Matutularan Mo ba si Pinehas sa Pagharap sa mga Hamon?
Matutularan Mo ba si Pinehas sa Pagharap sa mga Hamon?
NAPAKALAKING pribilehiyo na maglingkod bilang elder sa kongregasyon. Pero ipinakikita ng Salita ng Diyos na napapaharap din sa mga hamon ang mga elder. May mga pagkakataon na kailangan silang humawak ng mga kaso ng pagkakasala at ‘humatol para kay Jehova.’ (2 Cro. 19:6) O baka ang isang tagapangasiwa ay makatanggap ng atas na sa palagay niya’y hindi pa niya kayang gampanan, gaya ni Moises na mapagpakumbabang nagtanong: “Sino ako upang pumaroon ako kay Paraon?”—Ex. 3:11.
Ang Kasulatan, na isinulat sa pamamagitan ng aktibong puwersang humihirang din sa mga elder, ay may ulat tungkol sa mga tagapangasiwang nagtagumpay sa pagharap sa mga pagsubok. Isang halimbawa si Pinehas. Bilang anak ni Eleazar at apo ni Aaron, nakahanay siyang maging mataas na saserdote. Ipinakikita ng tatlong pangyayari sa kaniyang buhay na kailangang harapin ng mga elder sa ngayon ang mga hamon nang may lakas ng loob, kaunawaan, at pananalig kay Jehova.
“Siya ay Kaagad na Tumindig”
Kabataan pa lang si Pinehas nang magkampo ang mga Israelita sa Kapatagan ng Moab. Ganito ang ulat ng Bibliya: “Ang bayan ay nagpasimulang magkaroon ng imoral na pakikipagtalik sa mga anak na babae ng Moab. . . . At ang bayan ay nagsimulang kumain at yumukod sa kanilang mga diyos.” (Bil. 25:1, 2) Pinarusahan ni Jehova ng nakamamatay na salot ang mga nagkasala. Isip-isipin kung paano nakaapekto kay Pinehas ang ulat tungkol sa pagkakasalang ito at ang salot na idinulot nito.
Sinabi pa ng ulat: “Narito! isang lalaki mula sa mga anak ni Israel ang dumating, at dinala niya sa kaniyang mga kapatid ang isang babaing Midianita sa paningin ni Moises at sa paningin ng buong kapulungan ng mga anak ni Israel, samantalang sila ay tumatangis sa pasukan ng tolda ng kapisanan.” (Bil. 25:6) Ano ang gagawin ng saserdoteng si Pinehas? Kabataan lang siya, samantalang ang nagkasalang Israelita ay isang pinuno na nangunguna sa pagsamba.—Bil. 25:14.
Pero kay Jehova natatakot si Pinehas, hindi sa tao. Nang makita niya ang dalawa, agad siyang kumuha ng sibat, sinundan ang lalaki sa tolda, at inulos silang dalawa. Ano ang naging reaksiyon ni Jehova sa lakas ng loob at determinasyon ni Pinehas? Agad na pinahinto ni Jehova ang salot at ginantimpalaan si Pinehas. Nakipagtipan si Jehova sa kaniya na ang pagkasaserdote ay mananatili sa kaniyang angkan “hanggang sa panahong walang takda.”—Bil. 25:7-13.
Siyempre, hindi gumagamit ng karahasan ang mga elder sa ngayon. Pero gaya ni Pinehas, kailangang mayroon silang determinasyon at lakas ng loob. Halimbawa, ilang buwan pa lang naglilingkod bilang elder si Guilherme nang atasan siyang maging miyembro ng hudisyal na komite. Sangkot sa kaso ang isang elder na 1 Tim. 4:11, 12.
