Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Matuto Mula sa Pagiging Mapagbantay ng mga Apostol ni Jesus

Matuto Mula sa Pagiging Mapagbantay ng mga Apostol ni Jesus

“Patuloy na magbantay na kasama ko.”​—MAT. 26:38.

1-3. Paano nabigong magbantay ang mga apostol noong huling gabi ni Jesus sa lupa, at ano ang nagpapakita na natuto sila sa kanilang pagkakamali?

ISIPIN ang huling gabi ni Jesus sa lupa. Nagpunta siya sa isa sa mga paborito niyang lugar, ang hardin ng Getsemani, sa silangan ng Jerusalem. Kasama niya ang kaniyang tapat na mga apostol. Palibhasa’y nababagabag, kailangan niyang mapag-isa para makapanalangin.​—Mat. 26:36; Juan 18:1, 2.

2 Tatlo sa mga apostol​—sina Pedro, Santiago, at Juan​—ang sumama kay Jesus sa bandang loob ng hardin. “Manatili kayo rito at patuloy na magbantay na kasama ko,” ang sabi niya, at saka siya lumayo para manalangin. Pagbalik niya, naabutan niya silang natutulog. Muli siyang nakiusap: “Patuloy kayong magbantay.” Pero dalawang beses pa silang nakatulog! Nang gabi ring iyon, lahat ng apostol ay hindi nakapanatiling gising sa espirituwal. Iniwan pa nga nila si Jesus at tumakas!​—Mat. 26:38, 41, 56.

3 Tiyak na sising-sisi ang mga apostol dahil hindi sila patuloy na nakapagbantay. Pero natuto sila sa kanilang pagkakamali. Ipinakikita ng aklat ng Bibliya na Mga Gawa na sila’y naging mahuhusay na halimbawa sa pagiging mapagbantay. Tiyak na napakilos ang kanilang mga kapuwa Kristiyano na gawin din ang gayon. Ngayon, higit kailanman, kailangan nating patuloy na magbantay. (Mat. 24:42) Talakayin natin ang tatlong aral tungkol sa pagiging mapagbantay mula sa aklat ng Mga Gawa.

MAPAGBANTAY SA TAGUBILIN KUNG SAAN MANGANGARAL

4, 5. Paano inakay ng banal na espiritu si Pablo at ang kaniyang mga kasama?

4 Una, ang mga apostol ay mapagbantay sa tagubilin kung saan mangangaral. Sinasabi sa isang ulat kung paano ginamit ni Jesus ang banal na espiritu, na ibinigay sa kaniya ni Jehova, para gabayan si apostol Pablo at ang mga kasama nito sa isang naiibang paglalakbay. (Gawa 2:33) Repasuhin natin ito.​—Basahin ang Gawa 16:6-10.

5 Sina Pablo, Silas, at Timoteo ay umalis sa lunsod ng Listra, na nasa timugang Galacia. Pagkalipas ng ilang araw, nakarating sila sa isang Romanong lansangang-bayan patungong kanluran sa pinakamataong rehiyon ng distrito ng Asia. Gusto nilang dumaan doon para madalaw ang mga lunsod kung saan libu-libo ang kailangang makarinig tungkol kay Kristo. Pero may pumigil sa kanila. Sinasabi sa talata 6: “Lumibot sila sa Frigia at sa lupain ng Galacia, sapagkat pinagbawalan sila ng banal na espiritu na salitain ang salita sa distrito ng Asia.” Sa paanuman, pinigilan sila ng banal na espiritu na mangaral sa probinsiya ng Asia. Maliwanag na ginamit ni Jesus ang banal na espiritu para akayin si Pablo at ang mga kasama nito sa ibang direksiyon.

6, 7. (a) Ano ang nangyari kay Pablo at sa kaniyang mga kasama nang malapit na sila sa Bitinia? (b) Ano ang ipinasiya ng mga alagad, at ano ang resulta?

