Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Iniingatan Tayo ni Jehova Para sa Ating Kaligtasan

Iniingatan Tayo ni Jehova Para sa Ating Kaligtasan

“[Kayo ay] iniingatan ng kapangyarihan ng Diyos sa pamamagitan ng pananampalataya ukol sa isang kaligtasan na handa nang isiwalat sa huling yugto ng panahon.”​—1 PED. 1:5.

1, 2. (a) Bakit tayo nakatitiyak na tutulungan tayo ng Diyos na manatiling tapat? (b) Gaano kakilala ni Jehova ang bawat isa sa atin?

“SIYA na nakapagbata hanggang sa wakas ang siyang maliligtas.” (Mat. 24:13) Ipinakikita ng sinabi ni Jesus na kailangan tayong manatiling tapat hanggang sa wakas para maligtas tayo kapag inilapat na ng Diyos ang kaniyang hatol sa sanlibutan ni Satanas. Pero hindi naman ibig sabihin na inaasahan ni Jehova na makapagbabata tayo sa sarili nating lakas o karunungan. Tinitiyak ng Bibliya: “Ang Diyos ay tapat, at hindi niya hahayaang tuksuhin kayo nang higit sa matitiis ninyo, kundi kalakip ng tukso ay gagawa rin siya ng daang malalabasan upang mabata ninyo iyon.” (1 Cor. 10:13) Ano ang ipinahihiwatig niyan?

2 Hindi hahayaan ni Jehova na tuksuhin tayo nang higit sa matitiis natin. Magagawa niya ito dahil alam niya ang lahat ng tungkol sa atin, pati na ang ating mga problema, ang ating pagkatao, at kung gaano lang ang kaya nating batahin. Gayon ba talaga tayo kakilala ng Diyos? Oo. Ipinakikita ng Kasulatan na kilalang-kilala ni Jehova ang bawat isa sa atin. Alam niya ang ating mga ugali at pang-araw-araw na rutin. May kakayahan pa nga siyang alamin ang kaisipan at intensiyon ng ating puso.​—Basahin ang Awit 139:1-6.

3, 4. (a) Paano ipinakikita ng karanasan ni David na interesado si Jehova sa bawat isa sa atin? (b) Anong kamangha-manghang gawain ang isinasagawa ni Jehova sa ngayon?

3 Mahirap bang paniwalaan na magkakaroon ng gayong interes ang Diyos sa hamak na mga tao? Pinag-isipan ng salmistang si David ang tanong na iyan. Sinabi niya kay Jehova: “Kapag tinitingnan ko ang iyong langit, ang mga gawa ng iyong mga daliri, ang buwan at ang mga bituin na iyong inihanda, ano ang taong mortal anupat iniingatan mo siya sa isipan?” (Awit 8:3, 4) Malamang na naitanong ito ni David dahil sa kaniyang naging karanasan. Noong siya, ang bunsong anak ni Jesse, ay isang pastol pa lamang, sinabi ni Jehova na siya’y “isang lalaking kalugud-lugod sa kaniyang puso” at kinuha Niya siya “mula sa pagsunod sa kawan upang maging isang lider” ng Israel. (1 Sam. 13:14; 2 Sam. 7:8) Alam ng Maylalang ng uniberso ang naiisip at nadarama ni David kahit isa lamang siyang batang pastol. Isip-isipin ang kagalakang nadama ni David dahil dito!

4 Kamangha-mangha rin ang interes na ipinakikita ni Jehova sa atin ngayon. Tinitipon niya ang “mga kanais-nais na bagay ng lahat ng mga bansa” para maging mga mananamba niya. (Hag. 2:7) Tinutulungan din niya sila na makapanatiling tapat. Para maunawaan natin kung paano ito ginagawa ni Jehova, talakayin muna natin kung paano niya inilalapit sa tunay na pagsamba ang mga tao.

