Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ipinaaaninag Mo ba ang Kaluwalhatian ni Jehova?

Ipinaaaninag Mo ba ang Kaluwalhatian ni Jehova?

“[Ipinaaaninag natin ang] kaluwalhatian ni Jehova tulad ng mga salamin.”​—2 COR. 3:18.

1, 2. Bakit makatuwirang sabihin na kayang tularan ng mga tao ang mga katangian ni Jehova?

LAHAT tayo ay may pagkakatulad sa ating mga magulang. Kaya naman kung minsan ay nasasabi natin sa isang batang lalaki, ‘Para kang tatay mo.’ Baka sabihin din sa isang batang babae, ‘Manang-mana ka sa nanay mo.’ At karaniwang ginagaya ng mga anak ang ginagawa ng kanilang mga magulang. Pero kumusta naman tayo? Matutularan ba natin ang ating makalangit na Ama na si Jehova? Bagaman hindi natin siya nakikita, malalaman natin ang kaniyang mga katangian kung pag-aaralan natin ang kaniyang Salita, pagmamasdan ang kaniyang mga nilalang, at bubulay-bulayin ang Kasulatan, lalo na ang mga sinabi at ginawa ng kaniyang Anak na si Jesu-Kristo. (Juan 1:18; Roma 1:20) Kaya magagawa nating ipaaninag ang kaluwalhatian ni Jehova.

2 Bago pa niya lalangin sina Adan at Eva, may tiwala na ang Diyos na kayang gawin ng mga tao ang kaniyang kalooban, ipaaninag ang kaniyang mga katangian, at luwalhatiin siya. (Basahin ang Genesis 1:26, 27.) Bilang mga Kristiyano, gusto nating tularan ang mga katangian ng ating Maylalang. Kung gagawin natin ito, magkakaroon tayo ng pribilehiyong ipaaninag ang kaluwalhatian ng Diyos anuman ang ating kultura, lahi, o edukasyon. Bakit? Dahil “ang Diyos ay hindi nagtatangi, kundi sa bawat bansa ang tao na natatakot sa kaniya at gumagawa ng katuwiran ay kaayaaya sa kaniya.”​—Gawa 10:34, 35.

3. Ano ang nadarama natin habang naglilingkod kay Jehova?

3 Ipinaaaninag ng mga pinahirang Kristiyano ang kaluwalhatian ni Jehova. Si apostol Pablo, na isa sa kanila, ay sumulat: “Tayong lahat, habang tayo na may mga mukhang di-natatalukbungan ay nagpapaaninag ng kaluwalhatian ni Jehova tulad ng mga salamin, ay binabagong-anyo tungo sa gayunding larawan mula sa kaluwalhatian hanggang sa kaluwalhatian.” (2 Cor. 3:18) Nang bumaba si propeta Moises mula sa Bundok Sinai dala ang mga tapyas kung saan nakasulat ang Sampung Utos, nagliwanag ang kaniyang mukha dahil sa pakikipag-usap sa kaniya ni Jehova. (Ex. 34:29, 30) Hindi natin naranasan ang nangyari kay Moises at hindi naman literal na nagliliwanag ang ating mukha. Pero kitang-kita ng mga tao ang kagalakan sa ating mukha habang ipinakikipag-usap natin ang tungkol kay Jehova, sa kaniyang mga katangian, at sa kaniyang napakagandang layunin para sa sangkatauhan. Kaya tulad ng pinakinang na mga salaming metal noong sinaunang panahon, ipinaaaninag ng mga pinahirang Kristiyano at ng kasamahan nilang ibang mga tupa ang kaluwalhatian ni Jehova sa kanilang buhay at ministeryo. (2 Cor. 4:1) Ipinaaaninag mo ba ang kaluwalhatian ni Jehova sa pamamagitan ng iyong makadiyos na paggawi at regular na pakikibahagi sa pangangaral?

