Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Tulungan ang mga Tao na ‘Gumising sa Pagkakatulog’

Tulungan ang mga Tao na ‘Gumising sa Pagkakatulog’

“Alam ninyo ang kapanahunan, na oras na upang gumising kayo sa pagkakatulog.”​—ROMA 13:11.

1, 2. Sa anong diwa natutulog ang maraming tao ngayon?

TAUN-TAON, libu-libo ang namamatay dahil inantok sila o nakatulog pa nga habang nagmamaneho. Ang iba ay nasesesante dahil tinatanghali sila ng gising at hindi nakakapasok sa tamang oras, o nakakatulog sila sa trabaho. Pero mas mapanganib ang espirituwal na pag-aantok. Kaya naman sinasabi ng Bibliya: “Maligaya ang nananatiling gising.”​—Apoc. 16:14-16.

2 Habang papalapit ang dakilang araw ni Jehova, ang sangkatauhan ay natutulog sa espirituwal na diwa. Inamin pa nga ng ilang lider ng Sangkakristiyanuhan na tulóg ang kanilang mga miyembro. Ano ba ang espirituwal na pagkakatulog? Bakit mahalagang manatiling gising ang mga tunay na Kristiyano? Paano natin matutulungan ang iba na gumising mula sa espirituwal na pagkakatulog?

ANO ANG ESPIRITUWAL NA PAGKAKATULOG?

3. Ilarawan ang mga taong tulóg sa espirituwal.

3 Ang mga taong natutulog ay karaniwang di-aktibo. Sa kabaligtaran, ang mga taong tulóg sa espirituwal ay maaaring abalang-abala​—pero hindi sa espirituwal na mga bagay. Baka nagkukumahog sila dahil sa mga kabalisahan sa buhay o sa paghahanap ng kalayawan, katanyagan, o kayamanan. Kaya naman hindi sila gaanong nababahala sa kanilang espirituwal na mga pangangailangan. Samantala, alam ng mga taong gising sa espirituwal na nabubuhay na tayo “sa mga huling araw,” kung kaya aktibo sila sa paggawa ng kalooban ng Diyos.​—2 Ped. 3:3, 4; Luc. 21:34-36.

4. Ano ang ibig sabihin ng payo na: “Huwag na tayong matulog pa gaya ng ginagawa ng iba”?

4 Basahin ang 1 Tesalonica 5:4-8. Dito, hinimok ni apostol Pablo ang mga kapananampalataya na huwag nang “matulog pa gaya ng ginagawa ng iba.” Ano ang ibig niyang sabihin? Ang isang paraan na maaari tayong makatulog sa espirituwal ay sa pamamagitan ng pagwawalang-bahala sa mga pamantayang moral ni Jehova. Ang isa pang paraan ay sa pagwawalang-bahala na malapit na ang panahon para puksain ni Jehova ang mga di-makadiyos. Pakaingat tayo na huwag tularan ang paggawi at saloobin ng ganitong di-makadiyos na mga indibiduwal.

5. Anu-ano ang saloobin ng mga taong tulóg sa espirituwal?

5 Ang ilan ay hindi naniniwala na mayroong Diyos na hahatol sa kanila. (Awit 53:1) Iniisip naman ng iba na hindi interesado ang Diyos sa atin, kaya hindi rin tayo kailangang maging interesado sa kaniya. Inaakala ng iba na magiging kaibigan sila ng Diyos kung aanib sila sa isang relihiyon. Ang mga taong ito ay tulóg sa espirituwal. Kailangan nilang magising. Paano natin sila matutulungan?

