Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pinagpala Dahil Handang Gumawa ng mga Pagbabago

Pinagpala Dahil Handang Gumawa ng mga Pagbabago

Pinagpala Dahil Handang Gumawa ng mga Pagbabago

Ayon sa salaysay ni James A. Thompson

Isinilang ako sa timugang bahagi ng Estados Unidos noong 1928. Nang panahong iyon, ipinatutupad ang mga batas na nagbubukod sa mga puti at mga itim. Sinumang lumabag sa mga ito ay maaaring ibilanggo o patawan ng mas mabigat na parusa.

NOON, kailangang magkahiwalay ang kongregasyon, sirkito, at distrito ng mga puti at mga itim na Saksi ni Jehova sa Estados Unidos. Noong 1937, ang aking ama ay naging company servant (tinatawag ngayong koordineytor ng lupon ng matatanda) ng kongregasyon ng mga itim sa Chattanooga, Tennessee. Si Brother Henry Nichols naman ang company servant ng kongregasyon ng mga puti.

Marami akong magagandang alaala noong kabataan pa ako. Kapag gabi, nauupo ako sa likod ng aming bahay at nakikinig kina Tatay at Brother Nichols. Hindi ko naiintindihan ang lahat ng usapan nila, pero gustung-gusto kong maupo sa tabi ni Tatay habang pinag-uusapan nila kung paano isasagawa ang pangangaral nang mga panahong iyon.

Mga ilang taon bago nito, noong 1930, may trahedyang sumapit sa aming pamilya. Si Nanay, na 20 anyos lang, ay namatay. Kaya naiwan kay Tatay ang pananagutan na palakihin ang ate kong si Doris, apat na taon, at ako, dalawang taóng gulang. Kahit kababautismo pa lang ni Tatay, mahusay ang pagsulong niya sa espirituwal.

Mabubuting Halimbawa Para sa Akin

Noong 1933, nakilala ni Tatay ang mahusay na sister na si Lillie Mae Gwendolyn Thomas, at nagpakasal sila. Pareho silang tapat na naglingkod kay Jehova at naging mabuting halimbawa sa amin ni Ate Doris.

Noong 1938, nagkaroon ng pagbabago sa paghirang ng mga elder. Sa halip na ihalal ng kongregasyon, ang mga elder ay hihirangin ng punong-tanggapan sa Brooklyn, New York. Hiniling sa mga kongregasyon na suportahan ang resolusyong ito. Ang ilan sa Chattanooga ay atubiling tanggapin ang pagbabagong ito sa organisasyon, pero lubusan itong sinuportahan ni Tatay. Ang kaniyang halimbawa ng pagkamatapat, pati na rin ang pakikipagtulungan ng aking madrasta, ay nakatulong sa akin hanggang sa ngayon.

Bautismo at Buong-Panahong Ministeryo

Noong 1940, umupa ng bus ang ilang kapatid sa aming kongregasyon at naglakbay para makadalo sa kombensiyon sa Detroit, Michigan. Doon nagpabautismo ang ilan sa aming grupo. Nangangaral na ako mula pa noong limang taóng gulang ako, kaya nagtaka ang ibang kasama namin kung bakit hindi ako nagpabautismo.

Nang tanungin nila ako, sinabi ko, “Hindi ko pa masyadong naiintindihan ang tungkol sa bautismo.” Naulinigan ito ni Tatay at nagulat siya. Mula noon, sinikap niyang ipaunawa sa akin ang kahulugan at kahalagahan ng bautismo. Kaya naman, isang malamig na araw noong Oktubre 1, 1940, nabautismuhan ako sa isang maliit na lawa sa labas ng Chattanooga.

Sa edad na 14, nagsimula akong magpayunir tuwing tag-araw, kapag bakasyon sa paaralan. Nangangaral ako sa maliliit na bayan sa Tennessee at sa kalapit nitong estado, ang Georgia. Maaga akong gumigising, naghahanda ng baon, at hinahabol ko ang pang-alas-seis na tren o bus papunta sa teritoryo. Umuuwi ako nang mga alas seis ng gabi. Kadalasan, ubos na ang baon kong pagkain bago pa magtanghalian. Kahit may pera ako, hindi ako makapasok sa tindahan para bumili ng pagkain dahil ako’y itim. Minsan, pumasok ako sa isang tindahan para bumili ng ice cream, pero pinaalis ako. Mabuti na lang at ibinili ako ng isang mabait na babaing puti.

