Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

“Huwag Kang Manalig sa Iyong Sariling Pagkaunawa”

“Huwag Kang Manalig sa Iyong Sariling Pagkaunawa”

“Huwag Kang Manalig sa Iyong Sariling Pagkaunawa”

“Magtiwala ka kay Jehova nang iyong buong puso at huwag kang manalig sa iyong sariling pagkaunawa.”​—KAW. 3:5.

1, 2. (a) Sa anong mga sitwasyon tayo maaaring mapaharap? (b) Sa ganitong mga sitwasyon, kanino tayo dapat manalig, at bakit?

IPINASARA na ng employer ni Cynthia * ang ilang bahagi ng kompanya nito at sinesante ang ilang empleado. Pakiramdam ni Cynthia, siya na ang susunod na matatanggal. Ano ang gagawin niya? Saan siya kukuha ng pambayad sa mga gastusin? Gusto ni Pamela na lumipat kung saan malaki ang pangangailangan para sa tagapaghayag ng Kaharian. Pero hindi siya makapagpasiya. Iba naman ang problema ni Samuel. Sa murang edad pa lang, nahantad na siya sa pornograpya. Ngayong mahigit 20 anyos na siya, natutukso siyang bumalik sa bisyong ito. Paano niya ito paglalabanan?

2 Kanino ka nananalig kapag napapaharap sa kabagabagan, gumagawa ng mahahalagang desisyon, o may pinaglalabanang tukso? Umaasa ka lang ba sa iyong sarili, o ‘inihahagis mo ang iyong pasanin kay Jehova’? (Awit 55:22) “Ang mga mata ni Jehova ay nakatingin sa mga matuwid, at ang kaniyang mga tainga ay nakatuon sa kanilang paghingi ng tulong,” ang sabi ng Bibliya. (Awit 34:15) Kaya naman, napakahalagang magtiwala tayo kay Jehova nang buong puso at huwag manalig sa sariling pagkaunawa!​—Kaw. 3:5.

3. (a) Ano ang kalakip sa pagtitiwala kay Jehova? (b) Bakit nananalig sa sariling pagkaunawa ang ilan?

3 Kalakip sa pagtitiwala kay Jehova nang buong puso ang paggawa ng mga bagay-bagay ayon sa kaniyang kalooban. Kasama rito ang patuloy na paglapit sa kaniya sa pamamagitan ng panalangin at marubdob na paghiling ng kaniyang patnubay. Pero para sa marami, isang hamon ang lubusang manalig kay Jehova. Halimbawa, inamin ng sister na si Lynn, “Napakahirap para sa akin na lubusang magtiwala kay Jehova.” Bakit? “Hindi ko naramdamang may tatay ako,” ang sabi niya, “at walang pakialam ang nanay ko sa akin at sa aking damdamin. Kaya sa murang edad, natuto akong tumayo sa sarili kong mga paa.” Dahil dito, napakahirap para kay Lynn na lubusang magtiwala sa iba. Ang ilan naman ay natutong umasa sa sarili dahil sa kanilang abilidad at tagumpay. Dahil sa karanasan, baka ang isang elder ay hindi na humingi ng patnubay sa Diyos kapag nag-aasikaso ng mga bagay-bagay sa kongregasyon.

4. Ano ang tatalakayin sa artikulong ito?

4 Inaasahan ni Jehova na magsisikap tayong mamuhay kasuwato ng ating mga panalangin at kikilos tayo ayon sa kaniyang kalooban. Kaya paano natin babalansehin ang pananalig sa kaniya at ang personal na pagsisikap na lutasin ang mga problema? Kapag gumagawa ng desisyon, sa ano tayo dapat mag-ingat? Bakit mahalaga ang panalangin kapag may pinaglalabanan tayong tukso? Sasagutin natin ang mga tanong na ito sa pamamagitan ng mga halimbawa mula sa Kasulatan.

Kapag May Kabagabagan

5, 6. Paano tumugon si Hezekias nang pagbantaan siya ng hari ng Asirya?

5 Ganito ang sabi ng Bibliya tungkol kay Haring Hezekias ng Juda: “Patuloy siyang nanatili kay Jehova. Hindi siya lumihis mula sa pagsunod sa kaniya, kundi patuloy niyang tinupad ang kaniyang mga utos na iniutos ni Jehova kay Moises.” Oo, “nagtiwala siya kay Jehova na Diyos ng Israel.” (2 Hari 18:5, 6) Noong isang pagkakataon, ang hari ng Asirya na si Senakerib ay nagpadala ng mga kinatawan​—kabilang si Rabsases​—sa Jerusalem kasama ang isang makapal na hukbong militar. Nasakop na ng makapangyarihang hukbong Asiryano ang maraming nakukutaang lunsod ng Juda, at ang Jerusalem naman ang isusunod ni Senakerib. Paano tumugon si Hezekias? Pumaroon siya sa bahay ni Jehova at nanalangin: “O Jehova na aming Diyos, iligtas mo kami, pakisuyo, mula sa kaniyang kamay, upang malaman ng lahat ng kaharian sa lupa na ikaw, O Jehova, ang tanging Diyos.”​—2 Hari 19:14-19.