KAILANGANG TAYO MISMO AY MANATILING GISING

6. Bakit dapat sikapin ng mga Kristiyano na manatiling gising sa espirituwal?

6 Para magising natin ang iba, kailangang tayo mismo ay gising. Ano ang sangkot dito? Iniuugnay ng Salita ng Diyos ang makasagisag na pagtulog sa “mga gawang nauukol sa kadiliman”​—walang-taros na pagsasaya, paglalasingan, bawal na pakikipagtalik, mahalay na paggawi, hidwaan, at paninibugho. (Basahin ang Roma 13:11-14.) Mahirap iwasan ang mga gawaing ito. Kailangan tayong maging mapagbantay. Kapag minamaliit ng isang drayber ang panganib na makatulog habang nagmamaneho, isinasapanganib niya ang kaniyang buhay. Napakahalaga ngang tandaan ng isang Kristiyano na nakamamatay ang espirituwal na pagkakatulog!

7. Paano makaaapekto sa atin ang maling pangmalas sa mga tao?

7 Halimbawa, baka isipin ng isang Kristiyano na hinding-hindi na tatanggap ng mabuting balita ang mga tao sa kaniyang teritoryo. (Kaw. 6:10, 11) Baka mangatuwiran siya, ‘Kung wala nang tutugon sa mabuting balita, bakit pa ako magpapakapagod na puntahan at tulungan ang mga tao?’ Pero kahit marami sa ngayon ang tulóg sa espirituwal, maaaring magbago ang kanilang kalagayan at saloobin. Ang ilan ay nagigising at tumutugon. At matutulungan natin sila kung tayo mismo ay mananatiling gising. Halimbawa, maaari nating subukan ang bago at mabibisang paraan ng pangangaral ng mensahe ng Kaharian. Para makapanatiling gising, kailangan nating tandaan kung bakit mahalaga ang ating ministeryo.

BAKIT NAPAKAHALAGA NG ATING MINISTERYO?

8. Bakit napakahalaga ng ministeryong Kristiyano?

8 Tandaan natin na anuman ang maging tugon ng mga tao, ang ating pangangaral ay dumadakila kay Jehova at tumutupad sa kaniyang layunin. Malapit nang dumanas ng parusang hatol ang mga hindi sumusunod sa mabuting balita. Ang mga tao ay hahatulan batay sa pagtugon nila sa ating pangangaral. (2 Tes. 1:8, 9) Nagkakamali tayo kung iniisip nating hindi na tayo kailangang mangaral nang puspusan dahil “magkakaroon [naman] ng pagkabuhay-muli kapuwa ng mga matuwid at mga di-matuwid.” (Gawa 24:15) Mula sa Salita ng Diyos, natutuhan natin na ang mga hahatulan bilang “mga kambing” ay “magtutungo sa walang-hanggang pagkalipol.” Ang ating pangangaral ay isang kapahayagan ng awa ng Diyos. Binubuksan din nito ang daan para ang mga tao ay magbago at magkaroon ng “buhay na walang hanggan.” (Mat. 25:32, 41, 46; Roma 10:13-15) Kung hindi tayo mangangaral, paano malalaman ng mga tao ang mensaheng ito na nagbibigay-buhay?

9. Bakit kapaki-pakinabang sa iyo at sa iba ang pangangaral mo ng mabuting balita?

9 Kapaki-pakinabang din sa atin ang pangangaral ng mabuting balita. (Basahin ang 1 Timoteo 4:16.) Tiyak na sasang-ayon ka na ang pangangaral tungkol kay Jehova at sa kaniyang Kaharian ay nagpapatibay sa iyong pananampalataya at pag-ibig sa Diyos. Hindi ba nakatulong ito sa iyo na linangin ang mga katangiang Kristiyano? At hindi ba nagiging maligaya ka kapag ipinakikita mo ang iyong debosyon sa Diyos sa pamamagitan ng pakikibahagi sa ministeryo? Maraming Kristiyano ang nakadama ng kagalakan nang makita nilang nagbago ang buhay ng kanilang tinuturuan sa Bibliya sa tulong ng espiritu ng Diyos.