Pagtuntong ko ng haiskul, nagiging aktibo na ang civil rights movement sa timugang bahagi ng bansa. Pinasigla ng mga organisasyong gaya ng NAACP (National Association for the Advancement of Colored People) ang mga estudyante na maging aktibista. Hinimok nila kami na maging miyembro. Gusto ng ilang paaralan ng mga itim na lahat ng estudyante ay maging kasapi. Ginipit ako na “itaguyod ang ating lahi.” Pero tumanggi ako at ipinaliwanag kong ang Diyos ay hindi nagtatangi ng lahi, kaya umaasa akong itutuwid niya ang mga kawalang-katarungan.​—Juan 17:14; Gawa 10:34, 35.

Pagkagradweyt ko ng haiskul, nagpasiya akong lumipat sa New York City. Dumaan muna ako sa Philadelphia, Pennsylvania, para dalawin ang mga kaibigang nakilala ko sa isang kombensiyon. Doon ako unang nakadalo sa isang kongregasyon na binubuo ng magkakaibang lahi. Dalaw noon ng tagapangasiwa ng sirkito. Kinausap niya ako at sinabing bibigyan ako ng bahagi sa susunod na pulong. Dahil diyan, ipinasiya kong umugnay sa kongregasyong iyon.

Isa sa mga naging kaibigan ko sa Philadelphia ang kabataang sister na si Geraldine White, na tinawag kong Gerri. Marami siyang alam sa Bibliya at magaling makipag-usap sa mga may-bahay. Ang pinakaimportante, pareho kami ng tunguhing magpayunir. Nagpakasal kami noong Abril 23, 1949.

Inanyayahan sa Paaralang Gilead

Tunguhin namin ni Gerri na mag-aral sa Gilead at maging misyonero sa ibang bansa. Kaya naman gumawa kami ng mga pagbabago bilang paghahanda. Di-nagtagal, pinalipat kami sa Lawnside, New Jersey; pagkatapos ay sa Chester, Pennsylvania; at sumunod ay sa Atlantic City, New Jersey. Noong nasa Atlantic City kami, puwede na kaming mag-aplay sa Gilead dahil dalawang taon na kaming kasal. Pero may problema.

Noong pasimula ng dekada ’50, nangangalap ang militar ng maraming kabataang lalaki para lumaban sa Korea. Dahil sa ating neutralidad, hindi maganda ang tingin sa mga Saksi ni Jehova ng lupong nangangalap ng mga sundalo sa Philadelphia. Pero nang maglaon, ipinaalam sa akin ng isang hukom na inimbestigahan ako ng FBI at napatunayang neutral ako. Kaya noong Enero 11, 1952, binigyan ako ng eksemsiyon ng Presidential Appeal Board bilang isang ministro ng relihiyon.

Noong Agosto nang taóng iyon, tumanggap kami ni Gerri ng paanyayang mag-aral sa ika-20 klase ng Gilead, na magsisimula sa Setyembre. Umasa kami na ipadadala kami sa ibang bansa. Ang ate kong si Doris ay nagtapos sa ika-13 klase ng Gilead at naglilingkod noon sa Brazil. Nabigla kami ni Gerri nang tumanggap kami ng atas sa gawaing pansirkito​—dadalawin namin ang mga kongregasyon ng mga itim sa timugang estado ng Alabama. Medyo nadismaya kami dahil gustung-gusto naming maglingkod sa ibang bansa.

Ang unang kongregasyong dinalaw namin ay nasa Huntsville. Pagdating doon, pumunta kami sa aming tuluyan. Habang ibinababa namin ang aming mga gamit, narinig naming sinabi ng sister sa telepono, “Nandito na ang mga bata.” Pareho kaming 24 anyos ni Gerri, pero mas bata pa ang hitsura namin. Kaya tinawag kaming “Mga Bata” sa sirkitong ito.

