Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Panatilihin ang Pagkadama ng Pagkaapurahan

Panatilihin ang Pagkadama ng Pagkaapurahan

“Ipangaral mo ang salita, maging apurahan ka rito.”​—2 TIM. 4:2.

1, 2. Anong mga tanong ang bumabangon may kinalaman sa utos na ‘ipangaral ang salita nang may pagkaapurahan’?

ANG mga tagasagip-buhay ay karaniwang kumikilos nang may pagkaapurahan. Halimbawa, ang mga bombero ay mabilis na rumeresponde sa lugar ng sunog dahil alam nilang buhay ang nakataya.

2 Bilang mga Saksi ni Jehova, gusto nating maligtas ang mga tao. Kaya naman, sineseryoso natin ang ating atas na ipangaral ang mabuting balita ng Kaharian. Siyempre pa, hindi naman tayo natataranta sa paggawa nito. Kung gayon, ano ang kahulugan ng sinabi ni apostol Pablo: “Ipangaral mo ang salita, maging apurahan ka rito”? (2 Tim. 4:2) Paano tayo mangangaral nang may pagkaapurahan? At bakit napakaapurahan ng ating gawain?

BAKIT APURAHAN ANG ATING PANGANGARAL?

3. Ano ang magiging resulta ng pagtanggap o pagtanggi sa mensahe ng Kaharian?

3 Kung iisipin mo kung ano ang nakataya sa ating pangangaral, malamang na makadama ka ng pagkaapurahang sabihin sa iba ang mabuting balita. (Roma 10:13, 14) Ganito ang sabi ng Salita ng Diyos: “Kapag sinabi ko sa balakyot: ‘Ikaw ay tiyak na mamamatay,’ at siya ay nanumbalik nga mula sa kaniyang kasalanan at nagsagawa ng katarungan at katuwiran, . . . tiyak na patuloy siyang mabubuhay. Hindi siya mamamatay. Walang isa man sa kaniyang mga kasalanan na ipinagkasala niya ang aalalahanin laban sa kaniya.” (Ezek. 33:14-16) Oo, sinasabi ng Bibliya sa mga nagtuturo ng mensahe ng Kaharian: “Ililigtas mo kapuwa ang iyong sarili at yaong mga nakikinig sa iyo.”​—1 Tim. 4:16; Ezek. 3:17-21.

4. Dahil sa apostasya, bakit naging apurahan ang pangangaral noong unang siglo?

4 Para maunawaan kung bakit pinayuhan ni Pablo si Timoteo na mangaral nang may pagkaapurahan, tingnan natin ang konteksto ng ating temang teksto. Mababasa natin: “Ipangaral mo ang salita, maging apurahan ka rito sa kaayaayang kapanahunan, sa maligalig na kapanahunan, sumaway ka, sumawata ka, magpayo ka, na lubusang taglay ang mahabang pagtitiis at sining ng pagtuturo. Sapagkat darating ang isang yugto ng panahon kapag hindi nila titiisin ang nakapagpapalusog na turo, kundi, ayon sa kanilang sariling mga pagnanasa, sila ay magtitipon ng mga guro para sa kanilang sarili upang kumiliti sa kanilang mga tainga; at itatalikod nila ang kanilang mga tainga mula sa katotohanan.” (2 Tim. 4:2-4) Inihula ni Jesus na magkakaroon ng apostasya. (Mat. 13:24, 25, 38) Habang papalapít ito, kailangang “ipangaral [ni Timoteo] ang salita” kahit sa loob ng kongregasyon para huwag mailigaw ng mapandayang mga bulaang turo ang mga Kristiyano. Buhay ang nakataya. Kumusta naman sa ngayon?

5, 6. Anu-anong popular na ideya ang pinaniniwalaan ng mga taong nakakausap natin sa ministeryo?

5 Laganap na ang pag-aapostasya mula sa tunay na pagsamba. (2 Tes. 2:3, 8) Anu-anong turo ang kumikiliti sa tainga ng mga tao sa ngayon? Sa maraming lugar, puspusang itinataguyod ang turo ng ebolusyon. Bagaman ang ebolusyon ay karaniwang itinuturo bilang siyensiya, halos naging relihiyon na ito, anupat nakaaapekto sa pangmalas ng mga tao sa Diyos at sa kanilang kapuwa. Popular din ang turo na hindi interesado ang Diyos sa atin, kaya naman hindi na rin tayo kailangang maging interesado sa kaniya. Bakit milyun-milyon ang naaakit sa mga turong ito, anupat nakakatulog sila sa espirituwal? Pare-pareho ang mensahe ng mga ito, ‘Puwede mong gawin kahit anong gusto mo dahil hindi ka mananagot.’ Talagang nakakakiliti sa tainga ng marami ang ganitong mensahe.​—Basahin ang Awit 10:4.