MAGING MAPAGMASID

10, 11. (a) Paano naging alisto at mapagmasid sina Jesus at Pablo? (b) Ipaliwanag kung paano makatutulong sa ministeryo ang pagiging alisto at mapagmasid.

10 Puwedeng pukawin ang interes ng mga tao sa mabuting balita sa iba’t ibang paraan. Kaya naman ang mga ministrong Kristiyano ay dapat maging alistong tagapagmasid. Si Jesus ang ating huwaran. Palibhasa’y sakdal, nahalata niya ang paghihimutok ng isang Pariseo at napansin ang taimtim na pagsisisi ng isang babaing makasalanan at ang pagsasakripisyo ng isang babaing balo. (Luc. 7:37-50; 21:1-4) Kaya naman natugunan ni Jesus ang espirituwal na pangangailangan ng bawat isa sa kanila. Pero hindi kailangang maging sakdal ang isang lingkod ng Diyos para maging mabuting tagapagmasid. Isang halimbawa si apostol Pablo. Ibinagay niya ang kaniyang presentasyon sa iba’t ibang tao na may iba’t ibang saloobin.​—Gawa 17:22, 23, 34; 1 Cor. 9:19-23.

11 Kung tutularan natin ang pagiging alisto at mapagmasid nina Jesus at Pablo, malalaman natin kung paano pupukawin ang interes ng mga nakakausap natin. Halimbawa, bago lumapit sa isang tao, maging mapagmasid para magkaideya ka kung ano ang kaniyang kultura at interes, o kung mayroon siyang asawa o mga anak. Baka mapansin mo kung ano ang kasalukuyang ginagawa niya at may masasabi ka tungkol dito para mapasimulan ang inyong pag-uusap.

12. Habang nasa ministeryo, ano ang dapat nating tandaan sa pakikipag-usap sa ating kapartner?

12 Ang alistong tagapagmasid ay umiiwas sa mga pang-abala. Habang nasa ministeryo, maaaring maging nakapagpapatibay ang ating pakikipag-usap sa ating kapartner. Pero tandaan natin na ang layunin ng ating ministeryo ay upang mangaral sa iba. (Ecles. 3:1, 7) Kaya dapat nating tiyakin na ang pag-uusap natin ng ating kapartner ay hindi makagagambala sa ating ministeryo. Maipopokus natin ang ating isip sa layunin ng ating ministeryo kung pag-uusapan natin ang mga paksang ibabahagi natin sa mga interesado. At bagaman puwedeng makatulong sa ating ministeryo ang cellphone, tiyaking hindi ito makagagambala sa ating pakikipag-usap sa may-bahay.

MAGPAKITA NG PERSONAL NA INTERES

13, 14. (a) Paano natin malalaman ang interes ng isang tao? (b) Ano ang maaaring pumukaw sa interes ng mga tao sa espirituwal na mga bagay?

13 Ang mga ministrong gising at alisto ay nakikinig nang mabuti sa kanilang kausap. Anu-anong tanong ang puwede mong gamitin para mapasigla ang kausap mo na sabihin ang kaniyang opinyon? Pinag-iisipan ba niya ang tungkol sa pagdami ng relihiyon, karahasan sa kanilang lugar, o ang pagkukulang ng gobyerno? Mapupukaw mo ba ang interes nila sa espirituwal na mga bagay sa pamamagitan ng pagkokomento tungkol sa kamangha-manghang disenyo ng mga nilalang o pagpapaliwanag kung gaano kapraktikal ang payo ng Bibliya? Halos lahat ng tao, anuman ang kultura, pati na ang ilang ateista, ay interesado sa panalangin. Marami ang nag-iisip kung may dumirinig ng kanilang panalangin. Baka iniisip naman ng ilan: Pinakikinggan ba ng Diyos ang lahat ng panalangin? Kung hindi, ano ang dapat nating gawin para pakinggan tayo ng Diyos?

