Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Magsaya Tayo sa Ating Pag-asa

Magsaya Tayo sa Ating Pag-asa

“[Mayroon tayong] pag-asa sa buhay na walang hanggan na ipinangako ng Diyos, na hindi makapagsisinungaling, bago pa ang lubhang mahabang mga panahon.”​—TITO 1:2.

1. Paano makatutulong ang pag-asang ibinigay ni Jehova para makapagbata tayo?

SI Jehova ang “Diyos na nagbibigay ng pag-asa,” ang sabi ni apostol Pablo. Idinagdag pa niya na maaari tayong ‘puspusin ni Jehova ng kagalakan at kapayapaan dahil sa ating paniniwala, upang managana tayo sa pag-asa sa kapangyarihan ng banal na espiritu.’ (Roma 15:13) Kung nananagana tayo sa pag-asa, mababata natin ang anumang hirap at mapupuspos ang ating puso ng kagalakan at kapayapaan. Ang gayong pag-asa ay magiging “angkla para sa kaluluwa, na kapuwa tiyak at matatag,” para sa mga pinahirang Kristiyano at sa iba pang mga Kristiyano. (Heb. 6:18, 19) Ang pag-asang ito ay makakapitan natin sa mga unos ng buhay para hindi tayo maanod tungo sa pag-aalinlangan at kawalan ng pananampalataya.​—Basahin ang Hebreo 2:1; 6:11.

2. Anong magkaibang pag-asa ang inaasam ng mga pinahiran at ng “ibang mga tupa”? Bakit interesado ang “ibang mga tupa” sa pag-asa ng mga pinahiran?

2 Ang mga Kristiyanong nabubuhay sa panahong ito ng kawakasan ay nagtutuon ng pansin sa isa sa dalawang pag-asa. Ang nalalabing miyembro ng “munting kawan” ng mga pinahirang Kristiyano ay may pag-asang imortal na buhay sa langit bilang mga hari at saserdote kasama ni Kristo sa kaniyang Kaharian. (Luc. 12:32; Apoc. 5:9, 10) Ang nakararaming bilang ng “malaking pulutong” ng “ibang mga tupa” ay may pag-asang mabuhay magpakailanman sa paraisong lupa bilang mga sakop ng Mesiyanikong Kaharian. (Apoc. 7:9, 10; Juan 10:16) Dapat tandaan ng ibang mga tupa na ang kanilang kaligtasan ay nakadepende sa kanilang aktibong pagsuporta sa pinahirang “mga kapatid” ni Kristo na narito pa sa lupa. (Mat. 25:34-40) Tatanggapin ng mga pinahiran ang kanilang gantimpala, pero tiyak na makakamit din ng ibang mga tupa ang kanilang pag-asa. (Basahin ang Hebreo 11:39, 40.) Talakayin muna natin ang pag-asa ng mga pinahiran.

ANG “BUHÁY NA PAG-ASA” NG MGA PINAHIRANG KRISTIYANO

3, 4. Paano binigyan ng “isang bagong pagsilang tungo sa isang buháy na pag-asa” ang mga pinahirang Kristiyano? Ano ang pag-asang iyon?

3 Sumulat si apostol Pedro ng dalawang liham sa mga pinahirang Kristiyano. Tinawag niya sila bilang “mga pinili.” (1 Ped. 1:1) Nagbigay siya ng mga detalye tungkol sa kamangha-manghang pag-asa na ibinigay sa munting kawan. Sa kaniyang unang liham, isinulat ni Pedro: “Pagpalain nawa ang Diyos at Ama ng ating Panginoong Jesu-Kristo, sapagkat ayon sa kaniyang dakilang awa ay binigyan niya tayo ng isang bagong pagsilang tungo sa isang buháy na pag-asa sa pamamagitan ng pagkabuhay-muli ni Jesu-Kristo mula sa mga patay, tungo sa isang walang-kasiraan at walang-dungis at walang-kupas na mana. Ito ay nakataan sa langit para sa inyo, na iniingatan ng kapangyarihan ng Diyos sa pamamagitan ng pananampalataya ukol sa isang kaligtasan na handa nang isiwalat sa huling yugto ng panahon. Sa bagay na ito ay labis kayong nagsasaya.”​—1 Ped. 1:3-6.