Madalas tawaging Bible Belt ang timugang bahagi ng Estados Unidos dahil karamihan sa mga tagaroon ay may mataas na paggalang sa Bibliya. Kaya naman, tatlong bagay ang madalas naming ipinakikipag-usap sa ministeryo:

(1) Ang kalagayan ng daigdig.

(2) Ang pag-asang ibinibigay ng Bibliya.

(3) Kung ano ang sinasabi ng Bibliya na dapat nating gawin.

Pagkatapos ay nag-aalok kami ng publikasyong magagamit sa pag-aaral ng Bibliya. Dahil epektibo ang pamamaraang ito, binigyan ako ng pagkakataong itanghal ito sa New World Society Assembly sa New York noong 1953.

Di-nagtagal, noong tag-araw ng 1953, inatasan akong maging tagapangasiwa ng distrito sa mga sirkito ng mga itim sa timugang bahagi ng bansa. Ang teritoryo namin ay mula Virginia hanggang Florida, at umaabot sa Alabama at Tennessee sa kanluran. Kailangang marunong makibagay ang mga naglalakbay na tagapangasiwa. Halimbawa, kadalasan, walang mga banyo ang bahay na tinutuluyan namin kung kaya naliligo kami sa bathtub na gawa sa yero sa likod ng lutuan. Mabuti na lang at iyon ang pinakamainit na parte ng bahay!

Mga Problemang Dulot ng Pagtatangi ng Lahi

Noong naglilingkod kami sa timugang bahagi ng bansa, kailangan naming maging mapamaraan. Ang mga itim ay hindi pinahihintulutang maglaba sa mga Laundromat. Kaya kapag pumupunta roon si Gerri, sinasabi niya na iyon ay mga damit ni “Mrs. Thompson.” Inaakala ng marami na isa siyang katulong at na si “Mrs. Thompson” ang amo niya. Nang panahong iyon, ipinapalabas ng mga tagapangasiwa ng distrito ang pelikulang The New World Society in Action. Kapag kailangan ko ng large screen, tumatawag ako sa shop at ipinarereserba ito para kay “Mr. Thompson.” Pagkatapos, pupunta ako at kukunin ito. Lagi kaming magalang, at kadalasa’y naisasagawa namin ang aming ministeryo nang walang aberya.

May isa pang uri ng pagtatangi. Ito naman ay laban sa mga taga-hilagang bahagi ng bansa. Halimbawa, iniulat minsan sa isang pahayagan na magsasalita sa isang asamblea si James A. Thompson, Jr., ng Watchtower Bible and Tract Society of New York. Inakala ng ilan na taga-New York ako, kung kaya kinansela ang aming kontrata sa paggamit ng awditoryum ng isang paaralan. Nakipag-usap ako sa school board at sinabi kong nag-aral ako sa Chattanooga. Dahil dito, pinayagan kaming gamitin ito sa aming pansirkitong asamblea.

Noong kalagitnaan ng dekada ’50, umigting ang alitan ng mga puti at itim, at kung minsan ay nauuwi ito sa karahasan. Noong 1954, may mga Saksi na naghinanakit dahil walang mga tagapagsalitang itim sa maraming pandistritong asamblea. Hinimok namin ang mga brother na itim na maghintay-hintay lang. Nang sumunod na tag-araw, inatasan akong maging tagapagsalita. Pagkaraan nito, mas marami nang brother na itim mula sa timog ang inatasang magsalita sa mga asamblea.

Nang maglaon, humupa rin ang karahasang dulot ng pagtatangi ng lahi sa timugang bahagi ng bansa, at unti-unting nagsama-sama sa kongregasyon ang mga puti at mga itim. Kaya naman kinailangang ilipat sa ibang kongregasyon ang mga mamamahayag at muling organisahin ang mga teritoryo at mga pananagutan ng mga tagapangasiwa. May mga kapatid na puti at itim na hindi sang-ayon dito. Pero karamihan ay tumulad kay Jehova na hindi nagtatangi. Sa katunayan, marami sa kanila ang magkakaibigan kahit hindi sila magkakakulay. Naranasan iyan ng pamilya namin noong mga dekada ’30 at ’40 nang bata pa ako.

