Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Siya Ba’y Mabuting Halimbawa sa Iyo o Isang Babala?

Siya Ba’y Mabuting Halimbawa sa Iyo o Isang Babala?

Siya Ba’y Mabuting Halimbawa sa Iyo o Isang Babala?

“Tuturuan [tayo ng Diyos ni Jacob] tungkol sa kaniyang mga daan, at lalakad tayo sa kaniyang mga landas.”​—ISA. 2:3.

1, 2. Sa anu-anong paraan ka makikinabang sa mga halimbawa sa Bibliya?

TIYAK na sasang-ayon ka na kapaki-pakinabang sa iyo ang mga nakasulat sa Bibliya. Mababasa mo roon ang halimbawa ng tapat na mga lalaki’t babae na maaari mong tularan. (Heb. 11:32-34) Pero mayroon ding mga babalang halimbawa​—mga lalaki’t babae na hindi mo dapat tularan.

2 Ang totoo, may mga indibiduwal sa Bibliya na parehong naging mabuti at masamang halimbawa. Nariyan si David, isang hamak na pastol na naging makapangyarihang hari. Mabuti siyang halimbawa dahil inibig niya ang katotohanan at nagtiwala siya kay Jehova. Pero nakagawa rin si David ng malulubhang kasalanan, gaya ng pangangalunya kay Bat-sheba, pagpaslang kay Uria, at pagpapakuha ng di-nararapat na sensus. Sa artikulong ito, pag-aaralan natin ang halimbawa ng kaniyang anak, ang hari at manunulat ng Bibliya na si Solomon. Pag-usapan muna natin kung paano siya naging mabuting halimbawa sa dalawang paraan.

“Ang Karunungan ni Solomon”

3. Paano naging magandang halimbawa sa atin si Solomon?

3 Ayon sa Lalong Dakilang Solomon na si Jesu-Kristo, isang magandang halimbawa para sa atin si Haring Solomon. Sinabi ni Jesus sa mga Judio noon: “Ang reyna ng timog ay ibabangon sa paghuhukom kasama ng salinlahing ito at hahatulan ito; sapagkat dumating siya mula sa mga dulo ng lupa upang pakinggan ang karunungan ni Solomon, ngunit, narito! isang higit pa kaysa kay Solomon ang narito.” (Mat. 12:42) Oo, nakilala si Solomon dahil sa kaniyang karunungan, at pinasigla niya tayong magsikap para matamo ito.

4, 5. Paano nagtamo ng karunungan si Solomon? Paano naiiba ang ating paraan ng pagtatamo ng karunungan?

4 Nang maging hari si Solomon, nagpakita sa kaniya ang Diyos sa isang panaginip at tinanong siya kung ano ang gusto niyang hilingin. Alam ni Solomon na wala siyang karanasan, kaya humiling siya ng karunungan. (Basahin ang 1 Hari 3:5-9.) Nalugod ang Diyos dahil karunungan ang hiniling ni Solomon at hindi kayamanan at kaluwalhatian, kaya binigyan Niya siya ng “isang marunong at may-unawang puso,” pati na ng kasaganaan. (1 Hari 3:10-14) Talagang namumukod-tangi ang karunungan ni Solomon anupat sinabi ni Jesus na naglakbay nang malayo ang reyna ng Sheba para marinig ang karunungan ni Solomon.​—1 Hari 10:1, 4-9.

5 Sinabi ni Solomon na “si Jehova ay nagbibigay ng karunungan.” Pero hindi tayo umaasa na makahimala tayong pagkakalooban ni Jehova ng karunungan. Sa halip, sinabi ni Solomon na dapat tayong magsikap para matamo ang makadiyos na katangiang ito. Isinulat niya: “Magbigay-pansin sa karunungan ang iyong tainga, upang ikiling mo ang iyong puso sa kaunawaan.” Gumamit din si Solomon ng mga pananalitang gaya ng ‘tumawag,’ ‘patuloy na hanapin,’ at ‘patuloy na saliksikin’ ang karunungan. (Kaw. 2:1-6) Oo, maaari tayong magtamo ng karunungan.