4 Ang maliit na bilang ng mga Kristiyanong pinili ni Jehova na makakasama ni Kristo sa makalangit na Kaharian ay binigyan ng “bagong pagsilang” bilang inianak-sa-espiritung mga anak ng Diyos. Pinahiran sila ng banal na espiritu para maging mga hari at saserdoteng kasama ni Kristo. (Apoc. 20:6) Sinabi ni Pedro na ang “bagong pagsilang” na ito ay nagbibigay sa kanila ng “isang buháy na pag-asa,” na tinukoy niya bilang “isang walang-kasiraan at walang-dungis at walang-kupas na mana” na nakataan sa kanila “sa langit.” Hindi kataka-takang ‘labis na nagsasaya’ ang mga pinahiran sa kanilang buháy na pag-asa! Pero makakamit lang nila ang pag-asang iyon kung mananatili silang tapat.

5, 6. Bakit dapat gawin ng mga pinahirang Kristiyano ang kanilang buong makakaya upang tiyakin ang kanilang makalangit na pagkatawag?

5 Sa kaniyang ikalawang liham, pinayuhan ni Pedro ang mga pinahirang Kristiyano na ‘gawin ang kanilang buong makakaya upang tiyakin ang pagtawag at pagpili sa kanila.’ (2 Ped. 1:10) Kailangan nilang linangin ang mga katangiang Kristiyano gaya ng pananampalataya, makadiyos na debosyon, pagmamahal na pangkapatid, at pag-ibig. Sinabi ni Pedro: “Kung ang mga bagay na ito ay nasa inyo at nag-uumapaw, pipigilan kayo ng mga ito sa pagiging alinman sa di-aktibo o di-mabunga.”​—Basahin ang 2 Pedro 1:5-8.

6 Sa kaniyang mensahe sa inianak-sa-espiritung matatanda sa unang-siglong kongregasyon ng Filadelfia sa Asia Minor, sinabi ng binuhay-muling si Kristo: “Sapagkat iningatan mo ang salita tungkol sa aking pagbabata, iingatan din kita mula sa oras ng pagsubok, na darating sa buong tinatahanang lupa, upang maglagay ng pagsubok sa mga tumatahan sa lupa. Ako ay dumarating nang madali. Patuloy mong panghawakang mahigpit ang iyong taglay, upang walang sinumang kumuha ng iyong korona.” (Apoc. 3:10, 11) Ang isang pinahirang Kristiyano na hindi mananatiling tapat hanggang kamatayan ay hindi tatanggap ng ipinangakong “di-kumukupas na korona ng kaluwalhatian.”​—1 Ped. 5:4; Apoc. 2:10.

PAGPASOK SA KAHARIAN

7. Anong kamangha-manghang pag-asa ang binanggit ni Judas sa kaniyang liham?

7 Noong mga 65 C.E., si Judas, na kapatid sa ina ni Jesus, ay sumulat sa kaniyang kapuwa mga pinahirang Kristiyano, na tinukoy niya bilang “mga tinawag.” (Jud. 1; ihambing ang Hebreo 3:1.) Gusto sana niyang gawing pangunahing paksa ng kaniyang liham ang maluwalhating pag-asa ng kaligtasan na ‘pinanghahawakan ng lahat’ ng Kristiyanong tinawag sa makalangit na Kaharian ng Diyos. (Jud. 3) Pero kinailangan niyang sumulat tungkol sa ibang bagay na dapat bigyang-pansin. Gayunman, sa pagtatapos ng kaniyang liham, binanggit niya ang kamangha-manghang pag-asa ng mga pinahirang Kristiyano: “Ngayon sa isa na may kakayahang magbantay sa inyo mula sa pagkakatisod at magharap sa inyo nang walang dungis sa paningin ng kaniyang kaluwalhatian na may malaking kagalakan, sa tanging Diyos na ating Tagapagligtas sa pamamagitan ni Jesu-Kristo na ating Panginoon, sumakaniya nawa ang kaluwalhatian, karingalan, kalakasan at awtoridad sa buong walang-hanggang nagdaan at ngayon at sa buong walang-hanggan.”​—Jud. 24, 25.

