Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Paano Ka Nagbibigay ng Payo?

Paano Ka Nagbibigay ng Payo?

May humingi na ba sa iyo ng payo? Halimbawa, may nagtanong na ba sa iyo: ‘Ano ang gagawin ko? Dapat ba akong pumunta sa salu-salong iyon? Dapat ko bang itaguyod ang karerang ito? Dapat ba akong makipag-date sa taong ito?’

Baka may humingi sa iyo ng payo para makagawa ng desisyon​—desisyong makaaapekto sa kaugnayan nila sa kanilang kaibigan, kapamilya, o maging kay Jehova. Saan ka kukuha ng payo? Paano ka nagbibigay ng payo? Simple man o seryosong bagay ang inilalapit sa iyo, “ang puso ng matuwid ay nagbubulay-bulay upang makasagot,” sabi ng Kawikaan 15:28. Tingnan natin kung paano makatutulong ang sumusunod na limang simulain ng Bibliya sa pagbibigay ng payo.

1 Alamin ang Tunay na Sitwasyon.

“Kapag ang isa ay sumasagot sa isang bagay bago niya marinig iyon, kamangmangan ito sa kaniya at kahihiyan.”​KAW. 18:13.

Para makapagbigay ng mahusay na payo, kailangang maunawaan natin ang kalagayan at pananaw ng humihingi ng tulong. Bilang paglalarawan: Kung may tumawag sa iyo para magtanong ng pinakamagandang daan papunta sa bahay ninyo, ano ang kailangan mong malaman para matulungan siya? Maituturo mo ba ang pinakamagandang ruta kung hindi mo pa alam ang kasalukuyang lokasyon niya? Siyempre hindi! Sa katulad na paraan, kailangan mo munang malaman ang kasalukuyang “lokasyon”​—ang sitwasyon at pananaw​—ng humihingi sa iyo ng tulong para makapagbigay ka ng wastong payo. Mayroon ka pa bang hindi nalalaman tungkol sa sitwasyon niya na makaaapekto sa payong ibibigay mo? Kung hindi sapat ang nalalaman natin tungkol sa isang sitwasyon, baka lalo lang malito ang pinapayuhan natin.​—Luc. 6:39.

Alamin Kung Ano Na ang Nasaliksik Niya. Makabubuti ring tanungin natin ang humihingi ng payo: “Anong mga simulain sa Bibliya ang sa tingin mo’y kapit sa sitwasyong ito?” “Ano ang mga bentaha at disbentaha ng mga opsyon mo?” “Ano na ang nasaliksik mo?” “Ano na ang naipayo sa iyo ng iba​—mga elder sa kongregasyon, mga magulang mo, o ng nagtuturo sa iyo ng Bibliya?”

Depende sa mga sagot niya, malalaman natin kung anong mga pagsisikap na ang ginawa niya para mahanap ang sagot. Maisasaalang-alang din natin ang mga naipayo na sa kaniya. Malalaman din natin kung ang humihingi ng payo ay naghahanap lang ng tagapayong ‘kikiliti sa kaniyang mga tainga.’​—2 Tim. 4:3.

2 Huwag Magpadalus-dalos sa Pagsagot.

“Ang bawat tao ay dapat na maging matulin sa pakikinig, mabagal sa pagsasalita.”​SANT. 1:19.

Kung minsan, mabuti naman ang intensiyon natin, pero baka magpadalus-dalos tayo sa pagsagot. Matalino kayang gawin iyon, lalo na kung hindi pa tayo lubusang nakapagsasaliksik? Sinasabi ng Kawikaan 29:20: “Nakakita ka na ba ng taong padalus-dalos sa kaniyang mga salita? May higit pang pag-asa para sa hangal kaysa sa kaniya.”

