Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Talambuhay

“May Kaigayahan sa Iyong Kanang Kamay Magpakailanman”

“May Kaigayahan sa Iyong Kanang Kamay Magpakailanman”

Ayon sa salaysay ni Lois Didur

Nasabi mo na ba ang tulad nito, ‘Nagsisisi ako sa desisyong ginawa ko’? Para sa akin, masasabi kong wala akong pinagsisisihan sa mga desisyon ko sa 50 taon ng buong-panahong paglilingkod kay Jehova. Hayaan ninyong ikuwento ko kung bakit.

ISINILANG ako noong 1939 at lumaki sa kabukiran ng Saskatchewan, Canada, kasama ng aking apat na kapatid na babae at isang kapatid na lalaki. Masaya ang buhay namin sa kaparangan. Isang araw, dumalaw ang mga Saksi ni Jehova at nakipag-usap kay Itay. Tinanong ko sila kung may pangalan ang Diyos. Ipinakita nila sa amin ang pangalang Jehova sa Awit 83:18. Dahil dito, gusto ko pang matuto nang higit tungkol sa Diyos at sa Bibliya.

Nang mga panahong iyon, ang mga batang tagabukid ay sama-samang nag-aaral hanggang sa ikawalong grado. Ang kanilang paaralan ay iisang silid lang. Sumasakay sila sa kabayo o naglalakad nang maraming milya papunta sa paaralan. Ang guro ay kinukupkop ng iba’t ibang pamilya sa distrito. Dumating ang panahon na kami ang nakatokang magpatuloy sa bagong guro na si John Didur.

Wala akong kaalam-alam na mahilig sa Bibliya ang binatang ito. Minsan, pinuri ko ang komunismo at sosyalismo, na itinataguyod noon ni Itay. Mahinahong tumugon si John: “Walang karapatan ang tao na mamahala sa kaniyang kapuwa. Diyos lang ang may ganitong karapatan.” Mula noon, madalas na naming pag-usapan ang tungkol sa mga bagay na ito.

Isinilang si John noong 1931, at marami siyang alam tungkol sa hirap na dulot ng digmaan. Nang sumiklab ang Korean War noong 1950, tinanong niya ang mga lider ng iba’t ibang relihiyon tungkol sa pakikisangkot nila sa digmaan. Lahat ay nagsabi na walang masama kung magsusundalo ang mga Kristiyano. Tinanong din niya ang mga Saksi ni Jehova. Ipinakita nila sa kaniya ang maka-Kasulatang paninindigan ng unang mga Kristiyano tungkol sa digmaan. Nabautismuhan si John noong 1955. Nabautismuhan naman ako nang sumunod na taon. Pareho naming gustong paglingkuran si Jehova nang aming buong buhay at lakas. (Awit 37:3, 4) Ikinasal kami ni John noong Hulyo 1957.

Madalas tumapat sa kombensiyon ang anibersaryo ng aming kasal. Tuwang-tuwa kaming makasama ang libu-libong kapatid na may paggalang sa kabanalan ng pag-aasawa. Ang unang internasyonal na kombensiyong nadaluhan namin ay noong 1958. Lima kaming naglakbay sakay ng kotse mula Saskatchewan papuntang New York City. Isang linggo kaming nagmamaneho kapag araw at sa gabi ay natutulog sa isang tolda. Kaya naman tuwang-tuwa kami nang isang brother na nakilala namin sa Bethlehem, Pennsylvania, ang mag-anyaya sa amin na magpalipas ng gabi sa kanilang bahay! Dahil sa kaniyang kabaitan, nakarating kami sa New York City nang malinis at presentable. Sa malaking kombensiyong iyon, naidiin sa amin na talagang kasiya-siyang maglingkod kay Jehova. Gaya ng isinulat ng salmista tungkol kay Jehova, “may kaigayahan sa iyong kanang kamay magpakailanman.”​—Awit 16:11.

PAGPAPAYUNIR

Pagkaraan ng isang taon, noong 1959, nagpayunir kami at tumira sa isang maliit na trailer sa tuktok ng isang burol sa Saskatchewan. Napakalawak ng natatanaw namin, at ang ilan doon ay saklaw ng teritoryo namin.

Isang araw, tumanggap kami ng liham mula sa tanggapang pansangay. Dali-dali kong pinuntahan si John na nagkukumpuni ng traktora. Inaanyayahan kami na maging special pioneer sa Red Lake, Ontario. Palibhasa’y hindi namin alam kung saan iyon, agad naming hinanap iyon sa mapa.

Ibang-iba ang lugar na ito sa kaparangang pinanggalingan namin! Dito ay may malalawak na kagubatan at maliliit na bayan malapit sa mga minahan ng ginto. Noong unang araw, habang naghahanap kami ng matutuluyan, narinig ng isang batang babae ang pag-uusap namin ng kanilang kapitbahay. Sinabi niya ito sa kaniyang ina, na nagpatuloy sa amin nang gabing iyon. Natulog kami sa silong ng bahay nila. Kinabukasan, nakakita kami ng isang bahay na yari sa troso na may dalawang silid, pero walang mga gripo at muwebles, maliban sa isang heater na ginagatungan ng kahoy. Bumili kami ng ilang gamit sa tindahan ng mga segunda-mano, at nakontento na kami.