8. Ano ang nagpapahiwatig na may kagalakan sa langit kapag nakapanatiling tapat ang isang pinahiran?

8 Tiyak na gusto ng tapat na mga pinahirang Kristiyano na mabantayan sila mula sa pagkakatisod at pagkapuksa. Umaasa sila na bubuhayin silang muli ni Jesu-Kristo bilang sakdal na mga espiritung nilalang para humarap sa Diyos nang may malaking kagalakan. Kapag namatay nang tapat ang isang pinahiran, ‘ibabangon siya sa isang katawang espirituwal,’ anupat bubuhaying muli ‘sa kawalang-kasiraan at sa kaluwalhatian.’ (1 Cor. 15:42-44) Kung may malaking “kagalakan sa langit dahil sa isang makasalanan na nagsisisi,” isip-isipin ang kagalakan sa makalangit na mga korte kapag ang isa sa inianak-sa-espiritung mga kapatid ni Kristo ay nakapanatiling tapat hanggang kamatayan. (Luc. 15:7) Si Jehova at ang tapat na espiritung mga nilalang ay magsasaya kasama ng pinahiran na tatanggap ng kaniyang gantimpala “na may malaking kagalakan.”​—Basahin ang 1 Juan 3:2.

9. Paano “saganang ilalaan” sa tapat na mga pinahiran ang pagpasok sa Kaharian? Paano nakaaapekto ang pag-asang ito sa mga pinahirang narito pa sa lupa?

9 Kaayon nito, sinabi ni Pedro sa mga pinahirang Kristiyano na kung titiyakin nila ang pagkatawag sa kanila sa pamamagitan ng pananatiling tapat, “saganang ilalaan sa [kanila] ang pagpasok sa walang-hanggang kaharian ng ating Panginoon at Tagapagligtas na si Jesu-Kristo.” (2 Ped. 1:10, 11) Nang sabihin ni Pedro na “saganang ilalaan” sa kanila ang pagpasok sa Kaharian, maaaring tinutukoy niya ang pagpasok nila sa langit nang may dakilang kaluwalhatian. Maaaring tinutukoy rin niya ang napakaraming pagpapalang tatanggapin nila sa langit. Makadarama sila ng malaking kagalakan at pasasalamat sa tuwing maaalaala nila ang ipinakita nilang katapatan. Dahil sa pag-asang ito, ang mga pinahirang Kristiyanong narito pa sa lupa ay napalalakas na ‘bigkisan ang kanilang pag-iisip ukol sa higit pang gawain.’​—1 Ped. 1:13.

‘SALIGAN NG PAG-ASA’ NG IBANG MGA TUPA

10, 11. (a) Ano ang pag-asa ng ibang mga tupa? (b) Paano nauugnay kay Kristo at sa “pagsisiwalat sa mga anak ng Diyos” ang katuparan ng pag-asa ng sangkatauhan?