INILALAPIT TAYO NG DIYOS

5. Paano inilalapit ni Jehova sa kaniyang Anak ang mga tao? Magbigay ng halimbawa.

5 Sinabi ni Jesus: “Walang taong makalalapit sa akin malibang ilapit siya ng Ama, na nagsugo sa akin.” (Juan 6:44) Ipinakikita niyan na kailangan natin ang tulong ng Diyos para maging alagad ni Kristo. Paano inilalapit ni Jehova sa kaniyang Anak ang tulad-tupang mga tao? Sa pamamagitan ng pangangaral ng mabuting balita at ng kaniyang banal na espiritu. Halimbawa, noong nasa Filipos si Pablo at ang kaniyang mga kasamang misyonero, nakilala nila si Lydia at ibinahagi sa kaniya ang mabuting balita. Sinasabi ng Bibliya: “Binuksang mabuti ni Jehova ang kaniyang puso upang magbigay-pansin sa mga bagay na sinasalita ni Pablo.” Ginamit ng Diyos ang kaniyang espiritu para maunawaan ni Lydia ang mensahe, kung kaya nabautismuhan siya at ang kaniyang sambahayan.​—Gawa 16:13-15.

6. Paano tayo inilapit ng Diyos sa tunay na pagsamba?

6 Si Lydia lang ba ang may ganiyang karanasan? Hindi. Kung isa kang nakaalay na Kristiyano, inilapit ka rin ng Diyos sa tunay na pagsamba. Gaya kay Lydia, may mabuting bagay rin na nakita ang ating makalangit na Ama sa puso mo. Nang magsimula kang makinig sa mabuting balita, tinulungan ka ni Jehova na maunawaan ito sa pamamagitan ng banal na espiritu. (1 Cor. 2:11, 12) Nang magsimula kang magkapit ng iyong natutuhan, pinagpala niya ang iyong mga pagsisikap. Masayang-masaya siya nang ialay mo sa kaniya ang iyong buhay. Oo, kasama mo si Jehova sa bawat hakbang mula nang magsimula kang tumahak sa landas ng buhay.

7. Bakit tayo nakatitiyak na tutulungan tayo ng Diyos na makapanatiling tapat?

7 Tinulungan tayo ni Jehova nang magsimula tayong lumakad na kasama niya. Kaya naman, makatitiyak tayo na patuloy niya tayong tutulungan na makapanatiling tapat. Kung paanong hindi tayo natuto ng katotohanan sa sarili nating pagsisikap, alam niyang hindi rin tayo makapananatili sa katotohanan kung wala ang tulong niya. Sumulat si apostol Pedro sa mga pinahirang Kristiyano: “[Kayo ay] iniingatan ng kapangyarihan ng Diyos sa pamamagitan ng pananampalataya ukol sa isang kaligtasan na handa nang isiwalat sa huling yugto ng panahon.” (1 Ped. 1:5) Ang mga salitang iyan ay kapit sa lahat ng Kristiyano at dapat tayong maging interesado rito. Bakit? Dahil kailangan nating lahat ang tulong ng Diyos para makapanatiling tapat sa kaniya.

PINIPIGILAN SA PAGGAWA NG MALING HAKBANG

8. Bakit posibleng makagawa tayo ng maling hakbang?

8 Dahil sa di-kasakdalan at mga problema sa buhay, baka mawala ang pokus natin sa espirituwal na mga bagay at makagawa tayo ng maling hakbang nang di-namamalayan. (Basahin ang Galacia 6:1.) Ganiyan ang minsang nangyari kay David.

9, 10. Paano pinigilan ni Jehova si David sa paggawa ng maling hakbang? Ano ang ginagawa ni Jehova para sa atin ngayon?