Isang Bagong Atas

Noong Enero 1969, masaya naming tinanggap ni Gerri ang paanyayang maglingkod sa Guyana, Timog Amerika. Pumunta muna kami sa Brooklyn, New York, kung saan tumanggap ako ng pagsasanay para pangasiwaan ang pangangaral sa Guyana. Dumating kami sa Guyana noong Hulyo 1969. Medyo nakakapanibagong pumirmi sa iisang lugar pagkatapos ng 16-na-taóng paglilingkod bilang naglalakbay na tagapangasiwa. Halos araw-araw lumalabas sa larangan si Gerri bilang misyonera, at nagtatrabaho naman ako sa tanggapang pansangay.

Iba’t iba ang trabaho ko. Nagtatabas ako ng damo, nag-aasikaso ng literatura para sa 28 kongregasyon, at nakikipag-ugnayan sa punong-tanggapan sa Brooklyn sa pamamagitan ng liham. Nagtatrabaho ako nang 14 hanggang 15 oras araw-araw. Mahirap ito pero nasiyahan kami sa aming paglilingkod. Noong dumating kami sa Guyana, 950 ang mga mamamahayag; ngayon ay mahigit 2,500 na.

Nasiyahan din kami sa magandang klima at sa tropikal na mga prutas at gulay, pero ang talagang ikinagalak namin ay ang mapagpakumbabang mga tao na sabik na sabik matuto ng itinuturo ng Bibliya tungkol sa Kaharian ng Diyos. Kadalasan, nagdaraos si Gerri ng 20 lingguhang pantahanang pag-aaral sa Bibliya, at marami kaming inaralan na nabautismuhan. Nang maglaon, ang ilan sa kanila ay naging payunir, elder, at nag-aral pa nga sa Gilead at naging mga misyonero din.

Mga Problema at Paghina ng Kalusugan

Noong 1983, nangailangan ng tulong ang mga magulang ko na nasa Estados Unidos. Pinag-usapan namin ito nina Ate Doris at Gerri. Si Ate, na 35 taon nang misyonera sa Brazil, ay nagpasiyang umuwi para alagaan sila. Naisip niyang mas mabuti nang isa kaysa dalawang misyonero ang huminto. Nang mamatay ang mga magulang namin, nanatili sa Chattanooga si Ate Doris kung saan siya naglilingkod bilang special pioneer.

Noong 1995, natuklasan na mayroon akong prostate cancer kaya kinailangan naming umuwi sa Estados Unidos. Namirmihan kami sa Goldsboro, North Carolina, dahil nasa pagitan ito ng Tennessee, kung saan naroon ang pamilya ko, at ng Pennsylvania, kung saan naman nakatira ang pamilya ni Gerri. Kontrolado na ang kanser ko, at naglilingkod kami sa isang kongregasyon sa Goldsboro bilang mga infirm special pioneer.

Nakagugol na ako ng mahigit 65 taon sa buong-panahong ministeryo. Nagpapasalamat ako na pinagpala kami ni Jehova dahil handa kaming gumawa ng mga pagbabago para makapaglingkod sa kaniya. Talagang totoo ang sinabi ni David: “Sa matapat ay kikilos [si Jehova] nang may pagkamatapat”!​—2 Sam. 22:26.

[Mga larawan sa pahina 3]

Mabubuting halimbawa sa akin sina Tatay at Brother Nichols

[Mga larawan sa pahina 4]

Kami ni Gerri bago mag-aral sa Gilead noong 1952

[Mga larawan sa pahina 5]

Pagkagradweyt sa Gilead, inatasan kami sa gawaing paglalakbay sa timugang bahagi ng Estados Unidos

[Larawan sa pahina 6]

Mga naglalakbay na tagapangasiwa at ang kani-kanilang asawa bago ang pandistritong kombensiyon na dadaluhan ng mga puti at itim noong 1966

[Larawan sa pahina 7]

Napakasayang maglingkod bilang misyonero sa Guyana