6 Saan pumunta si Pablo at ang kaniyang mga kasama? Ganito ang sabi ng talata 7: “Karagdagan pa, nang bumababa sa Misia ay sinikap nilang makaparoon sa Bitinia, ngunit hindi sila pinahintulutan ng espiritu ni Jesus.” Palibhasa’y pinigilang mangaral sa Asia, si Pablo at ang kaniyang mga kasama ay nag-iba ng direksiyon at naglakbay pahilaga upang makapangaral sa mga lunsod sa Bitinia. Pero nang malapit na sila roon, muling ginamit ni Jesus ang banal na espiritu para pigilan sila. Malamang na litung-lito na ang grupo ni Pablo. Alam nila kung ano ang ipangangaral at kung paano mangangaral, pero hindi nila alam kung saan sila mangangaral. Kinatok nila, wika nga, ang pintong papasók sa Asia​—pero hindi ito bumukas. Kinatok nila ang pintong papasók sa Bitinia​—pero hindi rin ito bumukas. Huminto ba sila sa pagkatok? Hindi! Walang nakapigil sa masisigasig na mángangarál na ito!

7 Sa puntong ito, nakapagtataka ang ginawang pasiya ng grupo ni Pablo. Ganito ang sabi ng talata 8: “Kaya nilampasan nila ang Misia at bumaba sa Troas.” Naglakad sila nang 563 kilometro pakanluran. Dumaan sila sa mga lunsod hanggang sa makarating sila sa daungan ng Troas, na nagsilbing pintong papasók sa Macedonia. Sa ikatlong pagkakataon, kumatok si Pablo at ang kaniyang mga kasama, at sa wakas, bumukas ang pinto! Sinasabi sa talata 9: “Nang kinagabihan ay nagpakita kay Pablo ang isang pangitain: isang lalaking taga-Macedonia ang nakatayo at namamanhik sa kaniya at nagsasabi: ‘Tumawid ka sa Macedonia at tulungan mo kami.’” Sa wakas, alam na ni Pablo kung saan sila mangangaral. Agad silang naglayag patungong Macedonia.

8, 9. Ano ang matututuhan natin sa ulat hinggil sa paglalakbay ni Pablo?

8 Ano ang matututuhan natin sa ulat na ito? Pansinin na saka lamang nakialam ang espiritu ng Diyos nang maglakbay na si Pablo patungong Asia. Pagkatapos, saka lamang nagbigay si Jesus ng tagubilin noong malapit na si Pablo sa Bitinia. At saka lamang inutusan ni Jesus si Pablo na pumunta sa Macedonia nang makarating na ito sa Troas. Sa ngayon, maaaring sa ganitong paraan din tayo ginagabayan ni Jesus, ang Ulo ng kongregasyon. (Col. 1:18) Halimbawa, baka matagal-tagal mo nang pinag-iisipang magpayunir o lumipat sa isang lugar kung saan mas malaki ang pangangailangan. Pero maaaring saka ka lamang gagabayan ni Jesus, sa pamamagitan ng espiritu ng Diyos, kapag nakagawa ka na ng mga hakbang para maabot ang tunguhin mo. Bilang paghahalimbawa: Maililiko lang ng drayber ang kaniyang sasakyan pakaliwa o pakanan kung tumatakbo na ito. Sa katulad na paraan, maaaring gabayan lamang tayo ni Jesus sa pagpapalawak ng ating ministeryo kung kumikilos na tayo para abutin ang ating tunguhin.

9 Paano kung hindi agad magbunga ang pagsisikap mo? Susuko ka na ba at iisiping hindi ka ginagabayan ng espiritu ng Diyos? Tandaan, dumanas din si Pablo ng mga kabiguan. Pero patuloy siyang naghanap at kumatok hanggang sa makakita siya ng pintong bubukas para sa kaniya. Sa katulad na paraan, kung patuloy kang maghahanap ng “isang malaking pinto na umaakay sa gawain,” gagantimpalaan ka rin.​—1 Cor. 16:9.

MAPAGPUYAT MAY KINALAMAN SA MGA PANALANGIN

10. Ano ang nagpapakita na mahalaga ang pagiging mapagpuyat sa panalangin para patuloy na makapagbantay?

10 Narito naman ang ikalawang aral tungkol sa pagiging mapagbantay na matututuhan natin sa unang-siglong mga Kristiyano: Mapagpuyat sila may kinalaman sa mga panalangin. (1 Ped. 4:7) Ang pagiging matiyaga sa pananalangin ay mahalaga para patuloy na makapagbantay. Tandaan ang sinabi ni Jesus sa tatlong apostol bago siya dakpin sa hardin ng Getsemani: “Patuloy kayong magbantay at manalangin nang patuluyan.”​Mat. 26:41.