6 Pero may iba pang paraan ng pagkiliti sa tainga ng mga tao sa ngayon. Gustung-gusto ng mga nagsisimba ang mga guro na nagsasabi, ‘Kahit anong gawin mo, mahal ka pa rin ng Diyos.’ Kinikiliti ng mga pari at pastor ang tainga ng iba sa pagsasabing ang mga seremonya, Misa, piyesta, at mga imahen ay sinasang-ayunan ng Diyos. Hindi alam ng mga nagsisimba kung gaano kapanganib ang kanilang sitwasyon. (Awit 115:4-8) Pero kung magigising natin sila sa espirituwal at mauunawaan nila ang tunay na mensahe ng Bibliya, maaari silang makinabang sa Kaharian ng Diyos.

ANO ANG IBIG SABIHIN NG PANGANGARAL NANG MAY PAGKAAPURAHAN?

7. Paano natin maipakikita ang ating pagkaapurahan?

7 Ang maingat na siruhano ay nakatutok sa kaniyang ginagawa dahil buhay ang nakataya. Sa ministeryong Kristiyano, maipakikita natin ang pagkaapurahan kung magtutuon tayo ng pansin sa ating gawain. Halimbawa, maaari nating pag-isipan kung sa anong mga isyu, tanong, o impormasyon magiging interesado ang mga makakausap natin. Kung nakadarama tayo ng pagkaapurahan, isasaayos din natin ang ating iskedyul para madalaw ang mga tao sa oras na mas makikinig sila sa atin.​—Roma 1:15, 16; 1 Tim. 4:16.

8. Ano ang ibig sabihin ng pagkilos nang may pagkaapurahan?

8 Kasama rin sa pagkadama ng pagkaapurahan ang pagtatakda ng mga priyoridad. (Basahin ang Genesis 19:15.) Halimbawa, ipagpalagay na ipinatawag ka ng doktor sa kaniyang opisina at sinabi niya sa iyo: “Hindi maganda ang resulta ng mga test mo. Kailangan mong kumilos agad. Mayroon ka na lang isang buwan para agapan ang sakit mo.” Hindi ka naman siguro magmamadaling lumabas ng kaniyang opisina gaya ng bomberong rumeresponde sa sunog. Sa halip, malamang na hihingin mo ang kaniyang rekomendasyon, uuwi, at pag-iisipang mabuti ang iyong mga priyoridad.

9. Bakit natin masasabing nangaral nang may pagkaapurahan si Pablo habang nasa Efeso?

9 Magkakaideya tayo sa pagkaapurahang nadama ni Pablo kung susuriin natin ang sinabi niya sa matatandang lalaki sa Efeso tungkol sa pangangaral niya sa distrito ng Asia. (Basahin ang Gawa 20:18-21.) Lumilitaw na mula noong unang araw na dumating siya roon, naging abala na siya sa pagpapaabot ng mabuting balita sa bahay-bahay. Bukod diyan, sa loob ng dalawang taon, “araw-araw [siyang] nagbibigay ng mga pahayag sa awditoryum ng paaralan ni Tirano.” (Gawa 19:1, 8-10) Maliwanag na nakaimpluwensiya sa rutin ni Pablo ang pagkadama niya ng pagkaapurahan. Ang panawagan na ‘maging apurahan sa ating ministeryo’ ay hindi ibinigay para mataranta tayo. Pero dapat nating maging priyoridad sa buhay ang pangangaral.

10. Bakit nagpapasalamat tayo na kumilos nang may pagkaapurahan ang mga Kristiyano mga 100 taon na ang nakalilipas?

10 Bago ang 1914, isang maliit na grupo ng mga Estudyante ng Bibliya ang nagsimulang mangaral ng mabuting balita. Makikita sa halimbawa nila kung ano ang ibig sabihin ng pagkadama ng pagkaapurahan. Bagaman iilang libo lang sila, naunawaan nila ang pagkaapurahan ng panahon at sineryoso ang pangangaral ng Kaharian. Naglathala sila ng mga sermon sa daan-daang pahayagan at nagpalabas ng pinagsamang makukulay na slide at pelikula na pinamagatang “Photo-Drama of Creation.” Sa ganitong mga paraan, milyun-milyon ang napaabutan ng mabuting balita. Kung hindi sila nakadama ng pagkaapurahan, tiyak na marami sa atin ang hindi makaririnig ng mensahe ng Kaharian!​—Basahin ang Awit 119:60.