Maglaan ng sapat na panahon para tiyaking kasuwato ng karunungan ng Diyos ang ipapayo mo. Tanungin ang iyong sarili, ‘May bahid ba ng kaisipan at “espiritu ng sanlibutan” ang aking pag-iisip?’ (1 Cor. 2:12, 13) Tandaan na hindi sapat ang mabuting intensiyon. Nang malaman ni apostol Pedro ang mahirap na atas ni Jesus, pinayuhan niya ito: “Maging mabait ka sa iyong sarili, Panginoon; hindi kailanman mangyayari sa iyo ang kahihinatnang ito.” Ano ang matututuhan natin sa reaksiyon ni Pedro? Kahit taimtim ang isang tao, kung hindi siya mag-iingat, baka maitaguyod niya, “hindi ang mga kaisipan ng Diyos, kundi yaong sa mga tao.” (Mat. 16:21-23) Napakahalaga ngang mag-isip bago magsalita! Tutal, napakalimitado ng karanasan natin kung ihahambing sa karunungan ng Diyos.​—Job 38:1-4; Kaw. 11:2.

3 Mapagpakumbabang Ikapit ang Salita ng Diyos.

“Wala akong ginagawang anuman sa sarili kong pagkukusa; kundi kung ano ang itinuro sa akin ng Ama, ito ang mga bagay na sinasalita ko.”​JUAN 8:28.

Sasabihin mo ba, “Kung ako sa iyo . . . ”? Kahit sa tingin mo ay napakadali namang sagutin ang tanong niya, makabubuting tularan mo ang kapakumbabaan ni Jesus. Si Jesus ang pinakamatalinong tao na nabuhay kailanman; pero sinabi niya: “Hindi ako nagsalita udyok ng aking sarili, kundi ang Ama . . . ang mismong nagbigay sa akin ng utos kung ano ang sasabihin at kung ano ang sasalitain.” (Juan 12:49, 50) Ang mga turo at payo ni Jesus ay laging kaayon ng kalooban ng kaniyang Ama.

Halimbawa, mababasa natin sa Lucas 22:49 na tinanong ng mga alagad si Jesus kung makikipaglaban sila kapag inaresto siya. Gumamit ng tabak ang isang alagad. Sa isang katulad na ulat sa Mateo 26:52-54, makikita natin na kahit maigting ang sitwasyon, nakipagkatuwiranan pa rin si Jesus sa alagad na ito tungkol sa kalooban ni Jehova. Dahil alam ni Jesus ang mga simulaing nasa Genesis 9:6 at ang mga hula sa Awit 22 at Isaias 53, nakapagbigay siya ng mahusay na payo na nakapagligtas ng buhay at nakapagpalugod kay Jehova.

4 Gamitin ang Ating mga Publikasyon.

“Sino talaga ang tapat at maingat na alipin na inatasan ng kaniyang panginoon sa kaniyang mga lingkod ng sambahayan, upang magbigay sa kanila ng kanilang pagkain sa tamang panahon?”​MAT. 24:45.

Inatasan ni Jesus ang isang uring tapat na alipin para maglaan ng napakahalagang espirituwal na pagkain. Kapag nagpapayo ka at nagbibigay ng tagubilin hinggil sa mahahalagang bagay, naglalaan ka ba ng panahon para magsaliksik sa mga publikasyong salig sa Bibliya?

Napakadaling makakuha ng malinaw na impormasyon sa Watch Tower Publications Index at Watchtower Library. * Malaking pagkakamali na ipagwalang-bahala ang napakaraming impormasyon dito! Libu-libong paksa at artikulo ang makatutulong sa mga humihingi ng payo. Mahusay ka ba sa pagtulong sa iba na magsaliksik sa mga simulain ng Bibliya at mangatuwiran batay sa Salita ng Diyos? Kung paanong nakatutulong sa isang tao ang GPS para malaman ang kaniyang kasalukuyang lokasyon at magabayan siya patungo sa kaniyang destinasyon, ang mga kasangkapan sa pagsasaliksik ay makatutulong sa kaniya na makita kung anong landas ang tinatahak niya at kung paano siya makapananatili sa landas ng buhay.

