Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa

Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa

Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa

Paano natin uunawain ang mga impormasyon sa taunang ulat ng paglilingkod?

Taun-taon, nasasabik tayong makita ang ulat ng paglilingkod na inilalathala sa Taunang Aklat. Nakatutuwang makita ang mga nagawa ng bayan ni Jehova sa gawaing pangangaral at pagtuturo tungkol sa Kaharian. Para mas makinabang tayo sa ulat na ito, kailangan natin ng tamang unawa sa mga impormasyon dito. Isaalang-alang natin ang ilang halimbawa.

Taon ng paglilingkod. Ito ay mula Setyembre hanggang Agosto ng kasunod na taon. Kasama sa Taunang Aklat ang ulat ng nakaraang taon ng paglilingkod. Kaya ipinakikita ng 2011 Taunang Aklat ang ulat para sa 2010 taon ng paglilingkod, na nagsimula noong Setyembre 1, 2009, hanggang Agosto 31, 2010.

Peak na mamamahayag at average na mamamahayag. Ang “mamamahayag” ay tumutukoy sa mga bautisadong Saksi ni Jehova pati na sa mga di-bautisado na kuwalipikadong mangaral tungkol sa Kaharian. Ang “peak na mamamahayag” ay ang pinakamataas na bilang ng nag-ulat sa alinmang buwan sa taon ng paglilingkod at maaaring kasama rito ang mga ulat na huling ibinigay at hindi naisama sa ulat ng nakaraang buwan. Kaya naman, posibleng mabilang nang dalawang beses ang ilang mamamahayag. Pero hindi kasama sa peak na ito ang bilang ng mamamahayag na nakibahagi sa ministeryo pero nakalimot mag-ulat. Idiniriin nito ang kahalagahan ng maagap na pagbibigay ng ulat bawat buwan. Ang “average na mamamahayag” ay tumutukoy sa katamtamang bilang ng mga nag-uulat ng kanilang paglilingkod buwan-buwan.

Kabuuang oras. Ayon sa 2011 Taunang Aklat, gumugol ang mga Saksi ni Jehova ng mahigit 1.6 bilyong oras sa ministeryo sa larangan. Pero hindi kasama rito ang lahat ng oras na ginamit natin sa ating pagsamba. Halimbawa, hindi kasali rito ang panahong ginugugol sa mga gawaing gaya ng pagpapastol, pagdalo sa mga pulong, at personal na pag-aaral ng Bibliya at pagbubulay-bulay.

Perang nagastos. Noong 2010 taon ng paglilingkod, gumugol ang mga Saksi ni Jehova ng mahigit $155 milyon sa pagtustos sa mga special pioneer, misyonero, at naglalakbay na tagapangasiwa sa kanilang atas ng paglilingkod sa larangan. Pero hindi kasama rito ang nagastos sa paglilimbag ng mga publikasyong salig sa Bibliya, ni ang mga gastusin para sa mahigit 20,000 boluntaryo sa mga pasilidad ng sangay sa buong daigdig.

Nakibahagi sa Memoryal. Ito ang bilang ng mga mamamahayag na nakibahagi sa mga emblema ng Memoryal sa buong daigdig. Tumutukoy ba ito sa kabuuang bilang ng mga pinahiran sa lupa? Hindi naman. Maraming dahilan kung bakit maaaring akalain ng ilan na mayroon silang makalangit na pagtawag, kasali na rito ang dating paniniwala, o problema sa isip o emosyon. Kaya hindi natin eksaktong matutukoy ang bilang ng mga pinahiran sa lupa; ni kailangan man natin itong alamin. Hindi inililista ng Lupong Tagapamahala ang mga pangalan ng nakikibahagi sa mga emblema ng Memoryal. *

Pero alam natin na may matitira pang ilang pinahirang “alipin ng ating Diyos” sa lupa kapag pinakawalan na ang mapamuksang hangin ng malaking kapighatian. (Apoc. 7:1-3) Hangga’t hindi dumarating ang panahong iyon, pangungunahan ng mga pinahiran ang pinakamalawak na gawaing pangangaral at pagtuturo sa kasaysayan ng tao​—mga gawaing iniuulat sa ating taunang ulat ng paglilingkod.

[Talababa]

^ par. 8 Tingnan ang artikulong “Ang Tapat na Katiwala at ang Lupong Tagapamahala Nito” sa Ang Bantayan ng Hunyo 15, 2009, pahina 24.