11, 12. Bakit at paano pinagmalupitan ni Herodes ang mga Kristiyano, kasama na si Pedro?

11 Narinig ni Pedro ang sinabing ito ni Jesus sa hardin ng Getsemani. Nang maglaon, naranasan ni Pedro ang bisa ng marubdob na pananalangin. (Basahin ang Gawa 12:1-6.) Sa unang mga talata ng ulat na ito, nalaman natin na para pabanguhin ang kaniyang pangalan sa mga Judio, pinagmalupitan ni Herodes ang mga Kristiyano. Tiyak na alam ni Herodes na si Santiago ay isang apostol na malapít kay Jesus. Kaya naman, pinatay ni Herodes si Santiago “sa pamamagitan ng tabak.” (Talata 2) Nawalan ang kongregasyon ng isang minamahal na apostol. Malaking pagsubok ito sa mga kapatid noon!

12 Ano ang sumunod na ginawa ni Herodes? Sinasabi sa talata 3: “Nang makita niyang kalugud-lugod ito sa mga Judio, inaresto rin naman niya si Pedro.” Pero una pa rito, makahimalang nakalaya sa bilangguan ang mga apostol, kasama na si Pedro. (Gawa 5:17-20) Malamang na alam ito ng tusong pulitiko na si Herodes. Kaya para makasiguro, ibinigay niya si Pedro sa “apat na halinhinan ng tig-aapat na kawal upang magbantay sa kaniya, sapagkat binabalak niyang iharap siya sa mga tao pagkatapos ng paskuwa.” (Talata 4) Isip-isipin iyon! Iniutos ni Herodes na itanikala si Pedro sa pagitan ng 2 guwardiya, at 16 na guwardiya ang maghahalinhinan sa pagbabantay sa apostol araw at gabi. Balak ipapatay ni Herodes si Pedro sa harap ng mga tao pagkatapos ng Paskuwa para matuwa ang mga ito. Ano kaya ang magagawa ng mga kapananampalataya ni Pedro?

13, 14. (a) Ano ang ginawa ng kongregasyon nang mabilanggo si Pedro? (b) Ano ang matututuhan natin sa halimbawa ng mga kapananampalataya ni Pedro kung tungkol sa pananalangin?

13 Alam na ng kongregasyon kung ano ang gagawin. Ganito ang sabi ng talata 5: “Iningatan si Pedro sa bilangguan; ngunit ang pananalangin sa Diyos para sa kaniya ay masidhing isinasagawa ng kongregasyon.” Oo, puspusan at taos-puso silang nanalangin para sa kanilang minamahal na kapatid. Hindi sila nawalan ng pag-asa nang patayin si Santiago; hindi rin nila itinuring na walang saysay ang pananalangin. Alam nilang napakahalaga kay Jehova ang mga panalangin ng kaniyang tapat na mga mananamba. Kung ang mga panalanging iyon ay kaayon ng kaniyang kalooban, sasagutin niya ang mga ito.​—Heb. 13:18, 19; Sant. 5:16.

14 Ano ang matututuhan natin sa mga kapananampalataya ni Pedro? Para patuloy na makapagbantay, dapat din nating ipanalangin ang ating mga kapatid. (Efe. 6:18) May alam ka bang mga kapananampalataya na dumaranas ng pagsubok? Baka ang ilan ay nagbabata ng pag-uusig, pagbabawal ng pamahalaan, o mga likas na kasakunaan. Bakit hindi mo sila ipanalangin? Baka may kilala ka ring mga indibiduwal na dumaranas ng pagsubok na di-gaanong napapansin. Maaaring nakikipagpunyagi sila sa mga problema sa pamilya, panghihina ng loob, o sakit. May naiisip ka bang mga indibiduwal na puwede mong banggitin kay Jehova, ang “Dumirinig ng panalangin”?​—Awit 65:2.

15, 16. (a) Ilarawan kung paano iniligtas ng anghel ni Jehova si Pedro mula sa bilangguan. (Tingnan ang larawan sa ibaba.) (b) Bakit nakapagpapatibay sa atin na bulay-bulayin ang pagliligtas ni Jehova kay Pedro?