6 Kumilos si Hezekias kasuwato ng kaniyang panalangin. Bago pa man siya pumunta sa templo para manalangin, tinagubilinan na niya ang bayan na huwag pansinin ang panunuya ni Rabsases. Nagpadala rin siya ng mga kinatawan para humingi ng payo kay Isaias na propeta. (2 Hari 18:36; 19:1, 2) Ginawa ni Hezekias ang mga hakbang na marapat niyang gawin. Hindi siya gumawa ng solusyon na salungat sa kalooban ni Jehova gaya ng paghingi ng tulong sa Ehipto o sa kalapit na mga bansa. Sa halip na manalig sa sariling pagkaunawa, nagtiwala si Hezekias kay Jehova. Matapos paslangin ng anghel ni Jehova ang 185,000 tauhan ni Senakerib, “lumisan” ito at bumalik sa Nineve.​—2 Hari 19:35, 36.

7. Paano tayo makakakuha ng kaaliwan mula sa panalangin ni Hana at ni Jonas?

7 Si Hana, na asawa ng Levitang si Elkana, ay nanalig din kay Jehova nang mabagabag siya dahil hindi siya magkaanak. (1 Sam. 1:9-11, 18) Si propeta Jonas ay iniligtas mula sa tiyan ng isang malaking isda matapos siyang manalangin: “Dahil sa aking kabagabagan ay tumawag ako kay Jehova, at sumagot siya sa akin. Mula sa tiyan ng Sheol ay humingi ako ng tulong. Narinig mo ang aking tinig.” (Jon. 2:1, 2, 10) Nakaaaliw malaman na gaanuman kahirap ang ating sitwasyon, makalalapit tayo kay Jehova at ‘makahihiling ng lingap’ niya!​—Basahin ang Awit 55:1, 16.

8, 9. Batay sa panalangin nina Hezekias, Hana, at Jonas, ano ang kanilang ikinababahala? Ano ang matututuhan natin dito?

8 Matututuhan natin sa mga halimbawa nina Hezekias, Hana, at Jonas kung ano ang dapat nating tandaan kapag nananalangin sa panahon ng kagipitan. Naghirap ang kalooban ng tatlong ito nang nasa kabagabagan sila. Pero ipinakikita ng kanilang panalangin na hindi lang sarili ang iniisip nila ni ang solusyon sa kanilang problema. Ang pinakamahalaga sa kanila ay ang pangalan ng Diyos, ang pagsamba sa kaniya, at paggawa ng kaniyang kalooban. Masakit kay Hezekias na makitang dinudusta ang pangalan ni Jehova. Nangako si Hana na ibibigay niya ang pinananabikan niyang anak na lalaki para maglingkod sa tabernakulo sa Shilo. At sinabi ni Jonas: “Kung ano ang aking ipinanata ay tutuparin ko.”​—Jon. 2:9.

9 Kapag nananalangin sa panahon ng kabagabagan, makabubuting suriin natin ang ating motibo. Iniisip lang ba natin ang solusyon sa ating problema, o inuuna natin si Jehova at ang kaniyang layunin? Baka dahil sa problema ay sarili na lang ang isipin natin at maipagwalang-bahala ang espirituwal na mga bagay. Pero kapag nananalangin, dapat nating ipokus ang ating isip kay Jehova, sa pagpapabanal ng kaniyang pangalan, at sa pagbabangong-puri ng kaniyang soberanya. Makatutulong ito para manatiling positibo ang ating pangmalas kahit hindi mangyari ang inaasahan natin. Maaaring ang sagot sa ating panalangin ay na kailangan tayong magbata at umasa sa tulong ng Diyos.​—Basahin ang Isaias 40:29; Filipos 4:13.

Kapag Gumagawa ng Desisyon

10, 11. Ano ang ginawa ni Jehosapat nang kailangan niyang gumawa ng mabigat na desisyon?

10 Paano ka gumagawa ng mabibigat na desisyon? Nagpapasiya ka ba muna at saka nananalangin na pagpalain ni Jehova ang desisyon mo? Pansinin kung ano ang ginawa ni Jehosapat, hari ng Juda, nang lusubin sila ng pinagsamang mga hukbo ng Moabita at Ammonita. Walang kalaban-laban ang Juda. Ano ang gagawin ni Jehosapat?