6. Sa anu-anong paraan natin maipakikita na tinutularan natin ang mabuting halimbawa ni Solomon?

6 Makabubuting tanungin natin ang ating sarili, ‘Pinahahalagahan ko ba ang makadiyos na karunungan gaya ni Solomon?’ Dahil sa hirap ng buhay, marami ang nagbubuhos ng pansin sa kanilang trabaho at pananalapi. Nakaaapekto rin ito sa uri at dami ng edukasyong pinagsisikapan nilang abutin. Kumusta ka at ang iyong pamilya? Ipinakikita ba ng inyong pagpapasiya na hinahanap at pinahahalagahan ninyo ang makadiyos na karunungan? Kailangan kaya ninyong baguhin ang inyong pangmalas sa salapi at edukasyon para magtamo kayo ng higit na karunungan? Makikinabang kayo sa karunungang ito habambuhay. Isinulat ni Solomon: “Kung magkagayon ay mauunawaan mo ang katuwiran at ang kahatulan at ang katapatan, ang buong landasin ng kabutihan.”​—Kaw. 2:9.

Nagkaroon ng Kapayapaan Dahil Inuna Niya ang Tunay na Pagsamba

7. Paano naitayo ang maringal na templo ng Diyos?

7 Nang maging hari si Solomon, gusto niyang palitan ang tabernakulong ginagamit mula pa noong panahon ni Moises kaya naman nagpatayo siya ng isang maringal na templo. (1 Hari 6:1) Templo ni Solomon ang tawag natin dito, pero hindi siya ang nakaisip na magtayo nito. Hindi rin niya ito itinayo para maging tanyag siya. Ang totoo, si David ang unang nakaisip na magtayo ng templo, at ibinigay ng Diyos kay David ang detalyadong plano para sa templo at sa mga kagamitan nito. Napakalaki rin ng iniabuloy ni David para sa gawaing ito. (2 Sam. 7:2, 12, 13; 1 Cro. 22:14-16) Pero si Solomon ang humawak sa proyektong ito na tumagal nang pito at kalahating taon.​—1 Hari 6:37, 38; 7:51.

8, 9. (a) Anong halimbawa ng pagtitiyaga sa gawang mabuti ang ipinakita ni Solomon? (b) Ano ang resulta ng pag-una ni Solomon sa tunay na pagsamba?

8 Kaya naman si Solomon ay isang halimbawa ng pagtitiyaga sa gawang mabuti at pag-una sa mahahalagang bagay. Nang matapos ang pagtatayo ng templo at mailagay rito ang kaban ng tipan, nanalangin si Solomon sa harap ng bayan. Sinabi niya kay Jehova: “Ang iyong mga mata [nawa] ay maidilat tungo sa bahay na ito gabi at araw, tungo sa dako na tungkol dito ay iyong sinabi, ‘Ang aking pangalan ay doroon,’ upang makinig sa panalangin na idinadalangin ng iyong lingkod tungo sa dakong ito.” (1 Hari 8:6, 29) Ang mga Israelita at mga banyaga ay maaaring manalangin tungo sa templong ito na itinayo sa ikaluluwalhati ng pangalan ng Diyos.​—1 Hari 8:30, 41-43, 60.

9 Ano ang resulta ng pag-una ni Solomon sa tunay na pagsamba? Matapos ipagdiwang ang pagpapasinaya sa templo, ‘nagsaya at nagalak ang puso ng bayan dahil sa lahat ng kabutihang ipinakita ni Jehova para kay David na kaniyang lingkod at para sa Israel.’ (1 Hari 8:65, 66) Sa katunayan, nagkaroon ng pambihirang kapayapaan at kasaganaan sa loob ng 40-taóng paghahari ni Solomon. (Basahin ang 1 Hari 4:20, 21, 25.) Makikita iyan sa Awit 72, na tumutulong sa atin na maunawaan ang mga pagpapalang tatanggapin natin sa ilalim ng pamamahala ni Jesu-Kristo, ang Lalong Dakilang Solomon.​—Awit 72:6-8, 16.