15 Ano ang nangyari kay Pedro? Noong huling gabi niya sa bilangguan habang tulóg na tulóg siya sa pagitan ng dalawang guwardiya, nakagugulat ang mga sumunod na nangyari. (Basahin ang Gawa 12:7-11.) Bigla na lang nagliwanag ang kaniyang selda. Isang anghel ang nakatayo roon, pero hindi ito nakikita ng mga guwardiya. Dali-dali nitong ginising si Pedro. At ang mga tanikala sa kaniyang mga kamay ay basta na lang nalaglag! Pagkatapos, inakay ng anghel si Pedro papalabas ng selda, nilampasan nila ang mga guwardiya, at dumaan sa pagkalaki-laking pintuang-daang bakal, na bumukas “nang kusa.” Nang makalabas sila sa bilangguan, naglaho na ang anghel. Malaya na si Pedro!

16 Hindi ba nakapagpapatibay ng pananampalataya na bulay-bulayin ang kapangyarihan ni Jehova na magligtas ng mga lingkod niya? Sa ngayon, hindi tayo umaasa na ililigtas tayo ni Jehova sa makahimalang paraan. Pero buo ang pananampalataya natin na ginagamit niya ang kaniyang kapangyarihan alang-alang sa kaniyang bayan. (2 Cro. 16:9) Sa tulong ng kaniyang banal na espiritu, mahaharap natin ang anumang pagsubok. (2 Cor. 4:7; 2 Ped. 2:9) Malapit nang gamitin ni Jehova ang kaniyang Anak para palayain ang milyun-milyong tao mula sa kamatayan, ang pinakamahigpit na bilangguan. (Juan 5:28, 29) Ang pananampalataya natin sa mga pangako ng Diyos ay makapagpapalakas ng ating loob sa harap ng mga pagsubok.

LUBUSANG PAGPAPATOTOO SA KABILA NG MGA BALAKID

17. Paano nagpakita ng mahusay na halimbawa si Pablo sa pangangaral nang may sigasig at pagkaapurahan?

17 Narito ang ikatlong aral tungkol sa pagiging mapagbantay ng mga apostol: Nagpatuloy sila sa lubusang pagpapatotoo sa kabila ng mga balakid. Napakahalaga ng pangangaral nang may sigasig at pagkaapurahan para patuloy na makapagbantay. Mahusay na halimbawa rito si apostol Pablo. Puspusan siyang nangaral, anupat naglakbay nang malayo at nagtatag ng maraming kongregasyon. Dumanas siya ng maraming paghihirap, pero hindi nawala ang kaniyang sigasig, ni nagmabagal man siya sa gawain.​—2 Cor. 11:23-29.

18. Paano patuloy na nagpatotoo si Pablo habang nakakulong siya sa Roma?

18 Ang huling ulat tungkol kay Pablo ay nasa kabanata 28 ng aklat ng Mga Gawa. Dumating si Pablo sa Roma, kung saan haharap siya kay Nero. Ikinulong siya sa isang bahay, marahil ay nakatanikala sa kaniyang bantay. Pero walang tanikalang makahahadlang sa kaniyang pagpapatotoo! (Basahin ang Gawa 28:17, 23, 24.) Pagkalipas ng tatlong araw, ipinatawag niya ang mga pangunahing lalaki ng mga Judio para makapagpatotoo sa kanila. Pagkatapos, muli silang nagkita, at higit na nakapagpatotoo si Pablo. Sinasabi sa talata 23: “Nagsaayos sila [ang mga Judio sa Roma] ngayon ng isang araw na kasama niya, at pumaroon sila sa kaniya na may mas malalaking bilang sa kaniyang dakong tuluyan. At ipinaliwanag niya sa kanila ang bagay na ito sa pamamagitan ng lubusang pagpapatotoo tungkol sa kaharian ng Diyos at sa pamamagitan ng paggamit ng panghihikayat sa kanila tungkol kay Jesus kapuwa mula sa kautusan ni Moises at sa mga Propeta, mula umaga hanggang gabi.”

19, 20. (a) Bakit napakahusay magpatotoo ni Pablo? (b) Paano tumugon si Pablo kahit hindi lahat ay tumanggap sa mabuting balita?