14 Kung pagmamasdan natin ang makaranasang mga mamamahayag, marami tayong matututuhan tungkol sa pagpapasimula ng pag-uusap. Pansinin kung paano nila iniiwasang magtinging nag-iimbestiga o nanghihimasok. Pansinin din kung paano nila ipinakikita ang interes sa pananaw ng may-bahay sa pamamagitan ng tono ng kanilang boses at ekspresyon ng mukha.​—Kaw. 15:13.

KABAITAN AT KASANAYAN

15. Bakit tayo dapat magpakita ng kabaitan kapag nangangaral?

15 Gusto mo bang gisingin ka habang natutulog ka nang mahimbing? Marami ang magagalit kung gagawin ito sa kanila. Mas mabuting dahan-dahang gisingin ang natutulog. Totoo rin ito kung ang ginigising mo ay mga tulóg sa espirituwal. Halimbawa, kung magalit ang may-bahay dahil sa pagdalaw mo, ano ang pinakamagandang gawin? Igalang ang kaniyang damdamin, pasalamatan siya, at mahinahong magpaalam. (Kaw. 15:1; 17:14; 2 Tim. 2:24) Baka dahil sa kabaitan mo ay mas maganda ang maging pagtugon niya sa susunod na pagdalaw ng mga Saksi.

16, 17. Paano tayo makapagpapakita ng kaunawaan sa ating ministeryo?

16 Kung minsan, puwedeng mapagtagumpayan ang negatibong pagtugon. Baka sabihin ng iba, “Di bale na lang, may relihiyon na ako” o, “Hindi ako interesado,” para lang matapos na ang pag-uusap ninyo. Pero kung magiging mapamaraan ka at magpapakita ng kabaitan, baka makapagbangon ka ng tanong na pupukaw sa interes ng may-bahay.​—Basahin ang Colosas 4:6.

17 Kapag nakita natin na talagang abala ang kausap natin, maging makonsiderasyon at magpaalam. Pero kung minsan, baka puwede tayong makapag-iwan ng maikli pero makabuluhang mensahe. May ilang kapatid na nakapagbubuklat ng Bibliya, nakapagbabasa ng isang angkop na teksto, at nakapag-iiwan ng tanong sa may-bahay sa loob lang ng wala pang isang minuto. Ang kanilang maikling presentasyon ay nakapupukaw ng interes ng may-bahay, anupat gusto pa nitong makipag-usap. Bakit hindi mo subukan iyan kung ipinahihintulot ng sitwasyon?

18. Ano ang magagawa natin para maging mas epektibo tayo sa di-pormal na pagpapatotoo?

18 Sa ating pang-araw-araw na mga gawain, mapupukaw rin natin ang interes ng mga tao sa mabuting balita kung handa tayong magpatotoo nang di-pormal. Maraming kapatid ang naglalagay ng ilang literatura sa kanilang bulsa o bag. May nakahanda na rin silang teksto na puwedeng basahin sa iba kapag may pagkakataon. Para magawa ito, puwede kang magpatulong sa tagapangasiwa sa paglilingkod o sa mga payunir sa inyong kongregasyon.

MAHINAHONG GISINGIN ANG ATING MGA KAMAG-ANAK

19. Bakit hindi tayo dapat sumuko sa pagtulong sa ating mga kamag-anak?

19 Gusto nating tulungang tumanggap ng mabuting balita ang ating mga kamag-anak. (Jos. 2:13; Gawa 10:24, 48; 16:31, 32) Pero kung sa simula ay tanggihan nila ang ating pagsisikap, baka sumuko na tayo. Baka isipin nating wala na tayong magagawa o masasabi na makapagpapabago ng kanilang saloobin. Pero may mga pangyayari na puwedeng magpabago sa kanilang sitwasyon o pananaw. O baka naman sa paglipas ng panahon ay maging mas mahusay ka na sa pagpapaliwanag sa katotohanan, kaya baka magbago ang kanilang pagtugon.

