Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Isang Makasaysayang Miting

Isang Makasaysayang Miting

Isang Makasaysayang Miting

“PAGKATAPOS ng miting na ito, masasabi ninyo, ‘Talagang makasaysayan ang taunang miting na ito!’” Sa sinabing ito ni Stephen Lett, miyembro ng Lupong Tagapamahala ng mga Saksi ni Jehova, lalong tumindi ang pananabik ng mga tagapakinig. Nagtipon sila para sa ika-126 na taunang miting ng Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania, na idinaos noong Oktubre 2, 2010, sa Assembly Hall ng mga Saksi ni Jehova sa Jersey City, New Jersey, E.U.A. Ano ang ilang tampok na pangyayari sa makasaysayang okasyon na ito?

Ang unang pahayag ay ang masiglang pagtalakay ni Brother Lett tungkol sa makalangit na karo ni Jehova na inilarawan sa aklat ng Bibliya na Ezekiel. Ang napakalaki at kahanga-hangang karong ito ay lumalarawan sa organisasyon ni Jehova, na nasa kontrol niya. Ang makalangit na bahagi nito, na binubuo ng mga espiritung nilalang, ay kumikilos na simbilis ng kidlat​—kasimbilis ng kaisipan ni Jehova, ang sabi ni Brother Lett. Kumikilos din ang makalupang bahagi ng organisasyon ng Diyos na Jehova. Binanggit ni Brother Lett ang ilang kapana-panabik na pagsulong sa nakikitang bahagi ng organisasyon ng Diyos sa nakalipas na mga taon.

Halimbawa, may ilang sangay na pinagsama na, kaya maraming dating naglilingkod sa mga tahanang Bethel doon ang mas makapagbubuhos ng panahon sa pangangaral. Pinasigla ni Brother Lett ang mga tagapakinig na patuloy na ipanalangin na nawa’y manatiling tapat at matalino, o maingat, ang Lupong Tagapamahala na kumakatawan sa uring alipin.​—Mat. 24:45-47.

Nakapagpapatibay na mga Report at Interbyu

Si Tab Honsberger, miyembro ng Komite ng Sangay sa Haiti, ay nagbigay ng nakaaantig na report tungkol sa pinsala ng lindol sa Haiti noong Enero 12, 2010, na kumitil ng mga 300,000 katao roon. Ayon sa kaniya, sinasabi ng mga klerigo roon na pinarusahan daw ng Diyos ang mga biktima dahil sa kawalan nila ng pananampalataya pero iniligtas Niya ang mabubuti. Pero libu-libong kriminal ang nakatakas nang bumagsak ang mga pader ng isang bilangguan dahil sa lindol. Maraming tapat-pusong taga-Haiti ang naaliw nang malaman nila kung bakit napakaraming problema sa ngayon. Binanggit ni Brother Honsberger ang sinabi ng isang tapat na kapatid sa Haiti na nabiyudo dahil sa kalamidad: “Hindi pa rin maubos ang luha ko hanggang ngayon. Hindi ko alam kung hanggang kailan ako magdadalamhati, pero nadarama ko ang pag-ibig ng organisasyon ni Jehova. May pag-asa ako, at gusto kong sabihin iyan sa iba.”

Si Mark Sanderson, miyembro ngayon ng pamilyang Bethel sa Brooklyn, ay nagbigay ng report tungkol sa Pilipinas. Dati siyang miyembro ng Komite ng Sangay sa Pilipinas. Masigla niyang ibinalita ang 32 sunud-sunod na peak sa bilang ng mga mamamahayag ng Kaharian sa Pilipinas. Sinabi rin niya na mas marami ang bilang ng mga pag-aaral sa Bibliya kaysa sa bilang ng mga mamamahayag. Ikinuwento niya ang tungkol sa isang kapatid na nagngangalang Miguel. Napatay ang apo ni Miguel. Ginawa niya ang lahat para maipakulong ang mamamatay-tao. Nang maglaon, habang nangangaral sa bilangguan, nakita ni Miguel ang pumatay sa apo niya. Bagaman ninenerbiyos si Miguel, binati niya ito sa mahinahon at mabait na paraan. Nang bandang huli, naging Bible study niya ang lalaking ito. Sumulong ito at natutuhan niyang ibigin si Jehova. Bautisado na siya ngayon at magkaibigan na sila ni Miguel, na gumagawa ng paraan para makalaya siya. *

Ang sumunod na bahagi ng programa ay mga panayam na ginawa ni Mark Noumair, isang instruktor sa Theocratic Schools Department. Tatlong mag-asawa ang ininterbyu niya​—sina Alex at Sarah Reinmueller, David at Krista Schafer, at Robert at Ketra Ciranko. Inilahad ni Alex Reinmueller, na tumutulong sa Publishing Committee, kung paano niya dinibdib ang katotohanan habang nagpapayunir siya sa Canada. Kinse anyos pa lang siya noon at madalas ay mag-isa siyang nangangaral. Nang tanungin siya kung sinu-sino ang naging inspirasyon niya sa Bethel, binanggit niya ang tatlong tapat na brother at kung paano sila nakatulong sa pagsulong niya sa espirituwal. Ikinuwento naman ni Sarah na naging kaibigan niya ang isang sister na nabilanggo nang ilang dekada sa Tsina dahil sa pananampalataya nito. Sinabi ni Sarah na natutuhan niyang manalig kay Jehova sa pamamagitan ng panalangin.

