Ingatan ang Positibong Espiritu ng Kongregasyon
“Ang di-sana-nararapat na kabaitan ng Panginoong Jesu-Kristo ay sumaespiritu nawa na inyong ipinakikita.”—FIL. 4:23.
1. Bakit pinapurihan ang mga kongregasyon sa Filipos at Tiatira?
MAHIRAP lang ang mga Kristiyano sa Filipos noong unang siglo. Pero bukas-palad sila at nagpakita ng ulirang pag-ibig sa kanilang mga kapananampalataya. (Fil. 1:3-5, 9; 4:15, 16) Kaya naman sa katapusan ng liham ni apostol Pablo sa kanila, isinulat niya: “Ang di-sana-nararapat na kabaitan ng Panginoong Jesu-Kristo ay sumaespiritu nawa na inyong ipinakikita.” (Fil. 4:23) Dahil nagpakita rin ng gayong espiritu ang kongregasyon sa Tiatira, sinabi sa kanila ng niluwalhating si Jesu-Kristo: “Alam ko ang iyong mga gawa, at ang iyong pag-ibig at pananampalataya at ministeryo at pagbabata, at na ang iyong mga gawa nitong huli ay higit kaysa sa mga nauna.”—Apoc. 2:19.
2. Paano nakaaapekto sa espiritu ng kongregasyon ang ating saloobin?
2 Sa ngayon, ang bawat kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova ay nagpapakita rin ng partikular na espiritu, o nangingibabaw na saloobin. May mga kongregasyon na kilalá sa kanilang mabait at maibiging espiritu. Ang iba ay may pambihirang sigasig sa pagsuporta sa gawaing pangangaral at sa buong-panahong ministeryo. Kapag ang bawat isa sa atin ay naglilinang ng positibong espiritu, makatutulong ito sa pagkakaisa at pagsulong ng kongregasyon. (1 Cor. 1:10) Pero ang negatibong espiritu ng mga indibiduwal ay maaaring mauwi sa espirituwal na pag-aantok, kawalan ng sigla, at pagkunsinti pa nga sa pagkakasala sa loob ng kongregasyon. (1 Cor. 5:1; Apoc. 3:15, 16) Anong espiritu ang ipinakikita ng inyong kongregasyon? Ano ang maitutulong mo para magkaroon ng positibong espiritu ang inyong kongregasyon?
PASIGLAHIN ANG POSITIBONG ESPIRITU SA KONGREGASYON
3, 4. Paano natin ‘dadakilain si Jehova sa malaking kongregasyon’?
3 Umawit ang salmista: “Dadakilain kita [Jehova] sa malaking kongregasyon; sa gitna ng maraming tao ay pupurihin kita.” (Awit 35:18) Hindi nag-atubili ang salmista na purihin si Jehova kasama ng ibang lingkod ng Diyos. Maipakikita natin ang sigasig at pananampalataya sa pamamagitan ng pagkokomento sa lingguhang mga pagpupulong, gaya ng Pag-aaral sa Bantayan. Tanungin ang ating sarili: ‘Sinasamantala ko ba ang pribilehiyong makibahagi sa mga pulong? Naghahanda ba akong mabuti para makapagbigay ng makabuluhang mga komento? Bilang ulo ng pamilya, tinutulungan ko ba ang aking mga anak na maghanda ng kanilang mga komento at sumagot sa sarili nilang pananalita?’
4 Maipakikita natin na ang ating puso ay matatag, samakatuwid nga, determinadong gumawa ng tama, sa paraan ng pag-awit natin sa mga pulong. Sinabi ni David: “Ang aking puso ay matatag, O Diyos, ang aking puso ay matatag. Ako ay aawit at aawit ng papuri.” (Awit 57:7) Sa ating mga pulong, maaari tayong ‘umawit ng papuri’ kay Jehova taglay ang pusong matatag sa pamamagitan ng mga awiting pang-Kaharian. Kung hindi natin alam ang ilang awit, puwede nating praktisin ang mga ito sa panahon ng ating Pampamilyang Pagsamba. Maging determinado nawa tayong ‘umawit kay Jehova sa buong buhay natin at umawit ng papuri sa kaniya hangga’t tayo ay nabubuhay.’—Awit 104:33.
5, 6. Paano tayo magiging mapagpatuloy at bukas-palad? Ano ang positibong epekto nito sa kongregasyon?
