Mga Tapat Noong Una—Ginabayan ng Espiritu ng Diyos
Mga Tapat Noong Una—Ginabayan ng Espiritu ng Diyos
“Isinugo ako ng Soberanong Panginoong Jehova, ng kaniya ngang espiritu.”—ISA. 48:16.
1, 2. Ano ang kailangan para magkaroon tayo ng pananampalataya? Paano tayo makikinabang sa mga halimbawa ng sinaunang tapat na mga lingkod ng Diyos?
MARAMI na ang nakapagpakita ng pananampalataya mula noong panahon ni Abel. Pero sinasabi sa atin ng Bibliya: “Ang pananampalataya ay hindi taglay ng lahat ng tao.” (2 Tes. 3:2) Kaya paano ba nagkakaroon ng pananampalataya ang isang tao, at ano ang makatutulong sa kaniya na maging tapat? Kailangan ang kaalaman mula sa Salita ng Diyos dahil “ang pananampalataya ay kasunod ng bagay na narinig.” (Roma 10:17) Ang pananampalataya ay isang aspekto ng bunga ng banal na espiritu ng Diyos. (Gal. 5:22, 23) Kaya kailangan din ang banal na espiritu para magkaroon ng matibay na pananampalataya.
2 Ang mga tao ay hindi ipinanganganak na may pananampalataya. Ang tapat na mga lingkod ng Diyos na iniulat sa Bibliya ay mga taong “may damdaming tulad ng sa atin.” (Sant. 5:17) Mayroon silang mga pag-aalinlangan, takot, at mga kahinaan, pero napalakas sila ng espiritu ng Diyos na harapin ang mga hamon. (Heb. 11:34) Kapag pinag-aralan natin kung paano kumilos sa kanila ang espiritu ni Jehova, mapatitibay tayong manatiling tapat, lalo na ngayong napakaraming bagay na maaaring makapagpahina ng ating pananampalataya.
Pinalakas si Moises ng Espiritu ng Diyos
3-5. (a) Paano natin nalaman na tinulungan ng banal na espiritu si Moises para magampanan ang kaniyang mga pananagutan? (b) Batay sa halimbawa ni Moises, paano nagbibigay si Jehova ng banal na espiritu?
3 Sa lahat ng taong nabubuhay noong 1513 B.C.E., si Moises ang “totoong pinakamaamo.” (Bil. 12:3) Ang mahinahong-loob na lingkod na ito ng Diyos ay binigyan ng mabigat na responsibilidad sa bansang Israel. Pinalakas si Moises ng espiritu ng Diyos para makapaghimala, maging propeta, hukom, manunulat, at lider. (Basahin ang Isaias 63:11-14.) Pero may pagkakataong halos sumuko na siya sa bigat ng kaniyang pananagutan. (Bil. 11:14, 15) Kaya naman ‘kinuha ni Jehova ang ilang bahagi ng espiritu’ na nasa kay Moises at inilagay iyon sa 70 iba pa na tutulong sa kaniya. (Bil. 11:16, 17) Bagaman waring napakabigat ng pananagutan ni Moises, hindi siya nag-iisa sa pagsasabalikat nito ni ang 70 inatasan na tumulong sa kaniya.
4 Binigyan si Moises ng sapat na banal na espiritu para magawa ang kaniyang atas. Matapos ibahagi ni Jehova ang banal na espiritu sa 70 lalaki, sapat pa rin ang espiritung taglay ni Moises. Hindi siya kinulang at hindi naman sobra-sobra ang tinaglay ng 70 matatandang lalaki. Inilalaan ni Jehova ang sapat na banal na espiritung kailangan natin. “Hindi niya ibinibigay ang espiritu ayon sa panukat” kundi “mula sa kalubusan niya.”—Juan 1:16; 3:34.
