Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
Puwede bang umabot sa puntong ikatiwalag ng isang Kristiyano ang pamimihasa sa pornograpya?
▪ Puwede. Kaya napakahalagang kasuklaman natin ang lahat ng klase ng pornograpya—mga babasahin o mga larawan—sa magasin, pelikula, video, at sa Internet.
Palasak ang pornograpya saanman sa mundo. Dahil sa Internet, lumaganap at dumami ang pornograpikong materyal at dumami rin ang nahahantad sa napakasamang salot na ito. Ang ilan, bata man o matanda, ay di-sinasadyang nahantad sa pornograpikong mga Web site. Ang iba naman ay sadyang naghahanap ng ganitong Web site, anupat hindi sila nahihiyang gawin ito sa bahay o opisina dahil walang nakakakita sa kanila. Bakit ito isang seryosong bagay para sa mga Kristiyano?
Ang isang pangunahing dahilan ay makikita natin sa babala ni Jesus: “Ang bawat isa na patuloy na tumitingin sa isang babae upang magkaroon ng masidhing pagnanasa sa kaniya ay nangalunya na sa kaniya sa kaniyang puso.” (Mat. 5:28) Totoo, ang normal na pagtatalik ay angkop para sa mga mag-asawa at pinagmumulan ng kanilang kasiyahan. (Kaw. 5:15-19; 1 Cor. 7:2-5) Pero hindi ganiyan ang pokus ng pornograpya. Sa halip, itinatampok nito ang bawal na pagtatalik na pumupukaw ng imoral na mga kaisipan, na ibinabala ni Jesus. Maliwanag, ang pagbabasa o panonood ng pornograpya ay tahasang lumalabag sa utos ng Diyos: “Patayin ninyo, kung gayon, ang mga sangkap ng inyong katawan na nasa ibabaw ng lupa may kinalaman sa pakikiapid, karumihan, pita sa sekso, nakasasakit na pagnanasa, at kaimbutan, na siyang idolatriya.”—Col. 3:5.
Paano kung ang isang Kristiyano ay nanood, tumingin, o nagbasa ng pornograpya nang isa o dalawang beses? Ang kalagayan niya ay maihahalintulad sa mapanganib na sitwasyong minsa’y naranasan ng salmistang si Asap: “Kung tungkol sa akin, ang aking mga paa ay muntik nang mapaliko, ang aking mga hakbang ay muntik nang madupilas.” Magkakaroon kaya ng malinis na budhi at mapayapang kaugnayan sa Diyos ang isang Kristiyano kung nanonood siya ng pornograpikong mga larawan ng mga lalaki o babaing nakahubad o ng dalawang nagsasagawa ng pakikiapid? Hindi nga, kung paanong hindi natahimik ang kalooban ni Asap: “Ako ay sinasalot sa buong araw, at ang pagtutuwid sa akin ay tuwing umaga.”—Awit 73:2, 14.
Ang isang Kristiyanong nabitag ng ganitong kasamaan ay dapat matauhan at humingi ng espirituwal na tulong. Ang tulong na iyan ay makukuha sa kongregasyon. Sinasabi ng Bibliya: “Bagaman ang isang tao ay makagawa ng anumang maling hakbang bago niya mabatid ito, kayong may mga espirituwal na kuwalipikasyon ay magsikap na ibalik sa ayos ang gayong tao sa espiritu ng kahinahunan, habang minamataan ng bawat isa ang kaniyang sarili.” (Gal. 6:1) Isa o dalawang elder ang makapagbibigay sa kaniya ng tulong na kailangan niya, kasali na ang ‘panalangin ng pananampalataya na magpapagaling sa isa na may dinaramdam, at ang kaniyang kasalanan ay patatawarin.’ (Sant. 5:13-15) Ang mga humingi ng tulong para makaalpas sa pornograpya ay makapagsasabi na ang paglapit sa Diyos ay mabuti para sa kanila, kung paanong nakabuti ito kay Asap.—Awit 73:28.
Gayunman, binanggit ni apostol Pablo na ang ilang nagkasala ay hindi nagsisi “sa kanilang karumihan at pakikiapid at mahalay na paggawi.” * (2 Cor. 12:21) Isinulat ni Propesor Marvin R. Vincent na ang terminong Griego na isinaling “karumihan” sa tekstong ito ay isang “nakaririmarim na uri ng karumihan.” Nakalulungkot, may ilang uri ng pornograpya na mas malaswa pa kaysa sa mga eksena ng hubad na lalaki at babaing nakikiapid. Nariyan ang nakaririmarim at nakasusuklam na uri ng pornograpya na nagsasangkot ng homoseksuwalidad (pagtatalik ng magkasekso), group sex, bestiyalidad, child pornography, gang rape, pandarahas sa kababaihan, paggapos sa katalik, o sadistikong pagpapahirap. Ang ilang indibiduwal noong panahon ni Pablo na ‘nasa kadiliman ang isip’ ay “nawalan na ng lahat ng pakiramdam sa moral [at] ibinigay nila ang kanilang sarili sa mahalay na paggawi upang gumawa ng bawat uri ng karumihan nang may kasakiman.”—Efe. 4:18, 19.
Binanggit din ni Pablo ang “karumihan” sa Galacia 5:19. Sinabi ng isang Britanong iskolar na “sa kontekstong ito [ang karumihan] ay pangunahin nang tumutukoy sa lahat ng di-normal na pagnanasa.” Sinong Kristiyano ang hindi sasang-ayon na ang nakasusuklam at napakalaswang mga uri ng pornograpya na nabanggit sa itaas ay “di-normal na mga pagnanasa” at nakaririmarim? Sinabi ni Pablo sa Galacia 5:19-21 na “yaong mga nagsasagawa” ng gayong karumihan ay “hindi magmamana ng kaharian ng Diyos.” Kaya naman, ang sinumang namimihasa sa panonood ng nakasusuklam at napakalaswang pornograpya, marahil sa loob ng mahaba-habang panahon, at ayaw magsisi at magbago, ay hindi makapananatili sa kongregasyong Kristiyano. Dapat siyang itiwalag para mapanatili ang kalinisan at espiritu ng kongregasyon.—1 Cor. 5:5, 11.
Ang ilang namihasa sa panonood ng nakasusuklam na uri ng pornograpya ay lumapit sa mga elder at tumanggap ng espirituwal na tulong para makagawa ng malalaking pagbabago. Pinayuhan ni Jesus ang kongregasyon sa sinaunang Sardis: “Palakasin mo ang mga bagay na nalalabi na malapit nang mamatay, . . . patuloy mong isaisip kung paano mo tinanggap at kung paano mo narinig, at patuloy mong tuparin ito, at magsisi ka. Tiyak nga na malibang gumising ka, . . . hindi mo na malalaman pa kung anong oras ako darating sa iyo.” (Apoc. 3:2, 3) Oo, ang isa ay maaaring magsisi at maagaw mula sa apoy, wika nga.—Jud. 22, 23.
Pero mas mabuting huwag ilagay ang ating sarili sa gayong sitwasyon. Maging determinado tayong iwasan ang lahat ng uri ng pornograpya!
[Talababa]
^ par. 8 Hinggil sa pagkakaiba ng “karumihan at pakikiapid at mahalay na paggawi,” tingnan ang Bantayan ng Hulyo 15, 2006, pahina 29-31.
[Blurb sa pahina 30]
Ang isang Kristiyanong nabitag ng kasamaan ay dapat matauhan at humingi ng espirituwal na tulong