10 Sumulat si apostol Pablo tungkol sa maluwalhating pag-asa ng inianak-sa-espiritung “mga anak ng Diyos” na magiging “mga kasamang tagapagmana” ni Kristo. Pagkatapos, binanggit niya ang kamangha-manghang pag-asang ibinibigay ni Jehova sa ibang mga tupa na walang-takdang bilang: “Ang may-pananabik na pag-asam ng sangnilalang [o, sangkatauhan] ay naghihintay sa pagsisiwalat sa mga anak ng Diyos [ang mga pinahiran]. Sapagkat ang sangnilalang ay ipinasakop sa kawalang-saysay, hindi ayon sa sarili nitong kalooban kundi sa pamamagitan niya na nagpasakop nito, salig sa pag-asa na ang sangnilalang din mismo ay palalayain sa pagkaalipin sa kasiraan at magtatamo ng maluwalhating kalayaan ng mga anak ng Diyos.”​—Roma 8:14-21.

11 Ibinigay ni Jehova ang ‘saligan ng pag-asa’ ng sangkatauhan nang mangako siya ng kaligtasan mula sa “orihinal na serpiyente,” si Satanas na Diyablo, sa pamamagitan ng ipinangakong “binhi.” (Apoc. 12:9; Gen. 3:15) Si Jesu-Kristo ang pangunahing bahagi ng “binhi” na iyon. (Gal. 3:16) Sa pamamagitan ng kaniyang kamatayan at pagkabuhay-muli, naglaan si Jesus ng matibay na saligan ng pag-asa na ang sangkatauhan ay palalayain mula sa pagkaalipin sa kasalanan at kamatayan. Ang katuparan ng pag-asang ito ay nauugnay sa “pagsisiwalat sa mga anak ng Diyos.” Ang niluwalhating mga pinahiran ang pangalawahing bahagi ng “binhi.” ‘Masisiwalat’ sila kapag nakibahagi sila kay Kristo sa pagpuksa sa balakyot na sistema ng mga bagay ni Satanas. (Apoc. 2:26, 27) Magdudulot ito ng kaligtasan sa mga kabilang sa ibang mga tupa na lalabas mula sa malaking kapighatian.​—Apoc. 7:9, 10, 14.

12. Paano makikinabang ang sangkatauhan sa pagsisiwalat sa mga pinahiran?

12 Kaylaking ginhawa ang mararanasan ng “sangnilalang,” o sangkatauhan, sa panahon ng Sanlibong Taóng Paghahari ni Kristo! Sa panahong iyon, ang niluwalhating “mga anak ng Diyos” ay ‘isisiwalat’ sa isa pang paraan. Sila’y magiging mga saserdote kasama ni Kristo at tutulong para makamit ng sangkatauhan ang mga pakinabang ng haing pantubos. Ang “sangnilalang,” na sakop ng makalangit na Kaharian, ay makalalaya sa mga epekto ng kasalanan at kamatayan. Ang masunuring mga tao ay unti-unting “palalayain sa pagkaalipin sa kasiraan.” Kung mananatili silang tapat kay Jehova sa panahon ng Milenyong Paghahari ni Kristo at sa panghuling pagsubok, ang mga pangalan nila ay permanenteng mapapasulat sa “balumbon ng buhay.” Matatamo nila ang “maluwalhating kalayaan ng mga anak ng Diyos.” (Apoc. 20:7, 8, 11, 12) Tunay na isang maluwalhating pag-asa!

PANATILIHING BUHÁY ANG ATING PAG-ASA

13. Sa ano nakasalalay ang ating pag-asa, at kailan isisiwalat si Kristo?

13 Ang dalawang liham ni Pedro ay makatutulong sa mga pinahiran at sa ibang mga tupa na panatilihing buháy ang kanilang pag-asa. Ipinaliwanag niya na ang kanilang pag-asa ay hindi nakasalalay sa kanilang mga gawa kundi sa di-sana-nararapat na kabaitan ni Jehova. Isinulat niya: “Panatilihing lubos ang inyong katinuan; ilagak ang inyong pag-asa sa di-sana-nararapat na kabaitan na dadalhin sa inyo sa pagkakasiwalat kay Jesu-Kristo.” (1 Ped. 1:13) Isisiwalat si Kristo kapag dumating siya para gantimpalaan ang kaniyang tapat na mga tagasunod at para ilapat ang kahatulan ni Jehova sa mga di-makadiyos.​—Basahin ang 2 Tesalonica 1:6-10.