5 Nagbabata ka ba ng mga pagsubok? Parami ba nang parami ang mga pananagutang nangangailangan ng iyong panahon? Sinisikap mo bang ilaan ang espirituwal at pisikal na mga pangangailangan ng iyong pamilya habang papahirap nang papahirap ang buhay o may mga problema ka sa kalusugan? Mayroon ka bang mabibigat na pananagutan sa kongregasyon? Anuman ang sitwasyon mo, makatitiyak kang gagamitin ni Jehova ang kaniyang banal na espiritu para mabigyan ka ng lakas na kailangan mo.—Roma 15:13.
Tinulungan ng Banal na Espiritu si Bezalel
6-8. (a) Ano ang naisagawa nina Bezalel at Oholiab sa tulong ng espiritu ng Diyos? (b) Ano pa ang nagpapakita na ginabayan ng espiritu ng Diyos sina Bezalel at Oholiab? (c) Bakit nakapagpapatibay sa atin ang karanasan ni Bezalel?
6 Makikita rin sa karanasan ng kapanahon ni Moises na si Bezalel kung paano kumikilos ang espiritu ng Diyos. (Basahin ang Exodo 35:30-35.) Inatasan si Bezalel na manguna sa paggawa ng mga kagamitang kailangan sa tabernakulo. May kasanayan ba siya sa mga gawang-kamay bago magsimula ang malaking proyektong ito? Posible. Pero malamang na ang huling trabaho niya ay ang paggawa ng laryo para sa mga Ehipsiyo. (Ex. 1:13, 14) Kaya paano gagawin ni Bezalel ang mahirap na proyektong ito? “Pinuspos . . . siya ng espiritu ng Diyos sa karunungan, sa unawa at sa kaalaman at sa bawat uri ng kasanayan sa paggawa at sa pagdidisenyo ng mga kagamitan . . . upang gumawa ng lahat ng uri ng kasangkapang mahusay ang pagkagawa.” Anuman ang likas na kakayahan ni Bezalel, nahasa ito sa tulong ng banal na espiritu. Ganiyan din ang nangyari kay Oholiab. Malamang na natuto nang husto ang dalawang ito dahil nagampanan nila ang kanilang tungkulin at nakapagturo pa sila sa iba. Oo, inilagay ng Diyos sa kanilang puso na sila ay makapagturo.
7 May isa pang patotoo na pinatnubayan ng espiritu ng Diyos sina Bezalel at Oholiab. Ito ay ang kalidad ng kanilang trabaho. Ginagamit pa rin ang mga bagay na ginawa nila pagkaraan ng mga 500 taon. (2 Cro. 1:2-6) Di-tulad ng ibang tao sa ngayon na gustong sumikat sa mga produktong gawa nila, hindi naghangad ng katanyagan sina Bezalel at Oholiab. Gusto nilang mapunta kay Jehova ang lahat ng kaluwalhatian.—Ex. 36:1, 2.
8 Sa ngayon, baka mabigyan tayo ng mahihirap na atas na nangangailangan ng pantanging kasanayan, gaya ng pagtatayo ng gusali, paglilimbag, pag-oorganisa ng kombensiyon, pagtulong sa mga nasalanta, at pagpapaliwanag sa mga doktor at hospital personnel tungkol sa ating maka-Kasulatang paninindigan hinggil sa dugo. Kung minsan, ang mga atas na ito ay ginagawa ng mga may pantanging kasanayan, pero kadalasan, ginagampanan ito ng mga walang gaanong background sa ganitong gawain. Pinagtatagumpay ng espiritu ng Diyos ang kanilang pagsisikap. Atubili ka bang tumanggap ng atas sa paglilingkod kay Jehova dahil iniisip mong mas kuwalipikado ang iba kaysa sa iyo? Tandaan, tutulungan ka ng espiritu ni Jehova na gamitin ang iyong kaalaman at kakayahan para magawa ang anumang atas na ibinibigay niya sa iyo.
