Magsaya Tayong Magkakasama!
Magsaya Tayong Magkakasama!
SA NGAYON, lalong nagiging mailap ang kaligayahan at kagalakan. Para sa marami, halos imposibleng magbahagi ng kasiyahan sa iba. Dahil sa makabagong paraan ng pamumuhay, lalo na sa malalaking lunsod, lumalayo ang loob ng mga tao sa isa’t isa at ibinubukod ang kanilang sarili.
“Napakaraming malungkot ngayon,” ang sabi ng propesor ng psychobiology na si Alberto Oliverio, at “ang pamumuhay sa malalaking lunsod ay tiyak na nakadaragdag sa kalungkutan. Dahil dito, kadalasa’y naipagwawalang-bahala natin ang personal na buhay ng isang kaopisina, kapitbahay, o kahera ng groseri sa ating pamayanan.” Ang ganitong kalungkutan ay malimit mauwi sa depresyon.
Iba naman ang sitwasyon at saloobin ng mga Kristiyano. Sumulat si apostol Pablo: “Lagi kayong magsaya.” (1 Tes. 5:16) Maraming dahilan para magalak tayo at magsayang magkakasama. Sinasamba natin ang Kataas-taasang Diyos na si Jehova; nauunawaan natin ang katotohanan sa Bibliya; mayroon tayong pag-asa ng kaligtasan at buhay na walang hanggan; at matutulungan natin ang iba na tumanggap ng ganitong mga pagpapala.—Awit 106:4, 5; Jer. 15:16; Roma 12:12.
Ang pagsasaya at pagbabahagi sa iba ng ating kagalakan ay pagkakakilanlan ng mga tunay na Kristiyano. Kaya naman sumulat si Pablo sa mga taga-Filipos: “Ako ay natutuwa at ako ay nakikipagsaya sa inyong lahat. Ngayon sa gayunding paraan ay matuwa rin kayo mismo at makipagsaya sa akin.” (Fil. 2:17, 18) Sa mga pananalitang ito, dalawang ulit na binanggit ni Pablo ang katuwaan at pakikipagsaya.
Siyempre pa, kailangang paglabanan ng mga Kristiyano ang tendensiyang ibukod ang sarili. Ang mga nagsasarili ay hindi makapagsasayang kasama ng mga kapananampalataya. Kaya paano natin masusunod ang payo ni Pablo na “patuloy [na] magsaya sa Panginoon” kasama ng ating mga kapatid?—Fil. 3:1.
Makipagsaya sa mga Kapananampalataya
Nang sumulat si Pablo sa mga taga-Filipos, malamang na nakabilanggo siya sa Roma dahil sa pangangaral. (Fil. 1:7; 4:22) Pero hindi ito nagpatamlay ng kaniyang sigla sa ministeryo. Sa kabaligtaran, masaya siyang naglingkod kay Jehova sa abot ng kaniyang makakaya at handa siyang ‘maibuhos tulad ng isang handog na inumin.’ (Fil. 2:17) Ipinakikita ng saloobin ni Pablo na ang kagalakan ay hindi depende sa kalagayan ng isang tao. Kahit nakakulong, sinabi niya: “Ako ay patuloy [pa] ring magsasaya.”—Fil. 1:18.
Si Pablo ang nagtatag ng kongregasyon sa Filipos at mahal na mahal niya ang mga kapatid doon. Alam niyang mapapatibay sila kung ibabahagi niya sa kanila ang kaniyang kagalakan sa paglilingkod kay Jehova. Kaya naman, isinulat niya: “Ngayon ay nais kong malaman ninyo, mga kapatid, na ang mga nangyari sa akin ay naging para sa ikasusulong ng mabuting balita sa halip na sa kabaligtaran nito, anupat ang aking mga gapos ay naging hayag na kaalaman may kaugnayan kay Kristo sa gitna ng lahat ng Tanod ng Pretorio at ng lahat ng iba pa.” (Fil. 1:12, 13) Ang pagbabahagi ni Pablo ng nakapagpapatibay na karanasang ito ay isang paraan ng pakikipagsaya niya sa mga kapatid. Tiyak na nakipagsaya rin kay Pablo ang mga taga-Filipos. Pero para magawa nila ito, hindi sila dapat masiraan ng loob dahil sa mga dinaranas ni Pablo. Sa halip, kailangang tularan nila ang kaniyang halimbawa. (Fil. 1:14; 3:17) Maaari ding patuloy na ipanalangin ng mga taga-Filipos si Pablo at paglaanan siya ng anumang tulong at suporta.—Fil. 1:19; 4:14-16.
Tinutularan ba natin ang saloobin ni Pablo?