Pinuri ni David Schafer, na tumutulong sa Teaching Committee, ang kaniyang ina dahil sa matibay na pananampalataya nito. Binanggit din niya ang tungkol sa mga kapatid na magtotroso na tumulong sa kaniya na mag-auxiliary pioneer noong kabataan pa siya. Ikinuwento naman ng asawa niyang si Krista ang mabuting impluwensiya sa kaniya ng nakatatandang mga miyembro ng pamilyang Bethel na nanatiling “tapat sa pinakakaunti,” gaya ng ipinayo ni Jesus.​—Luc. 16:10.

Ikinuwento ni Robert Ciranko, na tumutulong sa Writing Committee, ang tungkol sa kaniyang apat na lolo’t lola​—mga pinahirang Kristiyano na nandayuhan mula sa Hungary. Noong bata pa siya, napahanga siya nang madaluhan niya ang malalaking kombensiyon noong dekada ’50 at malaman na napakalaki pala ng organisasyon ni Jehova kung ihahambing sa kongregasyon nila. Inilahad naman ng asawa niyang si Ketra kung paano siya natuto ng pagkamatapat habang nagpapayunir sa isang kongregasyon na sinasalot ng apostasya at iba pang problema. Nakapagbata siya at nang maglaon ay naatasang maglingkod bilang special pioneer sa isang kongregasyon kung saan naantig siya sa pagkakaisa ng mga kapatid.

Nagbigay naman ng report si Manfred Tonak tungkol sa Etiopia. Umiiral na ang lupaing ito noong panahon ng Bibliya, at mayroon nang mahigit 9,000 mamamahayag ng mabuting balita rito. Ang karamihan sa kanila ay nakatira sa kabisera, ang Addis Ababa, o malapit dito. Kaya may pangangailangan para sa mas maraming mángangarál sa liblib na mga lugar. Para matugunan ito, ang mga Saksing Etiope na nakatira sa ibang bansa ay inanyayahang mangaral sa ilang liblib na lugar sa Etiopia. Marami ang tumugon. Pinasigla nila ang mga Saksi roon at nakasumpong sila ng mga interesado.

Tampok na bahagi ng programa ang simposyum tungkol sa mga Saksi ni Jehova sa Russia at ang kanilang mga usapin sa korte. Inilahad ni Aulis Bergdahl, miyembro ng Komite ng Sangay sa Russia, ang matagal nang pag-uusig sa mga Saksi roon, lalo na sa Moscow. Inilahad naman ni Philip Brumley ng Legal Department ng sangay sa Estados Unidos ang tungkol sa kapana-panabik na pangyayari nitong nakalipas na mga buwan nang dinggin ng European Court of Human Rights (ECHR) ang siyam na bintang laban sa mga Saksi. Nagkaisa ang mga hukom ng European Court na walang basehan ang siyam na bintang na ito. Sa ilang pagkakataon, pinabulaanan pa nga ng European Court ang mga argumentong iniharap. Bagaman hindi pa alam ang magiging epekto ng hatol na ito sa Russia, umaasa si Brother Brumley na ang desisyon ng European Court ay makatutulong sa iba pang mga kaso natin sa ibang bansa.

Matapos ilahad ang magandang balitang ito, ipinatalastas ni Brother Lett ang sinabi ng ECHR na maaari nitong dinggin ang matagal nang kaso hinggil sa buwis sa pagitan ng gobyerno ng Pransiya at ng mga Saksi ni Jehova. Sa mga kasong inihaharap sa kagalang-galang na European Court, iilan lamang ang tinatanggap nito. Sa kabuuan, 39 na kaso na ng mga Saksi ni Jehova ang isinaalang-alang ng ECHR at 37 rito ang dinesisyunan nang pabor sa atin. Pinasigla ni Brother Lett ang lahat ng kapatid na idalangin sa Diyos na Jehova ang kasalukuyang kasong ito.

Si Richard Morlan, isang instruktor sa Paaralan Para sa mga Elder ng Kongregasyon, ang nagbigay ng huling report. Masigla niyang ikinuwento ang tungkol sa paaralan at ang pasasalamat ng mga elder na nakapag-aral na rito.

