Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Itaguyod ang Kapayapaan

Itaguyod ang Kapayapaan

Itaguyod ang Kapayapaan

“Itaguyod natin ang mga bagay na nagdudulot ng kapayapaan.”​—ROMA 14:19.

1, 2. Bakit may kapayapaan sa gitna ng mga Saksi ni Jehova?

TUNAY na kapayapaan​—napakailap niyan sa ngayon. Kadalasan, kahit ang mga taong magkakabansa at nagsasalita ng iisang wika ay nababahagi sa relihiyon, pulitika, at katayuan sa lipunan. Sa kabaligtaran, ang bayan ni Jehova ay nagkakaisa kahit nagmula sila sa “lahat ng mga bansa at mga tribo at mga bayan at mga wika.”​—Apoc. 7:9.

2 Maraming dahilan kung bakit may kapayapaan sa gitna natin. Una, mayroon tayong “kapayapaan sa Diyos.” Resulta ito ng pananampalataya natin sa kaniyang Anak, na naghandog ng kaniyang buhay para sa atin. (Roma 5:1; Efe. 1:7) Karagdagan pa, nagbibigay si Jehova ng banal na espiritu sa kaniyang tapat na mga lingkod, at kasama sa bunga ng espiritung iyon ang kapayapaan. (Gal. 5:22) May kapayapaan din tayo at pagkakaisa dahil “hindi [tayo] bahagi ng sanlibutan.” (Juan 15:19) Sa halip na pumanig sa mga usaping pampulitika, nananatili tayong neutral. Hindi tayo nakikisangkot sa mga digmaan dahil ‘pinukpok na natin ang ating mga tabak upang maging mga sudsod.’​—Isa. 2:4.

3. Ano ang nagiging posible dahil sa kapayapaang taglay natin, at ano ang tatalakayin sa artikulong ito?

3 Natatangi ang kapayapaang taglay natin dahil hindi lang tayo basta umiiwas na saktan o pinsalain ang ating mga kapatid. ‘Iniibig natin ang isa’t isa’ kahit magkakaiba ang ating lahi at kultura. (Juan 15:17) Dahil sa kapayapaang ito, gumagawa tayo ng “mabuti sa lahat, ngunit lalo na roon sa mga may kaugnayan sa atin sa pananampalataya.” (Gal. 6:10) Napakahalaga ng ating mapayapang espirituwal na paraiso, kaya naman dapat natin itong pakaingatan. Suriin natin kung paano natin maitataguyod ang kapayapaan sa loob ng kongregasyon.

Kapag Natisod Tayo

4. Kapag nakasakit tayo ng damdamin ng iba, ano ang magagawa natin para maitaguyod ang kapayapaan?

4 “Tayong lahat ay natitisod nang maraming ulit,” ang sabi ng alagad na si Santiago. “Kung ang sinuman ay hindi natitisod sa salita, ang isang ito ay taong sakdal.” (Sant. 3:2) Kaya naman, hindi maiiwasan ang di-pagkakaunawaan sa gitna ng magkakapananampalataya. (Fil. 4:2, 3) Pero puwede nila itong lutasin nang hindi nagagambala ang kapayapaan ng kongregasyon. Halimbawa, pansinin ang payo na dapat nating sundin kapag nalaman nating nakasakit tayo ng damdamin ng iba.​—Basahin ang Mateo 5:23, 24.

5. Paano natin maitataguyod ang kapayapaan kapag ginawan tayo ng mali?

5 Paano kung tayo naman ang ginawan ng mali? Dapat ba nating isipin na kailangang lumapit sa atin ang nagkasala at humingi ng tawad? Ang pag-ibig ay “hindi . . . nagbibilang ng pinsala,” ayon sa 1 Corinto 13:5. Kapag nasaktan ang ating damdamin, maitataguyod natin ang kapayapaan kung patatawarin natin ang nagkasala at kalilimutan ang problema. (Basahin ang Colosas 3:13.) Ganiyan ang dapat nating gawin sa maliliit na pagkukulang ng ating mga kapatid para mapanatili ang kapayapaan ng kongregasyon at ng ating isip. Ayon sa isang kawikaan: “Kagandahan . . . na palampasin ang pagsalansang.”​—Kaw. 19:11.

