Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

“May Kapansanan Ako Ngayon, Pero Hindi Magpakailanman!”

“May Kapansanan Ako Ngayon, Pero Hindi Magpakailanman!”

“May Kapansanan Ako Ngayon, Pero Hindi Magpakailanman!”

Ayon sa Salaysay ni Sara van der Monde

Madalas sabihin sa akin ng iba, “Sara, napakaganda ng ngiti mo. Bakit lagi kang masaya?” Sinasabi ko sa kanila ang aking natatanging pag-asa, “May kapansanan ako ngayon, pero hindi magpakailanman!”

ISINILANG ako noong 1974 sa Paris, Pransiya. Nahirapan si Mama nang ipanganak niya ako, at nang maglaon, natuklasan na mayroon akong cerebral palsy. Hindi ko gaanong maikilos ang aking mga braso’t binti, at mahirap intindihin ang aking pagsasalita. Nagkaroon din ako ng epilepsi at madali akong mahawahan ng sakit.

Noong dalawang taóng gulang ako, lumipat sa Melbourne, Australia ang pamilya namin. Pagkaraan ng dalawang taon, iniwan kami ng tatay ko. Noon ko unang naramdaman na malapít ako sa Diyos. Lagi akong isinasama ni Mama, na isang Saksi ni Jehova, sa mga pulong, kung saan natutuhan kong mahal ako ng Diyos at nagmamalasakit siya sa akin. Dahil diyan, at dahil sa pagmamahal ni Mama, nakadama ako ng kapanatagan kahit nagbago ang kalagayan namin.

Tinuruan din ako ni Mama kung paano manalangin kay Jehova. Sa totoo lang, mas madali sa akin ang manalangin kaysa sa magsalita. Kapag nananalangin, hindi ko kailangang bigkasin ang mga salita dahil malinaw ang mga ito sa isip ko. At kahit mahirap intindihin ang pagsasalita ko, natitiyak kong nauunawaan ni Jehova ang lahat ng gusto kong sabihin, bigkasin ko man ito o hindi.​—Awit 65:2.

Pagharap sa mga Problema

Noong limang taóng gulang ako, lumala ang sakit ko kaya kailangan ko nang gumamit ng mga balangkat (splint) para makalakad. Pero hirap na hirap pa rin akong lumakad nang deretso. Pagtuntong ko ng edad 11, hindi na ako makalakad. Nang maglaon, gumamit na ako ng de-kuryenteng aparato para makalipat ako mula sa kama papunta sa aking de-motor na wheelchair, na kinokontrol ko gamit ang hand lever.

Kung minsan, pinanghihinaan ako ng loob. Pero naaalaala ko ang motto ng pamilya namin: “Huwag mong problemahin ang mga bagay na hindi mo kayang gawin. Basta gawin mo lang kung ano ang kaya mo.” Nakatulong ito sa akin para magawa ang mga bagay na gaya ng pangangabayo, paglalayag, pamamangka, pagka-camping, pati na pagmamaneho sa mga pribadong kalsada. Mahilig din ako sa sining gaya ng pagpipinta, pananahi, pagbuburda, at paggawa ng quilt at mga seramik.

Dahil sa aking malulubhang kapansanan, kinuwestiyon ng iba kung nasa kalagayan ba akong maglingkod sa Diyos bilang adulto. Noong 18 anyos ako, isang titser ko ang nagsabing maglayas ako para “makatakas” sa relihiyon ni Mama. Tutulungan daw niya akong maghanap ng matitirahan. Pero sinabi ko sa kaniya na hindi ko iiwan ang relihiyon ko at aalis lang ako sa amin kapag handa na akong magsarili.

Di-nagtagal pagkatapos nito, nabautismuhan ako bilang isang Saksi ni Jehova. Pagkaraan ng dalawang taon, lumipat ako sa isang maliit na apartment. Masaya ako dahil nakapagsasarili na ako pero natatanggap ko naman ang kailangan kong suporta.

Isang Alok na Hindi Ko Inaasahan

Sa paglipas ng panahon, marami pa akong hinarap na pagsubok sa pananampalataya. Isang araw, nabigla ako nang isang kaklase kong may kapansanan din ang mag-alok sa akin ng kasal. Noong una, natuwa ako. Gaya ng ibang dalaga, gusto ko ring magkaroon ng kapareha sa buhay. Pero hindi garantiya na magiging maligaya ang pagsasama namin dahil lang sa pareho kaming may kapansanan. Isa pa, hindi siya naglilingkod kay Jehova. Magkaibang-magkaiba ang aming mga paniniwala, gawain, at tunguhin. Kaya paano kami magiging maligaya? Desidido rin akong sundin ang utos ng Diyos na mag-asawa lang ng isang kapananampalataya. (1 Cor. 7:39) Kaya naman sinabi ko sa binatang ito na hindi ko matatanggap ang alok niya.

Kumbinsido akong tama ang naging desisyon ko. At natitiyak ko na magiging maligaya ako sa ipinangakong bagong sanlibutan ng Diyos. (Awit 145:16; 2 Ped. 3:13) Samantala, determinado akong manatiling tapat kay Jehova at maging kontento sa kasalukuyang sitwasyon ko.

Inaasam-asam ko ang araw kung kailan makalulundag ako mula sa aking wheelchair at makatatakbo nang napakatulin. Saka ko sasabihin, “May kapansanan ako noon, pero magaling na ngayon, at magpakailanman!”