Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Kaligayahan Kong Maglingkod kay Jehova

Kaligayahan Kong Maglingkod kay Jehova

Kaligayahan Kong Maglingkod kay Jehova

Ayon sa salaysay ni Fred Rusk

Bata pa lang ako, napatunayan ko nang totoo ang sinabi ni David sa Awit 27:10: “Sakaling iwan ako ng aking ama at ng aking ina, si Jehova mismo ang kukupkop sa akin.” Ikukuwento ko sa inyo kung paano ko ito naranasan.

LUMAKI ako sa cotton farm ng lolo ko sa Georgia, E.U.A., noong panahon ng Great Depression ng dekada ’30. Nang mamatay si Nanay at ang aking bagong-silang na kapatid na lalaki, parang gumuho ang mundo ni Tatay. Lumipat siya sa isang malayong lunsod para magtrabaho at iniwan niya ako sa lolo ko na biyudo na rin. Nang maglaon, sinikap din naman niyang kunin ako, pero hindi ito natuloy.

Mga tiyahin ko ang nasusunod sa bahay. Hindi relihiyoso si Lolo, pero debotong Southern Baptist ang mga anak niyang babae. Gugulpihin daw nila ako kung hindi ako magsisimba linggu-linggo. Kaya bata pa ako, wala na akong hilig sa relihiyon. Ang gusto ko ay mag-aral at sumali sa sports.

Ang Pagdalaw na Bumago sa Buhay Ko

Isang hapon noong 1941, nang 15 anyos ako, may dumalaw sa amin na isang lalaking may-edad na, kasama ang asawa nito. Sinabi sa akin na siya ang aking tiyong si Talmadge Rusk. Hindi ko sila kilala pero mga Saksi ni Jehova raw sila. Ang paliwanag niya tungkol sa layunin ng Diyos na mabubuhay magpakailanman ang mga tao sa lupa ay ibang-iba sa narinig ko sa simbahan. Tinanggihan at tinuya pa nga ng karamihan sa mga kapamilya ko ang sinabi nila. Hindi na sila pinayagang bumalik sa bahay. Pero si Tiya Mary, na tatlong taon lang ang tanda sa akin, ay tumanggap ng Bibliya at ng salig-Bibliyang mga publikasyon.

Agad nakumbinsi si Mary na nasumpungan na niya ang katotohanan. Nabautismuhan siya noong 1942. Naranasan din niya ang inihula ni Jesus: “Ang magiging mga kaaway ng isang tao ay mga tao sa kaniyang sariling sambahayan.” (Mat. 10:34-36) Matindi ang pagsalansang sa kaniya ng mga kapamilya namin. Isang ate ni Mary, na prominente sa aming bayan, ang nakipagsabuwatan sa mayor para ipaaresto si Tiyo Talmadge. Pinagbintangan siyang naglalako nang walang lisensiya. Nahatulan siyang mabilanggo.

Ayon sa aming lokal na pahayagan, ang mayor, na siya ring hukom, ay nagsabi sa korte: “Ang literaturang ipinamamahagi ng lalaking ito . . . ay simpanganib ng lason.” Nanalo sa apela ang tiyo ko, pero sampung araw na siyang nabilanggo.

Tinulungan Ako ni Tiya Mary

Itinuro sa akin ni Mary ang mga natutuhan niya. Nagpatotoo rin siya sa mga kapitbahay namin. Sumama ako sa idinaraos niyang pag-aaral sa Bibliya sa isang lalaking tumanggap ng aklat na The New World. * Sinabi ng asawa nito na magdamag itong binasa ng mister niya. Bagaman ayaw ko pang masangkot sa anumang bagay na may kinalaman sa relihiyon, nagustuhan ko ang mga natutuhan ko. Pero hindi mga turo ng Bibliya ang pangunahing nakakumbinsi sa akin na ang mga Saksi ang bayan ng Diyos, kundi ang pagtrato sa kanila ng ibang tao.

Halimbawa, isang araw pag-uwi namin galing sa aming taniman ng kamatis, natuklasan namin ni Mary na sinunog ng mga ate niya ang kaniyang mga literatura, pati na ang ponograpo at mga isinaplakang mensahe tungkol sa Bibliya. Galit na galit ako, pero sinabi sa akin ng tiyahin ko, “Balang-araw, pasasalamatan mo kami sa ginawa namin.”