Tinitingnan ba natin ang positibong mga aspekto ng ating kalagayan sa buhay at ng ating ministeryong Kristiyano? Kapag kasama ang ating mga kapatid, makabubuting ikuwento natin ang ating masasayang karanasan sa pagpapatotoo. Hindi naman kailangang sobrang ganda ng mga ito. Baka napukaw natin ang interes ng isang tao sa mensahe ng Kaharian dahil sa epektibong pambungad o pangangatuwiran. Marahil naging maganda ang pakikipag-usap natin sa isang may-bahay tungkol sa isang teksto sa Bibliya. O baka naman nakilala tayo bilang Saksi ni Jehova sa teritoryo, at ito mismo ay isa nang mainam na patotoo. Ang pagkukuwento ng ganitong mga karanasan ay isang paraan ng pakikipagsaya sa ating mga kapatid.Maraming lingkod ni Jehova ang nagsakripisyo at nagsasakripisyo pa rin para sa gawaing pangangaral. Ang mga payunir, naglalakbay na tagapangasiwa, Bethelite, misyonero, at internasyonal na mga lingkod ay masayang nagpapagal sa buong-panahong paglilingkod. Nakikipagsaya rin ba tayo sa kanila? Kung gayon, ipakita natin ang ating pagpapahalaga sa minamahal na “mga kamanggagawa [na ito] para sa kaharian ng Diyos.” (Col. 4:11) Kapag magkakasama tayo sa mga pulong o malalaking asamblea, maaari natin silang patibayin. Puwede rin nating tularan ang kanilang sigasig. At makahahanap tayo ng mga pagkakataon na pakinggan ang kanilang mga karanasan at payo kung magiging mapagpatuloy tayo at aanyayahan silang kumain.—Fil. 4:10.
Makipagsaya sa mga Napapaharap sa Pagsubok
Dahil nagbata siya ng pag-uusig at mga pagsubok, tumibay ang determinasyon ni Pablo na manatiling tapat kay Jehova. (Col. 1:24; Sant. 1:2, 3) Alam ni Pablo na ang mga kapatid sa Filipos ay mapapaharap sa katulad na mga pagsubok at na mapapatibay sila ng kaniyang pagtitiis. Dahil dito, natuwa siya at nakipagsaya sa kanila. Isinulat niya: “Sa inyo ibinigay ang pribilehiyo alang-alang kay Kristo, hindi lamang upang manampalataya kayo sa kaniya, kundi upang magdusa rin alang-alang sa kaniya. Sapagkat taglay ninyo ang gayunding pakikipagpunyagi gaya ng nakita ninyo sa kalagayan ko at gaya ng naririnig ninyo ngayon sa kalagayan ko.”—Fil. 1:29, 30.
Dahil sa pagpapatotoo, napapaharap din ang mga Kristiyano ngayon sa pagsalansang na kung minsan ay marahas. Pero maaari din tayong maging tudlaan ng mga bulaang akusasyon ng mga apostata, pagkapoot ng mga kapamilya, pagtuya ng mga katrabaho o kamag-aral. Sinabi ni Jesus na hindi tayo dapat magtaka o panghinaan ng loob, sapagkat ang mga ito ay mga dahilan para magsaya. Sinabi niya: “Maligaya kayo kapag dinudusta kayo ng mga tao at pinag-uusig kayo at may-kasinungalingang sinasalita ang bawat uri ng balakyot na bagay laban sa inyo dahil sa akin. Magsaya kayo at lumukso sa kagalakan, yamang malaki ang inyong gantimpala sa langit.”—Mat. 5:11, 12.
Hindi tayo dapat matakot kapag nabalitaan natin na ang ating mga kapatid ay marahas na pinag-uusig sa ibang lupain. Sa halip, dapat tayong magsaya dahil sa kanilang pagtitiis. Maaari nating hilingin kay Jehova na patibayin Niya ang kanilang pananampalataya at tulungan silang magbata. (Fil. 1:3, 4) Kahit wala na tayong ibang maitutulong sa minamahal na mga kapatid na iyon, matutulungan natin ang mga kakongregasyon natin na napapaharap din sa mga pagsubok. Maaari tayong magpakita ng personal na interes at alalayan sila. Makahahanap tayo ng mga pagkakataong makipagsaya sa kanila kung aanyayahan natin sila sa ating Pampamilyang Pagsamba, pangangaral, at paglilibang.
Napakarami nating dahilan para magsayang magkakasama! Labanan natin ang makasanlibutang tendensiya na ibukod ang sarili at patuloy nating ibahagi ang ating kagalakan sa ating mga kapatid. Sa paggawa nito, makatutulong tayo sa paglago ng pag-ibig at pagkakaisa sa kongregasyon. Lubos din tayong masisiyahan sa pagkakapatirang Kristiyano. (Fil. 2:1, 2) Oo, “magsaya [tayong] lagi sa Panginoon,” dahil hinihimok tayo ni Pablo: “Minsan pa ay sasabihin ko, Magsaya kayo!”—Fil. 4:4.
[Picture Credit Line sa pahina 6]
Globe: Courtesy of Replogle Globes