Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Talambuhay

Pitumpung-Taóng Pagtangan sa Laylayan ng Isang Judio

Pitumpung-Taóng Pagtangan sa Laylayan ng Isang Judio

Ayon sa salaysay ni Leonard Smith

Nang magtin-edyer ako, dalawang teksto sa Bibliya ang nakaantig sa akin. Pagkaraan ng mahigit 70 taon, naaalaala ko pa ang panahon nang maunawaan ko ang Zacarias 8:23. Doon, binanggit na “sampung lalaki” ang tatangan sa “laylayan ng lalaki na isang Judio.” Sinasabi nila sa Judio: “Yayaon kaming kasama ninyo, sapagkat narinig namin na ang Diyos ay sumasainyo.”

ANG lalaking Judio ay kumakatawan sa mga pinahirang Kristiyano, at ang “sampung lalaki” ay tumutukoy sa “ibang mga tupa,” o “mga Jonadab,” gaya ng tawag sa kanila noon. * (Juan 10:16) Nang maunawaan ko ang katotohanang iyan, nakita ko na ang aking pag-asang mabuhay sa lupa magpakailanman ay nakadepende sa aking tapat na pagsuporta sa uring pinahiran.

Nakaantig din sa akin ang ilustrasyon ni Jesus tungkol sa “mga tupa” at “mga kambing” sa Mateo 25:31-46. Ang “mga tupa” ay lumalarawan sa mga tatanggap ng kaayaayang hatol sa panahon ng kawakasan dahil gumawa sila ng mabuti sa mga pinahirang kapatid ni Kristo na nasa lupa pa. Bilang isang kabataang Jonadab, sinabi ko sa aking sarili, ‘Len, kung gusto mong ituring ka ni Kristo bilang tupa, kailangan mong suportahan ang kaniyang mga pinahirang kapatid, at tanggapin ang kanilang pangunguna dahil ang Diyos ay sumasakanila.’ Naging gabay ko ang kaunawaang ito sa loob ng mahigit pitong dekada.

‘ANO ANG PAPEL KO?’

Nabautismuhan ang nanay ko noong 1925 sa London Tabernacle, isang bulwagan sa Bethel na pinagpupulungan ng mga kapatid. Ipinanganak ako noong Oktubre 15, 1926. Noong Marso 1940, nagpabautismo ako sa isang asamblea sa Dover sa baybayin ng Inglatera. Lumalim ang pag-ibig ko sa katotohanan ng Bibliya. Dahil si Inay ay isang pinahirang Kristiyano, ang unang ‘laylayan ng Judio’ na tinanganan ko, wika nga, ay yaong sa nanay ko. Kaugnay kami sa Gillingham Congregation sa timog-silangang Inglatera, na binubuo ng maraming pinahirang Kristiyano. Napakasigasig ni Inay sa pangangaral. Nang panahong iyon, hindi pa naglilingkod kay Jehova si Itay at si Ate.

Noong Setyembre 1941, sa isang kombensiyon sa lunsod ng Leicester, tinalakay sa pahayag na pinamagatang “Katapatan” ang tungkol sa isyu ng pansansinukob na pamamahala. Noon ko lang naunawaan na sangkot tayo sa isyu sa pagitan ni Jehova at ni Satanas. Kaya kailangan nating manindigan sa panig ni Jehova at panatilihin ang katapatan sa kaniya bilang Soberano ng Sansinukob.

Sa kombensiyong iyon, idiniin ang pagpapayunir, at pinasigla ang mga kabataan na gawin itong tunguhin. Matapos marinig ang pahayag na “Ang Papel ng Payunir sa Organisasyon,” naisip ko, ‘Ano ang papel ko?’ Nakumbinsi ako ng kombensiyon na pananagutan ko bilang Jonadab na tulungan ang uring pinahiran sa pangangaral sa abot ng aking makakaya. Doon mismo sa Leicester, nag-aplay akong maging regular pioneer.