Nagtagumpay si Josue sa Tulong ng Espiritu ng Diyos
9. Ano ang nangyari sa mga Israelita matapos ang Pag-alis sa Ehipto? Anong tanong ang bumabangon?
9 Pinatnubayan din ng espiritu ng Diyos ang isang kapanahon nina Moises at Bezalel. Di-nagtagal matapos ang Pag-alis ng mga Israelita sa Ehipto, sinalakay ng mga Amalekita ang bayan ng Diyos. Bagaman walang karanasan, kailangan ngayong makipagdigma ng mga Israelita bilang isang malayang bayan. (Ex. 13:17; 17:8) Pero sino ang mangunguna sa kanila?
10. Bakit nagtagumpay si Josue at ang mga Israelita sa pakikipagdigma?
10 Si Josue ang napili. Pero wala pa siyang karanasan sa pakikipagdigma. Dati siyang alipin na gumagawa ng laryo. At sa ilang, namumulot siya ng manna. Totoo, ang lolo ni Josue na si Elisama ay pinuno ng tribo ni Efraim at lumilitaw na siya ang nanguna sa isang hukbo na binubuo ng 108,100 lalaki. (Bil. 2:18, 24; 1 Cro. 7:26, 27) Pero sinabi ni Jehova kay Moises na hindi si Elisama ni ang anak nitong si Nun ang mangunguna sa hukbong tatalo sa kalaban, kundi si Josue. Inabot nang halos maghapon ang labanan, pero nagtagumpay ang Israel sa pakikipagdigma dahil sumunod si Josue sa Diyos at nagpagabay sa Kaniyang espiritu.—Ex. 17:9-13.
11. Paano tayo magtatagumpay sa sagradong paglilingkod gaya ni Josue?
11 Nang maglaon, si Josue, na “puspos ng espiritu ng karunungan,” ang humalili kay Moises. (Deut. 34:9) Ang banal na espiritu ay hindi nagbigay sa kaniya ng kakayahang manghula o maghimala gaya ng ginawa nito kay Moises. Pero tinulungan nito si Josue na pangunahan ang Israel sa maraming pakikipaglaban para masakop ang Canaan. Sa ngayon, baka madama natin na salat tayo sa kaalaman o abilidad para gampanan ang ilang atas sa sagradong paglilingkod. Pero gaya ni Josue, siguradong magtatagumpay tayo kung maingat nating susundin ang mga tagubilin ng Diyos.—Jos. 1:7-9.
“Ang Espiritu ni Jehova ay Bumalot kay Gideon”
12-14. (a) Ano ang matututuhan natin sa tagumpay ng 300 lalaki laban sa malaking hukbong Midianita? (b) Paano pinatibay ni Jehova si Gideon? (c) Paano tayo pinatitibay ni Jehova sa ngayon?
12 Pagkamatay ni Josue, patuloy na ipinakita ni Jehova kung paano mapalalakas ng kapangyarihan niya ang mga tapat sa kaniya. Sa aklat ng Mga Hukom, mababasa natin ang tungkol sa mga taong “mula sa mahinang kalagayan ay napalakas.” (Heb. 11:34) Sa tulong ng banal na espiritu, pinakilos ng Diyos si Gideon na ipagtanggol ang Kaniyang bayan. (Huk. 6:34) Di-hamak na mas maliit ang hukbo ni Gideon kaysa sa hukbong Midianita. May 1 kawal lang na Israelita sa bawat 4 na Midianita. Pero sa tingin ni Jehova, napakalaki pa rin ng hukbong iyon ng mga Israelita. Dalawang ulit niyang inutusan si Gideon na bawasan iyon. Sa wakas, mayroon na lamang 1 sundalong Israelita sa bawat 450 sundalong Midianita. (Huk. 7:2-8; 8:10) Para kay Jehova, tama na ang bilang na ito. Kung mananalo ang mga Israelita sa labanan, walang sinumang makapagyayabang na nagawa nila iyon sa sarili nilang lakas at karunungan.