Pinalayas si Mary noong 1943 dahil ayaw niyang talikuran ang kaniyang bagong pananampalataya at itigil ang kaniyang pangangaral. Nang panahong iyon, tuwang-tuwa ako nang malaman kong ang Diyos ay may pangalan, Jehova, at na siya ay isang maibigin at maawaing Diyos, na hindi nagpapahirap sa mga tao sa impiyerno. Natutuhan ko rin na si Jehova ay may maibiging organisasyon, bagaman hindi pa ako nakadalo sa kahit isang pulong.

Nang maglaon, habang nagtatabas ako ng damo sa bakuran, may dumaang sasakyan. Tinanong ako ng isa sa mga lalaking nasa loob kung ako si Fred. Nang malaman kong mga Saksi sila, sinabi ko, “Pasakayin n’yo ako at mag-usap tayo sa ibang lugar.” Pinapunta pala sila ni Mary. Isa sa kanila ay si Shield Toutjian, isang naglalakbay na ministro. Binigyan niya ako ng pampatibay-loob at payo na kailangang-kailangan ko. Dahil ipinagtanggol ko ang paniniwala ng mga Saksi ni Jehova, ako naman ang sinalansang ng pamilya namin.

Sinulatan ako ni Mary mula sa Virginia, kung saan siya lumipat, at sinabi niya na kung talagang gusto kong maglingkod kay Jehova, puwede akong makitira sa kanila. Agad akong nagpasiya na umalis. Isang gabi ng Biyernes, noong Oktubre 1943, inilagay ko ang ilang mahahalagang gamit ko sa isang kahon at itinali ito sa isang puno na may kalayuan sa bahay namin. Kinabukasan, binalikan ko ang kahon, saka ako dumaan sa may likuran ng kapitbahay namin at nagbiyahe papuntang bayan. Nakarating ako sa lunsod ng Roanoke, at nagkita kami ni Mary sa bahay ni Sister Edna Fowlkes.

Pagsulong sa Espirituwal, Pagpapabautismo, at Paglilingkod sa Bethel

Si Sister Fowlkes ay isang mabait na pinahirang Saksi​—isang makabagong-panahong Lydia​—na umupa ng isang malaking bahay at kumupkop kay Tiya Mary. Kinupkop din niya ang asawa ng kaniyang kuya, at ang dalawang anak na babae nito. Ang mga ito​—sina Gladys at Grace Gregory​—ay naging mga misyonera. Si Gladys, na mahigit 90 na, ay tapat pa ring naglilingkod sa sangay sa Japan.

Habang nakatira sa bahay ni Sister Fowlkes, regular akong dumadalo sa mga pulong at tumatanggap ng pagsasanay sa ministeryo. Dahil malaya akong nakapag-aaral ng Salita ng Diyos at nakadadalo, nasapatan ang aking espirituwal na pangangailangan. Nabautismuhan ako noong Hunyo 14, 1944. Nagpayunir naman sina Mary, Gladys, at Grace at tumanggap ng atas sa hilagang Virginia. Malaki ang naitulong nila para mabuo ang kongregasyon sa Leesburg. Noong pasimula ng 1946, nagpayunir din ako sa isang kalapit na lalawigan. Nang tag-araw ng taóng iyon, magkakasama kaming dumalo sa di-malilimutang internasyonal na kombensiyon na ginanap sa Cleveland, Ohio, noong Agosto 4-11.

Sa kombensiyong iyon, ipinaliwanag ni Brother Nathan Knorr, na nangunguna sa organisasyon, ang mga plano sa pagpapalawak ng Brooklyn Bethel. Kasama rito ang pagtatayo ng isang bagong gusaling tirahan at ekstensiyon ng palimbagan. Maraming kabataang brother ang kailangan sa proyekto. Dito ko gustong paglingkuran si Jehova. Kaya isinumite ko ang aking aplikasyon, at pagkaraan lang ng ilang buwan, noong Disyembre 1, 1946, nasa Bethel na ako.

Makalipas ang mga isang taon, si Brother Max Larson, tagapangasiwa ng palimbagan, ay pumunta sa akin sa Mailing Department. Sinabi niya na ililipat ako sa Service Department. Sa departamentong ito, marami akong natutuhan tungkol sa pagkakapit ng mga simulain ng Bibliya at sa pagkilos ng organisasyon ng Diyos, lalo na noong makatrabaho ko si T. J. (Bud) Sullivan, tagapangasiwa ng Service Department.