Ang Babalang Halimbawa ni Solomon

10. Anong malubhang pagkakamali ni Solomon ang malamang na una mong maiisip?

10 Pero bakit masasabi natin na isa ring babalang halimbawa si Solomon? Marahil, ang una mong maiisip ay ang pagkakaroon niya ng mga asawang banyaga at mga babae. Mababasa natin: “Nang panahon ng pagtanda ni Solomon ay ikiniling ng kaniyang mga asawa ang kaniyang puso na sumunod sa ibang mga diyos; at ang kaniyang puso ay hindi naging sakdal kay Jehova.” (1 Hari 11:1-6) Tiyak na ayaw mong makagawa ng ganiyang pagkakamali. Pero iyan lang ba ang matututuhan natin kay Solomon? Mayroon pang maliliit na detalye sa buhay niya na puwedeng magsilbing babala sa atin. Pag-usapan natin ang ilan sa mga ito.

11. Ano ang masasabi natin tungkol sa unang pag-aasawa ni Solomon?

11 Apatnapung taóng naghari si Solomon. (2 Cro. 9:30) Kaya ano ang konklusyon natin batay sa 1 Hari 14:21? (Basahin.) Ayon sa talatang ito, pagkamatay ni Solomon, ang kaniyang anak na si Rehoboam ay naging hari sa edad na 41, at ang ina ni Rehoboam ay si “Naama na babaing Ammonita.” Ibig sabihin, bago pa maging hari si Solomon, nag-asawa na siya ng isang banyaga mula sa kaaway na bansang sumasamba sa mga idolong diyos. (Huk. 10:6; 2 Sam. 10:6) Hindi natin alam kung patuloy na sumamba si Naama sa huwad na mga diyos o kung naging mananamba siya ni Jehova, gaya nina Rahab at Ruth. (Ruth 1:16; 4:13-17; Mat. 1:5, 6) Pero dahil sa pag-aasawang ito, malamang na nagkaroon si Solomon ng Ammonitang mga biyenan at kamag-anak na hindi naglilingkod kay Jehova.

12, 13. Anong malubhang pagkakamali ang nagawa ni Solomon sa pasimula ng kaniyang paghahari? At ano ang posibleng idinahilan niya?

12 Lalong sumamâ ang sitwasyon ni Solomon nang maging hari na siya. “Nakipag-alyansa [si Solomon] kay Paraon na hari ng Ehipto ukol sa pag-aasawa at kinuha niya ang anak ni Paraon at dinala ito sa Lunsod ni David.” (1 Hari 3:1) Naging mananamba ba ni Jehova ang babaing Ehipsiyo na ito, gaya ni Ruth? Hindi sinasabi ng Bibliya. Sa halip, sinasabi nito na nagtayo si Solomon para sa babaing ito (at marahil para sa kaniyang mga alilang Ehipsiyo) ng bahay sa labas ng Lunsod ni David. Bakit? Sinasabi ng Kasulatan na ginawa iyon ni Solomon dahil hindi angkop para sa isang mananamba ng huwad na mga diyos na manirahan malapit sa kaban ng tipan.​—2 Cro. 8:11.

13 Baka iniisip ni Solomon na titibay ang ugnayan ng Israel at Ehipto kung mapapangasawa niya ang isang prinsesang Ehipsiyo. Pero tama bang katuwiran iyan? Malaon nang ipinagbabawal ng Diyos ang pakikipag-asawa sa paganong mga Canaanita. Inisa-isa pa nga niya ang mga bansang Canaanita na dapat nilang iwasan. (Ex. 34:11-16) Nagdahilan kaya si Solomon na hindi naman kasama ang Ehipto sa mga bansang binanggit ng Diyos? Kung ganiyan ang katuwiran niya, tama ba ito? Ang totoo, ipinagwalang-bahala niya ang panganib na binanggit ni Jehova​—na maitatalikod ng isang banyagang asawa ang isang Israelita mula sa tunay tungo sa huwad na pagsamba.​—Basahin ang Deuteronomio 7:1-4.