6. Ano ang dapat nating gawin kung nahihirapan tayong palampasin ang isang pagkakamali?

6 Paano kung nahihirapan tayong palampasin ang isang pagkakamali? Hindi matalinong itsismis ito dahil makasisira ito sa kapayapaan ng kongregasyon. Kaya ano ang dapat nating gawin? Ganito ang sabi ng Mateo 18:15: “Kung ang kapatid mo ay magkasala, pumaroon ka at ihayag ang kaniyang pagkakamali na ikaw at siya lamang. Kung makinig siya sa iyo, natamo mo ang iyong kapatid.” Bagaman ang Mateo 18:15-17 ay kapit sa malulubhang pagkakasala, magagamit din natin ang simulain sa talata 15 sa ibang sitwasyon. Dapat nating lapitan nang sarilinan ang nakasakit sa atin at sikaping makipagpayapaan sa kaniya. *

7. Bakit kailangan nating makipag-ayos kaagad sa ating kapatid?

7 Sumulat si apostol Pablo: “Mapoot kayo, gayunma’y huwag magkasala; huwag hayaang lumubog ang araw na kayo ay pukáw sa galit, ni magbigay man ng dako sa Diyablo.” (Efe. 4:26, 27) Sinabi naman ni Jesus: “Makipag-ayos kang madali sa isa na nagrereklamo sa batas laban sa iyo.” (Mat. 5:25) Kailangan nating makipag-ayos kaagad sa ating kapatid. Bakit? Para ang mga di-pagkakaunawaan ay huwag lumala gaya ng sugat na napabayaan at naimpeksiyon. Huwag nating hayaang ang pride, inggit, o labis na pagpapahalaga sa materyal na bagay ay makahadlang sa atin na makipag-ayos agad.​—Sant. 4:1-6.

Kapag Marami ang Sangkot

8, 9. (a) Anong magkakaibang pangmalas ang umiral sa unang-siglong kongregasyon sa Roma? (b) Ano ang ipinayo sa kanila ni Pablo?

8 Kung minsan, hindi lang dalawang tao ang sangkot sa di-pagkakaunawaan. Ganiyan ang sitwasyon ng kongregasyon sa Roma na sinulatan ni apostol Pablo. Nagkaroon ng pagtatalo sa pagitan ng mga Kristiyanong Judio at Gentil. Naghatulan sa isa’t isa ang mga may mahihina at may malalakas na budhi. Hinusgahan nila ang isa’t isa tungkol sa personal na mga bagay. Ano ang ipinayo sa kanila ni Pablo?​—Roma 14:1-6.

9 Pinayuhan ni Pablo ang magkabilang panig. Sa mga nakauunawa na wala na sila sa ilalim ng Kautusang Mosaiko, sinabi ni Pablo na huwag nilang hamakin ang kanilang mga kapatid. (Roma 14:2, 10) Ang gayong saloobin ay makatitisod sa mga mananampalataya na hindi pa maatim na kumain ng mga bagay na ipinagbabawal ng Kautusan. “Huwag [mong] gibain ang gawa ng Diyos dahil lamang sa pagkain,” ang payo ni Pablo. “Mabuti ang huwag kumain ng karne o uminom ng alak o gumawa ng anumang bagay na ikinatitisod ng iyong kapatid.” (Roma 14:14, 15, 20, 21) Pinayuhan naman ni Pablo ang mga Kristiyanong mas sensitibo ang budhi na huwag hatulan ang mga kapatid na may mas malawak na pananaw. (Roma 14:13) Sinabihan niya ang ‘bawat isa sa kanila roon na huwag mag-isip nang higit tungkol sa kaniyang sarili kaysa sa nararapat isipin.’ (Roma 12:3) Matapos payuhan ang magkabilang panig, sumulat si Pablo: “Itaguyod natin ang mga bagay na nagdudulot ng kapayapaan at ang mga bagay na nakapagpapatibay sa isa’t isa.”​—Roma 14:19.

10. Tulad ng mga Kristiyano sa Roma, ano ang kailangang gawin para malutas ang mga di-pagkakaunawaan sa ngayon?

10 Tiyak na tinanggap ng mga kapatid sa Roma ang payo ni Pablo at gumawa sila ng kinakailangang pagbabago. Kapag bumangon ang mga di-pagkakaunawaan sa gitna ng mga Kristiyano sa ngayon, kailangan din nating ayusin ang mga ito sa mahinahong paraan sa tulong ng Kasulatan. At gaya ng mga kapatid sa Roma, baka kailangang gumawa ng pagbabago ang magkabilang panig para mapanatili ang “kapayapaan sa isa’t isa.”​—Mar. 9:50.

Kapag Hiningan Ka ng Tulong

11. Ano ang dapat gawin ng isang elder kung may gustong makipag-usap sa kaniya tungkol sa problema sa isang kapananampalataya?