Ilang beses akong dinalaw ng tatay ko sa Bethel. Naging relihiyoso siya nang magkaedad na. Nang dumalaw siya sa akin noong 1965, sinabi niya, “Puwede mo akong dalawin, pero hindi na kita pupuntahan dito.” Nadalaw ko siya nang ilang beses bago siya mamatay. Kumbinsido siyang aakyat siya sa langit. Umaasa akong nasa alaala siya ni Jehova, at sa pagkabuhay-muli, magigising siya, hindi sa inaakala niyang patutunguhan niya, kundi sa isinauling Paraiso para mabuhay magpakailanman sa lupa.

Iba Pang Di-malilimutang Kombensiyon at Konstruksiyon

Ang mga kombensiyon ay mahahalagang pangyayari hindi lang sa pagsulong ng organisasyon kundi pati sa pagsulong ng aking espirituwalidad. Hinding-hindi ko malilimutan ang internasyonal na mga kombensiyon noong dekada ’50 sa Yankee Stadium sa New York. Sa isang sesyon noong 1958, ang kabuuang bilang ng dumalo sa Yankee Stadium at Polo Grounds ay 253,922 na nagmula sa 123 lupain. Mayroon akong di-malilimutang karanasan sa kombensiyong iyon. Habang tumutulong ako sa convention office, dali-daling lumapit sa akin si Brother Knorr. “Fred,” ang sabi niya, “nakalimutan kong mag-atas ng brother na magbibigay ng pahayag sa lahat ng payunir na naghihintay sa inupahan nating bulwagan. Puwede ka bang pumunta roon at magpahayag tungkol sa anumang paksang maiisip mo habang naglalakad ka?” Abut-abot ang panalangin ko hanggang sa makarating doon, na humihingal pa.

Nang dumami nang husto ang mga kongregasyon sa New York City noong dekada ’50 at ’60, hindi na sapat ang mga inuupahang bulwagan para sa mga pulong. Kaya mula 1970 hanggang 1990, tatlong gusali sa Manhattan ang binili at ni-renovate para magamit na dakong pulungan. Ako ang naglingkod bilang chairman ng mga building committee para sa mga proyektong ito at kitang-kita ko kung paano saganang pinagpala ni Jehova ang mga kongregasyong nakipagtulungan sa proyekto. Ginagamit pa rin ang mga gusaling ito bilang sentro ng tunay na pagsamba.

Mga Pagbabago sa Buhay Ko

Isang araw noong 1957 habang naglalakad ako sa park sa pagitan ng Bethel Home at ng palimbagan, biglang bumuhos ang ulan. Nakita ko sa unahan ang isang magandang sister na baguhan sa Bethel. Wala siyang payong kaya niyaya ko siyang makisukob. Ganiyan kami nagkakilala ni Marjorie, at mula nang ikasal kami noong 1960, magkasama na kaming naglilingkod kay Jehova, umulan man o umaraw. Ipinagdiwang namin ang aming ika-50 anibersaryo noong Setyembre 2010.

Kababalik pa lang namin mula sa aming honeymoon nang sabihan ako ni Brother Knorr na magiging instruktor ako sa Paaralang Gilead. Napakalaking pribilehiyo nito! Mula 1961 hanggang 1965, idinaos ang limang mas mahahabang klase pangunahin na para sa mga tauhan ng sangay na sasanayin sa pangangasiwa ng mga sangay. Noong taglagas ng 1965, ibinalik sa limang buwan ang haba ng klase, na muling itinuon sa pagsasanay sa mga misyonero.

Noong 1972, binigyan ako ng bagong atas, ang maging tagapangasiwa ng Writing Correspondence Department. Ang pagsasaliksik para masagot ang iba’t ibang tanong at problema ay nakatulong sa akin na mas maunawaan pa ang Bibliya at kung paano ikakapit ang mga simulain ng Diyos para matulungan ang iba.

Pagkatapos, noong 1987, naatasan ako sa isang bagong departamento na tinatawag na Hospital Information Services. Nagsaayos kami ng mga seminar para ituro sa mga elder na kabilang sa mga Hospital Liaison Committee kung paano ipakikipag-usap sa mga doktor, hukom, at social worker ang ating maka-Kasulatang paninindigan hinggil sa dugo. Naging problema kasi ang mga doktor na nagsasalin ng dugo sa mga bata kahit walang pahintulot ng magulang, at madalas ay kumukuha pa sila ng court order para gawin iyon.

