‘Paano Ako Mangangaral?’
Sa buong daigdig, may mahuhusay na halimbawa ng mga kapatid na patuloy na nangangaral sa kabila ng malulubhang problema sa kalusugan. Isa na rito si Dalia, na nakatira sa Vilnius, ang kabisera ng Lithuania.
Mga 35 anyos na si Dalia. Isinilang siyang may cerebral apoplexy. Dahil dito, naging paralisado siya at nagkaroon ng malubhang kapansanan sa pagsasalita. Kaya naman mga kapamilya lang niya ang nakaiintindi sa sinasabi niya. Kasama niya sa bahay ang kaniyang inang si Galina, na nag-aalaga sa kaniya. Kahit maraming problema at kabalisahan si Dalia, nananatili siyang positibo. Bakit?
Ganito ang paliwanag ng kaniyang ina: “Noong 1999, dinalaw kami ng pinsan kong si Apolonija na isang Saksi ni Jehova. Napansin namin na alam na alam niya ang Bibliya, kaya maraming itinanong sa kaniya si Dalia. Di-nagtagal, nakipag-aral na ng Bibliya si Dalia. Paminsan-minsan, sumasali ako sa pag-aaral para iinterpret ang sinasabi ni Dalia. Nang makita kong nakikinabang siya sa lahat ng natututuhan niya, nakipag-aral na rin ako ng Bibliya.”
Nang maunawaan ni Dalia ang katotohanan, may isang tanong na matagal-tagal ding naging palaisipan sa kaniya. Sa wakas, tinanong niya si Apolonija: “Paano mangangaral ang tulad kong paralisado?” (Mat. 28:19, 20) Pinatibay-loob siya ni Apolonija: “Huwag kang matakot. Tutulungan ka ni Jehova.” At talaga ngang tinutulungan siya ni Jehova.
Paano nangangaral si Dalia? Iba-iba ang pamamaraan niya. Tinutulungan siya ng mga sister na gumawa ng liham na may mensahe mula sa Bibliya. Sasabihin muna ni Dalia sa kanila ang nasa isip niya. Pagkatapos, gagawa sila ng liham batay sa mga sinabi ni Dalia. Nagpapatotoo rin siya sa pamamagitan ng pagte-text gamit ang kaniyang cellphone. At kapag maganda ang panahon, sinasamahan siya ng mga kapatid sa parke at lansangan para mangaral.
Patuloy na sumulong sa espirituwal ang mag-ina. Pareho silang nag-alay kay Jehova at saka nagpabautismo noong Nobyembre 2004. Noong Setyembre 2008, itinatag sa Vilnius ang isang grupong nagsasalita ng wikang Polish. Dahil kailangan ng grupo ang mas maraming mamamahayag ng Kaharian, umugnay rito ang mag-ina. Sinabi ni Dalia: “May mga buwan na nag-aalala ako dahil hindi pa ako nakakalabas sa larangan. Pero kapag ipinapanalangin ko ito kay Jehova, may kapatid na magyayaya sa akin sa ministeryo.” Ano ang masasabi ni Dalia sa kaniyang sitwasyon? Sinabi niya: “Katawan ko lang ang paralisado, hindi ang isip ko. Masayang-masaya akong sabihin sa iba ang tungkol kay Jehova!”