HUWAG IWALA ANG IYONG PAGKADAMA NG PAGKAAPURAHAN

11. Bakit naiwala ng ilan ang kanilang pagkadama ng pagkaapurahan?

11 Dahil sa mga pang-abala, maaaring makaligtaan ng isang tao kung gaano kahalaga ang gawaing pangangaral. Sinisikap ng sanlibutan ni Satanas na udyukan tayong itaguyod ang pansariling mga tunguhin at di-gaanong mahahalagang bagay. (1 Ped. 5:8; 1 Juan 2:15-17) Naiwala ng ilan ang kanilang pagkaapurahan anupat hindi na nila priyoridad ang paglilingkod kay Jehova. Halimbawa, ang unang-siglong Kristiyano na si Demas ay dating “kamanggagawa” ni Pablo, pero nailihis siya ng di-makadiyos na sistema ng mga bagay. Sa halip na patibayin si Pablo sa panahon ng pagsubok, pinabayaan ni Demas si Pablo.​—Flm. 23, 24; 2 Tim. 4:10.

12. Anong oportunidad ang bukás sa atin ngayon, at anu-ano ang oportunidad na bukás sa atin sa hinaharap?

12 Para mapanatili ang ating pagkadama ng pagkaapurahan, kailangan nating paglabanan ang pagnanais na matikman ang lahat ng iniaalok ng sanlibutan. Kailangan tayong magsikap na ‘manghawakang mahigpit sa tunay na buhay.’ (1 Tim. 6:18, 19) Tiyak na sasang-ayon ka na kapag natamo natin ang buhay na walang hanggan sa ilalim ng Kaharian ng Diyos, napakarami nating oportunidad na masiyahan sa kawili-wiling mga gawain. Pero ang pagtulong sa iba na makaligtas sa Armagedon ay isang oportunidad na ngayon lang natin maaaring samantalahin.

13. Bilang mga Kristiyano, paano natin mapananatili ang ating pagkadama ng pagkaapurahan?

13 Yamang karamihan ng tao sa sanlibutan ay tulóg sa espirituwal, paano natin mapananatili ang ating pagkadama ng pagkaapurahan? Alalahanin natin na dati tayong natutulog sa kadiliman, wika nga. Pero ginising na tayo, at si Kristo ay sumikat sa atin, gaya ng sinabi ni Pablo. Pribilehiyo natin ngayon na maging mga tagapagdala ng liwanag. (Basahin ang Efeso 5:14.) Pagkatapos niyang sabihin iyan, sumulat si Pablo: “Manatili kayong mahigpit na nagbabantay na ang inyong paglakad ay hindi gaya ng di-marurunong kundi gaya ng marurunong, na binibili ang naaangkop na panahon para sa inyong sarili, sapagkat ang mga araw ay balakyot.” (Efe. 5:15, 16) Dahil sa gayong kabalakyutan, ‘bilhin natin ang panahon’ para sa mga gawaing tutulong sa atin na manatiling gising sa espirituwal.

NABUBUHAY TAYO SA MAHALAGANG PANAHON

14-16. Bakit mas apurahan ang pangangaral ng Kaharian ngayon higit kailanman?

14 Noon pa man ay apurahan na ang ministeryong Kristiyano, pero mas apurahan ito ngayon. Mula noong 1914, naging malinaw na ang tanda na inilarawan sa Salita ng Diyos. (Mat. 24:3-51) Ngayon lang nanganib nang ganito ang sangkatauhan. Sa kabila ng mga kasunduang pangkapayapaan kamakailan, ang mga bansang superpower ay mayroon pa ring mga 2,000 nuclear warhead. Iniulat ng mga awtoridad na daan-daang sandatang nuklear ang “nawawala.” Nasa kamay kaya ng mga terorista ang ilan sa mga ito? Sinasabi ng mga komentarista na napakadaling malipol ang sangkatauhan dahil sa digmaang kagagawan ng isang terorista. Pero hindi lang digmaan ang banta sa kaligtasan ng sangkatauhan.

15 “Ang pagbabago ng klima ang pinakamalaking banta sa kalusugan ng buong daigdig ngayong ika-21 siglo,” ang sabi ng isang ulat ng The Lancet at ng University College London noong 2009. Sinabi nito: “Ang mga epekto sa kalusugan ng pagbabago ng klima ay makaaapekto sa karamihan ng mga tao sa susunod na mga dekada at isasapanganib nito ang buhay at kapakanan ng bilyun-bilyon.” Kasali sa mga epektong ito ang malawakang pinsalang dulot ng tumataas na lebel ng dagat, mga tagtuyot, baha, epidemya, bagyo, at pag-aagawan sa papaubos na likas-yaman. Oo, banta sa sibilisasyon ang mga digmaan at sakuna.

16 Iniisip ng ilan na ang banta ng digmaang nuklear ay maaaring humantong sa mga pangyayaring tutupad sa “tanda.” Pero hindi nauunawaan ng karamihan ang tunay na kahulugan ng tanda. Maraming dekada na natin itong nakikita​—pahiwatig na natutupad na ang pagkanaririto ni Kristo at malapit nang magwakas ang sistemang ito ng mga bagay. (Mat. 24:3) Ngayon lang naging ganito kalinaw ang napakaraming aspekto ng tanda. Panahon na para gumising ang mga tao sa espirituwal na pagkakatulog. Makatutulong sa kanila ang ating ministeryo.