PAGPAPAYUNIR SA PANAHON NG DIGMAAN

Noong Disyembre 1, 1941, sa edad na 15, naatasan akong maging special pioneer. Si Inay ang unang partner ko, pero makalipas ang mga isang taon, kinailangan niyang huminto dahil sa kaniyang kalusugan. Binigyan ako ng tanggapang pansangay sa London ng bagong partner, si Ron Parkin, na ngayon ay miyembro ng Komite ng Sangay sa Puerto Rico.

Ipinadala kami sa mga bayan ng Broadstairs at Ramsgate na malapit sa baybaying-dagat, sa lalawigan ng Kent, kung saan umupa kami ng isang kuwarto. Ang buwanang allowance ng special pioneer ay 40 shilling (na noon ay mga $8, U.S.). Kaya kapag nakabayad na kami ng upa, kaunti na lang ang panggastos namin, at hindi namin alam kung saan manggagaling ang susunod naming kakainin. Pero sa iba’t ibang paraan, laging inilalaan ni Jehova ang pangangailangan namin.

Madalas kaming magbisikleta. Sinasalunga ng aming bisikletang puno ng kargada ang malalakas na hanging galing sa North Sea. Nanganib din kami sa pananalakay ng mga eroplano at V-1 missile ng mga Aleman na dumaraan sa Kent para pasabugin ang London. Minsan ay tumalon ako mula sa aking bisikleta at nagpatihulog sa estero dahil sa isang paparating na bomba, na sumabog sa kalapit na bukid. Sa kabila nito, masaya kami sa pagpapayunir sa Kent.

NAGING BETHELITE AKO

Laging positibo ang komento ni Inay tungkol sa Bethel. “Wala na akong ibang pangarap kundi ang maging Bethelite ka,” ang bukambibig niya. Kaya naman tuwang-tuwa ako noong Enero 1946, nang maanyayahan akong magboluntaryo nang tatlong linggo sa Bethel sa London. Pagkatapos ng tatlong linggo, hinimok ako ni Brother Pryce Hughes, ang lingkod ng sangay, na manatili sa Bethel. Buong-buhay kong pinakinabangan ang pagsasanay na tinanggap ko roon.

Mga 30 ang miyembro ng pamilyang Bethel noon sa London. Karamihan sa kanila ay mga binata at ang ilan ay mga pinahirang kapatid, kasali na sina Brother Pryce Hughes, Edgar Clay, at Jack Barr. Si Brother Barr ay naging miyembro ng Lupong Tagapamahala nang maglaon. Napakalaking pribilehiyo na suportahan ang mga kapatid ni Kristo bilang isang kabataang gumagawa sa ilalim ng pangangasiwa ng mga ‘haliging’ ito!​—Gal. 2:9.

Isang araw sa Bethel, sinabi sa akin ng isang brother na may sister na naghihintay sa akin sa labas. Nagulat ako dahil si Inay iyon na may dalang pasalubong. Sinabi niyang hindi na siya papasok para hindi na ako maistorbo. Kaya iniwan na lang niya ang dala niya​—isang pangginaw. Naalaala ko tuloy si Hana na nagdadala ng damit sa kaniyang anak na si Samuel habang naglilingkod ito sa tabernakulo.​—1 Sam. 2:18, 19.

GILEAD​—ISANG DI-MALILIMUTANG KARANASAN

Noong 1947, lima kami mula sa Bethel na inanyayahang mag-aral sa Paaralang Gilead sa Estados Unidos, at nang sumunod na taon, dumalo kami sa ika-11 klase. Pagdating namin, napakalamig sa hilagang bahagi ng New York, na kinaroroonan ng paaralan. Mabuti na lang at dala ko ang pangginaw na ibinigay sa akin ni Inay!

Hindi ko malilimutan ang anim na buwang ginugol ko sa Gilead. Lumawak ang pang-unawa ko dahil sa pakikipagsamahan sa mga kaklase ko na nagmula sa 16 na bansa. Bukod sa pagsasanay na nagpatibay ng aking kaugnayan kay Jehova, nakinabang din ako sa pakikipagsamahan sa may-gulang na mga Kristiyano. Ang isa sa aking mga kaklase, si Lloyd Barry; ang isa sa mga instruktor, si Albert Schroeder; at si John Booth, tagapangasiwa ng Kingdom Farm (na kinaroroonan ng Paaralang Gilead) ay naging mga miyembro ng Lupong Tagapamahala. Pinahahalagahan ko ang maibiging payo ng mga kapatid na ito at ang kanilang halimbawa ng pagkamatapat kay Jehova at sa kaniyang organisasyon.

