Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

“Puwede Bang Magpa-picture?”

“Puwede Bang Magpa-picture?”

Si Josué, isang Bethelite sa Mexico, ay namamasyal noon sa lunsod ng Querétaro pagkatapos ng ikalawang araw ng isang pandistritong kombensiyon. Hiniling sa kaniya nina Javier at Maru, mag-asawang turista na taga-Colombia, na kunan sila ng litrato. Dahil si Josué at ang kaniyang mga kaibigang Saksi ay bihis na bihis at nakasuot ng badge card, tinanong sila ng mag-asawa kung galing sila sa isang graduation o iba pang espesyal na okasyon. Ipinaliwanag ni Josué na galing sila sa isang kombensiyon ng mga Saksi ni Jehova at inanyayahan nila ang mag-asawa na dumalo sa sesyon sa araw ng Linggo.

Nahihiyang dumalo ang mag-asawa dahil wala silang angkop na maisusuot para sa kombensiyon. Pero ibinigay pa rin ni Josué ang kaniyang pangalan at ang numero ng telepono sa tanggapang pansangay kung saan siya naglilingkod.

Nagulat si Josué nang kontakin siya ni Javier pagkaraan ng apat na buwan. Dumalo pala sa kombensiyon ang mag-asawa at gusto nilang dalawin sila ng mga Saksi ni Jehova sa Mexico City, kung saan sila nakatira nang panahong iyon. Di-nagtagal, napasimulan ang isang pag-aaral sa Bibliya kina Javier at Maru, at agad silang dumalo sa mga pulong. Makalipas ang sampung buwan, naging mamamahayag na sila. Bagaman lumipat sila sa Toronto, Canada, patuloy silang sumulong sa espirituwal at nabautismuhan.

Nang maglaon, nakatanggap si Josué ng liham mula kay Javier na nagsasabi kung bakit siya napakilos na tanggapin ang katotohanan. “Bago kami dumalo sa kombensiyon, napag-usapan naming mag-asawa na kailangan namin ng patnubay ng Diyos. Nang makita namin kung gaano kaayos ang pananamit ninyo, naisip namin na galing kayo sa isang napakaespesyal na pagtitipon. Sa kombensiyon, humanga kami sa mga tumulong sa amin na makahanap ng upuan at masubaybayan ang mga teksto sa Bibliya. Hanga rin kami sa paggawi ng mga dumalo. Parang bale-wala sa kanila kahit nakabihis-turista kami.”

Totoong-totoo sa kaso ni Josué ang sinabi ng matalinong si Haring Solomon: “Sa umaga ay ihasik mo ang iyong binhi at hanggang sa kinagabihan ay huwag mong pagpahingahin ang iyong kamay; sapagkat hindi mo nalalaman kung saan ito magtatagumpay, kung dito o doon, o kung ang dalawa ay parehong magiging mabuti.” (Ecles. 11:6) Makapaghahasik ka ba ng binhi sa pamamagitan ng pagpapatotoo tungkol sa dumarating na kombensiyon o pahayag pangmadla? Baka gamitin ka rin ni Jehova para maakay ang mga nagugutom at nauuhaw sa espirituwal tulad nina Javier at Maru.​—Isa. 55:1.

[Larawan sa pahina 32]

Mula sa kaliwa pakanan: Sina Alejandro Voeguelin, Maru Pineda, Alejandro Pineda, Javier Pineda, at Josué Ramírez sa sangay sa Mexico