19 Bakit napakahusay magpatotoo ni Pablo? Idiniin sa talata 23 ang ilang dahilan. (1) Nagtuon siya ng pansin sa Kaharian ng Diyos at kay Jesu-Kristo. (2) Nagpatotoo siya “sa pamamagitan ng paggamit ng panghihikayat.” (3) Nangatuwiran siya mula sa Kasulatan. (4) Naging mapagsakripisyo siya, anupat nagpatotoo “mula umaga hanggang gabi.” Nagbigay si Pablo ng mapuwersang patotoo, pero hindi lahat ay tumugon. Ganito ang sabi ng talata 24: “Ang ilan ay nagsimulang maniwala sa mga bagay na sinabi; ang iba ay ayaw maniwala.” Nang hindi magkasundo ang mga taong ito, sila’y umalis.

20 Nasiraan ba ng loob si Pablo dahil hindi lahat ay tumanggap sa mabuting balita? Hindi! Sinasabi sa Gawa 28:30, 31: “Nanatili siya sa loob ng buong dalawang taon sa kaniyang sariling bahay na inuupahan, at tinatanggap niya nang may kabaitan ang lahat ng mga pumaparoon sa kaniya, na ipinangangaral sa kanila ang kaharian ng Diyos at itinuturo ang mga bagay may kinalaman sa Panginoong Jesu-Kristo taglay ang buong kalayaan sa pagsasalita, nang walang hadlang.” Ganiyan nagtapos ang kinasihang aklat ng Mga Gawa.

21. Ano ang matututuhan natin sa halimbawa ni Pablo noong siya’y nakakulong sa kaniyang inuupahang bahay?

21 Ano ang matututuhan natin sa halimbawa ni Pablo? Habang nakakulong sa inuupahang bahay, hindi siya makapagbahay-bahay para makapangaral. Pero hindi nawala ang kaniyang kagalakan kundi patuloy siyang nagpatotoo sa lahat ng dumadalaw sa kaniya. Sa katulad na paraan, maraming lingkod ng Diyos sa ngayon ang nananatiling maligaya at patuloy na nangangaral sa kabila ng di-makatarungang pagkabilanggo dahil sa pananampalataya. Ang ilan sa mahal nating mga kapatid ay nakakulong din sa bahay, wika nga, marahil ay nakatira sa mga nursing home dahil sa katandaan o sakit. Hangga’t kaya nila, nangangaral sila sa mga doktor, bisita, at sa iba pang dumadalaw sa kanila. Gusto nilang lubusang magpatotoo tungkol sa Kaharian ng Diyos. Talagang pinahahalagahan natin ang kanilang halimbawa!

22. (a) Anong paglalaan ang tumutulong sa atin na makinabang mula sa aklat ng Bibliya na Mga Gawa? (Tingnan ang kahon sa itaas.) (b) Ano ang determinasyon mo habang hinihintay ang wakas ng lumang sistemang ito ng mga bagay?

22 Talagang marami tayong matututuhan tungkol sa pagiging mapagbantay ng mga apostol at ng iba pang unang-siglong mga Kristiyano na binanggit sa aklat ng Mga Gawa. Habang hinihintay natin ang wakas ng lumang sistemang ito ng mga bagay, maging determinado nawa tayong tularan ang kanilang lakas ng loob at sigasig sa pagpapatotoo. Wala nang hihigit pang pribilehiyo kaysa sa ‘lubusang magpatotoo’ tungkol sa Kaharian ng Diyos!​—Gawa 28:23.

[Mga Tanong sa Aralin]

[Kahon sa pahina 13]

“NAGBAGO ANG PANGMALAS KO SA AKLAT NG MGA GAWA”

Matapos basahin ang aklat na ‘Lubusang Magpatotoo Tungkol sa Kaharian ng Diyos,’ ganito ang sinabi ng isang naglalakbay na tagapangasiwa: “Nagbago ang pangmalas ko sa aklat ng Mga Gawa. Maraming beses na akong ‘nagparoo’t parito’ sa ulat ng Mga Gawa na parang may hawak na kandila at nakasuot ng maruming salamin sa mata. Pero ngayon, pinagpala ako na makita ang buong kaningningan nito sa liwanag ng araw.”

[Larawan sa pahina 12]

Inakay si Pedro ng isang anghel papalabas sa pagkalaki-laking pintuang-daang bakal