Natatandaan Mo Ba?
Natatandaan Mo Ba?
Nabasa mo bang mabuti ang nakaraang mga isyu ng Bantayan? Tingnan kung masasagot mo ang mga sumusunod:
• Anong tatlong mahahalagang bagay ang makatutulong sa atin na mapaglabanan ang tendensiya na maging di-tapat?
Ang mga ito ay: (1) Wastong pagkatakot sa Diyos. (1 Ped. 3:12) (2) Budhing sinanay sa Bibliya. (3) Pagkakontento.—4/15, pahina 6-7.
• Paano natin nalaman na ang seryosong paglilingkod sa Diyos ay hindi naman nangangahulugan na mukha tayong istrikto o hindi na nagrerelaks?
Maaari nating isaalang-alang ang halimbawa ni Jesus. Nagrelaks siya at kumain kasama ng iba. Alam nating hindi siya istrikto o napakaseryoso. Ang iba, pati ang mga bata, ay malapít sa kaniya.—4/15, pahina 10.
• Ano ang magagawa ng mag-asawa kapag nababawasan ang pagiging malapít nila sa isa’t isa matapos magkaanak?
Kailangang lagi nilang ipadama ang pagmamahal sa isa’t isa. Maaaring sikapin ng asawang lalaki na alisin ang anumang ikinababahala ng kaniyang asawa. Kailangang pag-usapan nilang dalawa ang kanilang emosyonal at pisikal na mga pangangailangan.—5/1, pahina 12-13.
• Ano ang inilalarawan ng makasagisag na punong olibo sa Roma kabanata 11?
Ang punong olibo ay nauugnay sa pangalawahing bahagi ng binhi ni Abraham, ang espirituwal na Israel. Ang ugat ng makasagisag na punong olibo na ito ay si Jehova at ang pinakakatawan nito ay si Jesus. Nang itakwil si Jesus ng karamihan sa likas na mga Judio, ang mga Gentil na naging mananampalataya ay maaari nang ihugpong para makumpleto ang hustong bilang ng pangalawahing bahagi ng binhi ni Abraham.—5/15, pahina 22-25.
• Anong mabuting balita ang maibabahagi natin sa mahihirap?
Ang mabuting balita ay: Inatasan ng Diyos si Jesus bilang Hari. Siya ang ulirang Tagapamahala na mag-aalis ng kahirapan. Bakit? Sapagkat mamamahala siya sa buong sangkatauhan at makapangyarihan siya; mahabagin siya sa mahihirap; at kaya niyang alisin ang ugat ng kahirapan, ang ating minanang tendensiya na maging sakim.—6/1, pahina 7.
• Ano ang ibig sabihin ni Jesus nang sabihin niya kay Caifas: “Ikaw mismo ang nagsabi nito”?—Mat. 26:63, 64.
Lumilitaw na ang pananalitang “ikaw mismo ang nagsabi nito” ay isang karaniwang idyoma ng mga Judio na ang ibig sabihin ay “oo.” Tinanong si Jesus ng mataas na saserdoteng si Caifas kung siya nga ang Kristo na Anak ng Diyos. Ang sagot ni Jesus na “ikaw mismo ang nagsabi nito” ay nangangahulugang “oo.”—6/1, pahina 18.
• Bahagi ba ng pantubos ang potensiyal na mga inapo ng sakdal na taong si Jesus?
Hindi. Bagaman maaari sanang pagmulan ng bilyun-bilyong sakdal na inapo si Jesus, ang potensiyal na mga inapong iyon ay hindi bahagi ng pantubos. Tanging ang sakdal na buhay ni Jesus ang katumbas ng kay Adan. (1 Tim. 2:6)—6/15, pahina 13.
• Paano ipinakikita ng mga Kristiyano na dinidibdib nila ang babala tungkol sa mga bulaang guro sa Gawa 20:29, 30?
Hindi nila binabati o tinatanggap sa kanilang tahanan ang mga bulaang guro. (Roma 16:17; 2 Juan 9-11) Iniiwasan ng mga Kristiyano ang mga literatura ng mga apostata, mga programa nila sa TV, at mga Web site na naglalaman ng kanilang mga turo.—7/15, pahina 15-16.
• Sino ang dapat magturo sa mga bata tungkol sa Diyos?
Dapat magtulungan ang ama at ina, kasuwato ng payo ng Bibliya. (Kaw. 1:8; Efe. 6:4) Ipinakikita ng pananaliksik na maganda ang epekto sa mga bata kapag may partisipasyon sa pagtuturo kapuwa ang ama at ina.—8/1, pahina 6-7.