5 Mapasisigla rin natin ang maibiging espiritu sa kongregasyon sa pamamagitan ng pagiging mapagpatuloy. Sa huling kabanata ng kaniyang liham sa mga Hebreo, sinabi ni Pablo: “Magpatuloy nawa ang inyong pag-ibig na pangkapatid. Huwag ninyong kalilimutan ang pagkamapagpatuloy.” (Heb. 13:1, 2) Ang pag-aanyaya sa naglalakbay na tagapangasiwa at sa kaniyang asawa, o sa iba pang nasa buong-panahong paglilingkod, ay mainam na paraan para maipakita ang pagkamapagpatuloy. Isipin din natin ang mga biyudo’t biyuda, mga pamilyang may nagsosolong magulang, at iba pa na puwede nating anyayahang kumain o sumama sa ating pampamilyang pagsamba.
1 Tim. 6:17-19) Pinasigla ni Pablo ang kaniyang mga kapatid na linangin ang espiritu ng pagkabukas-palad. Kahit mahirap ang buhay, puwede tayong maging bukas-palad. Halimbawa, kung mayroon kang sasakyan, puwede mong isabay ang mga nangangailangan ng transportasyon sa ministeryo at sa mga pulong. Ano naman ang magagawa ng mga kapatid na nakikinabang sa ganitong kabaitan? Maitataguyod nila ang positibong espiritu sa kongregasyon kung magpapakita sila ng pagpapahalaga, marahil sa pamamagitan ng pagtulong sa gastusin sa gasolina. Maipadarama rin natin sa mga kapatid na mahal natin sila kung gugugol tayo ng higit na panahon kasama nila. Kapag nananagana tayo sa mabubuting gawa “sa mga may kaugnayan sa atin sa pananampalataya,” at handa tayong ibahagi sa kanila ang ating panahon at mga tinatangkilik, hindi lang lalalim ang pag-ibig natin sa kanila kundi lalaganap din ang mabait at positibong espiritu sa kongregasyon.—Gal. 6:10.
6 Tinagubilinan ni Pablo si Timoteo na payuhan ang iba na “gumawa ng mabuti, na maging mayaman sa maiinam na gawa, na maging mapagbigay, handang mamahagi, maingat na nag-iimbak para sa kanilang sarili ng isang mainam na pundasyon para sa hinaharap, upang makapanghawakan silang mahigpit sa tunay na buhay.” (7. Paano makatutulong sa mabuting espiritu ng kongregasyon ang pag-iingat ng kompidensiyal na mga bagay?
7 Narito pa ang ibang bagay na makapagpapatibay sa ating buklod ng pag-ibig: ang pakikipagkaibigan at pag-iingat ng kompidensiyal na mga bagay. (Basahin ang Kawikaan 18:24.) Ang tunay na kaibigan ay nag-iingat ng kompidensiyal na mga bagay. Kapag ang mga kapatid ay nagsabi sa atin ng kanilang niloloob at nadarama, at nakatitiyak silang hindi ito malalaman ng iba, lalong titibay ang buklod ng pag-ibig sa kongregasyon. Tayo nawa ay maging mapagkakatiwalaang kaibigan na nag-iingat ng kompidensiyal na mga bagay para maitaguyod ang maibigin at tulad-pamilyang espiritu sa kongregasyon.—Kaw. 20:19.
MAGING MASIGASIG SA MINISTERYO
8. Anong payo ang tinanggap ng mga taga-Laodicea? Bakit?
8 Sinabi ni Jesus sa kongregasyon sa Laodicea: “Alam ko ang iyong mga gawa, na ikaw ay hindi malamig ni mainit man. Nais ko sanang ikaw ay malamig o kaya ay mainit. Kaya, dahil sa ikaw ay malahininga at hindi mainit ni malamig man, isusuka kita.” (Apoc. 3:15, 16) Walang sigasig sa ministeryo ang mga taga-Laodicea, at malamang na nakaapekto ito sa kanilang ugnayan sa isa’t isa. Kaya naman pinayuhan sila ni Jesus: “Ang lahat ng mga minamahal ko ay aking sinasaway at dinidisiplina. Kaya nga maging masigasig [kayo] at magsisi.”—Apoc. 3:19.
9. Paano makaaapekto sa espiritu ng kongregasyon ang ating saloobin sa ministeryo?
Mat. 28:19, 20; Luc. 4:43) Miyentras mas masigla tayo sa ministeryo, lalo tayong magkakaisa bilang “mga kamanggagawa ng Diyos.” (1 Cor. 3:9) Habang nakikita natin ang mga kapatid na ipinagtatanggol ang kanilang pananampalataya sa ministeryo at nagpapahalaga sa espirituwal na mga bagay, lalo natin silang mamahalin at igagalang. Ang paglilingkod “nang balikatan” sa ministeryo ay nagbubunga ng espiritu ng pagkakaisa sa kongregasyon.—Basahin ang Zefanias 3:9.
