Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
Posible bang matukoy ang eksaktong bilang ng Mesiyanikong mga hula sa Hebreong Kasulatan?
Ang masusing pag-aaral sa Hebreong Kasulatan ay tutulong sa atin na matukoy ang napakaraming hula na natupad kay Jesu-Kristo. Detalyadong sinasabi ng mga hulang ito ang pagmumulan ng Mesiyas, panahon ng kaniyang paglitaw, mga gawain niya, pagtrato sa kaniya, at ang dako niya sa kaayusan ng Diyos na Jehova. Kapag pinagsama-sama, ang mga ito ay bumubuo ng isang malaking larawan na tutulong sa atin na makilala si Jesus bilang ang Mesiyas. Pero kailangang maging maingat kapag tinutukoy ang eksaktong bilang ng Mesiyanikong mga hula sa Hebreong Kasulatan.
Iba-iba ang opinyon kung alin ang maituturing na Mesiyanikong hula o hindi. Sinabi ni Alfred Edersheim sa kaniyang aklat na The Life and Times of Jesus the Messiah na ayon sa sinaunang mga akdang rabiniko, 456 na teksto mula sa Hebreong Kasulatan ang maituturing na Mesiyanikong hula, bagaman marami sa mga ito ay hindi espesipikong bumabanggit sa Mesiyas. Pero kung masusing pag-aaralan ang 456 na tekstong ito, mag-aalinlangan tayo kung talaga kayang tumutukoy kay Jesu-Kristo ang ilan sa mga hulang ito. Halimbawa, sinabi ni Edersheim na itinuring ng mga Judio ang Genesis 8:11 bilang Mesiyanikong hula. Naniniwala sila na “ang dahon ng olibo sa tuka ng kalapati ay nanggaling sa Bundok ng Mesiyas.” Binanggit din ni Edersheim ang Exodo 12:42. Ayon sa kaniya, ganito ang maling pagkaunawa ng mga Judio sa tekstong ito: “Kung paanong si Moises ay lumabas mula sa disyerto, ang Mesiyas ay lalabas mula sa Roma.” Tiyak na mahihirapan ang maraming iskolar at ang iba pa na iugnay kay Jesu-Kristo ang dalawang tekstong ito at ang maling mga paliwanag sa mga ito.
Mahirap pa ring ibigay ang eksaktong bilang kahit ng mga hulang aktuwal na natupad kay Jesu-Kristo. Halimbawa, ang Isaias kabanata 53 ay naglalaman ng maraming detalye hinggil sa Mesiyas. Inihula sa Isaias 53:2-7: “Wala siyang matikas na anyo . . . Siya ay hinamak at iniwasan ng mga tao . . . Ang aming mga sakit ang siyang dinala niya . . . Siya ay inuulos dahil sa aming pagsalansang . . . Siya ay dinalang tulad ng isang tupa patungo sa patayan.” Maituturing bang iisang hula lang ang mga ito, o ang bawat detalye rito ay isang hiwalay na hula tungkol sa Mesiyas?
Isaalang-alang din ang Isaias 11:1, na nagsasabi: “Lalabas ang isang maliit na sanga mula sa tuod ni Jesse; at mula sa kaniyang mga ugat ay magiging mabunga ang isang sibol.” Lumitaw rin sa talata 10 ang hulang ito na may katulad na pananalita. Dapat bang ituring ang dalawang talatang ito bilang dalawang magkahiwalay na hula o iisang hula na inulit lang? Ang magiging konklusyon sa Isaias kabanata 53 at Isaias kabanata 11 ay tiyak na makaaapekto sa kabuuang bilang ng Mesiyanikong mga hula.
Kaya makabubuting iwasan nating magtakda ng espesipikong bilang ng Mesiyanikong mga hula sa Hebreong Kasulatan. Naglathala ang organisasyon ni Jehova ng mga talaan ng maraming hula tungkol kay Jesus at ng katuparan ng mga ito. * Ang mga talaang ito ay makapagpapatibay sa atin at makatutulong sa ating personal at pampamilyang pag-aaral at sa ating ministeryo. Bukod diyan, ang maraming Mesiyanikong hula, anuman ang bilang ng mga ito, ay nagsisilbing matibay na patotoo na si Jesus ang Kristo, o Mesiyas.
[Talababa]
^ par. 7 Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1, pahina 1097; Tomo 2, pahina 385; “Lahat ng Kasulatan ay Kinasihan ng Diyos at Kapaki-pakinabang,” pahina 343-344; Ano ba Talaga ang Itinuturo ng Bibliya? pahina 200.