9 Noong tinutugis siya ni Haring Saul, nagpakita si David ng matinding pagpipigil at hindi gumanti sa naiinggit na haring iyon. (1 Sam. 24:2-7) Pero di-nagtagal, naiwala ni David ang kaniyang pagpipigil sa sarili. Nang siya at ang kaniyang mga tauhan ay mangailangan ng tubig at pagkain, magalang siyang humingi ng tulong sa kaniyang kapuwa Israelita na si Nabal. Sa halip na tumulong, ininsulto pa ni Nabal si David. Sa galit ni David, naghanda siya para maghiganti at patayin si Nabal at ang lahat ng lalaki sa sambahayan nito. Hindi niya naisip na mananagot siya sa Diyos kung papatay siya ng inosenteng mga tao. Pero pinigilan siya ng asawa ni Nabal na si Abigail sa paggawa ng malaking pagkakamaling ito. Nang maunawaan ni David na ginamit ni Jehova si Abigail, sinabi niya rito: “Pagpalain si Jehova na Diyos ng Israel, na siyang nagsugo sa iyo sa araw na ito upang salubungin ako! At pagpalain ang iyong katinuan, at pagpalain ka na siyang pumigil sa akin sa araw na ito mula sa pagpasok sa pagkakasala sa dugo at sa paggamit ng aking sariling kamay para sa aking kaligtasan.”​—1 Sam. 25:9-13, 21, 22, 32, 33.

10 Ano ang matututuhan natin sa ulat na ito? Kung paanong ginamit ni Jehova si Abigail para pigilan si David, maaari din tayong pigilan ni Jehova sa paggawa ng maling hakbang. Pero hindi tayo dapat umasa na laging magsusugo si Jehova ng tao para pigilan tayong gumawa ng mali. Hindi rin natin alam kung ano ang eksaktong gagawin ni Jehova sa isang sitwasyon o kung ano ang ipahihintulot niyang mangyari para matupad ang kaniyang layunin. (Ecles. 11:5) Pero makapagtitiwala tayo na laging alam ni Jehova ang ating sitwasyon at tutulungan niya tayong makapanatiling tapat sa kaniya. Tinitiyak niya sa atin: “Pagkakalooban kita ng kaunawaan at tuturuan kita hinggil sa daan na dapat mong lakaran. Magpapayo ako habang ang aking mata ay nakatingin sa iyo.” (Awit 32:8) Paano nagbibigay ng payo si Jehova? Paano tayo makikinabang dito? At bakit tayo makatitiyak na ginagabayan ni Jehova ang kaniyang bayan sa ngayon? Pansinin kung paano sinasagot ng aklat ng Apocalipsis ang mga tanong na ito.

INIINGATAN SA PAMAMAGITAN NG PAYO

11. Gaano ang nalalaman ni Jehova sa nangyayari sa mga kongregasyon ng kaniyang bayan?

11 Sa pangitaing nakaulat sa Apocalipsis kabanata 2 at 3, siniyasat ng niluwalhating si Jesu-Kristo ang pitong kongregasyon sa Asia Minor. Isinisiwalat ng pangitain na hindi lang pangkalahatang kalagayan ng mga kongregasyon ang nakikita ni Kristo, kundi pati ang espesipikong mga sitwasyon ng mga ito. May mga pagkakataong bumanggit siya ng mga indibiduwal, at nagbigay siya ng angkop na komendasyon o payo. Ano ang ipinahihiwatig nito? Ang pitong kongregasyon ay kumakatawan sa mga pinahirang Kristiyano pagkatapos ng 1914, at ang payong ibinigay sa kanila ay kapit din sa lahat ng kongregasyon ng bayan ng Diyos sa ngayon. Kaya masasabi nating ginagabayan ni Jehova ang kaniyang bayan sa pamamagitan ng kaniyang Anak. Paano tayo makikinabang sa Kaniyang patnubay?