13 Handa na si Gideon at ang kaniyang hukbo. Kung kabilang ka sa maliit na hukbong iyon, lalakas ba ang loob mo dahil pinauwi na ang mga natatakot at hindi alisto, o mangangamba ka dahil hindi mo sigurado ang mangyayari? Makatitiyak tayong nagtiwala si Gideon sa Diyos. Sinunod niya ang iniutos sa kaniya! (Basahin ang Hukom 7:9-14.) Nang humingi si Gideon sa Diyos ng tanda na susuportahan Niya siya, hindi nagalit si Jehova. (Huk. 6:36-40) Sa halip, pinatibay niya ang pananampalataya ni Gideon.
14 Walang limitasyon ang kapangyarihang magligtas ni Jehova. Maililigtas niya ang kaniyang bayan sa anumang mahirap na sitwasyon. Puwede pa nga niyang gamitin ang mahihina o tila walang kalaban-laban. Kung minsan, pakiramdam nati’y marami ang laban sa atin o wala na tayong matatakbuhan. Hindi tayo umaasa na bibigyan tayo ng Diyos ng tanda gaya ng ginawa niya kay Gideon. Pero mabibigyan niya tayo ng patnubay at pampatibay-loob sa pamamagitan ng Salita ng Diyos at ng kongregasyong ginagabayan ng kaniyang espiritu. (Roma 8:31, 32) Ang maibiging mga pangako ni Jehova ay nagpapatibay sa ating pananampalataya at pagtitiwala na siya ang ating Katulong!
“Ang Espiritu ni Jehova Ngayon ay Suma kay Jepte”
15, 16. Bakit handang magsakripisyo ang anak ni Jepte? Bakit ito nakapagpapatibay sa mga magulang?
15 Isaalang-alang ang isa pang halimbawa. Nang makipaglaban ang mga Israelita sa mga Ammonita, ang espiritu ni Jehova ay “suma kay Jepte.” Dahil gustong manalo ni Jepte para mabigyan ng kapurihan si Jehova, gumawa siya ng panata na napakalaki ng naging kapalit. Nangako siya na kung ibibigay ni Jehova sa kamay niya ang Ammon, ang unang lalabas sa pinto ng kaniyang bahay pag-uwi niya ay magiging kay Jehova. Pag-uwi ni Jepte mula sa labanan, sinalubong siya ng kaniyang anak na babae. (Huk. 11:29-31, 34) Ikinagulat ba ito ni Jepte? Malamang na hindi, dahil iisa lang naman ang anak niya. Tinupad niya ang kaniyang panata at itinalaga ang kaniyang anak sa bukod-tanging paglilingkod kay Jehova sa santuwaryo sa Shilo. Ang anak ni Jepte ay isang tapat na mananamba ni Jehova, kaya naman kumbinsido itong dapat tuparin ang panata ng kaniyang ama. (Basahin ang Hukom 11:36.) Ang espiritu ni Jehova ang nagbigay sa kanila ng lakas na kailangan nila.
16 Bakit handang magsakripisyo ang anak ni Jepte? Tiyak na napatibay ang kaniyang pananampalataya dahil sa sigasig at makadiyos na debosyon ng kaniyang ama. Mga magulang, nakikita ng mga anak ninyo ang inyong halimbawa. Makikita nila sa mga desisyon ninyo kung talagang naniniwala kayo sa inyong sinasabi. Kapag naririnig ng inyong mga anak ang marubdob na panalangin ninyo at naoobserbahan ang mabisa ninyong pagtuturo at halimbawa, nanaisin din nilang maglingkod kay Jehova nang may sakdal na puso. Magpapasaya ito sa inyo.