Sinasanay ng maraming elder ang mga mamamahayag na maghanap ng mga artikulo gamit ang Index o ang Watchtower Library para tulungan silang mangatuwiran batay sa Kasulatan. Sa gayon, natututo ang mga mamamahayag na hanapin ang solusyon sa kanilang kasalukuyang mga problema. Nasasanay rin silang magsaliksik at manalig sa mga espirituwal na paglalaan ni Jehova. Sa ganitong paraan, “[nasasanay] ang kanilang mga kakayahan sa pang-unawa na makilala kapuwa ang tama at ang mali.”​—Heb. 5:14.

5 Huwag Magdesisyon Para sa Iba.

“Ang bawat isa ay magdadala ng kaniyang sariling pasan.”​GAL. 6:5.

Ang bawat indibiduwal ay kailangang magpasiya kung aling payo ang susundin niya. Binigyan tayo ni Jehova ng kalayaang magpasiya at nasa atin kung magpapagabay tayo o hindi sa kaniyang mga simulain. (Deut. 30:19, 20) Sa ilang sitwasyon, maraming simulain ng Bibliya ang kailangang isaalang-alang, at sa bandang huli, ang taong humihingi ng payo ang kailangang gumawa ng sarili niyang desisyon. Depende sa usaping nasasangkot o sa edad ng humihingi ng payo, baka kailangan din nating tanungin ang ating sarili, ‘Talaga bang may awtoridad akong sagutin ang tanong na ito?’ May mga bagay na mas mabuting isangguni sa mga elder sa kongregasyon. At kung ang nagtatanong naman ay isang kabataan, himukin siyang lumapit sa kaniyang mga magulang.

[Talababa]

^ par. 20 Ang Watchtower Library sa CD-ROM ay makukuha ngayon sa 39 na wika. Ang Watch Tower Publications Index naman ay makukuha sa mahigit 45 wika.

[Kahon/Larawan sa pahina 8]

Proyekto Para sa Pampamilyang Pagsamba

Bilang proyekto sa pag-aaral, bakit hindi subukang magsaliksik hinggil sa mga itinanong sa iyo ng iba kamakailan? Anu-anong artikulo at simulain sa Bibliya ang mahahanap mo para tulungan ang nagtatanong sa iyo? Ipagpalagay nating may isang kapatid na gusto nang mag-asawa at humihingi sa iyo ng payo tungkol sa pakikipag-date. Hanapin sa Index o sa Watchtower Library ang mga paksang tuwirang nauugnay rito. Halimbawa, maaari mong hanapin sa Index ang mga uluhang “Dating” o “Marriage.” Pagkatapos, hanapin sa mga subtopic ang kaugnay na mga artikulo. Kapag tinitingnan ang pangunahing uluhan, tingnan din kung may nakalagay na “See also,” na maaaring umakay sa iyo sa mga paksang mas kaugnay ng sinasaliksik mo.

[Kahon sa pahina 9]

Sa tulong ng mga paglalaan ni Jehova sa pamamagitan ng kaniyang organisasyon, makapagbibigay tayo at makatatanggap ng napakahusay na payo. Sinasabi ng Eclesiastes 12:11: “Ang mga salita ng marurunong ay gaya ng mga pantaboy sa baka, at gaya ng mga pakong ibinaon yaong mga nagsasagawa ng pagtitipon ng mga pangungusap; ang mga ito ay ibinigay mula sa isang pastol.” Gaya ng “mga pantaboy sa baka”​—patulis na patpat na ginagamit para gabayan ang mga hayop na panghila​—ang maibigin at mahusay na payo ay nagsisilbing gabay sa mga taong taimtim. Ang “mga pakong ibinaon” naman ay nakapagpapatatag sa isang istraktura. Sa katulad na paraan, ang mahusay na payo ay nagbubunga ng katatagan. Ang marurunong ay nakasusumpong ng kagalakan sa “pagtitipon ng mga pangungusap” na nagpapakita ng karunungan ng kanilang “pastol,” si Jehova.

Tularan ang ating Pastol kapag nagpapayo. Kaylaking pribilehiyo ang makinig at magpayo! Kapag nakasalig sa mga simulain ng Bibliya ang ating payo, magiging mahusay ito at magdudulot ng walang-hanggang kapakinabangan sa nakikinig.