Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Natatandaan Mo Ba?

Natatandaan Mo Ba?

Nabasa mo bang mabuti ang nakaraang mga isyu ng Bantayan? Tingnan kung masasagot mo ang mga sumusunod:

Sa anong diwa maaaring magsilbing babalang halimbawa sa atin si Solomon?

Si Haring Solomon ay pinagpala at ginamit ng Diyos. Pero noong naghahari siya, lumihis siya sa pamantayan ng Diyos. Pinakasalan niya ang paganong anak na babae ni Paraon, kumuha ng maraming asawa, at pinahintulutan niya ang mga babaing pagano na unti-unti siyang ibaling sa huwad na pagsamba. Mag-ingat tayo na huwag magkaroon ng maling mga saloobin o hilig. (Deut. 7:1-4; 17:17; 1 Hari 11:4-8)​—12/15, pahina 10-12.

Bakit natin masasabi na si Sara ay isang makadiyos na babae at minamahal na asawa?

Nang utusan ng Diyos si Abraham na lisanin ang Ur, kailangan nilang iwan ang kanilang mga kapamilya, kaibigan, at paraan ng pamumuhay upang magtungo sa isang di-tiyak na destinasyon. Pero nakipagtulungan kay Abraham si Sara, na nagtitiwalang pagpapalain siya ng Diyos. Iginalang niya si Abraham at nagpakita ng magagandang katangian.​—1/1, pahina 8.

Bakit hinilingan ni Jehova si Abraham na ihandog ang kaniyang pinakamamahal na anak?

Mahalagang tandaan na hindi naman aktuwal na pinahintulutan ng Diyos na maihandog ni Abraham si Isaac. Ito ay isang paglalarawan ng malaking sakripisyong gagawin ng Diyos, ang paghahandog sa kaniyang Anak na si Jesus.​—1/1, pahina 23.

Ano ang nagpapahiwatig na laging magkakaroon ng mga tunay na pinahirang Kristiyano sa lupa mula noong unang siglo?

Sa talinghaga ni Jesus tungkol sa “trigo” at sa mga “panirang-damo,” ang “mainam na binhi” ay tumutukoy sa “mga anak ng kaharian.” (Mat. 13:24-30, 38) Ang mga panirang-damo ay tutubong kasama ng trigo hanggang sa pag-aani. Kaya bagaman hindi natin matitiyak kung sinu-sinong indibiduwal ang kabilang sa uring trigo, laging magkakaroon ng mga ito hanggang sa ating panahon.​—1/15, pahina 7.

Anong mga pangyayari ang tuwirang hahantong sa Armagedon?

Ang mga bansa ay maglalabas ng isang napakahalagang deklarasyon ng “Kapayapaan at katiwasayan!” (1 Tes. 5:3) Babalingan ng mga pamahalaan ang huwad na relihiyon. (Apoc. 17:15-18) Sasalakayin ang mga mananamba ng Diyos na Jehova. Kung magkagayo’y darating ang wakas.​—2/1, pahina 9.

Paano natin mapaglalabanan ang inggit?

Ang mga hakbang na makatutulong sa atin ay ang sumusunod: Linangin ang pag-ibig at pagmamahal sa kapatid, makisama sa mga taong makadiyos, gumawa ng mabuti, ‘makipagsaya sa mga nagsasaya.’ (Roma 12:15)​—2/15, pahina 16-17.

Sino ang nagsasalita ng wikang Nahuatl, at anong mga pagsisikap ang ginagawa para sa kanila?

Nahuatl ang wika ng mga sinaunang Aztec, at ginagamit pa rin ito ng 1.5 milyong tao sa Mexico. Ang mga Saksi ay nangangaral sa wikang Nahuatl, at makukuha ang ilang literatura natin sa wikang ito.​—3/1, pahina 13-14.

Anong mga simulain ang dapat nating tandaan kapag nagbibigay ng payo?

Alamin ang tunay na sitwasyon. Huwag magpadalus-dalos sa pagsagot. Mapagpakumbabang ikapit ang Salita ng Diyos. Kung posible, gamitin ang ating mga publikasyon. Huwag magdesisyon para sa iba.​—3/15, pahina 7-9.

Hinimok ni Jesus ang kaniyang mga tagapakinig na sumama nang dalawang milya. (Mat. 5:41) Ano ang ibig niyang sabihin?

Nang panahong iyon, ang Israel ay sakop ng Roma. Maaaring sapilitang pagtrabahuhin ng mga Romano ang isang lalaki. Nang himukin ni Jesus ang kaniyang mga tagapakinig na sumama nang dalawang milya, sinasabi niya sa kanila na gawin nang maluwag sa kalooban ang mga paglilingkod na ipinagagawa sa kanila ng mga nasa awtoridad.​—4/1, pahina 9.