Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Natatandaan Mo Ba?

Natatandaan Mo Ba?

Natatandaan Mo Ba?

Nabasa mo bang mabuti ang nakaraang mga isyu ng Bantayan? Tingnan kung masasagot mo ang mga sumusunod:

• Sino si Olivétan, at bakit tayo dapat maging interesado sa kaniyang salin?

Nakilala sa pangalang iyan ang Pranses na si Pierre Robert. Isinalin niya ang Bibliya sa wikang Pranses noong Repormasyon ng ika-16 na siglo. Ginamit niya ang “tagapangasiwa” sa halip na “obispo,” at “kongregasyon” sa halip na “simbahan.” Sa ilang talata, isinalin niya ang pangalan ng Diyos bilang “Jehova.”​—9/1, pahina 18-20.

• Ano ang ibig sabihin ng Diyos nang sabihin niya sa mga Levita: “Ako ang iyong bahagi”?

Bawat tribo ng Israel ay tumanggap ng takdang bahagi ng lupain, pero si Jehova ang “bahagi” ng mga Levita. (Bil. 18:20) Wala silang minanang lupain, pero tumanggap sila ng pantanging pribilehiyo sa paglilingkod. Inilaan ni Jehova ang kanilang materyal na mga pangangailangan. Sa ngayon, ang mga may pribilehiyong magtaguyod sa kapakanan ng Kaharian ay makapagtitiwalang paglalaanan sila ng mga pangangailangan nila sa buhay.​—9/15, pahina 7-813.

• Paano natin nalaman kung kailan bumagsak ang sinaunang Jerusalem sa kamay ng Babilonya?

Ang mga klasikal na istoryador ay nagbibigay ng halu-halo at magkakasalungat na impormasyon tungkol sa mga hari ng Babilonya at sa pamamahala ng mga ito. Pero sang-ayon ang mga iskolar na sinakop ni Ciro II ang Babilonya noong 539 B.C.E., isang napakahalagang petsa. Ang mga Judio ay pinalaya at nakabalik sa kanilang sariling lupain noong 537 B.C.E. Sinasabi ng Bibliya na ang kanilang pagkatapon ay tumagal nang 70 taon. Kaya malamang na bumagsak ang Jerusalem noong 607 B.C.E. (2 Cro. 36:21, 22; Jer. 29:10; Dan. 9:1, 2)​—10/1, pahina 26-31.

• Paano matitiyak ng mga Kristiyano kung kapaki-pakinabang o hindi ang isang libangan?

Para matiyak na kapaki-pakinabang at kalugud-lugod sa Diyos ang isang libangan, makabubuting itanong: Ano ang nasasangkot dito? Kailan ako naglilibang? Sino ang makakasama ko?​—10/15, pahina 9-12.

• Bakit maling magpa-abort?

Ang buhay ay sagrado sa Diyos, at maging ang embryo ay itinuturing niyang isang buháy na nilalang. (Awit 139:16) Ang pagpatay sa di-pa-naisisilang na sanggol ay isang kasalanan, yamang sa ilalim ng Kautusan, mananagot ang sinumang pipinsala sa di-pa-naisisilang na sanggol. (Ex. 21:22, 23)​—11/1, pahina 6.

• Paano makatutulong sa atin ang ulat sa Kawikaan 7:6-23 para maiwasan ang pornograpya?

Binabanggit ng ulat ang isang kabataang lalaki na naglakad sa isang lansangan kung saan nakatira ang isang imoral na babae. Inakit siya nito. Sa ngayon, makabubuting iwasan natin ang mga Internet site na may mahahalay na larawan, at mahalagang hingin natin ang tulong ng Diyos sa panalangin bago pa manggalugad sa Internet.​—11/15, pahina 9-10.

• Paano natin nalaman na hindi magugunaw ang lupa sa 2012?

Batay sa sinaunang kalendaryo ng mga Maya, sinasabi ng ilan na magugunaw ang mundo sa 2012. Pero imposible iyan dahil nilalang ni Jehova ang lupa para panirahan ng tao. Sinasabi ng Bibliya na ang lupa ay mananatili magpakailanman. (Ecles. 1:4; Isa. 45:18)​—12/1, pahina 10.

• Sinu-sinong manunulat ng Bibliya ang naroroon noong Pentecostes 33 C.E.?

Lumilitaw na anim na manunulat ng Kristiyanong Griegong Kasulatan ang naroroon. Tatlong apostol ang naroroon​—sina Mateo, Juan, at Pedro. Naroroon din ang dalawang kapatid ni Jesus sa ina​—sina Santiago at Judas. At malamang na naroroon din ang kabataang si Marcos.​—12/1, pahina 22.