Maging Masaya Kahit May Sakit
Maging Masaya Kahit May Sakit
KAGIGISING mo pa lang pero parang gusto mo nang matapos ang maghapon. Buong araw mo na namang titiisin ang iyong karamdaman o sakit ng kalooban. Baka madama mo ang gaya ng nadama ni Job, na nagsabi: “Pipiliin ko pang mamatay kaysa sa lahat ng aking mga pagdurusa.” (Job 7:15, The New English Bible) Paano kung ganito ang kalagayan mo at ilang taon ka nang nagtitiis?
Ganiyan ang nangyari kay Mepiboset, anak ni Jonatan na kaibigan ni Haring David. Nang limang taóng gulang si Mepiboset, “siya ay nahulog at napilay.” (2 Sam. 4:4) Bukod sa kaniyang kapansanan, malamang na lalo pang naghirap ang kalooban niya nang pagbintangan siyang nagtraidor sa hari at mawalan ng ari-arian dahil dito. Pero nagpakita siya ng mabuting halimbawa sa pagbabata ng sakit, paninirang-puri, at kabiguan. Hindi niya hinayaang maalis ng mga ito ang kaniyang kagalakan.—2 Sam. 9:6-10; 16:1-4; 19:24-30.
Ang isa pang halimbawa ay si apostol Pablo. Minsan ay sumulat siya tungkol sa pakikipagpunyagi niya sa “isang tinik sa laman.” (2 Cor. 12:7) Ang tinik na ito ay maaaring isang problema sa kalusugan, o ang mga taong humahamon sa kaniyang pagka-apostol. Alinman dito, nanatili iyon at kailangan niyang tiisin ang karamdamang ito o ang sakit ng kaloobang dulot nito.—2 Cor. 12:9, 10.
Dumaranas din ng nakapanghihinang sakit at hirap ng kalooban ang ilang lingkod ng Diyos sa ngayon. Sa edad na 18, si Magdalena ay natuklasang may systemic lupus erythematosus, isang sakit kung saan sinasalakay ng immune system ng katawan ang sariling mga sangkap nito. “Takot na takot ako,” ang sabi niya. “Sumamâ nang sumamâ ang kalagayan ko at pinalala pa ito ng mga singaw sa bibig, pati na ng mga problema sa panunaw at sa thyroid.” Hindi naman halata ang mga problemang pinagtitiisan ni Izabela. Sinabi niya: “Mula sa pagkabata ay mayroon na akong depresyon. Kaya naman, sinusumpong ako ng panic attack, problema sa paghinga, at pananakit ng tiyan. Dahil dito, lagi akong nanlalata.”
Pagharap sa Katotohanan
Hindi biro ang magkasakit. Kapag nangyari iyan, makabubuting pag-aralan mo ang iyong sitwasyon at maging tapat ka sa iyong sarili. Baka mahirapan kang tanggapin ang mga limitasyon mo. Sinabi ni Magdalena: “Palala nang palala ang sakit ko. Kadalasa’y patang-pata ako at hindi makabangon. Napakahirap magplano dahil hindi ko alam kung ano ang magiging kondisyon ng katawan ko bawat araw. Ang talagang ikinalulungkot ko ay hindi na ako masyadong nakapaglilingkod kay Jehova gaya ng dati.”
Sinabi ni Zbigniew: “Sa paglipas ng mga taon, sinasaid ng rheumatoid arthritis ang lakas ko, at isa-isang bumibigay ang aking mga kasukasuan. Kung minsan, kapag masyadong matindi ang pamamaga, hindi ko magawa
kahit ang pinakasimpleng mga bagay. Talagang nanlulumo ako.”Ilang taon na ang nakararaan, natuklasang may lumalalang tumor sa utak si Barbara. “Biglang nagkaroon ng mga pagbabago sa katawan ko,” ang paliwanag niya. “Wala akong sigla, laging masakit ang ulo, at nahihirapang mag-concentrate. Dahil marami na akong hindi puwedeng gawin, kailangan kong gumawa ng mga pagbabago.”
Lahat ng indibiduwal na ito ay mga nag-alay na lingkod ni Jehova. Priyoridad nila ang paggawa ng kaniyang kalooban. Lubusan silang nagtitiwala sa Diyos at malaking tulong sa kanila ang pag-alalay niya.—Kaw. 3:5, 6.