11 “Natakot si Jehosapat at itinalaga ang kaniyang mukha upang hanapin si Jehova,” ang sabi ng Bibliya. Iniutos niyang mag-ayuno ang buong Juda at tinipon ang bayan “upang magtanong kay Jehova.” Pagkatapos, tumayo siya sa kongregasyon ng Juda at ng Jerusalem at nanalangin. Ganito ang isang bahagi niyaon: “O aming Diyos, hindi ka ba maglalapat ng kahatulan sa kanila? Sapagkat sa amin ay walang kapangyarihan sa harap ng malaking pulutong na ito na dumarating laban sa amin; at hindi namin alam kung ano ang dapat naming gawin, ngunit ang aming mga mata ay nakatuon sa iyo.” Dininig ng tunay na Diyos ang panalangin ni Jehosapat at naglaan siya ng makahimalang pagliligtas. (2 Cro. 20:3-12, 17) Kapag gumagawa ng desisyon, lalo na ang nakaaapekto sa ating espirituwalidad, hindi ba dapat tayong manalig kay Jehova sa halip na sa sariling pagkaunawa?

12, 13. Anong halimbawa ang ipinakita ni Haring David sa paggawa ng desisyon?

12 Ano ang gagawin natin kapag napaharap tayo sa sitwasyong tila madaling lutasin, marahil dahil sa mga naging karanasan natin? Makatutulong sa atin ang isang ulat tungkol kay Haring David. Nang lusubin ng mga Amalekita ang lunsod ng Ziklag, dinala nilang bihag ang mga asawa at anak ni David at ng kaniyang mga tauhan. Sumangguni si David kay Jehova, na sinasabi: “Hahabulin ko ba ang pangkat na ito ng mandarambong?” Sumagot si Jehova: “Habulin mo, sapagkat walang pagsalang maaabutan mo sila, at walang pagsalang makapagliligtas ka.” Sumunod siya, at “nailigtas ni David ang lahat ng kinuha ng mga Amalekita.”​—1 Sam. 30:7-9, 18-20.

13 Pagkalipas ng ilang panahon makaraang lumusob ang mga Amalekita, mga Filisteo naman ang sumalakay sa Israel. Muling sumangguni si David kay Jehova at tumanggap siya ng malinaw na sagot mula sa Diyos: “Umahon ka, sapagkat walang pagsalang ibibigay ko ang mga Filisteo sa iyong mga kamay.” (2 Sam. 5:18, 19) Di-nagtagal, umahong muli ang mga Filisteo laban kay David. Ano ang gagawin niya? Puwede sana niyang sabihin: ‘Napaharap na ako sa ganitong sitwasyon. Aahon ako laban sa mga kaaway ng Diyos, gaya ng ginawa ko noon.’ Pero hindi umasa si David sa mga naging karanasan niya. Nanalangin uli siya kay Jehova. Laking pasasalamat niya na ginawa niya iyon! Sa pagkakataong ito, iba ang tagubiling tinanggap niya. (2 Sam. 5:22, 23) Kapag napapaharap sa isang pamilyar na sitwasyon o problema, dapat tayong magpakaingat na huwag basta manalig sa mga naging karanasan natin.​—Basahin ang Jeremias 10:23.

14. Ano ang matututuhan natin sa pagpapasiyang ginawa ni Josue at ng matatandang lalaki ng Israel may kinalaman sa mga Gibeonita?

14 Dahil sa di-kasakdalan, lahat tayo​—pati na ang makaranasang mga elder​—ay kailangang magpakaingat na huwag gumawa ng desisyon nang hindi isinasaalang-alang ang patnubay ni Jehova. Pansinin kung paano tumugon ang kahalili ni Moises na si Josue at ang matatandang lalaki ng Israel nang lumapit sa kanila ang matatalinong Gibeonita na nagpanggap na nagmula sila sa malayong lupain. Kahit hindi pa sila sumasangguni kay Jehova, nagpasiya si Josue at ang iba pa na makipagpayapaan sa mga Gibeonita at nakipagtipan sila sa mga ito. Bagaman nang maglaon ay sinuportahan ni Jehova ang kasunduang ito, tiniyak niya na ang pangyayaring ito​—ang di-pagsangguni sa patnubay niya​—ay maiulat sa Kasulatan para sa ating kapakinabangan.​—Jos. 9:3-6, 14, 15.