NAGING TAGAPANGASIWA NG SIRKITO AT BUMALIK SA BETHEL

Pagkagradweyt ko sa Gilead, inatasan akong maging tagapangasiwa ng sirkito sa estado ng Ohio, E.U.A. Noon ay 21 anyos lang ako, pero mainit ang pagtanggap sa akin ng mga kapatid kahit bata pa ako. Sa sirkitong iyon, marami akong natutuhan sa makaranasang matatandang lalaki.

Makalipas ang ilang buwan, inanyayahan akong bumalik sa Bethel sa Brooklyn para sa higit pang pagsasanay. Nakilala ko ang mga haliging gaya nina Brother Milton Henschel, Karl Klein, Nathan Knorr, T. J. (Bud) Sullivan, at Lyman Swingle, na naging mga miyembro ng Lupong Tagapamahala. Nakapagpapatibay makita ang kanilang pagtatrabaho at ang kanilang mga katangiang Kristiyano. Tumibay nang husto ang pagtitiwala ko sa organisasyon ni Jehova. Pagkatapos ay pinabalik ako sa Europa para ipagpatuloy ang aking ministeryo.

Namatay si Inay noong Pebrero 1950. Pagkatapos ng libing, kinausap ko nang masinsinan sina Itay at Ate Dora tungkol sa katotohanan. Tinanong ko sila kung ano ang plano nila ngayong wala na si Inay at wala na rin ako sa bahay. Kilala nila ang isang may-edad nang pinahirang kapatid na si Harry Browning. Dahil iginagalang nila ang brother na ito, pumayag silang makipag-aral ng Bibliya sa kaniya. Wala pang isang taon, nabautismuhan na sina Itay at Ate Dora. Nang maglaon, hinirang si Itay bilang lingkod sa Gillingham Congregation. Pagkamatay ni Itay, nagpakasal si Ate Dora sa isang elder, si Roy Moreton, at tapat na naglingkod kay Jehova hanggang sa kaniyang kamatayan noong 2010.

TUMULONG SA PRANSIYA

Noong estudyante pa ako, natuto ako ng Pranses, Aleman, at Latin, at sa tatlong ito, Pranses ang pinakamahirap para sa akin. Kaya nagdalawang-isip ako nang hilingan akong tumulong sa Bethel sa Paris, Pransiya. Doon, nagkapribilehiyo akong makatrabaho ang lingkod ng sangay na si Henri Geiger, isang may-edad nang pinahirang kapatid. Hindi laging madali ang atas ko at marami akong naging pagkakamali, pero marami naman akong natutuhan tungkol sa pakikisama.

Pagkatapos ng digmaan, isinaplano ang kauna-unahang internasyonal na kombensiyon sa Paris na gaganapin noong 1951. Kasama ako sa mga nag-organisa nito. Dumating sa Bethel ang isang kabataang naglalakbay na tagapangasiwa, si Léopold Jontès, para tulungan ako. Nang maglaon, hinirang siyang maging tagapangasiwa ng sangay. Idinaos ang kombensiyon sa Palais des sports, malapit sa Eiffel Tower. Galing sa 28 bansa ang mga delegado. Sa huling araw ng kombensiyon, tuwang-tuwa ang 6,000 Saksing Pranses na makitang 10,456 ang dumalo!

Nang dumating ako sa Pransiya, kaunti lang ang alam ko sa wikang Pranses. Ang pagkakamali ko pa, nagsasalita lang ako ng Pranses kapag sigurado akong tama ang sasabihin ko. Pero kung hindi ka magkakamali, hindi ka maitutuwid at hindi ka susulong.

