututuhan natin dito? Kailangan nating paglabanan ang hilig ng ating di-sakdal na puso na salungatin ang payo ng Kasulatan. Dapat na kumbinsido tayo na ang sinasabi ng Diyos ang siyang pinakamabuti para sa atin.

“Ang Salita ng Diyos ay Buháy”

20. Sa anong dalawang bagay maaaring tumukoy ang Hebreo 4:12? (Tingnan ang talababa.)

20 Nang isulat ni Pablo na “ang salita ng Diyos ay buháy,” hindi niya espesipikong tinutukoy ang Bibliya, o ang nasusulat na Salita ng Diyos. * Ipinakikita ng konteksto na ang tinutukoy niya ay ang mga pangako ng Diyos. Gustong sabihin ni Pablo na kapag nangako ang Diyos, hindi Niya ito kinalilimutan. Pinatunayan ito ni Jehova sa pamamagitan ni propeta Isaias: “Ang aking salita [ay hindi] babalik sa akin nang walang resulta, kundi . . . tiyak na magtatagumpay sa bagay na pinagsuguan ko nito.” (Isa. 55:11) Kaya hindi tayo dapat mainip kapag hindi agad nangyayari ang mga inaasahan natin. “Patuloy na gumagawa” si Jehova para maisakatuparan ang kaniyang layunin.​—Juan 5:17.

21. Paano mapatitibay ng Hebreo 4:12 ang may-edad nang mga miyembro ng “malaking pulutong”?

21 Ilang dekada nang tapat na naglilingkod kay Jehova ang may-edad nang mga miyembro ng “malaking pulutong.” (Apoc. 7:9) Hindi inasahan ng marami sa kanila na tatanda sila sa sistemang ito ng mga bagay. Pero hindi sila pinanghihinaan ng loob. (Awit 92:14) Alam nilang ang pangako ng Diyos ay hindi mapapako​—buháy ito, at kumikilos si Jehova para tuparin ito. Yamang mahalaga sa Diyos ang kaniyang layunin, mapasasaya natin siya kung pahahalagahan din natin ito. Si Jehova ay nagpapahinga sa ikapitong araw na ito, palibhasa’y nakatitiyak siyang matutupad ang kaniyang layunin at na makikipagtulungan dito ang kaniyang bayan sa kabuuan. Kumusta ka naman? Nakapasok ka na ba sa kapahingahan ng Diyos?

[Mga talababa]

^ par. 8 Maraming Judiong lider ng relihiyon noon ang ubod-ingat na tumutupad sa Kautusang Mosaiko. Pero nang dumating ang Mesiyas, hindi nila siya kinilala. Hindi sila umalinsabay sa layunin ng Diyos.

^ par. 13 Tingnan ang “Manatili sa Pag-ibig ng Diyos,” pahina 207-209.

^ par. 20 Sa ngayon, nagsasalita sa atin ang Diyos sa pamamagitan ng kaniyang nasusulat na Salita, na may lakas na makapagpabago sa ating buhay. Kaya naman, kung palalawakin ang pagkakapit, ang mga salita ni Pablo sa Hebreo 4:12 ay maaaring tumukoy sa Bibliya.

Natatandaan Mo Ba?

• Ano ang kailangan para makapasok tayo sa kapahingahan ng Diyos sa ngayon?

• Kung talagang nauunawaan natin ang layunin ng Diyos, ano ang gagawin natin kapag binigyan tayo ng payo mula sa Kasulatan?

• Sa anong mga sitwasyon maaaring mahirap sundin ang tagubilin ng Kasulatan? Bakit mahalagang maging masunurin tayo?

• Sa anong dalawang paraan maaaring ikapit ang Hebreo 4:12?

[Mga Tanong sa Aralin]

[Larawan sa pahina 31]

Lumung-lumo ang mga magulang!