‘Kinilos si Samson ng Espiritu ni Jehova’
17. Ano ang nagawa ni Samson sa tulong ng espiritu ng Diyos?
17 Ang isa pang indibiduwal na tinulungan ng espiritu ng Diyos ay si Samson. Nang mabihag ng mga Filisteo ang Israel, “pinasimulan siyang udyukan ng espiritu ni Jehova” para iligtas ang mga Israelita. (Huk. 13:24, 25) Para magawa ito, binigyan siya ng pambihirang lakas. Nang makumbinsi ng mga Filisteo ang mga kababayan ni Samson na bihagin siya, “kinilos siya ng espiritu ni Jehova, at ang mga lubid na nasa kaniyang mga bisig ay naging gaya ng mga sinulid na lino na nasunog sa apoy, anupat ang mga pangaw sa kaniya ay natunaw mula sa kaniyang mga kamay.” (Huk. 15:14) Nang maglaon, naiwala niya ang kaniyang lakas dahil sa mga maling desisyon. Sa kabila nito, minsan pang pinalakas si Samson “sa pamamagitan ng pananampalataya.” (Heb. 11:32-34; Huk. 16:18-21, 28-30) Kumilos ang espiritu ni Jehova kay Samson sa pambihirang paraan dahil sa natatanging mga kalagayan noon. Pero ang pangyayaring ito ay malaking pampatibay sa atin sa ngayon. Paano?
18, 19. (a) Paano tayo mapatitibay ng halimbawa ni Samson? (b) Paano nakatulong sa iyo ang mga halimbawang tinalakay natin sa artikulong ito?
18 May pananalig din tayo sa banal na espiritung tumulong kay Samson. Ipinakikita natin ito habang ginagampanan natin ang gawaing iniatas ni Jesus na “mangaral sa mga tao at lubusang magpatotoo.” (Gawa 10:42) Baka nadarama natin na kulang tayo sa kakayahan para magawa ito. Laking pasasalamat natin na ginagamit ni Jehova ang kaniyang espiritu para tulungan tayo! Sumasang-ayon tayo sa sinabi ni propeta Isaias: “Isinugo ako ng Soberanong Panginoong Jehova, ng kaniya ngang espiritu.” (Isa. 48:16) Oo, ang espiritu ng Diyos ang nagsugo sa atin! Habang naglilingkod tayo nang buong puso, makatitiyak tayo na pasusulungin ni Jehova ang ating mga kakayahan gaya ng ginawa niya kina Moises, Bezalel, at Josue. Ginagamit natin “ang tabak ng espiritu, samakatuwid nga, ang salita ng Diyos,” at nagtitiwalang bibigyan niya tayo ng lakas gaya ng ginawa niya kina Gideon, Jepte, at Samson. (Efe. 6:17, 18) Kung magtitiwala tayo kay Jehova, bibigyan niya tayo ng espirituwal na lakas, kung paanong binigyan niya si Samson ng pisikal na lakas.
19 Maliwanag na pinagpapala ni Jehova ang mga naninindigan para sa tunay na pagsamba. Lalong titibay ang ating pananampalataya habang nagpapagabay tayo sa banal na espiritu ng Diyos. Kaya naman, masisiyahan din tayong repasuhin ang mga halimbawang iniulat sa Kristiyanong Griegong Kasulatan. Makikita natin kung paano kumilos ang espiritu ni Jehova sa kaniyang tapat na mga lingkod noong unang siglo—bago at pagkatapos ng Pentecostes 33 C.E. Tatalakayin natin ito sa susunod na artikulo.
Bakit mapatitibay kang malaman kung paano kumilos ang espiritu ng Diyos kay . . .
• Moises?
• Bezalel?
• Josue?
• Gideon?
• Jepte?
• Samson?
[Mga Tanong sa Aralin]
[Blurb sa pahina 22]
Ang espiritu ng Diyos ay magbibigay sa atin ng espirituwal na lakas, kung paanong nagbigay ito kay Samson ng pisikal na lakas
[Larawan sa pahina 21]
Mga magulang, tutularan ng inyong mga anak ang inyong mabuting halimbawa