14. Paano tayo makikinabang sa babalang halimbawa ni Solomon?

14 Matututo ba tayo sa babalang halimbawa ni Solomon? Baka ipagmatuwid ng isang sister ang pakikipagligawan sa isang di-kapananampalataya, anupat ipinagwawalang-bahala ang utos ng Diyos na mag-asawa “tangi lamang sa Panginoon.” (1 Cor. 7:39) Baka gumawa rin ng pagdadahilan ang iba para makasali sa mga extracurricular na sport o club sa paaralan, hindi magbayad ng tamang buwis, o magsinungaling tungkol sa nakahihiyang mga bagay na ginawa niya. Ang punto? Nagdahilan si Solomon para malusutan niya ang mga utos ng Diyos, at may panganib na magkaganiyan din tayo.

15. Paano pinagpakitaan ni Jehova ng awa si Solomon, pero ano ang dapat nating tandaan?

15 Kapansin-pansin na bagaman binanggit ng Bibliya na nag-asawa si Solomon ng isang banyagang prinsesa, ipinagkaloob pa rin ng Diyos ang karunungang hiniling niya, at binigyan pa Niya siya ng kayamanan. (1 Hari 3:10-13) Kahit nilabag ni Solomon ang mga utos ng Diyos, hindi siya agad itinakwil ni Jehova bilang hari ni pinarusahan man siya. Alam ng Diyos na tayo’y di-sakdal at gawa sa alabok. (Awit 103:10, 13, 14) Pero tandaan natin na aanihin natin ang ating inihasik, kung hindi man ngayon, marahil ay sa hinaharap.

Napakaraming Asawa!

16. Ano ang ipinagwalang-bahala ni Solomon nang kumuha siya ng maraming asawa?

16 Sa Awit ni Solomon, pinuri niya ang isang dalaga at sinabing mas maganda ito kaysa sa 60 reyna at 80 babae. (Sol. 6:1, 8-10) Posibleng ganito na karami ang mga asawa’t babae ni Solomon nang panahong iyon. Ipagpalagay nang karamihan sa kanila o lahat sila ay mga mananamba ni Jehova. Pero nilabag pa rin niya ang Kautusang Mosaiko, kung saan sinasabi ng Diyos na ang isang hari ng Israel ay ‘hindi dapat magparami ng asawa para sa kaniyang sarili, upang ang kaniyang puso ay hindi mailihis.’ (Deut. 17:17) Sa kabila nito, hindi rin basta-basta itinakwil ni Jehova si Solomon. Sa katunayan, pinagpala siya ng Diyos at ginamit siya para maisulat ang aklat ng Bibliya na Awit ni Solomon.

17. Anong katotohanan ang hindi natin dapat kalimutan?

17 Ibig bang sabihin na puwedeng labagin ni Solomon ang utos ng Diyos nang hindi umaani ng masasamang resulta, o na puwede nating gawin iyon? Hindi. Ipinakikita lang nito na ang Diyos ay napakamatiisin. Ang totoo, posibleng labagin ng isang tao ang mga utos ng Diyos nang hindi naman kaagad inaani ang masasamang bunga nito. Pero tiyak na aanihin niya ito pagdating ng panahon. Tandaan ang isinulat ni Solomon: “Dahil ang hatol laban sa masamang gawa ay hindi kaagad inilalapat, kung kaya ang puso ng mga anak ng mga tao ay lubusang nakatalaga sa mga iyon upang gumawa ng masama.” Idinagdag pa niya: “Batid ko rin na magiging mabuti ang kalalabasan para sa mga natatakot sa tunay na Diyos, sapagkat kinatatakutan nila siya.”​—Ecles. 8:11, 12.