20. Bakit mahalagang maging mataktika kapag nakikipag-usap sa mga kamag-anak?

20 Maging makonsiderasyon tayo sa damdamin ng ating mga kamag-anak. (Roma 2:4) Kung paanong mabait tayong makipag-usap sa mga tao kapag nangangaral, hindi ba dapat na gayon din tayo sa ating mga kamag-anak? Maging mahinahon at magalang. Ibahagi sa kanila kung paano ka natulungan ng katotohanan, pero huwag magsermon. (Efe. 4:23, 24) Ipaliwanag sa kanila kung paano naging makabuluhan ang buhay mo dahil kay Jehova, “na nagtuturo sa iyo upang makinabang ka.” (Isa. 48:17) Ipakita mo sa kanila ang iyong halimbawa ng Kristiyanong pamumuhay.

21, 22. Ilahad ang isang karanasan na nagpapakitang mahalaga ang pagtitiyaga sa pagtulong sa ating mga kamag-anak.

21 Isang sister ang sumulat: “Lagi akong nagpapatotoo sa aking 13 kapatid sa pamamagitan ng gawa at salita. Sinisikap kong sulatan sila taun-taon. Pero sa loob ng 30 taon, ako lang ang Saksi sa pamilya namin.”

22 Ikinuwento pa ng sister: “Isang araw, tinawagan ko ang isang ate ko na nakatira sa malayo. Nagpapaturo daw siya ng Bibliya sa pastor nila, pero hindi siya tinuruan nito. Nang sabihin ko sa kaniya na gusto ko siyang tulungan, sinabi niya: ‘Sige, pero tatapatin kita: Hinding-hindi ako magiging Saksi ni Jehova.’ Pinadalhan ko siya ng aklat na Ano ba Talaga ang Itinuturo ng Bibliya?, at tinatawag-tawagan ko siya. Pero hindi pa niya binubuksan ang aklat. Sa wakas, nang tawagan ko siya uli, ipinakuha ko sa kaniya ang aklat, at sa loob ng mga 15 minuto, nagbasa kami at pinag-usapan ang ilang tekstong sinipi. Pagkaraan ng ilang tawagan, gusto na niyang mag-aral nang mahigit sa 15 minuto. Pagkatapos, siya na ang tumatawag sa akin para magpa-study, kung minsan nga ay kagigising ko pa lang at kung minsan naman ay dalawang beses maghapon. Nang sumunod na taon, nabautismuhan siya, at nang sumunod na taon pa, nagpayunir siya.”

23. Bakit hindi tayo dapat manghimagod sa pagsisikap na gisingin ang mga tao mula sa espirituwal na pagkakatulog?

23 Kailangan ang kasanayan at tiyaga para tulungan ang mga tao na magising sa espirituwal na pagkakatulog. Mayroon pang maaamo na tumutugon sa ating pagsisikap na gisingin sila. Sa katamtaman, mahigit 20,000 ang nababautismuhan bilang Saksi ni Jehova bawat buwan. Kaya dibdibin natin ang payo ni Pablo sa ating kapatid na si Arquipo noong unang siglo: “Patuloy mong ingatan ang ministeryo na tinanggap mo sa Panginoon, na tuparin mo ito.” (Col. 4:17) Tutulungan tayo ng susunod na artikulo na maunawaan kung ano ang ibig sabihin ng pangangaral nang may pagkaapurahan.

[Mga Tanong sa Aralin]

[Kahon sa pahina 13]

KUNG PAANO KA MAKAPANANATILING GISING

▪ Maging abala sa paggawa ng kalooban ng Diyos

▪ Iwasan ang mga gawang nauukol sa kadiliman

▪ Maging alisto sa panganib ng espirituwal na pagkakatulog

▪ Panatilihin ang positibong pangmalas sa mga tao sa inyong teritoryo

▪ Subukan ang mga bagong paraan ng pangangaral

▪ Tandaan ang kahalagahan ng iyong ministeryo