Kapag inirerekomenda sa mga doktor ang mga alternatibo sa pagsasalin ng dugo, madalas nilang sabihin na hindi pa ito available o kaya’y napakamahal nito. Kapag ganiyan ang sinabi sa akin ng isang siruhano, ang karaniwang sagot ko, “Puwede bang makita ang kamay mo?” Pagkatapos, sasabihin ko, “Alam mo, iyan ang pinakamagandang alternatibo sa pagsasalin ng dugo.” Dahil sa komendasyong iyan, naipaaalaala sa doktor na kung maingat siya sa pag-oopera sa pasyente, hindi magiging madugo ang operasyon.

Sa nakalipas na dalawang dekada, pinagpala ni Jehova ang mga pagsisikap na bigyan ng impormasyon ang mga doktor at hukom. Kapag naunawaan na nila ang ating paninindigan, malaki ang ipinagbabago ng kanilang saloobin. Nakikita nila, batay sa pananaliksik sa medisina, na mas mabisa ang mga alternatibo sa pagsasalin ng dugo at na maraming doktor at ospital ang handang tumanggap ng mga pasyenteng ayaw magpasalin.

Mula noong 1996, kami ni Marjorie ay naglilingkod sa Watchtower Educational Center sa Patterson, New York, na mga 110 kilometro sa hilaga ng Brooklyn. Dito, ilang panahon akong naglingkod sa Service Department at saka nagturo sa mga tauhan ng sangay at sa naglalakbay na mga tagapangasiwa. Sa nakalipas na 12 taon, naglilingkod ako bilang tagapangasiwa ng Writing Correspondence, na inilipat mula sa Brooklyn patungong Patterson.

Mga Hamon sa Pagtanda

Naging mas mahirap gampanan ang mga atas ko sa Bethel nang tumuntong ako ng edad 85. Mahigit sampung taon na rin akong nakikipaglaban sa kanser. Para akong si Hezekias, na ang buhay ay dinugtungan ni Jehova. (Isa. 38:5) Humihina na rin ang kalusugan ng aking asawa, at nagtutulungan kami para mabata niya ang sakit na Alzheimer’s. Si Marjorie ay isang may-kakayahang ministro ni Jehova, guro ng mga kabataan, at isang tapat na kabiyak. Mahusay siyang estudyante at tagapagturo ng Bibliya, at marami sa aming espirituwal na anak ang hindi pa rin nakakalimot sa amin.

Namatay si Tiya Mary noong Marso 2010 sa edad na 87. Napakahusay niyang guro ng Salita ng Diyos at nakatulong siya sa iba na manindigan para sa tunay na pagsamba. Maraming taon siyang naglingkod nang buong panahon. Malaki ang utang na loob ko sa kaniya dahil tinulungan niya akong matuto ng katotohanan at maging gaya niya, isang lingkod ng ating maibiging Diyos na si Jehova. Inilibing si Mary sa tabi ng puntod ng kaniyang asawa, na dating misyonero sa Israel. Alam kong sila’y nasa alaala ni Jehova at naghihintay ng pagkabuhay-muli.

Kapag ginugunita ko ang mahigit 67 taon ng paglilingkod kay Jehova, nagpapasalamat ako sa saganang pagpapalang tinanggap ko. Kaligayahan kong gawin ang kalooban ni Jehova! Dahil nagtiwala ako sa kaniyang di-sana-nararapat na kabaitan, umaasa ako sa pangako ng kaniyang Anak: “Ang bawat isa na nag-iwan ng mga bahay o mga kapatid na lalaki o mga kapatid na babae o ama o ina o mga anak o mga lupain alang-alang sa aking pangalan ay tatanggap ng lalong marami pa at magmamana ng buhay na walang hanggan.”​Mat. 19:29.

[Talababa]

^ par. 11 Inilathala noong 1942, pero hindi na inililimbag.

[Larawan sa pahina 19]

Sa cotton farm ng lolo ko sa Georgia, E.U.A., noong 1928

[Larawan sa pahina 19]

Sina Tiya Mary at Tiyo Talmadge

[Larawan sa pahina 20]

Sina Mary, Gladys, at Grace

[Larawan sa pahina 20]

Nang bautismuhan ako noong Hunyo 14, 1944

[Larawan sa pahina 20]

Sa Service Department sa Bethel

[Larawan sa pahina 21]

Kasama si Mary sa internasyonal na kombensiyon sa Yankee Stadium noong 1958

[Larawan sa pahina 21]

Nang ikasal kami ni Marjorie

[Larawan sa pahina 21]

Noong 2008