9 Para maitaguyod ang positibong espiritu sa kongregasyon, kailangan tayong maging masigasig sa paglilingkod sa larangan. Tunguhin ng kongregasyon na hanapin ang tulad-tupang mga tao sa teritoryo at turuan sila ng katotohanan. Kaya naman gaya ni Jesus, dapat tayong maging masigasig sa paggawa ng mga alagad. (10. Ano ang epekto sa iba ng pagpapasulong natin sa kalidad ng ating ministeryo?
10 May mabuting epekto rin sa iba ang pagpapasulong natin sa kalidad ng ating ministeryo. Habang nagpapakita tayo ng higit na malasakit sa mga nakakausap natin at nagsisikap na abutin ang kanilang puso, lalo tayong nagiging masigasig sa pangangaral. (Mat. 9:36, 37) Ang sigasig ay nakahahawa sa mga kasama natin. Isinugo ni Jesus ang kaniyang mga alagad nang dala-dalawa, hindi solo-solo. (Luc. 10:1) Hindi lang sila napatibay-loob at nasanay kundi lalo pa silang naging masigasig sa ministeryo. Hindi ba tayo natutuwang maglingkod kasama ng masisigasig na kapatid? Talagang nakapagpapasigla ang kanilang sigasig at nauudyukan tayong magpatuloy sa gawaing pangangaral.—Roma 1:12.
MAG-INGAT SA PAGBUBULUNG-BULUNGAN AT MALULUBHANG KASALANAN
11. Anong uri ng espiritu ang taglay ng mga Israelita noong panahon ni Moises, at paano ito nakaapekto sa kanila?
11 Mga ilang linggo pa lang mula nang maging bansa ang mga Israelita, nagpakita na sila ng espiritu ng pagrereklamo at pagbubulung-bulungan. Nauwi ito sa paghihimagsik kay Jehova at sa kaniyang mga kinatawan. (Ex. 16:1, 2) Iilang Israelita lang na lumabas sa Ehipto ang pinahintulutang pumasok sa Lupang Pangako. Kahit si Moises ay hindi nakapasok sa lupaing iyon dahil sa naging pagtugon niya sa masamang saloobin ng mga Israelita! (Deut. 32:48-52) Paano natin maiiwasang magkaroon ng negatibong espiritu?
12. Ano ang tutulong sa atin para hindi tayo maging mareklamo?
12 Dapat tayong mag-ingat laban sa pagbubulung-bulungan. Makatutulong sa atin ang paglilinang ng kapakumbabaan at paggalang sa awtoridad. Kailangan din tayong maging maingat sa pagpili ng mga kasama. Aanihin natin ang masasamang bunga ng di-tamang paglilibang o paggugol ng maraming panahon kasama ng mga kamag-aral o katrabaho na hindi sumusunod sa matuwid na mga simulain. Isang katalinuhan na limitahan ang pakikipagsamahan sa mga taong mareklamo o mapagsarili.—Kaw. 13:20.
13. Ang masamang impluwensiya ng pagbubulung-bulungan ay maaaring mauwi sa anong mga sitwasyong makasisira ng espirituwalidad?
13 Ang masamang impluwensiya ng pagbubulung-bulungan ay maaaring mauwi sa iba pang sitwasyong makasisira ng espirituwalidad. Halimbawa, ang pagbubulung-bulungan ay makagagambala sa kapayapaan at pagkakaisa ng kongregasyon. Bukod diyan, ang pagrereklamo tungkol sa mga kapananampalataya ay hindi lang makasasakit sa kanilang damdamin. Maaari din itong mauwi sa mga kasalanang gaya ng paninirang-puri at panlalait. (Lev. 19:16; 1 Cor. 5:11) Ang ilang mapagbulong sa kongregasyon noong unang siglo ay “nagwawalang-halaga sa pagkapanginoon at nagsasalita nang may pang-aabuso tungkol sa mga maluwalhati.” (Jud. 8, 16) Tiyak na hindi sinasang-ayunan ng Diyos ang gayong pagbubulung-bulungan laban sa mga tagapangasiwa sa kongregasyon.
14, 15. (a) Ano ang magiging epekto sa kongregasyon kung ipagkikibit-balikat natin ang malubhang kasalanan? (b) Ano ang dapat nating gawin kung malaman natin na nakagawa ng malubhang pagkakasala ang isang kapatid?
