Lakas-loob Nilang Ipinahayag ang Salita ng Diyos!
Lakas ng loob—katapangan pa nga—sa harap ng pagsalansang. Ipinakita iyan ng mga tunay na Kristiyano, gaya ng mababasa natin sa mga publikasyong tulad ng ‘Lubusang Magpatotoo Tungkol sa Kaharian ng Diyos’ at Mga Saksi ni Jehova—Tagapaghayag ng Kaharian ng Diyos. Gaya ng mga kapananampalataya natin noong unang siglo, nananalangin tayo kay Jehova na bigyan tayo ng kaniyang espiritu at ng tulong para maipahayag natin ang kaniyang salita nang may katapangan.—Gawa 4:23-31.
Ganito ang isinulat ng isang brother tungkol sa ating gawaing pangangaral noong unang digmaang pandaigdig: “Buong-sigasig na ipinamamahagi ng mga lingkod ng Diyos ang ikapitong tomo ng Studies in the Scriptures na pinamagatang The Finished Mystery. Ngayon lang nagkaroon ng ganito kalawak na pamamahagi. Inilabas ang Kingdom News Blg. 1 noong 1918. Sumunod naman ang Kingdom News Blg. 2, na nagpapaliwanag kung bakit hinadlangan ng mga awtoridad ang pamamahagi ng The Finished Mystery. Sinundan ito ng Kingdom News Blg. 3. Malawakang ipinamahagi ng tapat na uring pinahiran ang mga publikasyong ito. Kinailangan ang pananampalataya at lakas ng loob sa paglalathala ng Kingdom News.”
Sa ngayon, karaniwan nang sinasanay sa ministeryo ang mga bagong mamamahayag ng Kaharian, pero hindi ganiyan noon. Tungkol sa karanasan niya nang una siyang mangaral noong 1922, ganito ang isinulat ng isang brother na Polako na nakatira sa Estados Unidos: “Bagaman hindi ko alam kung paano iaalok ang literatura at hindi ako gaanong marunong mag-Ingles, mag-isa akong kumatok sa klinika ng isang doktor. Pinagbuksan ako ng isang nurse. Hinding-hindi ko malilimutan ang karanasang iyon dahil kumakabog ang dibdib ko sa nerbiyos. Pagbukas ko ng aking bag, sumambulat ang lahat ng aklat sa paanan ng nurse. Hindi ko na matandaan kung ano ang sinabi ko, pero nakapag-iwan ako sa kaniya ng isang publikasyon. Pag-alis ko, lumakas ang loob ko at nadama ko ang tulong ni Jehova. Nang araw na iyon, marami akong naipasakamay na buklet sa lansangang iyon.”
“Noong mga 1933, maraming kapatid ang gumagamit ng mga sound car [sasakyang may loudspeaker] para ihayag ang mensahe ng Kaharian,” ang sabi ng isang sister. Minsan, nangaral siya kasama ng isang mag-asawang Saksi sa bulubunduking bahagi ng California, E.U.A. “Dinala ng brother ang sound car sa bundok, at naiwan kami sa kabayanan,” ang sabi niya. “Nang patugtugin niya ang plaka, parang nanggagaling sa langit ang tunog. Pilit na hinahanap ng mga tao ang brother, pero hindi nila siya makita. Nang matapos ang plaka, nangaral kami sa mga tao. Sumama pa ako sa dalawang sound car. At talagang karamihan sa mga tao ay ayaw makinig. Pero wala silang magawa dahil dinig na dinig sa kanilang mga bahay ang mensaheng nanggagaling sa
mga sound car. Talagang ipinagagamit ni Jehova ang tamang paraan ng pangangaral sa tamang panahon. Sa ganitong paraan ng pangangaral, kinailangan naming mag-ipon ng lakas ng loob, pero sulit naman dahil talagang mabisa ito at naluwalhati ang pangalan ni Jehova.”Noong dekada ng 1930 hanggang sa unang mga taon ng dekada ng 1940, ginamit sa ministeryo ang mga ponograpo at isinaplakang mga pahayag sa Bibliya. Ganito ang naaalaala ng isang kapatid na babae: “Isang kabataang sister ang nagbabahay-bahay gamit ang ponograpo. Nang patugtugin niya ang ponograpo sa pinto ng isang bahay, galít na galít ang padre de pamilya kaya sinipa niya ito. Wala namang nasirang plaka. Nakita ng tatlong lalaking nanananghalian sa isang nakaparadang trak ang nangyari. Hiniling nila sa sister na patugtugin ang plaka, at kumuha sila ng literatura. Kaya nakabawi-bawi naman ang sister.” Kinailangan ang lakas ng loob para mabata ang gayong mga pagsubok.
Sinabi pa ng kapatid na babae: “Naaalaala ko na nagsimula ang pamamahagi ng mga magasin sa lansangan noong 1940. Bago nito, nakibahagi kami sa mga information march. Nakalinya ang mga kapatid habang naglalakad sa bangketa dala ang mga karatulang nagsasabing ‘Religion Is a Snare and a Racket’ at ‘Serve God and Christ the King.’ Kasabay niyan, namamahagi kami ng libreng tract sa mga tao. Kinailangan ang lakas ng loob sa ganitong mga paraan ng pangangaral, pero dahil dito ay naitanghal ang pangalan ni Jehova at ang kaniyang bayan.”
“Napakahirap mag-alok ng mga magasin sa maliliit na bayan,” ang sabi naman ng isang sister. “Napakatindi ng pagsalansang sa mga Saksi. . . . Kailangan talaga ang lakas ng loob para tumayo sa kanto hawak ang mga magasin at isigaw ang mga islogan na iminumungkahing gamitin namin. Sa kabila nito, bihira kaming lumiban kapag Sabado. Mayroon namang mga taong palakaibigan. Pero kung minsan, pinalilibutan kami ng mga taong galít. Kaya naman kailangan naming tahimik na lumayo para hindi kami masaktan.”
Sa kabila ng mga pag-uusig noong Digmaang Pandaigdig II, nagpatuloy sa pangangaral ang mga Saksi ni Jehova. Sa isang 43-araw na kampanya sa pangangaral na tinawag na “Courage” Testimony Period, na nagsimula noong Disyembre 1, 1940, hanggang Enero 12, 1941, mga 50,000 mamamahayag sa Estados Unidos ang nakapamahagi ng halos walong milyong buklet.
Tandang-tanda pa ng maraming may-edad na sa organisasyon ng Diyos na kinailangan nilang mag-ipon ng lakas ng loob para maharap ang mga hamon. Naaalaala pa nila na sa loob ng maraming taon, inuulit-ulit nila ang kanilang motto, Patuloy tayong mangaral nang may sigasig hanggang sa wakas! Hindi natin alam kung ano pang pamamaraan ng pangangaral ang gagawin natin bago magwakas ang kasalukuyang balakyot na sistema. Pero sa tulong ng Diyos, patuloy nating ipahahayag ang salita ni Jehova nang may pananampalataya at lakas ng loob.
[Blurb sa pahina 9]
Laging kailangan ang lakas ng loob para maipangaral ang Kaharian