GUSTO NATING IPAANINAG ANG KALUWALHATIAN NI JEHOVA

4, 5. (a) Gaya ni Pablo, sa ano tayo nakikipagpunyagi? (b) Paano nakaaapekto sa atin ang kasalanan?

4 Bilang mga lingkod ni Jehova, gusto nating parangalan at luwalhatiin ang ating Maylalang sa lahat ng bagay. Pero kadalasan, hindi natin nagagawa ang gusto nating gawin. Kahit si Pablo ay nagkaroon ng ganitong problema. (Basahin ang Roma 7:21-25.) Ipinaliwanag niya kung bakit lahat tayo ay kailangang makipagpunyagi: “Ang lahat ay nagkasala at nagkukulang sa kaluwalhatian ng Diyos.” (Roma 3:23) Oo, dahil sa kasalanang minana kay Adan, ang sangkatauhan ay naging alipin ng malupit na si ‘Haring Kasalanan.’​—Roma 5:12; 6:12.

5 Ano ang kasalanan? Ito ay anumang salungat sa personalidad, mga daan, pamantayan, at kalooban ni Jehova. Ang kasalanan ay nakasisira sa kaugnayan ng isa sa Diyos. Dahil sa kasalanan, sumasala tayo sa marka, kung paanong hindi tumatama sa target ang palaso ng isang mámamanà. Maaaring magkasala ang isang tao nang sinasadya o di-sinasadya. (Bil. 15:27-31) Ang kasalanan ay nakaugat na sa mga tao at inilalayo sila nito sa kanilang Maylalang. (Awit 51:5; Isa. 59:2; Col. 1:21) Kaya ang sangkatauhan sa pangkalahatan ay lubusang hiwalay kay Jehova at hindi nila maipaaninag ang kaluwalhatian ng Diyos. Ang kasalanan ang pinakamalubhang kapansanan na nagpapahirap sa sangkatauhan.

6. Kahit na makasalanan tayo, paano natin maluluwalhati ang Diyos?

6 Kahit na makasalanan tayo, pinatunayan ni Jehova na siya ang “Diyos na nagbibigay ng pag-asa.” (Roma 15:13) Mayroon siyang paglalaan para alisin ang kasalanan​—ang haing pantubos ni Jesu-Kristo. Kung nananampalataya tayo sa haing iyon, hindi na tayo “mga alipin ng kasalanan.” Sa halip, maipaaaninag natin ang kaluwalhatian ni Jehova. (Roma 5:19; 6:6; Juan 3:16) Kung pananatilihin natin ang mabuting kaugnayan sa Diyos, makatitiyak tayo ng pagpapala ni Jehova ngayon at ng kasakdalan at buhay na walang hanggan sa hinaharap. Anong laking pribilehiyo nga na kahit makasalanan pa tayo, nagtitiwala ang Diyos na kaya nating ipaaninag ang kaniyang kaluwalhatian!

PAGPAPAANINAG NG KALUWALHATIAN NG DIYOS

7. Ano ang dapat nating kilalanin para maipaaninag ang kaluwalhatian ng Diyos?

7 Para maipaaninag ang kaluwalhatian ng Diyos, kailangan nating kilalanin na makasalanan tayo. (2 Cro. 6:36) Kailangan nating alamin kung ano ang ating makasalanang hilig at paglabanan ang mga iyon para lubusan nating maluwalhati ang Diyos. Halimbawa, kung nagkakasala tayo ng panonood ng pornograpya, dapat nating aminin na kailangan natin ang tulong ng mga elder​—at hingin iyon. (Sant. 5:14, 15) Ito ang unang hakbang para maluwalhati natin nang lubos ang Diyos. Bilang mga mananamba ni Jehova, kailangan nating patuloy na suriin ang ating pamumuhay para matiyak kung nakaaabot tayo sa kaniyang matuwid na mga pamantayan. (Kaw. 28:18; 1 Cor. 10:12) Anuman ang ating kahinaan, patuloy nating supilin ang mga ito para maipaaninag ang kaluwalhatian ng Diyos.