12. Paano tayo maaaring magpagabay kay Jehova?

12 Ang isang paraan para makinabang tayo sa paggabay ni Jehova ay sa pamamagitan ng personal na pag-aaral. Binibigyan tayo ni Jehova ng saganang payo sa pamamagitan ng mga publikasyon ng uring tapat at maingat na alipin. (Mat. 24:45) Pero para makinabang, kailangan tayong maglaan ng panahon na pag-aralan ang mga ito at ikapit ang ating natututuhan. Ang personal na pag-aaral ay isang paraan para ‘mabantayan tayo ni Jehova mula sa pagkakatisod.’ (Jud. 24) May nabasa ka na ba sa ating publikasyon na akmang-akma sa iyo anupat nasabi mo, ‘Isinulat ito para sa akin’? Tanggapin mo ang payong ito bilang pagtutuwid ni Jehova. Kung paanong maaari kang tapikin sa balikat ng isang kaibigan para itawag-pansin sa iyo ang isang bagay, maaaring gamitin ni Jehova ang kaniyang espiritu para itawag-pansin sa iyo ang isang bagay na kailangan mong pasulungin sa iyong paggawi o personalidad. Kapag tinatanggap natin ang patnubay ng banal na espiritu, nagpapagabay tayo kay Jehova. (Basahin ang Awit 139:23, 24.) Kung gayon, suriin natin ang ating kaugalian sa pag-aaral.

13. Bakit makabubuting suriin natin ang ating kaugalian sa pag-aaral?

13 Ang labis-labis na panahong ginugugol sa paglilibang ay uubos ng iyong panahon para sa personal na pag-aaral. Sinabi ng isang brother: “Napakadaling mapabayaan ang personal na pag-aaral. Napakaraming libangan ngayon kumpara noon, at mas mura na ang mga ito. Mayroon nito sa TV, sa computer, at sa cellphone. Napakalaganap nito.” Kung hindi tayo mag-iingat, unti-unting mauubos ang ating panahon na dapat sanang gamitin sa masusing personal na pag-aaral. (Efe. 5:15-17) Makabubuting itanong natin sa ating sarili: ‘Gaano kadalas akong gumugol ng panahon sa dibdibang pag-aaral ng Salita ng Diyos? Kapag may pahayag lang ba ako o bahagi sa pulong na kailangang ihanda?’ Kung oo, magagamit natin ang gabi ng pampamilyang pagsamba o personal na pag-aaral para masusing saliksikin ang karunungan ni Jehova, anupat para tayong naghahanap ng kayamanan. Ang karunungang ito ay inilalaan ni Jehova para maingatan at maligtas tayo.​—Kaw. 2:1-5.

PINATITIBAY-LOOB PARA MAKAPAGBATA

14. Paano ipinakikita ng Kasulatan na nagbibigay-pansin si Jehova sa ating nadarama?

14 Napaharap si David sa maraming kabagabagan sa buhay. (1 Sam. 30:3-6) Ipinakikita ng Bibliya na alam ni Jehova ang nadarama ni David. (Basahin ang Awit 34:18; 56:8.) Alam din ng Diyos ang ating nadarama. Kapag “wasak ang puso” natin o ‘nasisiil ang ating espiritu,’ lumalapit siya sa atin. Ang pagkaalam sa bagay na ito ay nakaaaliw na sa atin, kung paanong naaliw si David, na umawit: “Ako ay magagalak at magsasaya sa iyong maibiging-kabaitan, sapagkat nakita mo ang aking kapighatian; nalaman mo ang tungkol sa mga kabagabagan ng aking kaluluwa.” (Awit 31:7) Pero hindi lang basta napapansin ni Jehova ang ating kabagabagan. Binibigyan din niya tayo ng kaaliwan at pampatibay-loob para makapagbata. Ang isang paraan ay sa pamamagitan ng ating Kristiyanong pagpupulong.