11 Paano kung may problema sa kamag-anak o kapananampalataya ang isang Kristiyano at gusto niya itong ipakipag-usap sa isang elder? Ganito ang sabi ng Kawikaan 21:13: “Kung tungkol sa sinumang nagtatakip ng kaniyang tainga sa daing ng maralita, siya rin ay tatawag at hindi sasagutin.” Tiyak na walang elder na ‘magtatakip ng kaniyang tainga’ sa sinumang humihingi ng tulong. Pero nagbabala ang isa pang kawikaan: “Sa simula’y waring tama ang unang magdulog ng usapin, hanggang dumating ang kaaway at masuri siya.” (Kasabihan [o, Kawikaan] 18:17, Biblia ng Sambayanang Pilipino) Dapat makinig nang may kabaitan ang isang elder, pero mag-iingat din siya na huwag kumampi sa nagsusumbong. Pagkatapos niyang pakinggan ang humihingi ng tulong, malamang na tatanungin niya ito kung kinausap na nito ang taong nasasangkot. Maaari ding ipaalaala ng elder ang maka-Kasulatang mga hakbang na magagawa ng pinagkasalahan para maitaguyod ang kapayapaan.

12. Magbigay ng mga halimbawa na nagpapakita ng panganib ng padalus-dalos na pagkilos matapos marinig ang isang reklamo.

12 Ipinakikita ng tatlong halimbawa sa Bibliya na mapanganib ang padalus-dalos na pagkilos lalo na kung iisang panig lang ang napakinggan. Naniwala si Potipar sa sumbong ng asawa niya na pinagtangkaan siyang halayin ni Jose. Sa tindi ng galit ni Potipar, ipinabilanggo niya si Jose. (Gen. 39:19, 20) Naniwala si Haring David kay Ziba nang sabihin nito na pumanig sa mga kaaway ni David ang panginoon nitong si Mepiboset. “Narito! Sa iyo na ang lahat ng pag-aari ni Mepiboset,” ang padalus-dalos na tugon ni David. (2 Sam. 16:4; 19:25-27) Ibinalita ng mga kaaway ng mga Judio kay Haring Artajerjes na muling itinatayo ng mga Judio ang mga pader ng Jerusalem dahil gusto nilang maghimagsik laban sa Imperyo ng Persia. Naniwala ang hari sa kasinungalingang ito at pinahinto niya ang lahat ng pagtatayo sa Jerusalem. Kaya naman nahinto ang paggawa ng mga Judio sa templo ng Diyos. (Ezra 4:11-13, 23, 24) Katalinuhan ngang sundin ng mga elder ang payo ni Pablo kay Timoteo na huwag gumawa ng patiunang paghatol.​—Basahin ang 1 Timoteo 5:21.

13, 14. (a) Ano ang dapat nating tandaan kapag may problema sa pagitan ng dalawang tao? (b) Ano ang makatutulong sa mga elder para makagawa ng tamang paghatol?

13 Baka sa tingin natin ay alam na natin ang puno’t dulo ng problema. Pero pansinin ang sinasabi ng Bibliya: “Kung iniisip ng sinuman na nagtamo na siya ng kaalaman tungkol sa isang bagay, hindi pa niya nalalaman iyon gaya ng nararapat niyang malaman.” (1 Cor. 8:2) Talaga nga bang alam natin ang lahat ng detalye? Naiintindihan ba natin ang background ng mga taong sangkot? Kapag kailangang humatol ang mga elder, napakahalaga nga na huwag silang magpadaya sa kasinungalingan, tusong taktika, o mga sabi-sabi! Si Jesu-Kristo, ang Hukom na hinirang ng Diyos, ay humahatol nang matuwid. Hindi siya humahatol “ayon lamang sa nakita ng kaniyang mga mata, ni [sumasaway] man ayon lamang sa narinig ng kaniyang mga tainga.” (Isa. 11:3, 4) Si Jesus ay ginagabayan ng espiritu ni Jehova. Dapat ding magpagabay sa banal na espiritu ng Diyos ang Kristiyanong matatanda.

14 Bago humatol sa isang problema, ang mga elder ay kailangang manalangin para sa tulong ng espiritu ni Jehova. Nananalig din sila sa patnubay nito sa pamamagitan ng pagsangguni sa Salita ng Diyos at mga publikasyon ng tapat at maingat na alipin.​—Mat. 24:45.

Dapat Bang Makipagkompromiso Alang-alang sa Kapayapaan?

15. Kapag nalaman natin ang tungkol sa isang malubhang pagkakasala, kailan natin ito dapat ipagbigay-alam sa mga elder?

15 Bilang mga Kristiyano, pinapayuhan tayong magtaguyod ng kapayapaan. Pero sinasabi rin ng Bibliya: “Ang karunungan mula sa itaas una sa lahat ay malinis, pagkatapos ay mapayapa.” (Sant. 3:17) Una sa lahat, kailangan tayong maging malinis. Ibig sabihin, kailangan nating itaguyod ang malinis na pamantayang moral ng Diyos at abutin ang kaniyang matuwid na mga kahilingan. Pumapangalawa lamang ang pagiging mapayapa. Kapag nalaman ng isang Kristiyano ang malubhang pagkakasala ng isang kapananampalataya, dapat niyang himukin ang nagkasala na ipagtapat iyon sa mga elder. (1 Cor. 6:9, 10; Sant. 5:14-16) Kapag hindi ito ginawa ng nagkasala, dapat niya itong ipagbigay-alam sa Kristiyanong matatanda. Kung hindi niya ito gagawin dahil gusto niyang mapanatili ang pakikipagpayapaan sa nagkasala, magiging kasabuwat siya sa pagkakasalang iyon.​—Lev. 5:1; basahin ang Kawikaan 29:24.