8. Kahit hindi tayo sakdal, ano ang dapat nating gawin?

8 Sa buong kasaysayan, si Jesus lang ang taong hindi kailanman nabigong palugdan at bigyang-kaluwalhatian ang Diyos. Bagaman hindi tayo sakdal na gaya ni Jesus, kaya nating tularan ang kaniyang halimbawa at dapat nating pagsikapang gawin iyon. (1 Ped. 2:21) Nakikita ni Jehova hindi lang ang ating pagsulong kundi pati ang ating mga pagsisikap na luwalhatiin siya, at pinagpapala niya ang mga ito.

9. Ano ang papel ng Bibliya sa buhay ng mga Kristiyanong nagnanais makaabot sa mga kahilingan ng Diyos?

9 Matutulungan tayo ng Bibliya para higit na maipaaninag ang kaluwalhatian ng Diyos. Napakahalaga ng masusing pag-aaral at pagbubulay-bulay sa Kasulatan. (Awit 1:1-3) Susulong tayo kung araw-araw natin itong babasahin. (Basahin ang Santiago 1:22-25.) Ang kaalaman sa Bibliya ang saligan ng ating pananampalataya at pinatitibay nito ang ating determinasyon na iwasan ang malubhang kasalanan at magsikap na palugdan si Jehova.​—Awit 119:11, 47, 48.

10. Paano makatutulong ang panalangin para mapaglingkuran natin nang higit si Jehova?

10 Para maipaaninag ang kaluwalhatian ng Diyos, kailangan din nating “magmatiyaga . . . sa pananalangin.” (Roma 12:12) Maaari at dapat nating ipanalangin kay Jehova na tulungan tayong maglingkod sa kaniya sa katanggap-tanggap na paraan. Puwede tayong humiling ng banal na espiritu, higit na pananampalataya, lakas para malabanan ang tukso, at ng kakayahan na ‘gamitin nang wasto ang salita ng katotohanan.’ (2 Tim. 2:15; Mat. 6:13; Luc. 11:13; 17:5) Kung paanong nagtitiwala ang isang bata sa kaniyang ama, kailangan din nating magtiwala sa ating makalangit na Ama na si Jehova. Kapag humihingi tayo ng tulong para mapaglingkuran natin siya nang higit, makapagtitiwala tayong sasagutin niya ang ating panalangin. Huwag na huwag nating iisipin na inaabala lang natin siya! Sa halip, manalangin tayo para purihin siya, pasalamatan siya, at hingin ang kaniyang patnubay lalo na kung napapaharap tayo sa pagsubok. Hilingin din natin kay Jehova na tulungan tayong luwalhatiin siya sa pamamagitan ng ating paglilingkod.​—Awit 86:12; Sant. 1:5-7.

11. Paano tayo tinutulungan ng mga pulong sa kongregasyon na maipaaninag ang kaluwalhatian ng Diyos?

11 Ipinagkatiwala ng Diyos sa “tapat at maingat na alipin” ang pangangalaga sa kaniyang minamahal na mga tupa. (Mat. 24:45-47; Awit 100:3) Tinutulungan tayo ng uring alipin na maipaaninag ang kaluwalhatian ni Jehova. Ang isang paraan ay sa pamamagitan ng ating mga pulong. Tinutulungan tayo ng mga ito na makagawa ng mga pagbabago sa ating buhay at mapasulong ang ating mga katangiang Kristiyano, kung paanong ang isang mananahi ay gumagawa ng mga pagbabago sa ating damit para gumanda ang ating hitsura. (Heb. 10:24, 25) Kaya naman kailangan tayong dumating sa pulong sa tamang oras. Kung nakasanayan nating dumating nang huli, hindi tayo lubusang makikinabang sa mga ito.

