Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mga Mungkahi Para sa Pampamilyang Pagsamba at Personal na Pag-aaral

Mga Mungkahi Para sa Pampamilyang Pagsamba at Personal na Pag-aaral

Mga Mungkahi Para sa Pampamilyang Pagsamba at Personal na Pag-aaral

SIMULA noong Enero 2009, nagkaroon ng pagbabago sa iskedyul ng mga pulong ng mga Saksi ni Jehova sa buong daigdig. Ang dating Pag-aaral ng Kongregasyon sa Aklat ay isinama sa Paaralang Teokratiko Ukol sa Ministeryo at sa Pulong sa Paglilingkod. Pinasigla ang lahat na gamitin ang nabakanteng gabi para sa pampamilyang pagsamba o personal na pag-aaral. Sinasamantala mo ba ang bagong kaayusang ito? Nakikinabang ka ba rito?

Iniisip ng ilan kung anong materyal ang dapat nilang talakayin sa pampamilyang pagsamba. Hindi nagtakda ang Lupong Tagapamahala ng iisang programa para sa lahat ng pamilya. Dahil iba-iba ang kalagayan, makabubuting suriin ng bawat ulo ng pamilya o indibiduwal kung paano nila magagamit ang lingguhang kaayusang ito sa pinakamabuting paraan.

Ginagamit ng ilan ang pampamilyang pagsamba para maghanda sa mga pulong sa kongregasyon, pero may iba pang puwedeng gawin. Binabasa, tinatalakay, at isinasadula ng iba ang mga impormasyon sa Kasulatan, lalo na para makinabang ang mga bata. Hindi naman kailangang laging tanong-sagot ang pagtalakay gaya sa mga pulong. Miyentras mas relaks ang pag-aaral, mas magiging masigla ang talakayan at palitan ng ideya. Nagiging malikhain din ang bawat isa kung kaya mas kasiya-siya at di-malilimutan ang pag-aaral.

Ganito ang isinulat ng isang ama na may tatlong anak: “Kadalasan, ang ginagawa namin ay batay sa nabasa namin sa Bibliya. Nagkakani-kaniyang basa muna kami ng mga kabanata. Saka pumipili ang mga bata ng mga puntong ire-research at irereport nila. Si Michael [edad pito] ay malimit magdrowing o magsulat ng isang parapo. Sina David at Kaitlyn [edad 13 at 15] ay nagrereport tungkol sa isang kuwento sa Bibliya na parang aktuwal silang naroroon. Halimbawa, nang basahin namin ang pagpapakahulugan ni Jose sa mga panaginip ng magtitinapay at ng katiwala ng kopa ni Paraon, iniulat ito ni Kaitlyn na para bang isa siya sa mga bilanggong nakasaksi sa mga nangyari.”​—Gen., kab. 40.

Siyempre pa, iba-iba ang kalagayan. Ang mabisa para sa isang indibiduwal o pamilya ay maaaring hindi mabisa para sa iba. Ang kahon sa kasunod na pahina ay may ilang mungkahing magagamit mo sa inyong pampamilyang pagsamba o personal na pag-aaral. Malamang, may maiisip ka pang ibang ideya.

[Kahon/Larawan sa pahina 6, 7]

Para sa mga pamilyang may anak na kabataan:

• Basahin at talakayin ang aklat na Ang mga Tanong ng mga Kabataan​—Mga Sagot na Lumulutas.

• Ipagpalagay na nabubuhay kayo noong panahon ng Bibliya. (Tingnan ang Bantayan ng Mayo 15, 1996, pahina 14, parapo 17-18.)

• Pag-usapan ang mga pangmatagalang tunguhin at mga simpleng tunguhin.

• Sa pana-panahon, panoorin at pag-usapan ang mga video tungkol sa Bibliya.

• Talakayin ang seksiyon sa Bantayan na “Para sa mga Kabataan.”

Para sa mga mag-asawang walang anak:

• Talakayin ang kabanata 1, 3, 11-16 ng aklat na Ang Lihim ng Kaligayahan sa Pamilya.

• Pag-usapan ang inyong research tungkol sa mga punto mula sa pagbabasa ng Bibliya.

• Maghanda para sa Pag-aaral ng Kongregasyon sa Bibliya o Pag-aaral sa Bantayan.

• Pag-usapan kung paano ninyo mapalalawak ang inyong ministeryo bilang mag-asawa.

Para sa mga walang asawa o nasa sambahayang nababahagi dahil sa relihiyon:

• Pag-aralan ang mga bagong publikasyong inilabas sa pandistritong kombensiyon.

• Basahin ang bago at nakaraang mga Taunang Aklat.

• Magsaliksik tungkol sa karaniwang mga tanong ng mga tao sa teritoryo.

• Maghanda ng mga presentasyon para sa ministeryo sa larangan.

Para sa mga pamilyang may maliliit na anak:

• Isadula ang mga eksena sa Bibliya.

• Maglaro ng mga memory game gaya ng mga nasa pahina 30 at 31 ng Gumising!

• Paminsan-minsan, gumawa ng bagay na naiiba. (Tingnan ang “Pag-aaral ng Bibliya sa Zoo!” sa Gumising! ng Marso 8, 1996, pahina 16-19.)

• Talakayin ang seksiyon sa Bantayan na “Turuan ang Iyong mga Anak.”