17, 18. (a) Paano nakaaapekto sa atin ang “kapanahunan”? (b) Paano maaaring magbago ang pangmalas ng mga tao sa mensahe ng Kaharian?

17 Maikling panahon na lang ang natitira para patunayan natin ang ating pag-ibig kay Jehova at para tapusin ang gawaing pangangaral na iniatas sa atin sa mga huling araw. Mas makahulugan ngayon ang sinabi ni Pablo sa mga Kristiyano sa Roma noong unang siglo: “Alam ninyo ang kapanahunan, na oras na upang gumising kayo sa pagkakatulog, sapagkat mas malapit na ngayon ang ating kaligtasan kaysa noong panahong tayo ay maging mga mananampalataya.”​—Roma 13:11.

18 Maaaring magising ang mga tao sa kanilang espirituwal na pangangailangan dahil sa mga pangyayaring inihulang magaganap sa mga huling araw. Nakikita naman ng iba na kailangan ng sangkatauhan ang tulong dahil sa pagkabigo ng pamahalaan ng tao na solusyunan ang pagbagsak ng ekonomiya, mga bantang nuklear, mararahas na krimen, o pagkasira ng kalikasan. At ang iba ay nagiging palaisip sa espirituwal dahil sa mga pangyayari sa kanilang pamilya, gaya ng pagkakasakit, diborsiyo, o pagkamatay ng mahal sa buhay. Matutulungan natin ang gayong mga tao kapag nakikibahagi tayo sa ministeryo.

NAKADAMA SILA NG PAGKAAPURAHAN

19, 20. Paano pinasimple ng maraming Kristiyano ang kanilang buhay dahil nakadama sila ng pagkaapurahan?

19 Dahil nakadama ng pagkaapurahan, maraming Kristiyano ang napakilos na palawakin ang kanilang ministeryo. Halimbawa, isang mag-asawang taga-Ecuador ang nagpasiyang pasimplehin ang kanilang buhay matapos silang dumalo sa araw ng pantanging asamblea na may temang “Panatilihing Simple ang Iyong Mata” noong 2006. Gumawa sila ng listahan ng mga bagay na hindi na nila kailangan. Nakatira sila sa apartment na may tatlong kuwarto, pero lumipat na lang sila sa may iisang kuwarto. Nagbenta rin sila ng ilang bagay at nabayaran ang lahat ng kanilang utang. Nagawa nila ito sa loob lang ng tatlong buwan. Di-nagtagal, nag-auxiliary pioneer sila at tinanggap ang mungkahi ng tagapangasiwa ng sirkito na maglingkod sa isang kongregasyon kung saan mas malaki ang pangangailangan.

20 Isang brother na taga-Hilagang Amerika ang sumulat: “Noong 2006, kaming mag-asawa ay 30 taon nang bautisado. Dumalo kami noon sa isang asamblea, at habang papauwi, pinag-usapan namin kung paano namin ikakapit ang payo na magpasimple ng buhay. (Mat. 6:19-22) Mayroon kaming tatlong bahay, lupa, mamahaling sasakyan, motorboat, at isang motor home. Naisip namin na napakamangmang namin, at nagpasiya kaming gawing tunguhin ang buong-panahong ministeryo. Noong 2008, nag-regular pioneer na kami gaya ng aming anak na babae. Napakasayang gumawang kasama ng mga kapatid! Nakapaglingkod kami kung saan mas malaki ang pangangailangan. Dahil mas marami kaming panahon sa ministeryo, mas napalapít kami kay Jehova. At talagang nakagagalak makita na tuwang-tuwa ang mga tao kapag narinig at naunawaan nila ang katotohanang nasa Salita ng Diyos.”

21. Anong kaalaman ang nagpapakilos sa atin na mangaral nang may pagkaapurahan?

21 Alam nating malapit nang danasin ng balakyot na sistemang ito ng mga bagay ang “araw ng paghuhukom at [ang] pagkapuksa ng mga taong di-makadiyos.” (2 Ped. 3:7) Ang kaalaman tungkol sa Salita ng Diyos ang nagpapakilos sa atin na ipahayag nang buong sigasig ang dumarating na malaking kapighatian at bagong sanlibutan. Damang-dama natin na apurahan ang pagbibigay ng tunay na pag-asa sa mga tao. Sa pamamagitan ng lubusang pakikibahagi sa apurahang gawaing ito, maipakikita natin ang tunay na pag-ibig sa Diyos at sa kapuwa.

[Mga Tanong sa Aralin]