Ang pinakamalapit na kongregasyon ay may layong 209 na kilometro. Marami sa mga minero ang nanggaling sa Europa, at humihingi sila ng Bibliya sa sarili nilang wika. Di-nagtagal, mayroon na kaming 30 inaaralan sa Bibliya. Sa loob ng anim na buwan, naitatag ang isang maliit na kongregasyon.

Isang asawang lalaki ang tumawag sa kanilang pari para papuntahin ito sa bahay nila at ituwid ang kaniyang misis na nakikipag-aral sa amin. Nang makaharap namin ang pari, sinabi nito na Trinidad ang dapat naming ituro. Kinuha ng babae ang kanilang Bibliyang Katoliko at hiniling sa pari na patunayan ang mga sinasabi nito. Inihagis ng pari ang Bibliya at sinabing wala siyang kailangang patunayan. Habang papaalis, sinabi niya sa wikang Ukrainian na dapat nila kaming palayasin at huwag nang pabalikin pa. Hindi niya alam na nakakaintindi si John ng Ukrainian.

Di-nagtagal, umalis kami sa Red Lake dahil sasanayin si John sa gawaing pansirkito. Pero pagkaraan ng mga isang taon, nang magbigay si John ng pahayag sa bautismo sa isang pandistritong kombensiyon, ang asawang lalaking iyon ay isa sa mga kandidato sa bautismo! Dahil sa ginawa ng pari, naudyukan siyang pag-aralan ang Bibliya.

GAWAING PAGLALAKBAY

Sa gawaing pansirkito, isang pribilehiyo ang makituloy sa maraming iba’t ibang pamilya. Napalapít kami sa mga kapatid na nagpatira sa amin. Minsan, tumuloy kami sa isang silid sa itaas na walang heater para sa taglamig. Maagang-maaga pa, naririnig na namin ang isang may-edad na sister na dahan-dahang pumapasok sa aming silid para sindihan ang maliit na kalan. Mayamaya, bumabalik siya na may dalang palanggana at maligamgam na tubig para sa amin. Marami akong natutuhan sa kaniyang kabaitan at pagmamalasakit.

Lalo akong napalapít kay Jehova dahil sa gawaing paglalakbay. Dinadalaw namin ang isang sirkito sa Alberta. Kasama sa sirkitong ito ang isang minahang bayan sa Far North, kung saan nakatira ang isang sister. Paano pinangalagaan ng organisasyon ni Jehova ang sister na iyon? Tuwing anim na buwan, nagbibiyahe kami papunta roon sakay ng eroplano para gumugol ng isang linggo kasama niya sa ministeryo at pulong, gaya ng ginagawa namin sa mga kongregasyon sa malalaking lunsod. Ipinaaalaala nito sa amin ang maibiging pangangalaga ni Jehova sa bawat tulad-tupang tao.

Nakipagsulatan kami sa mga nagpatuloy sa amin. Naalaala ko pa ang isa sa unang mga regalo ni John​—isang makulay na kahong punô ng stationery. Gustung-gusto ko itong gamitin sa pakikipagsulatan sa aming mga kaibigan. Hanggang ngayon, iniingatan ko pa rin ang kahong iyon.

Habang dumadalaw kami sa isang sirkito sa Toronto, tinawagan kami ng isang brother mula sa Bethel sa Canada at tinanong kung gusto naming maglingkod sa Bethel. Kailan niya gustong malaman ang sagot? “Kinabukasan, kung puwede!” Ganoon nga ang ginawa namin, at tinanggap namin ang paanyaya.

PAGLILINGKOD SA BETHEL

Sa bawat atas, naranasan namin ang kaigayahan mula sa kamay ni Jehova. Ganiyan din ang naranasan namin nang dumating kami sa Bethel noong 1977. Dahil sa pakikisama sa ilang pinahiran, nakita namin hindi lang ang kanilang iba’t ibang personalidad kundi pati ang kanilang taimtim na paggalang sa Salita ng Diyos.

Nagustuhan ko ang rutin sa Bethel. Nasa drawer na ang mga damit namin samantalang dati ay nasa maleta. Nakapirmi na rin kami sa isang kongregasyon. Bukod sa trabaho ko sa Bethel, natutuwa rin akong maging tour guide sa mga dumadalaw. Ipinaliliwanag ko ang gawain sa Bethel, pinakikinggan ang komento nila, at sinasagot ang kanilang mga tanong.

Mabilis na lumipas ang mga taon. Noong 1997, inanyayahan si John na dumalo sa School for Branch Committee Members sa Patterson, New York. Pagkatapos, tinanong kami kung puwede kaming lumipat sa Ukraine. Hinimok kaming pag-isipan itong mabuti at ipanalangin ito. Nang gabing iyon, nagpasiya kaming tanggapin ang atas.