Kapag May Pinaglalabanang Tukso

15. Ipaliwanag kung bakit mahalaga ang panalangin kapag may pinaglalabanang tukso.

15 Yamang nasa mga sangkap natin ang “kautusan ng kasalanan,” kailangan tayong makipagpunyagi laban sa makasalanang mga hilig. (Roma 7:21-25) Pero puwede tayong magtagumpay. Paano? Sinabi ni Jesus sa kaniyang mga tagasunod na mahalaga ang panalangin kapag may pinaglalabanang tukso. (Basahin ang Lucas 22:40.) Kung pagkatapos manalangin sa Diyos ay hindi pa rin maalis ang maling pagnanasa o kaisipan, kailangan tayong ‘patuloy na humingi sa Diyos’ ng karunungan para mapagtagumpayan ito. Tinitiyak sa atin na “siya ay saganang nagbibigay sa lahat at hindi nandurusta.” (Sant. 1:5) Isinulat din ni Santiago: “Mayroon bang sinumang may sakit sa inyo [sa espirituwal]? Tawagin niya ang matatandang lalaki ng kongregasyon, at ipanalangin nila siya, na pinapahiran siya ng langis sa pangalan ni Jehova. At ang panalangin ng pananampalataya ay magpapagaling sa isa na may dinaramdam.”​—Sant. 5:14, 15.

16, 17. Kapag may pinaglalabanang tukso, kailan ang pinakamabuting panahon para manalangin?

16 Mahalaga ang panalangin kapag may pinaglalabanang tukso, pero kailangan tayong manalangin sa tamang panahon. Pansinin ang nangyari sa isang kabataang lalaki sa Kawikaan 7:6-23. Habang takipsilim, naglalakad siya sa isang lansangan kung saan nakatira ang isang imoral na babae. Palibhasa’y nailigaw ng panghihikayat at naakit sa dulas ng mga labi ng babae, sinundan niya ito, tulad ng toro na pumaparoon sa patayan. Bakit pumaroon ang kabataang ito? Yamang “kapos ang puso” niya, o walang karanasan, malamang na nakikipagpunyagi siya sa maling pagnanasa. (Kaw. 7:7) Kailan sana lalong naging kapaki-pakinabang sa kaniya ang panalangin? Kapaki-pakinabang ito anumang oras habang nakikipagpunyagi siya sa tukso. Pero ang pinakamabuting panahon para manalangin ay noong unang sumagi sa isip niya na maglakad sa lansangang iyon.

17 Sa ngayon, maaaring ang isang lalaki ay nakikipagpunyagi sa pornograpya. Pero paano kung magbubukas siya ng mga Internet site kung saan alam niyang may mahahalay na larawan o video? Hindi kaya katulad siya ng kabataang lalaking binanggit sa Kawikaan kabanata 7? Napakapanganib ngang landasin ito! Para mapaglabanan ang pornograpya, kailangang hingin ng isa ang tulong ni Jehova sa panalangin bago siya tuluyang matukso na manggalugad sa pornograpikong mga Internet site.

18, 19. (a) Bakit hindi madaling labanan ang tukso, pero paano mo ito mapagtatagumpayan? (b) Ano ang determinasyon mo?

18 Hindi madaling paglabanan ang tukso o pagtagumpayan ang masasamang bisyo. “Ang laman ay laban sa espiritu sa pagnanasa nito,” ang isinulat ni apostol Pablo, “at ang espiritu ay laban sa laman.” Kaya naman, “ang mismong mga bagay na ibig [nating] gawin ay hindi [natin] ginagawa.” (Gal. 5:17) Para mapagtagumpayan ito, kailangan tayong manalangin nang marubdob sa unang pagkakataon na sumagi sa isip natin ang maling kaisipan o tukso, at pagkatapos ay kumilos tayo kasuwato ng ating panalangin. “Walang tuksong dumating sa inyo maliban doon sa karaniwan sa mga tao,” at sa tulong ni Jehova, makapananatili tayong tapat sa kaniya.​—1 Cor. 10:13.

19 Tayo man ay napapaharap sa mahirap na sitwasyon, gumagawa ng mabigat na desisyon, o may pinaglalabanang tukso, binigyan tayo ni Jehova ng napakahalagang kaloob​—ang panalangin. Sa pamamagitan nito, maipakikita nating nananalig tayo sa kaniya. Dapat din tayong patuloy na humingi ng banal na espiritu ng Diyos, na papatnubay at magpapalakas sa atin. (Luc. 11:9-13) At higit sa lahat, magtiwala tayo kay Jehova at huwag manalig sa ating sariling pagkaunawa.

[Talababa]

^ par. 1 Binago ang mga pangalan.

Natatandaan Mo Ba?

• Ano ang natutuhan mo kina Hezekias, Hana, at Jonas tungkol sa pagtitiwala kay Jehova?

• Paano idiniriin ng halimbawa ni David at ni Josue na kailangang magpakaingat kapag gumagawa ng desisyon?

• Kapag napapaharap sa tukso, kailan tayo lalo nang dapat manalangin?

[Mga Tanong sa Aralin]

[Larawan sa pahina 9]

Kapag may pinaglalabanang tukso, kailan lalong kapaki-pakinabang ang panalangin?