nakatulong kay Guilherme noong bata-bata pa siya. “Asiwa akong gampanan ang atas,” ang sabi niya. “Hindi ako makatulog. Pinag-iisipan kong mabuti kung paano hahawakan ang kasong ito nang hindi nagpapadala sa aking emosyon kundi nanghahawakan sa pamantayan ni Jehova. Ilang araw akong nanalangin at nagsaliksik sa mga publikasyong salig sa Bibliya.” Ito ang nagbigay sa kaniya ng lakas ng loob na harapin ang mahirap na sitwasyong iyon at tulungan sa espirituwal ang kaniyang nagkasalang kapatid.—Kung ang mga elder sa kongregasyon ay kikilos nang may lakas ng loob at determinasyon kapag hinihiling ito ng sitwasyon, magiging huwaran sila sa pananampalataya at katapatan. Siyempre pa, lahat ng Kristiyano ay nangangailangan ng lakas ng loob para ipagbigay-alam sa mga elder ang isang malubhang pagkakasala. Kailangan din ng katapatan para putulin ang pakikipag-ugnayan sa isang kaibigan o kamag-anak na tiwalag.—1 Cor. 5:11-13.
Naiwasan ang Pagdanak ng Dugo Dahil sa Kaunawaan
Ang lakas ng loob ni Pinehas ay hindi lang bunga ng kapusukan ng isang kabataan. Tingnan natin kung paano siya nagpakita ng kaunawaan—anupat kumilos nang may kapantasan at karunungan—nang makarinig siya ng isa pang ulat. Ang mga tribo nina Ruben at Gad at ang kalahating tribo ni Manases ay nagtayo ng isang altar malapit sa Ilog Jordan. Inakala ng ibang Israelita na para ito sa huwad na pagsamba kaya naghanda silang makipagdigma sa mga tribong ito.—Jos. 22:11, 12.
Ano ang naging reaksiyon ni Pinehas? Siya at ang iba pang pinuno ng Israel ay mahinahong nakipag-usap sa mga nagtayo ng altar. Nilinaw ng mga tribong ito na ang altar ay para sa “paglilingkod kay Jehova.” Sa gayo’y naiwasan ang pagdanak ng dugo.—Jos. 22:13-34.
Kaya naman, kapag ang isang Kristiyano ay nakarinig ng akusasyon o negatibong ulat tungkol sa isang kapananampalataya, talagang isang katalinuhan na tularan si Pinehas! Kung may kaunawaan tayo, hindi tayo agad-agad na magagalit ni itsitsismis man natin ang ating mga kapatid.—Kaw. 19:11.
Paano makapagpapakita ng kaunawaan ang mga elder, gaya ni Pinehas? Ganito ang sabi ni Jaime na mahigit sampung taon nang elder: “Kapag may inirereklamong kapatid ang isang mamamahayag, agad akong nananalangin kay Jehova na tulungan akong makapagbigay ng payo mula sa Bibliya at huwag kumampi kaninuman. Minsan, inireklamo sa akin ng isang sister ang pakikitungo sa kaniya ng isang brother sa ibang kongregasyon. Kaibigan ko ang brother na iyon, kaya puwede ko sana itong sabihin sa kaniya. Pero sa halip, pinag-usapan namin ng sister ang ilang simulain sa Bibliya. Pumayag siyang makipag-usap muna sa brother. (Mat. 5:23, 24) Pero hindi agad naresolba ang problema. Kaya hinimok ko siyang isaalang-alang ang iba pang simulain sa Bibliya. Ipinasiya niyang ipanalanging muli ang problema at magpatawad.”
Kaw. 25:8) Kapag may inirereklamo ang isang kapatid, hihimukin siya ng may-kaunawaang mga elder na ikapit ang mga simulain ng Bibliya para maitaguyod ang kapayapaan.
Ang resulta? “Makalipas ang ilang buwan,” ang sabi ni Jaime, “nilapitan ako ng sister. Sinabi niya na humingi na ng paumanhin ang brother. Sinamahan ng brother ang sister sa ministeryo at pinapurihan siya. Nalutas ang problema. Sa palagay ko, hindi magiging ganito kaganda ang resulta kung nakialam ako sa kanilang di-pagkakaunawaan dahil baka isipin nilang may kinakampihan ako sa kanila.” Ganito ang payo ng Bibliya: “Huwag kang magmadali na ipakipaglaban ang isang usapin sa batas.” (Sumangguni Siya kay Jehova
Si Pinehas ay naglingkod bilang saserdote ng piniling bayan ng Diyos. Gaya ng natalakay na natin, mayroon siyang pambihirang lakas ng loob at kaunawaan, kahit kabataan pa lang siya. Pero nakadepende sa pananalig kay Jehova ang tagumpay niya sa pagharap sa hamon.
