Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Matalinong Paggamit ng Internet

Matalinong Paggamit ng Internet

Matalinong Paggamit ng Internet

NANG maimbento ang pag-iimprenta maraming siglo na ang nakararaan, nagbago ang paraan ng pakikipagtalastasan ng mga tao. Katulad din iyan ng pagkaimbento ng Internet nitong makabagong panahon. Ang Internet ay naging tulay sa pandaigdig na komunikasyon. Habang naglalakbay ka sa “information superhighway” na ito, napakaraming impormasyon ang makukuha mo tungkol sa iba’t ibang paksa.

Ang kakayahang makipagtalastasan ay isang napakagandang regalo mula sa ating Maylalang. Dahil dito, puwede tayong makipagpalitan ng ideya at impormasyon. Si Jehova ang unang nakipagtalastasan sa mga tao. Nagbigay siya ng napakalinaw na impormasyon kung paano sila magkakaroon ng makabuluhang buhay. (Gen. 1:28-30) Pero gaya ng ipinakikita ng mga pangyayari sa pasimula ng kasaysayan ng tao, puwedeng maabuso ang kaloob na ito. Nagbigay si Satanas ng maling impormasyon kay Eva. Tinanggap naman ito ni Eva at itinawid kay Adan, na ikinapahamak ng sangkatauhan.​—Gen. 3:1-6; Roma 5:12.

Kumusta naman ang Internet? Maaari itong magbigay sa atin ng mahalagang impormasyon, makatulong para makatipid tayo ng panahon, at maging kapaki-pakinabang sa iba pang paraan. Pero puwede rin itong magbigay ng maling impormasyon, umubos ng ating panahon, at sumira ng ating moralidad. Tingnan kung paano natin magagamit ang Internet sa matalinong paraan.

Impormasyon​—Mapananaligan o Hindi?

Huwag isipin na ang lahat ng impormasyon sa Internet ay mabuti at kapaki-pakinabang. Ang mga search engine sa Internet ay maihahalintulad sa mga taong walang-kapagurang nangunguha ng lahat ng klase ng kabute​—pati na ang mga nakalalason​—at pinagsasama-sama ang mga ito sa iisang lalagyan. Kung bibili ka ng mga kabuteng ito para iluto, hindi ba susuriin mo muna nang isa-isa ang mga ito bago bilhin? Ang mga search engine sa Internet ay gumagamit ng napakaraming computer para kumuha ng impormasyon mula sa bilyun-bilyong Web page, mabuti man o masama ang nilalaman ng mga ito. Kailangan natin ng kaunawaan para matukoy kung ano ang mabuti o masama nang hindi tayo mabiktima ng maling impormasyon.

Noong 1993, lumabas sa isang kilaláng magasin ang isang drowing ng dalawang aso na nasa harap ng computer. Sinabi ng isang aso sa kapuwa aso: “Sa Internet, walang nakakaalam na aso ka.” Ayon sa Bibliya, si Satanas ay nagpanggap gamit ang isang ahas para makausap niya si Eva at sabihin dito na puwede itong maging tulad ng Diyos. Ganiyan din ang ginagawa ng marami sa ngayon. Gamit ang Internet, nagpapanggap silang eksperto na maraming alam, pero hindi isinisiwalat ang kanilang pangalan. At kahit sino ay puwedeng mag-post ng ideya, impormasyon, larawan, at mungkahi.

Kapag gumagamit ng Internet, huwag maging mapaniwalaing gaya ni Eva. Maging mapanuri sa impormasyon. Bago maniwala, tanungin ang iyong sarili: (1) Sino ang naglagay ng impormasyong ito? Ano ang mga kredensiyal ng awtor? (2) Bakit ito inilabas? Ano ang motibo ng sumulat? May pinapaboran ba siya? (3) Saan niya nakuha ang impormasyon? Puwede ko bang kumpirmahin ang pinagkunan niya ng impormasyon? (4) Bago ba ang impormasyong ito? Noong unang siglo, ganito ang payo ni apostol Pablo kay Timoteo na kapit pa rin sa ngayon: “Bantayan mo ang ipinagkatiwala sa iyo, na tinatalikdan ang walang-katuturang mga usapan na lumalapastangan sa kung ano ang banal at ang mga pagsasalungatan ng may-kabulaanang tinatawag na ‘kaalaman.’”​—1 Tim. 6:20.

Nakatitipid o Nakauubos ng Panahon?

Kung gagamitin nang tama ang Internet, tiyak na makatitipid tayo ng panahon, lakas, at pera. Kahit nasa bahay, kumbinyente nating mabibili ang mga kailangan natin. Mapagkukumpara din natin ang mga presyo sa iba’t ibang Web site, kaya makatitipid tayo. Naging mas magaan ang buhay ng marami dahil sa online banking; maaari nang gumawa ng transaksiyon sa pananalapi kahit nasa bahay. Kapag nagpaplano kang magbiyahe, madali kang makapagbu-book ng transportasyon at tuluyan, at makatitipid ka. Napakadaling maghanap ng numero ng telepono, adres, at iba’t ibang ruta para makarating sa ating pupuntahan. Ginagamit ng mga tanggapang pansangay ng mga Saksi ni Jehova sa buong daigdig ang mga serbisyong ito para mabawasan ang kailangang boluntaryo at makatipid ng panahon at pananalapi.