Kung Paano Tumutulong si Jehova
Hindi natin dapat isipin na ang pagkakasakit ay palatandaan ng di-pagsang-ayon ng Diyos. (Panag. 3:33) Isip-isipin ang mga pinagdaanan ni Job kahit siya ay “walang kapintasan at matuwid.” (Job 1:8) Hindi sinusubok ng Diyos ang sinuman sa pamamagitan ng masasamang bagay. (Sant. 1:13) Lahat ng karamdaman—kasama na ang pisikal at emosyonal—ay minana natin sa ating unang mga magulang na sina Adan at Eva.—Roma 5:12.
Pero hindi pababayaan ni Jehova at ni Jesus ang mga matuwid. (Awit 34:15) Kapag nagkakaproblema tayo, lalo nating mapahahalagahan na ang Diyos ‘ang ating kanlungan at ating moog.’ (Awit 91:2) Kung gayon, kapag napaharap ka sa mahihirap na kalagayan, paano mo mapananatili ang iyong kagalakan?
Panalangin: Gaya ng tapat na mga lingkod ng Diyos noon, maaari mong ihagis ang iyong pasanin sa ating makalangit na Ama sa pamamagitan ng panalangin. (Awit 55:22) Sa paggawa nito, mararanasan mo “ang kapayapaan ng Diyos na nakahihigit sa lahat ng kaisipan.” Ang kapayapaang iyan ang ‘magbabantay sa iyong puso at sa iyong mga kakayahang pangkaisipan.’ (Fil. 4:6, 7) Nakakayanan ni Magdalena ang kaniyang nakapanghihinang sakit dahil nananalig siya sa Diyos. Sinabi niya: “Kapag ibinubuhos ko kay Jehova ang laman ng aking puso, gumagaan ang loob ko at nanunumbalik ang kagalakan ko. Ngayon, naiintindihan ko na kung ano ang ibig sabihin ng pananalig sa Diyos araw-araw.”—2 Cor. 1:3, 4.
Kaw. 2:7) Patitibayin ka niya at bibigyan ng “lakas na higit sa karaniwan.”—2 Cor. 4:7.
Bilang tugon sa iyong panalangin, mapalalakas ka ni Jehova sa pamamagitan ng kaniyang banal na espiritu, ng kaniyang Salita, at ng kapatirang Kristiyano. Hindi mo dapat asahan na makahimala kang pagagalingin ng Diyos. Pero makaaasa ka na bibigyan ka niya ng karunungan at lakas para maharap ang bawat kapighatian. (Pamilya: Ang maibigin at maunawaing mga kapamilya ay makatutulong sa iyo na mabata ang sakit. Pero tandaan na nahihirapan din ang iyong mga mahal sa buhay. Gaya mo, baka nanghihina rin ang loob nila. Sa kabila nito, nariyan sila para sa iyo, kahit sa mahihirap na sitwasyon. Ang pananalanging magkakasama ay tutulong sa iyo na manatiling mahinahon.—Kaw. 14:30.
Ganito ang sabi ni Barbara tungkol sa kaniyang anak na babae at sa iba pang kabataang sister sa kanilang kongregasyon: “Inaalalayan nila ako sa ministeryo. Napatitibay ako sa kanilang sigasig.” Napakahalaga naman kay Zbigniew ang suporta ng kaniyang asawa. “Siya ang nag-aasikaso sa halos lahat ng gawain sa bahay. Tinutulungan din niya akong magbihis at siya ang kadalasang nagdadala ng aking bag sa pulong at sa ministeryo.”
Mga kapananampalataya: Napatitibay tayo at gumagaan ang kalooban natin kapag kasama natin ang mga kapananampalataya. Paano kung hindi ka nakadadalo sa mga pulong dahil sa iyong karamdaman? Ganito ang sabi ni Magdalena: “Tinitiyak ng kongregasyon na makikinabang ako sa mga pulong sa pamamagitan ng mga audio recording. Madalas akong tawagan ng mga kapatid para malaman kung ano ang maitutulong nila. Nagpapadala rin sila ng nakapagpapatibay na mga liham. Kapag naiisip kong naaalaala nila ako at nag-aalala sila sa akin, napatitibay akong magbata.”
Ganito naman ang sabi ni Izabela, na dumaranas ng depresyon: “Sa kongregasyon, marami akong mga ‘ama’ at ‘ina’ na nakikinig at umuunawa sa akin. Ang kongregasyon ang itinuturing kong pamilya—dito ako nakadarama ng kapayapaan at kagalakan.”