TULARAN NATIN ANG DIYOS

12. Paano natin matutularan ang Diyos?

12 Para maipaaninag natin ang kaluwalhatian ni Jehova, kailangang “maging mga tagatulad [tayo] sa Diyos.” (Efe. 5:1) Ang isang paraan para magawa ito ay ang pagtataglay ng kaniyang pangmalas. Kung gagawin natin ang mga bagay-bagay sa sarili nating paraan, hindi natin siya mapararangalan at mapapahamak tayo. Yamang ang sanlibutang ito ay nasa impluwensiya ng isa na balakyot, si Satanas na Diyablo, kailangan tayong magsikap nang husto na kapootan ang kinapopootan ni Jehova at ibigin ang iniibig Niya. (Awit 97:10; 1 Juan 5:19) Kailangang kumbinsido tayo na mapaglilingkuran lang natin nang wasto ang Diyos kung gagawin natin ang lahat ng bagay sa ikaluluwalhati niya.​—Basahin ang 1 Corinto 10:31.

13. Bakit natin dapat kapootan ang kasalanan? Ano ang gagawin natin kung kinapopootan natin ang kasalanan?

13 Kinapopootan ni Jehova ang kasalanan, kaya dapat din natin itong kapootan. Ibig sabihin, lubusan nating lalayuan ang anumang bagay na tutukso sa atin na magkasala. Halimbawa, kailangan tayong mag-ingat na huwag magkasala ng apostasya dahil hindi na tayo magiging karapat-dapat na magpaaninag ng kaluwalhatian ng Diyos. (Deut. 13:6-9) Kaya huwag na huwag tayong makikipag-ugnayan sa mga apostata o sa sinumang nag-aangking kapatid pero lumalapastangan sa Diyos. Dapat na ganiyan ang gawin natin kahit kapamilya natin siya. (1 Cor. 5:11) Wala tayong mapapala kung makikipagtalo tayo sa mga apostata o sa mga kritiko ng organisasyon ni Jehova. Sa katunayan, ang inilalathala nila sa mga babasahin man o sa Internet ay hindi wastong basahin at mapanganib sa ating espirituwalidad.​—Basahin ang Isaias 5:20; Mateo 7:6.

14. Habang sinisikap nating ipaaninag ang kaluwalhatian ng Diyos, anong katangian ang dapat mangibabaw sa atin, at bakit?

14 Ang pagpapakita ng pag-ibig ay isa sa mga pangunahing paraan para matularan natin ang ating makalangit na Ama. Oo, dapat tayong maging maibigin gaya niya. (1 Juan 4:16-19) Sa katunayan, ang pag-ibig sa isa’t isa ang pagkakakilanlan na tayo ay mga alagad ni Jesus at mga lingkod ni Jehova. (Juan 13:34, 35) Kung minsan ay nahihirapan tayong magpakita ng pag-ibig dahil sa di-kasakdalan. Pero kailangan pa rin nating sikaping ipakita ito sa lahat ng panahon. Ang paglilinang ng pag-ibig at iba pang makadiyos na katangian ay tutulong sa atin na iwasan ang pagkakasala at ang paggawa ng masama sa iba.​—2 Ped. 1:5-7.

15. Kung mahal natin ang iba, paano natin sila pakikitunguhan?

15 Pinakikilos tayo ng pag-ibig na gumawa ng mabuti sa iba. (Roma 13:8-10) Halimbawa, ang pag-ibig sa ating asawa ay magpapakilos sa atin na panatilihing walang dungis ang higaang pangmag-asawa. Ang pag-ibig sa mga elder, pati na ang pagpapahalaga sa kanilang gawain, ay tutulong sa atin na maging masunurin at mapagpasakop sa kanila. Ang mga anak na may pag-ibig sa kanilang magulang ay masunurin at magalang at hindi nagsasalita ng masama tungkol sa kanila. Kung iniibig natin ang ating kapuwa, hindi natin iisiping nakabababa sila sa atin ni magsasalita man tayo sa kanila nang walang galang. (Sant. 3:9) At ang mga elder na umiibig sa mga tupa ng Diyos ay makikitungo sa kanila nang magiliw.​—Gawa 20:28, 29.