Matapos gahasain at paslangin ng mga Benjamitang taga-Gibeah ang babae ng isang Levita, naghandang makipagdigma ang ibang mga tribo sa tribo ni Benjamin. (Huk. 20:1-11) Bago lumaban, humingi sila ng tulong kay Jehova, pero dalawang ulit silang natalo, at marami sa kanila ang namatay. (Huk. 20:14-25) Iisipin kaya nilang hindi pinakinggan ang kanilang panalangin? Talaga kayang gusto ni Jehova na maglapat sila ng katarungan?
Hindi pa rin natitinag ang pananampalataya ni Pinehas, na noon ay mataas na saserdote na ng Israel. Nanalangin siya kay Jehova: “Lalabas pa ba akong muli sa pakikipagbaka laban sa mga anak ni Benjamin na aking kapatid o ititigil ko na?” Bilang tugon, ibinigay ni Jehova sa kanilang kamay ang mga Benjamita, at sinilaban nila sa apoy ang Gibeah.—Huk. 20:27-48.
Ano ang matututuhan natin dito? May ilang problema sa kongregasyon na nagpapatuloy pa rin sa kabila ng pagsisikap ng mga elder na ayusin ito at kahit hinihiling nila ang tulong ng Diyos. Kapag ganito ang sitwasyon, makabubuting tandaan ng mga elder ang sinabi ni Jesus: “Patuloy na humingi [o manalangin], at ibibigay ito sa inyo; patuloy na maghanap, at kayo ay makasusumpong; patuloy na kumatok, at bubuksan ito sa inyo.” (Luc. 11:9) Kahit parang hindi agad sinasagot ang kanilang panalangin, makatitiyak ang mga elder na tutugon si Jehova sa kaniyang takdang panahon.
Halimbawa, isang kongregasyon sa Ireland ang nangangailangan ng Kingdom Hall, pero tinutulan ng local planning officer ang lahat ng kanilang plano sa pagtatayo. Ang tanging pag-asa ng mga kapatid ay ang chief planning officer ng buong bansa. Makatutulong kaya sa kanilang sitwasyon ang panalangin, gaya noong panahon ni Pinehas?
Ganito ang sinabi ng isang elder doon: “Matapos ang napakaraming panalangin at pagsusumamo, nagbiyahe kami papunta sa main planning office. Sinabihan ako na malamang ay maghihintay pa kami nang maraming linggo bago namin makita ang chief officer. Pero nakausap namin siya noon mismo sa loob ng limang minuto. Pagkakita sa binagong mga plano, agad niya kaming binigyan ng permiso na ituloy ang proyekto. Mula noon, nakipagtulungan na sa amin ang local planning officer. Lalo naming nakita ang kapangyarihan ng panalangin.” Oo, sinasagot ni Jehova ang taimtim na panalangin ng mga elder na nananalig sa kaniya.
Mabigat ang responsibilidad ni Pinehas sa sinaunang Israel. Pero dahil sa lakas ng loob, kaunawaan, at pananalig sa Diyos, matagumpay niyang naharap ang mga hamon. Sinuportahan siya ng Diyos sa pagsisikap niyang pangalagaan ang kongregasyon ni Jehova. Pagkaraan ng mga 1,000 taon, isinulat ni Ezra: “Si Pinehas na anak ni Eleazar ang lider nila noong nakalipas. Si Jehova ay sumakaniya.” (1 Cro. 9:20) Totoo rin sana iyan sa lahat ng nangunguna ngayon sa bayan ng Diyos, pati na sa lahat ng Kristiyanong matapat na naglilingkod sa kaniya.