Iba Pang Pahayag ng mga Miyembro ng Lupong Tagapamahala

Si Guy Pierce, miyembro ng Lupong Tagapamahala, ay nagbigay ng nakaaantig na pahayag tungkol sa taunang teksto para sa 2011, ‘Manganlong sa pangalan ni Jehova.’ (Zef. 3:12) Sinabi niya na bagaman ang panahon natin ay isang masayang panahon para sa bayan ni Jehova, dapat din natin itong seryosohin. Malapit na ang dakilang araw ni Jehova, pero ang mga tao ay nanganganlong sa huwad na relihiyon, pulitika, kayamanan, at iba pang tulad nito. Para makasumpong ng tunay na kanlungan, kailangan nating tumawag sa pangalan ni Jehova. Nangangahulugan ito ng pagkilala, matinding paggalang, at pagtitiwala sa Isa na nagtataglay ng pangalang iyan, anupat iniibig siya nang buong kaluluwa.

Binigkas naman ni David Splane, miyembro ng Lupong Tagapamahala, ang nakapupukaw-kaisipang pahayag na “Nakapasok Ka Na ba sa Kapahingahan ng Diyos?” Ipinaliwanag niya na sa panahon ng makasagisag na araw ng kapahingahan ng Diyos, si Jehova at ang kaniyang Anak ay “patuloy na gumagawa” para tuparin ang layunin ng Diyos may kinalaman sa lupa at sa sangkatauhan. (Juan 5:17) Kung gayon, paano tayo makapapasok sa kapahingahan ng Diyos? Dapat tayong umiwas sa kasalanan at sa pagbibigay-matuwid sa sarili. Pero hindi lang iyan. Kailangan tayong manampalataya sa Diyos, mamuhay kasuwato ng kaniyang layunin, at gawin ang makakaya natin sa ikatutupad ng layuning iyan. Mahirap itong gawin kung minsan, pero kailangan nating tumanggap ng payo at sumunod sa tagubilin ng organisasyon ni Jehova. Pinasigla ni Brother Splane ang mga tagapakinig na gawin ang lahat para makapasok sa kapahingahan ng Diyos.

Ang huling pahayag, na binigkas ni Anthony Morris, miyembro ng Lupong Tagapamahala, ay pinamagatang “Ano Pa ang Hinihintay Natin?” Sa pahayag na ito, ipinaalaala ni Brother Morris sa mga tagapakinig ang mga hulang malapit nang matupad, mga pangyayaring sabik na hinihintay ng lahat ng tapat na lingkod ng Diyos. Kasali rito ang pagsigaw ng “Kapayapaan at katiwasayan!” at ang pagkapuksa ng huwad na relihiyon. (1 Tes. 5:2, 3; Apoc. 17:15-17) Nagbabala si Brother Morris na huwag nating sabihin, “Armagedon na ito,” kapag nakaririnig ng balitang hindi naman katuparan ng mga hulang nabanggit. Inirekomenda niya ang maligaya, matiyaga, at mapaghintay na saloobing inilarawan sa Mikas 7:7. Kasabay nito, pinasigla niya ang lahat na makipagtulungan sa Lupong Tagapamahala, gaya ng mga sundalong nagtutulungan kapag sumasabak sa digmaan. “Magpakatibay nawa ang inyong puso,” ang sabi niya, “lahat kayong naghihintay kay Jehova.”​—Awit 31:24.

Sa pagtatapos ng miting, may kapana-panabik at makasaysayang mga patalastas. Ipinatalastas ni Geoffrey Jackson, miyembro ng Lupong Tagapamahala, na susubukan ang isang pinasimpleng edisyon para sa pag-aaral ng The Watchtower, na magagamit ng mga hindi masyadong marunong mag-Ingles. Ipinatalastas naman ni Stephen Lett na magsasaayos ang Lupong Tagapamahala ng pagpapastol para sa mga tagapangasiwa ng distrito sa Estados Unidos at sa kani-kanilang asawa. Ipinaalam din niya na ang Ministerial Training School ay tatawagin nang Bible School for Single Brothers. Magkakaroon din ng isang bagong paaralan, ang Bible School for Christian Couples. Magbibigay ito ng karagdagang pagsasanay sa mga mag-asawa para mas magamit sila ng organisasyon ni Jehova. Ipinatalastas din ni Brother Lett na idaraos na ang School for Traveling Overseers and Their Wives at ang School for Branch Committee Members and Their Wives sa Patterson nang dalawang beses bawat taon. Isasaayos din na makapag-aral sa ikalawang pagkakataon ang mga nakapagtapos na rito.

Winakasan ang programa nang bigkasin ng 97-taóng-gulang na si John E. Barr, matagal nang miyembro ng Lupong Tagapamahala, ang isang mapagpakumbaba at taimtim na panalangin. * Nadama ng lahat ng dumalo na talagang makasaysayan ang araw na ito.

[Mga talababa]

^ par. 20 Natapos ni Brother Barr ang kaniyang buhay sa lupa noong Disyembre 4, 2010.

[Blurb sa pahina 19]

Nasiyahan sa mga panayam ang lahat ng dumalo

[Blurb sa pahina 20]

Pinagpala ni Jehova ang pangangaral sa Etiopia