16. Paano makatutulong sa ating ministeryo ang pag-ibig?

16 Dapat ding makita sa ating ministeryo ang pag-ibig. Dahil sa masidhing pag-ibig kay Jehova, hindi tayo masisiraan ng loob sa kabila ng kawalang-interes o di-magandang pagtugon ng mga tao. Sa halip, patuloy nating ipangangaral ang mabuting balita. Pag-ibig ang magpapakilos sa atin na maghandang mabuti at magsikap na maging epektibo sa ministeryo. Kung talagang mahal natin ang Diyos at ang ating kapuwa, hindi tayo mangangaral dahil lang sa obligasyon. Sa halip, ituturing natin itong isang malaking pribilehiyo at gagampanan natin nang may kagalakan.​—Mat. 10:7.

PATULOY NA LUWALHATIIN SI JEHOVA

17. Paano tayo makikinabang kung kikilalanin natin na nagkukulang tayo sa kaluwalhatian ng Diyos?

17 Para sa maraming tao sa sanlibutan, hindi seryosong bagay ang kasalanan. Pero alam natin kung gaano ito kaseryoso. Kaya naman batid natin na kailangan nating paglabanan ang hilig na magkasala. Kung kinikilala natin na makasalanan tayo, sasanayin natin ang ating budhi na udyukan tayong kumilos nang tama kapag natutukso tayong gumawa ng masama. (Roma 7:22, 23) Totoo, mahina tayo, pero mapalalakas tayo ng Diyos para gawin ang tama sa anumang sitwasyon.​—2 Cor. 12:10.

18, 19. (a) Ano ang makatutulong sa atin na magtagumpay sa pakikipaglaban sa balakyot na mga puwersang espiritu? (b) Ano ang dapat nating maging determinasyon?

18 Para maluwalhati natin si Jehova, kailangan din nating labanan ang balakyot na mga puwersang espiritu. Magagawa natin ito sa tulong ng bigay-Diyos na kagayakang pandigma. (Efe. 6:11-13) Walang-tigil si Satanas sa pagtatangkang agawin ang kaluwalhatiang nararapat lamang kay Jehova. Ginagawa rin niya ang lahat para sirain ang ating kaugnayan kay Jehova. Pero isang malaking dagok kay Satanas kapag tayo, pati na ang milyun-milyong iba pang di-sakdal na mga lalaki, babae, at mga bata, ay nananatiling tapat at lumuluwalhati sa Diyos! Kaya patuloy nawa nating purihin si Jehova, gaya ng makalangit na mga nilalang na nagsasabi: “Ikaw ang karapat-dapat, Jehova, na Diyos nga namin, na tumanggap ng kaluwalhatian at ng karangalan at ng kapangyarihan, sapagkat nilalang mo ang lahat ng bagay, at dahil sa iyong kalooban ay umiral sila at nalalang.”​—Apoc. 4:11.

19 Maging determinado nawa tayo na patuloy na luwalhatiin si Jehova, anuman ang mangyari. Tiyak na nagsasaya siya dahil napakaraming tapat na mga tao ang nagsisikap na tularan siya at ipaaninag ang kaniyang kaluwalhatian. (Kaw. 27:11) Tularan natin si David, na umawit: “Pinupuri kita, O Jehova na aking Diyos, nang aking buong puso, at luluwalhatiin ko ang iyong pangalan hanggang sa panahong walang takda.” (Awit 86:12) Nananabik tayo sa panahon kung kailan sakdal nating ipaaaninag ang kaluwalhatian ni Jehova at pupurihin siya magpakailanman! Mararanasan ito ng masunuring sangkatauhan. Ipinaaaninag mo ba ang kaluwalhatian ng Diyos na Jehova ngayon, at umaasang gawin ito magpakailanman?

[Mga Tanong sa Aralin]

[Mga larawan sa pahina 27]

Ipinaaaninag mo ba ang kaluwalhatian ni Jehova sa ganitong mga paraan?