14, 15. (a) Ano ang dapat nating gawin para mapanatiling buháy ang ating pag-asa? (b) Anong payo ang ibinigay ni Pedro?

14 Para mapanatiling buháy ang ating pag-asa, dapat nating laging isaisip ang dumarating na “araw ni Jehova.” Dapat itong makaapekto sa buong buhay natin. Wawakasan ni Jehova ang kasalukuyang “mga langit,” o pamamahala ng tao, at ang “lupa”​—ang balakyot na lipunan ng tao at ang mga “elemento” nito. Isinulat ni Pedro: “Ano ngang uri ng pagkatao ang nararapat sa inyo . . . , na hinihintay at iniingatang malapit sa isipan ang pagkanaririto ng araw ni Jehova, na sa pamamagitan nito ang mga langit na nasusunog ay mapupugnaw at ang mga elemento na nag-iinit nang matindi ay matutunaw!”​—2 Ped. 3:10-12.

15 Ang kasalukuyang “mga langit” at “lupa” ay papalitan ng “mga bagong langit [pamamahala ng Kaharian ni Kristo] at isang bagong lupa [isang bagong lipunan sa lupa].” (2 Ped. 3:13) Nilinaw ni Pedro kung ano ang dapat nating gawin para ‘mahintay’ natin, o mapanatiling buháy, ang ating pag-asa sa ipinangakong bagong sanlibutan. Sinabi niya: “Kaya nga, mga minamahal, yamang hinihintay ninyo ang mga bagay na ito, gawin ninyo ang inyong buong makakaya upang sa wakas ay masumpungan niya kayong walang batik at walang dungis at nasa kapayapaan.”​—2 Ped. 3:14.

MAMUHAY KAAYON NG ATING PAG-ASA

16, 17. (a) Anong “banal na mga paggawi” at “mga gawa ng makadiyos na debosyon” ang dapat nating ipakita? (b) Paano matutupad ang ating pag-asa?

16 Hindi lang natin kailangang panatilihing buháy ang ating pag-asa; kailangan din nating mamuhay kaayon nito. Dapat nating bigyang-pansin ang uri ng ating pagkatao. Kasama sa “banal na mga paggawi” ang pagiging matuwid at ‘pagpapanatili ng mainam na paggawi sa gitna ng mga bansa.’ (2 Ped. 3:11; 1 Ped. 2:12) Dapat nating ibigin ang ating pandaigdig na kapatiran. Kasama rito ang pagsisikap na mapanatili ang pagkakaisa sa ating kongregasyon. (Juan 13:35) Binanggit din ni Pedro ang “mga gawa ng makadiyos na debosyon,” mga gawang nagpapatibay ng ating kaugnayan kay Jehova. Kasali rito ang marubdob na pananalangin, pati na ang araw-araw na pagbabasa ng Bibliya, masusing personal na pag-aaral, pampamilyang pagsamba, at masigasig na pakikibahagi sa pangangaral ng ‘mabuting balita ng kaharian.’​—Mat. 24:14.

17 Ang bawat isa sa atin ay nagnanais na maging uri ng tao na sinasang-ayunan at ililigtas ni Jehova kapag ‘pinugnaw’ na ang kasalukuyang balakyot na sistema. Sa gayon, makakamit natin ang katuparan ng ating pag-asa, ang “pag-asa sa buhay na walang hanggan na ipinangako ng Diyos, na hindi makapagsisinungaling, bago pa ang lubhang mahabang mga panahon.”​—Tito 1:2.

[Mga Tanong sa Aralin]

[Larawan sa pahina 22]

Ang mga pinahirang Kristiyano ay binigyan ng “isang bagong pagsilang tungo sa isang buháy na pag-asa”

[Larawan sa pahina 24]

Panatilihing buháy ang pag-asa sa loob ng inyong pamilya