14 Paano kung malaman natin na ang isang kapatid ay may inililihim na kasalanan, marahil pag-abuso sa alkohol, panonood ng pornograpya, o pamumuhay nang imoral? (Efe. 5:11, 12) Ang pagbubulag-bulagan sa malubhang kasalanan ay hahadlang sa daloy ng banal na espiritu ni Jehova at magsasapanganib sa kapayapaan ng buong kongregasyon. (Gal. 5:19-23) Sinabihan ni Pablo ang mga Kristiyano sa Corinto na alisin ang kasamaan sa gitna nila. Kailangan din nating alisin sa kongregasyon ang anumang masamang impluwensiya para maingatan ang positibong espiritu nito. Paano ka makatutulong sa kapayapaan ng kongregasyon?
15 Gaya ng natalakay na, kailangan nating ingatang kompidensiyal ang ilang bagay, lalo na kapag sinabi sa atin ng iba ang kanilang niloloob. Hindi tamang ipagkalat ang kompidensiyal na impormasyon tungkol sa iba! Pero kapag malubhang kasalanan ang nasasangkot, kailangan itong ipagbigay-alam sa mga elder. Sila ang may makakasulatang pananagutan na mag-asikaso nito. (Basahin ang Levitico 5:1.) Kapag nalaman natin na nakagawa ng malubhang pagkakasala ang isang kapatid, dapat natin siyang himukin na ipagtapat ito sa mga elder at hingin ang kanilang tulong. (Sant. 5:13-15) Kapag hindi niya ito ginawa sa loob ng makatuwirang haba ng panahon, dapat natin itong ipagbigay-alam sa kinauukulan.
16. Paano natin maiingatan ang espiritu ng kongregasyon kapag may nakagawa ng malulubhang pagkakasala?
16 Ang kongregasyon ay isang espirituwal na kanlungan. Mapoprotektahan natin ito kung ipagbibigay-alam natin sa mga elder ang malulubhang pagkakasala. Kapag ang nagkasala ay tumanggap ng tulong mula sa matatanda at nagsisi, hindi na niya maisasapanganib ang espiritu ng kongregasyon. Paano kung ayaw niyang magsisi at tinatanggihan niya ang maibiging payo ng matatanda? Siya’y ititiwalag. Sa ganitong paraan, ‘napupuksa,’ o naaalis, ang masamang impluwensiya, at naiingatan ang espiritu ng kongregasyon. (Basahin ang 1 Corinto 5:5.) Oo, bawat isa sa atin ay may pananagutang kumilos, makipagtulungan sa matatanda, at protektahan ang ating mga kapananampalataya para maingatan ang espiritu ng kongregasyon.
ITAGUYOD ANG “PAGKAKAISA NG ESPIRITU”
17, 18. Ano ang makatutulong sa atin na “ingatan ang pagkakaisa ng espiritu”?
17 Dahil “iniukol [nila] ang kanilang sarili sa turo ng mga apostol,” naitaguyod ng unang mga tagasunod ni Jesus ang espiritu ng pagkakaisa sa kongregasyon. (Gawa 2:42) Pinahalagahan nila ang makakasulatang payo at patnubay ng matatandang lalaki. Ang mga elder sa ngayon ay nakikipagtulungan din sa tapat at maingat na alipin. Kaya naman, ang lahat sa kongregasyon ay napasisigla at natutulungang magkaisa. (1 Cor. 1:10) Kapag sinusunod natin ang payo ng Bibliya mula sa organisasyon ni Jehova at ang tagubilin ng mga elder, pinatutunayan natin na nagsisikap tayong “ingatan ang pagkakaisa ng espiritu sa nagbubuklod na bigkis ng kapayapaan.”—Efe. 4:3.
18 Gawin natin ang ating makakaya para maingatan ang positibong espiritu ng kongregasyon. Kung gagawin natin ito, makatitiyak tayo na ‘ang di-sana-nararapat na kabaitan ng Panginoong Jesu-Kristo ay sasaespiritu na ating ipinakikita.’—Fil. 4:23.
[Mga Tanong sa Aralin]
[Larawan sa pahina 19]
Pinasisigla mo ba ang positibong espiritu sa kongregasyon sa pamamagitan ng paghahanda ng makabuluhang mga komento?
[Larawan sa pahina 20]
Pasiglahin ang positibong espiritu sa pamamagitan ng pagiging pamilyar sa mga awiting pang-Kaharian