BAGONG ATAS​—UKRAINE

Nakadalo kami sa malalaking internasyonal na kombensiyon sa St. Petersburg, Russia, noong 1992, at sa Kiev, Ukraine, noong 1993. Dahil dito, napamahal sa amin ang mga kapatid sa Silangang Europa. Sa Lviv, Ukraine, tumira kami sa ikalawang palapag ng isang lumang bahay. Natatanaw sa bintana ang bakuran kung saan may maliit na hardin, isang malaking pulang tandang, at mga inahin. Para kaming nasa bukid sa Saskatchewan. Labindalawa kami sa bahay na iyon. Tuwing umaga, naglalakbay kami patawid sa siyudad para magtrabaho sa Bethel.

Ano ang nadama namin ngayong nasa Ukraine na kami? Nakapagpapatibay na makapiling ang marami na nanatiling matatag sa kabila ng mga pagsubok, pagbabawal, at pagkabilanggo. Kapag binibigyan namin sila ng komendasyon, sinasabi nila, “Ginawa namin iyon para kay Jehova.” Kailanman ay hindi nila nadamang pinabayaan sila. Kahit ngayon, kapag pinasasalamatan mo sila, sasabihin nila, “Pasalamatan mo si Jehova,” bilang pagkilala sa Pinagmumulan ng lahat ng mabubuting bagay.

Sa Ukraine, karaniwan nang naglalakad ang mga kapatid papunta sa pulong, kaya may panahon silang mag-usap-usap at magpatibayan. Kung minsan, naglalakad sila nang isang oras o higit pa. May mahigit 50 kongregasyon sa Lviv, at 21 sa mga ito ang gumagamit ng isang malaking Kingdom Hall complex. Kapag Linggo, napakagandang pagmasdan ang sunud-sunod na pagdating ng mga kapatid na dadalo sa pulong.

Madaling napalagay ang loob namin sa mga kapatid dahil sila’y mababait at maasikaso. Kapag hindi ko naiintindihan ang sinasabi nila sa kanilang wika, na nangyayari pa rin hanggang ngayon, pinagpapasensiyahan nila ako. Kadalasan, nakikita ko ito sa ekspresyon ng kanilang mukha.

Nakita ko ang isang halimbawa ng tiwala ng mga kapatid sa isa’t isa sa internasyonal na kombensiyon sa Kiev noong 2003. Kabababa lang namin sa mataong sakayan ng tren nang isang batang babae ang lumapit sa amin at nagsabi, “Nawawala po ako. Hindi ko makita ang lola ko.” Nakita ng bata ang aming badge card at alam niyang mga Saksi kami. Napakalakas ng loob niya at hindi man lang umiyak. Ang kasama naming asawa ng tagapangasiwa ng sirkito ang nagdala sa bata sa Lost and Found Department sa istadyum. Mayamaya, nagkita na ang maglola. Naantig ako sa tiwala ng batang ito, kahit nasa gitna siya ng libu-libo katao.

Noong Mayo 2001, maraming kapatid mula sa iba’t ibang bansa ang pumunta sa Ukraine para dumalo sa pag-aalay ng mga bagong pasilidad sa aming sangay. Pagkatapos ng espesyal na pahayag sa isang istadyum noong umaga ng Linggo, pagkarami-raming kapatid ang naglakad papuntang Bethel para mag-tour. Hindi ko iyon malilimutan! Nakaaantig makita ang mga kapatid, na napakatahimik at disiplinado. Pinalalim nito ang pagpapahalaga ko sa kaigayahan na nagmumula sa paglilingkod sa Diyos.

ISANG MALUNGKOT NA PAGBABAGO

Noong 2004, natuklasang may kanser si John. Pumunta kami sa Canada para magpagamot. Hirap na hirap si John sa unang sesyon ng chemotherapy, at ilang linggo siyang nasa intensive care. Mabuti na lang at nagkamalay siya. Halos hindi siya makapagsalita, pero makikita sa mga mata niya ang pasasalamat sa mga dumadalaw sa kaniya.

Nakalulungkot, hindi na siya gumaling, at namatay siya noong taglagas nang taóng iyon. Nangulila ako nang husto kay John. Masaya kaming naglilingkod kay Jehova. Ano na ang gagawin ko? Ipinasiya kong bumalik sa Ukraine. Nagpapasalamat ako sa pag-ibig ng pamilyang Bethel at ng kongregasyon doon.

Kahit kailan, hindi namin pinagsisihan ang aming mga desisyon. Naging kaiga-igaya ang buhay namin, at napakabuti ng pakikipagsamahan sa mga kapatid. Alam kong marami pa akong matututuhan tungkol sa kabutihan ni Jehova, at sana’y makapaglingkod ako sa kaniya magpakailanman dahil napatunayan kong ‘may kaigayahan sa kanang kamay ni Jehova.’

[Blurb sa pahina 6]

“Kahit kailan, hindi namin pinagsisihan ang aming mga desisyon”

[Larawan sa pahina 3]

Nang ikasal kami ni John

[Larawan sa pahina 4]

Nang special pioneer ako sa Red Lake, Ontario

[Larawan sa pahina 5]

Kami ni John sa Ukraine noong 2002