18. Paano ipinakikita ng halimbawa ni Solomon na totoo ang sinasabi ng Galacia 6:7?

18 Kung sana’y patuloy na isinapuso ni Solomon ang katotohanang iyan! Oo, marami na siyang nagawang mabuti at matagal na siyang pinagpapala ng Diyos. Pero sa paglipas ng panahon, nakagawa siya ng sunud-sunod na pagkakamali. Nakagawian na niyang labagin ang mga utos ni Jehova. Talagang totoo ang isinulat ni apostol Pablo: “Huwag kayong palíligaw: Ang Diyos ay hindi isa na malilibak. Sapagkat anuman ang inihahasik ng isang tao, ito rin ang kaniyang aanihin”! (Gal. 6:7) Nang maglaon, inani ni Solomon ang masasamang bunga ng kaniyang pagsuway sa Diyos. Mababasa natin: “Si Haring Solomon ay umibig sa maraming asawang banyaga kasama na ang anak ni Paraon, mga babaing Moabita, Ammonita, Edomita, Sidonio at Hiteo.” (1 Hari 11:1) Malamang na ang karamihan sa mga ito ay patuloy na sumamba sa huwad na mga diyos, at tiyak na nakaapekto ito kay Solomon. Lumihis siya at naiwala ang pagsang-ayon ng ating matiising Diyos.​—Basahin ang 1 Hari 11:4-8.

Matuto sa Kaniyang Mabuti at Masamang Halimbawa

19. Anong mabubuting halimbawa ang nasa Bibliya?

19 Ipinasulat ni Jehova kay Pablo: “Ang lahat ng bagay na isinulat noong una ay isinulat sa ating ikatututo, upang sa pamamagitan ng ating pagbabata at sa pamamagitan ng kaaliwan mula sa Kasulatan ay magkaroon tayo ng pag-asa.” (Roma 15:4) Kasama sa mga bagay na isinulat ang mabubuting halimbawa ng mga lalaki’t babae na may namumukod-tanging pananampalataya. Sinabi ni Pablo: “Ano pa ang sasabihin ko? Sapagkat kukulangin ako ng panahon kung ilalahad ko pa ang tungkol kina Gideon, Barak, Samson, Jepte, David at gayundin ang kay Samuel at sa iba pang mga propeta, na sa pamamagitan ng pananampalataya ay lumupig ng mga kaharian sa labanan, nagpangyari ng katuwiran, nagtamo ng mga pangako, . . . mula sa mahinang kalagayan ay napalakas.” (Heb. 11:32-34) Maaari tayong matuto mula sa mabubuting halimbawa sa Bibliya at matutularan natin sila.

20, 21. Bakit ka determinadong matuto sa mga babalang halimbawa na nasa Bibliya?

20 Pero may mga halimbawa sa Bibliya na nagsisilbing babala sa atin. Ang ilan sa mga ito ay mga lalaki’t babae na dating naglingkod kay Jehova at may pagsang-ayon niya. Kapag nagbabasa tayo ng Bibliya, nalalaman natin kung saan sila nagkamali, para hindi natin sila pamarisan. Makikita natin na ang ilan sa kanila ay unti-unting nagkaroon ng maling mga saloobin o hilig, na nauwi sa kapahamakan. Para matuto sa kanilang halimbawa, puwede nating tanungin ang ating sarili: ‘Paano siya nagkaganoon? Puwede kayang mangyari sa akin ang nangyari sa kaniya? Paano ko iyon maiiwasan?’

21 Talagang dapat nating dibdibin ang mga halimbawang ito, dahil isinulat ni Pablo: “Ang mga bagay na ito ay nangyari sa kanila bilang mga halimbawa, at isinulat ang mga ito bilang babala sa atin na dinatnan ng mga wakas ng mga sistema ng mga bagay.”​—1 Cor. 10:11.

Ano ang Natutuhan Mo?

• Bakit may mabubuting halimbawa at mga babalang halimbawa sa Bibliya?

• Paano nakagawian ni Solomon na labagin ang mga utos ni Jehova?

• Paano ka makikinabang sa babalang halimbawa ni Solomon?

[Mga Tanong sa Aralin]

[Larawan sa pahina 9]

Ginamit ni Solomon ang bigay-Diyos na karunungan

[Mga larawan sa pahina 12]

Nakikinabang ka ba sa babalang halimbawa ni Solomon?