16. Ano ang matututuhan natin sa pagkilos ni Jehu laban kay Haring Jehoram?

16 Ipinakikita ng isang pangyayari sa Bibliya na dapat nating unahin ang katuwiran ng Diyos bago ang pakikipagpayapaan. Isinugo ng Diyos si Jehu para maglapat ng Kaniyang hatol sa sambahayan ni Haring Ahab. Ang balakyot na anak nina Ahab at Jezebel, si Haring Jehoram, ay sumakay sa kaniyang karo para salubungin si Jehu at nagsabi: “May kapayapaan ba, Jehu?” Sinabi ni Jehu: “Anong kapayapaan ang maaaring umiral hangga’t naroon pa ang mga pakikiapid ni Jezebel na iyong ina at ang kaniyang maraming panggagaway?” (2 Hari 9:22) Pagkatapos, kinuha ni Jehu ang kaniyang busog at pinana si Jehoram sa puso. Gaya ni Jehu, kumikilos din ang mga elder at hindi nakikipagkompromiso alang-alang sa kapayapaan. Itinitiwalag nila ang mga di-nagsisising nagkasala para patuloy na magtamasa ng kapayapaan sa Diyos ang kongregasyon.​—1 Cor. 5:1, 2, 11-13.

17. Para maitaguyod ang kapayapaan, ano ang dapat gawin ng lahat ng Kristiyano?

17 Kadalasan, ang mga problema sa gitna ng mga kapatid ay maliliit na bagay na hindi nangangailangan ng hudisyal na aksiyon. Kaya mas mabuting pagtakpan na lang ang mga ito. Sinasabi ng Bibliya: “Ang nagtatakip ng pagsalansang ay naghahangad ng pag-ibig, at siyang salita nang salita tungkol sa isang bagay ay naghihiwalay niyaong malalapít sa isa’t isa.” (Kaw. 17:9) Kung susundin natin ito, mapananatili natin ang kapayapaan sa kongregasyon at ang mabuting kaugnayan natin kay Jehova.​—Mat. 6:14, 15.

Mga Pagpapala sa Pagtataguyod ng Kapayapaan

18, 19. Anong mga pagpapala ang tatanggapin ng mga nagtataguyod ng kapayapaan?

18 Pagpapalain tayo ni Jehova kapag itinataguyod natin “ang mga bagay na nagdudulot ng kapayapaan.” Magiging mas malapít tayo sa kaniya habang tinutularan natin siya, at nakatutulong tayong mapanatili ang pagkakaisa sa ating espirituwal na paraiso. Natututuhan din natin kung paano itaguyod ang kapayapaan sa mga pinangangaralan natin ng “mabuting balita ng kapayapaan.” (Efe. 6:15) Mas handa tayong “maging banayad sa lahat,” at “nagpipigil sa ilalim ng kasamaan.”​—2 Tim. 2:24.

19 Tandaan din na magkakaroon ng “pagkabuhay-muli kapuwa ng mga matuwid at mga di-matuwid.” (Gawa 24:15) Milyun-milyong tao na may iba’t ibang pinagmulan, ugali, at personalidad ang bubuhaying muli​—ang iba nga ay “mula [pa] sa pagkakatatag ng sanlibutan.” (Luc. 11:50, 51) Napakalaking pribilehiyo na turuan sila sa daan ng kapayapaan! Sa panahong iyon, pakikinabangan natin ang pagsasanay na tinatanggap natin ngayon bilang mga mapagpayapa.

[Talababa]

^ par. 6 Tingnan Ang Bantayan, Oktubre 15, 1999, pahina 17-22, para sa maka-Kasulatang patnubay tungkol sa malulubhang kasalanan gaya ng paninirang-puri at pandaraya.

Ano ang Natutuhan Mo?

• Paano natin maitataguyod ang kapayapaan kung nakasakit tayo ng damdamin ng iba?

• Paano natin maitataguyod ang kapayapaan kapag ginawan tayo ng mali?

• Bakit hindi matalinong kumampi kapag may di-pagkakaunawaan ang iba?

• Ipaliwanag kung bakit hindi tayo dapat makipagkompromiso alang-alang sa kapayapaan.

[Mga Tanong sa Aralin]

[Mga larawan sa pahina 29]

Mahal ni Jehova ang mga nagpapatawad sa iba