Ipinasiya kong mag-enrol sa isang paaralan na nagtuturo ng Pranses sa mga banyaga. Pumapasok ako sa klase sa mga gabing walang pulong. Natutuhan kong mahalin ang wikang Pranses, at lalo ko itong minahal sa paglipas ng mga taon. Napakinabangan ko naman ito dahil nakatulong ako sa pagsasaling-wika sa sangay sa Pransiya. Nang maglaon, naging tagapagsalin na rin ako sa wikang Pranses. Isang pribilehiyo na maihatid sa mga kapatid na nagsasalita ng Pranses ang saganang espirituwal na pagkaing inilalaan ng uring alipin.​—Mat. 24:45-47.

PAG-AASAWA AT IBA PANG PRIBILEHIYO

Noong 1956, pinakasalan ko si Esther, isang payunir na taga-Switzerland na nakilala ko ilang taon bago nito. Ikinasal kami sa Kingdom Hall na katabi ng Bethel sa London (ang dating London Tabernacle, kung saan nabautismuhan si Inay). Si Brother Hughes ang nagbigay ng pahayag sa kasal. Naroroon ang nanay ni Esther na makalangit din ang pag-asa. Hindi lang ako nagkaroon ng isang maganda at matapat na kasama, nagkaroon din ako ng biyenan na mabait at palagi kong nakakausap tungkol sa espirituwal na mga bagay. Natapos niya ang kaniyang buhay sa lupa noong taóng 2000.

Pagkatapos ng aming kasal, lumabas ako ng Bethel. Pero nagpatuloy ako sa gawaing pagsasalin habang si Esther ay naglilingkod bilang special pioneer sa labas lang ng Paris. Marami siyang natulungan na maging lingkod ni Jehova. Noong 1964, inanyayahan kaming muli sa Bethel. Pagkatapos, noong 1976, nang magsimulang buuin ang mga Komite ng Sangay, isa ako sa mga hinirang na maging miyembro nito. Sa loob ng maraming taon, maibigin akong sinuportahan ni Esther.

“HINDI NINYO AKO LAGING MAKAKASAMA”

Paminsan-minsan, nagkakapribilehiyo akong bumalik sa punong-tanggapan sa New York. Sa mga pagdalaw na iyon, nakatatanggap ako ng payo mula sa iba’t ibang miyembro ng Lupong Tagapamahala. Halimbawa, minsan nang sabihin kong nag-aalala ako kung maaabot ko ang deadline ng aking trabaho, ngumiti si Brother Knorr at nagsabi: “Huwag kang mag-alala. Basta magtrabaho ka lang.” Mula noon, kapag tumatambak ang trabaho, sa halip na mataranta, isa-isa kong ginagawa ang mga ito. Karaniwan nang natatapos naman ang mga ito sa tamang oras.

Bago mamatay si Jesus, sinabi niya sa kaniyang mga alagad: “Hindi ninyo ako laging makakasama.” (Mat. 26:11) Bilang ibang mga tupa, alam din natin na hindi natin laging makakasama sa lupa ang mga pinahirang kapatid ni Kristo. Kaya itinuturing kong isang di-matatawarang pribilehiyo na makipagtulungan nang mahigit 70 taon sa maraming pinahirang Kristiyano​—may-pagpapasalamat na nakatangan sa laylayan ng isang Judio.

[Talababa]

^ par. 5 Para sa higit pang impormasyon tungkol sa terminong “Jonadab,” tingnan ang Mga Saksi ni Jehova​Tagapaghayag ng Kaharian ng Diyos, pahina 83, 165, 166.

[Blurb sa pahina 21]

Ngumiti si Brother Knorr at nagsabi: “Huwag kang mag-alala. Basta magtrabaho ka lang”

[Mga larawan sa pahina 19]

(Kaliwa) Sina Inay at Itay

(Kanan) Sa kampus ng Gilead noong 1948, suot ang pangginaw na ibinigay ni Inay

[Larawan sa pahina 20]

Ininterpret ko ang pahayag ni Brother Lloyd Barry nang ialay ang sangay sa Pransiya, 1997

[Mga larawan sa pahina 21]

(Kaliwa) Noong araw ng kasal namin ni Esther

(Kanan) Magkasamang nangangaral