Pero dapat tandaan ang panganib na kaugnay ng panahong ginagamit sa Internet. Para sa ilan, hindi nagiging kapaki-pakinabang ang Internet dahil ginagawa nila itong laruan. Umuubos sila ng napakaraming panahon sa games, e-mail, chat, shopping, searching, at surfing. Di-magtatagal, mapapabayaan nila ang mas mahahalagang bagay​—ang kanilang pamilya, kaibigan, at kongregasyon. Maaari pa ngang maging adiksiyon ang paggamit ng Internet. Halimbawa, sinabi ng isang pagtaya na inilathala noong 2010 na 18.4 porsiyento ng mga kabataang Koreano ang naaadik sa Internet. Sinasabi naman ng mga mananaliksik na Aleman na “parami nang paraming kababaihan ang nagrereklamo sa adiksiyon ng kanilang kapareha.” Idinaing ng isang babae na dahil sa pagkahumaling ng kaniyang asawa sa Internet, malaki ang ipinagbago nito anupat umabot sa puntong nasira ang kanilang pagsasama.

Isang tanggapang pansangay ng mga Saksi ni Jehova ang tumanggap ng sulat mula sa isang indibiduwal na nagsabing adik siya sa Internet. Kung minsan ay inaabot siya nang sampung oras sa isang araw sa paggamit nito. “Sa simula, parang okey lang,” ang sabi niya. Pero idinagdag niya: “Di-nagtagal, dumalang na ang pagdalo ko sa pulong at hindi na ako nananalangin.” Kapag dumadalo naman siya, hindi siya handa at gustung-gusto na niyang umuwi para “makapag-log-on uli.” Mabuti na lang at natauhan siya. Huwag sanang umabot sa punto na tayo’y maadik sa Internet.

Impormasyon​—Katanggap-tanggap sa Diyos o Hindi?

Sa 1 Tesalonica 5:21, 22, mababasa natin: “Tiyakin ninyo ang lahat ng bagay; manghawakan kayong mahigpit sa kung ano ang mainam. Umiwas kayo mula sa bawat anyo ng kabalakyutan.” Kailangan nating tiyakin kung aling impormasyon sa Internet ang sinasang-ayunan ng Diyos at nakaaabot sa kaniyang mataas na pamantayan. Dapat na angkop ito para sa isang Kristiyano at hindi kuwestiyunable. Dahil palasak na ang pornograpya sa Internet, kailangan tayong mag-ingat para huwag masilo nito.

Tanungin ang sarili, ‘Itatago ko ba ang tinitingnan ko sa screen kung biglang pumasok sa kuwarto ang aking asawa, magulang, o mga kapatid na Kristiyano?’ Kung oo, dapat na gumamit lang tayo ng Internet kapag may kasama tayo. Hindi lang binago ng Internet ang paraan ng ating komunikasyon at pamimilí. Inihahantad din tayo nito sa ibang paraan ng ‘pangangalunya sa ating puso.’​—Mat. 5:27, 28.

Dapat ba Itong I-forward o Hindi?

Sa Internet, nakakakuha tayo ng impormasyon at naipamamahagi ito sa iba. Bagaman may kalayaan tayong gawin ito, may pananagutan din tayong tiyakin kung ang impormasyon ay totoo at hindi kuwestiyunable bago ito ipasa sa iba. Magagarantiyahan ba natin na tama ang isinusulat o ipino-forward natin sa iba? May pahintulot ba tayong ipasa ito? * Makabuluhan ba ito at nakapagpapatibay? Ano ang motibo natin sa pagpapasa nito? Hindi kaya gusto lang nating pahangain ang iba?

Malaking tulong ang e-mail kung gagamitin sa tamang paraan. Pero puwede rin tayong tambakan nito ng impormasyon. Pinabibigatan ba natin ang iba sa pamamagitan ng pagpapadala ng pinakabagong balita o trivia, anupat inaaksaya ang kanilang panahon? Hindi kaya dapat nating suriin ang ating motibo bago natin i-click ang “send”? Bakit nga ba tayo nagpapadala ng e-mail? Dati, ang mga tao ay sumusulat sa kanilang kapamilya at kaibigan para balitaan sila ng mga nangyayari sa kanilang buhay. Hindi ba ganiyan ang dapat na maging layunin ng ating e-mail? Bakit tayo magpapasa sa iba ng impormasyong hindi naman kumpirmado?

Kung gayon, ano ang masasabi natin tungkol sa Internet? Dapat ba itong iwasan nang tuluyan? Baka iyan ang kailangan sa ilang kaso. Ganiyan ang ginawa ng adik sa Internet na nabanggit kanina, para maitigil ang matagal na niyang adiksiyon dito. Pero kung hahayaan nating ‘bantayan tayo ng kakayahang mag-isip at ingatan tayo ng kaunawaan,’ maaaring maging kapaki-pakinabang sa atin ang Internet.​—Kaw. 2:10, 11.

[Talababa]

^ par. 17 Totoo rin ito sa mga litrato. Bagaman puwede tayong kumuha ng mga litrato para sa personal na gamit, baka wala tayong karapatang ipamahagi ito, lalo na ang ilagay ang pangalan ng mga taong nasa litrato at kung saan sila nakatira.

[Larawan sa pahina 4]

Paano mo maiiwasang mabiktima ng maling impormasyon?

[Larawan sa pahina 5]

Ano ang dapat mong isipin bago i-click ang “send”?