Ang mga dumaranas ng pagsubok ay hindi dapat ‘magbukod ng kanilang sarili.’ Sa halip, dapat silang makipagsamahan sa Kaw. 18:1) Sa paggawa nito, magiging pampatibay sila sa iba. Sa umpisa, baka mag-alangan kang sabihin sa mga kapatid ang mga pangangailangan mo. Pero pahahalagahan nila kung magsasabi ka nang tapat. Sa gayon, maipakikita nila sa iyo ang “walang-pagpapaimbabaw na pagmamahal na pangkapatid.” (1 Ped. 1:22) Bakit hindi mo sabihin sa kanila na kailangan mo ng masasakyan papunta sa pulong, na gusto mo silang makasama sa ministeryo, o gusto mong magsabi sa kanila ng niloloob mo? Siyempre pa, hindi tayo dapat maging mapaghanap. Sa halip, dapat tayong magpasalamat sa anumang maitutulong nila.
kongregasyon. (Maging positibo: Kadalasan nang nakadepende sa iyo kung paano mo mababata ang karamdaman at mapananatili ang iyong kagalakan. Kung lagi kang malungkot at nade-depress, magiging negatibo ka. Sinasabi ng Bibliya: “Ang espiritu ng isang tao ay makapagtitiis sa kaniyang karamdaman; ngunit ang bagbag na espiritu, sino ang makatitiis nito?”—Kaw. 18:14.
Ganito ang sabi ni Magdalena: “Iniiwasan kong isip-isipin ang sakit ko. Sinisikap kong i-enjoy ang mga araw na maganda ang pakiramdam ko. Napatitibay ako kapag binabasa ko ang talambuhay ng mga nananatiling tapat sa kabila ng matagal nang pagkakasakit.” Napalalakas naman si Izabela sa pagkaalam na mahal siya ni Jehova. Sinabi niya: “Nadarama kong mahalaga ako at may dahilan para mabuhay. Mayroon din akong napakagandang pag-asa sa hinaharap.”
Sinabi ni Zbigniew: “Dahil sa sakit ko, natuto akong maging mapagpakumbaba at masunurin. Lumawak din ang pang-unawa ko at naging mas mapagpatawad ako. Natutuhan kong masiyahan sa paglilingkod kay Jehova sa halip na maawa sa sarili. Sa katunayan, napasigla pa nga akong patuloy na sumulong sa espirituwal.”
Tandaan na nakikita ni Jehova ang iyong pagbabata. Naiintindihan niya ang pinagdaraanan mo at nagmamalasakit siya sa iyo. Hindi niya ‘lilimutin ang iyong gawa at ang pag-ibig na ipinakita mo para sa kaniyang pangalan.’ (Heb. 6:10) Tandaan mo ang pangako niya sa lahat ng may takot sa kaniya: “Hindi kita sa anumang paraan iiwan ni sa anumang paraan ay pababayaan.”—Heb. 13:5.
Kung paminsan-minsan ay nalulungkot ka, ituon mo ang iyong isip sa napakagandang pag-asa ng buhay sa bagong sanlibutan. Malapit na ang panahon kung kailan mararanasan mo ang mga pagpapala ng Kaharian ng Diyos!
[Kahon/Mga Larawan sa pahina 28, 29]
Nangangaral Sila Kahit May Sakit
“Hindi ko na kayang maglakad nang mag-isa, kaya sinasamahan ako ng asawa ko o ng ibang kapatid sa ministeryo. Isinasaulo ko ang mga presentasyon at mga teksto sa Bibliya.”—Jerzy, may diperensiya sa mata.
“Bukod sa pagpapatotoo sa telepono, gumagawa ako ng mga liham at regular na nakikipagsulatan sa ilang interesado. Noong nasa ospital ako, lagi akong naglalagay ng Bibliya at mga publikasyon sa tabi ng kama ko. Dahil dito, marami akong nakakausap tungkol sa Bibliya.”—Magdalena, may systemic lupus erythematosus.
“Gustung-gusto kong magbahay-bahay, pero kapag hindi ko kaya, nagpapatotoo ako sa pamamagitan ng telepono.”—Izabela, may clinical depression.
“Gustung-gusto kong gumawa ng mga pagdalaw-muli at sumama sa mga Bible study. Kapag maganda ang pakiramdam ko, gusto kong magbahay-bahay.”—Barbara, may tumor sa utak.
“Nagdadala lang ako ng napakagaan na bag para sa mga magasin. Sinisikap kong maglingkod sa larangan hangga’t nakakaya ko ang kirot ng mga kasukasuan ko.”—Zbigniew, may rheumatoid arthritis.
[Larawan sa pahina 30]
Puwedeng magbigay ng pampatibay-loob ang matanda’t bata