15. Ano ang matututuhan natin sa karanasan ni Asap?

15 Makikita sa karanasan ni Asap kung bakit mabuting dumalo tayo sa pagpupulong. Nang isip-isipin ni Asap ang mga kawalang-katarungang nakikita niya, nag-alinlangan siya kung sulit maglingkod sa Diyos. Nasiraan siya ng loob. Sinabi niya: “Ang aking puso ay pumait at sa aking mga bato ay nagkaroon ako ng matinding kirot.” Kaya muntik na siyang huminto sa paglilingkod kay Jehova. Paano naituwid si Asap? Sinabi niya: “Ako ay pumasok sa maringal na santuwaryo ng Diyos.” Doon, kasama ng mga kapuwa mananamba ni Jehova, naituwid ang kaniyang pangmalas. Nakita niyang pansamantala lang ang tagumpay ng mga balakyot, at tiyak na itutuwid ni Jehova ang mga bagay-bagay. (Awit 73:2, 13-22) Gaya ni Asap, baka kung minsan ay masiraan din tayo ng loob kapag nakikita natin ang kawalang-katarungan sa sanlibutan ni Satanas. Pero kapag nakikipagtipon tayo sa ating mga kapatid, napalalakas tayo at natutulungan na patuloy na maglingkod kay Jehova nang may kagalakan.

16. Ano ang matututuhan natin sa halimbawa ni Hana?

16 Pero paano kung dahil sa ilang kalagayan sa kongregasyon ay nahihirapan kang dumalo sa pagpupulong? Baka nahihiya ka dahil kinailangan mong bitiwan ang iyong pribilehiyo sa paglilingkod, o mayroon kang di-nakasundong kapatid. Kung gayon, makatutulong sa iyo ang halimbawa ni Hana. (Basahin ang 1 Samuel 1:4-8.) Tandaan na lubha siyang naligalig dahil kay Penina, ang karibal niya sa kaniyang asawa. Nagiging mas mahirap ang sitwasyon taun-taon tuwing pumupunta sa Shilo ang buong pamilya para maghandog kay Jehova. Sa tindi ng pamimighati ni Hana, “tumatangis siya at hindi kumakain.” Pero hindi niya hinayaang pahintuin siya nito sa pagpunta sa dako ng pagsamba kay Jehova. Nakita ni Jehova ang kaniyang katapatan at pinagpala siya.​—1 Sam. 1:11, 20.

17, 18. (a) Sa anu-anong paraan tayo nakatatanggap ng pampatibay-loob sa Kristiyanong pagpupulong? (b) Ano ang nadarama mo sa magiliw na pangangalagang inilalaan ni Jehova para sa ating kaligtasan?

17 Dapat tularan ng mga Kristiyano sa ngayon ang halimbawa ni Hana. Kailangan tayong maging regular sa pagdalo sa mga pulong. Napatunayan natin na ang mga pulong ay nakapagpapatibay sa atin. (Heb. 10:24, 25) Dito, nadarama natin ang pag-ibig ng mga kapatid at nakaaaliw ito sa atin. Naaantig ang ating puso sa mga pahayag o komento. Bago o pagkatapos ng pulong, baka may kapatid na maglaan ng panahon para makinig sa atin o magsabi ng bagay na makapagpapagaan ng ating loob. (Kaw. 15:23; 17:17) Sumisigla tayo kapag umaawit ng papuri kay Jehova. Kapag tayo ay binabagabag ng “mga nakababalisang kaisipan,” lalo nating kailangan ang pampatibay na nakukuha natin sa mga pulong. Dito, ang “mga pang-aaliw” ni Jehova ay nakapagpapatibay sa atin at tutulong sa atin na manatiling tapat.​—Awit 94:18, 19.

18 Palibhasa’y panatag sa magiliw na pangangalaga ng ating Diyos, nadarama natin ang gaya ng nadama ng salmistang si Asap, na umawit kay Jehova: “Tinanganan mo ang aking kanang kamay. Papatnubayan mo ako ng iyong payo.” (Awit 73:23, 24) Laking pasasalamat natin na iniingatan tayo ni Jehova para sa ating kaligtasan!

[Mga Tanong sa Aralin]

[Larawan sa pahina 28]

Inilapit ka rin ni Jehova sa tunay na pagsamba

[Mga larawan sa pahina 30]

Naiingatan tayo sa pamamagitan ng pagkakapit ng payo ng Diyos

[Larawan sa pahina 31]

Pinatitibay-loob tayo para makapagbata