Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

“Mag-ingat Kayo sa Lebadura ng mga Pariseo”

“Mag-ingat Kayo sa Lebadura ng mga Pariseo”

Nagbabala si Jesus sa kaniyang mga alagad: “Mag-ingat kayo sa lebadura ng mga Pariseo, na siyang pagpapaimbabaw.” (Luc. 12:1) Ipinakikita ng isang katulad na ulat na ang hinahatulan ni Jesus ay ang “turo” ng mga Pariseo.​—Mat. 16:12.

Kung minsan, ginagamit ng Bibliya ang salitang “lebadura,” o pampaalsa, bilang sagisag ng kasiraan at kasamaan. Maliwanag na ang turo at saloobin ng mga Pariseo ay may nakasasamang epekto sa kanilang mga tagapakinig. Bakit mapanganib ang turo ng mga Pariseo?

1 Ipinagmamapuri ng mga Pariseo na sila’y matuwid at hinahamak nila ang karaniwang mga tao.

Sa isa sa mga talinghaga ni Jesus, binanggit niya ang tungkol sa ganitong pagmamatuwid sa sarili. Sinabi niya: “Ang Pariseo ay tumayo at pinasimulang ipanalangin ang mga bagay na ito sa kaniyang sarili, ‘O Diyos, nagpapasalamat ako sa iyo na hindi ako gaya ng ibang tao, mga mangingikil, mga di-matuwid, mga mangangalunya, o maging ng maniningil ng buwis na ito. Nag-aayuno akong makalawang ulit sa isang sanlinggo, ibinibigay ko ang ikasampu ng lahat ng bagay na aking natatamo.’ Ngunit ang maniningil ng buwis na nakatayo sa malayo ay ayaw man lamang itingala sa langit ang kaniyang mga mata, kundi patuloy na dinadagukan ang kaniyang dibdib, na sinasabi, ‘O Diyos, magmagandang-loob ka sa akin na isang makasalanan.’”​—Luc. 18:11-13.

Pinuri ni Jesus ang kapakumbabaan ng maniningil ng buwis: “Sinasabi ko sa inyo, Ang taong ito ay bumaba patungo sa kaniyang tahanan at napatunayang higit na matuwid kaysa sa [Pariseo]; sapagkat ang bawat isa na nagtataas ng kaniyang sarili ay ibababa, ngunit siya na nagbababa ng kaniyang sarili ay itataas.” (Luc. 18:14) Bagaman kilala ang mga maniningil ng buwis sa pagiging di-matapat, sinikap ni Jesus na tulungan ang mga nakinig sa kaniya. Dalawa sa mga maniningil ng buwis na ito​—sina Mateo at Zaqueo​—ay naging mga tagasunod niya.

Paano kung iniisip natin na nakahihigit tayo sa iba dahil sa ating bigay-Diyos na mga kakayahan o pribilehiyo, o dahil sa mga kabiguan at kahinaan ng iba? Dapat nating alisin agad ang gayong mga kaisipan, dahil sinasabi ng Kasulatan: “Ang pag-ibig ay may mahabang pagtitiis at mabait. Ang pag-ibig ay hindi mapanibughuin, ito ay hindi nagyayabang, hindi nagmamalaki, hindi gumagawi nang hindi disente, hindi naghahanap ng sarili nitong kapakanan, hindi napupukaw sa galit. Hindi ito nagbibilang ng pinsala. Hindi ito nagsasaya sa kalikuan, [“hindi kailanman nagagalak kapag ang iba ay nagkakamali,” Moffatt] kundi nakikipagsaya sa katotohanan.”​—1 Cor. 13:4-6.

Dapat nating tularan ang saloobin ni apostol Pablo. Matapos sabihin na “si Kristo Jesus ay naparito sa sanlibutan upang iligtas ang mga makasalanan,” idinagdag niya: “Sa mga ito ay pangunahin ako.”​—1 Tim. 1:15.

Mga tanong para sa pagbubulay-bulay:

Kinikilala ko ba na ako ay isang makasalanan at na ang kaligtasan ko ay nakasalalay sa di-sana-nararapat na kabaitan ni Jehova? O iniisip ko bang nakahihigit ako sa iba dahil sa maraming taon ng tapat na paglilingkod, mga pribilehiyo sa organisasyon ng Diyos, o likas na mga abilidad?

2 Ang mga Pariseo ay gumagawa ng mabuti para pahangain ang iba at isipin ng mga ito na sila ay matuwid. Gusto nila ang katanyagan at labis na mapamuring mga titulo.

Pero nagbabala si Jesus: “Lahat ng mga gawa na kanilang ginagawa ay ginagawa nila upang makita ng mga tao; sapagkat pinalalapad nila ang mga sisidlan na naglalaman ng kasulatan na isinusuot nila bilang pananggalang, at pinalalaki ang mga palawit ng kanilang mga kasuutan. Nais nila ang pinakatanyag na dako sa mga hapunan at ang mga upuan sa unahan sa mga sinagoga, at ang mga pagbati sa mga pamilihan at ang tawagin ng mga tao na Rabbi.” (Mat. 23:5-7) Kabaligtaran ang saloobin nila sa saloobin ni Jesus. Bagaman siya ang sakdal na Anak ng Diyos, mapagpakumbaba siya. Nang tawagin siyang “mabuti” ng isang lalaki, sinabi ni Jesus: “Bakit mo ako tinatawag na mabuti? Walang sinumang mabuti, maliban sa isa, ang Diyos.” (Mar. 10:18) Noong isang pagkakataon, hinugasan ni Jesus ang mga paa ng kaniyang mga alagad, anupat nagbigay ng isang parisan hinggil sa kapakumbabaan na matutularan ng kaniyang mga tagasunod.​—Juan 13:1-15.

Ang isang tunay na Kristiyano ay kailangang maglingkod sa mga kapananampalataya. (Gal. 5:13) Ganiyan ang dapat gawin lalo na ng mga gustong maglingkod bilang tagapangasiwa sa kongregasyon. Angkop naman para sa isang brother na ‘umabot ng katungkulan ng tagapangasiwa,’ pero ang dapat na motibo niya ay ang makatulong sa iba. Ang ‘katungkulang’ ito ay hindi para magkaroon ng katanyagan o kapangyarihan sa iba. Gaya ni Jesus, kailangang “mababa ang puso” ng mga naglilingkod bilang tagapangasiwa.​—1 Tim. 3:1, 6; Mat. 11:29.

Mga tanong para sa pagbubulay-bulay:

Mayroon ba akong tendensiya na magpakita ng pabor sa mga may katungkulan sa kongregasyon sa pag-asang mabibigyan ako ng katanyagan o higit na mga pribilehiyo? Habang naglilingkod sa Diyos, mas gusto ko bang gawin ang mga bagay na mapapansin ng iba at magbibigay sa akin ng papuri? Sinisikap ko bang maging sikat?

3 Dahil sa mga alituntunin at tradisyon ng mga Pariseo, naging pabigat sa karaniwang mga tao ang pagsunod sa Kautusan.

Nakabalangkas sa Kautusang Mosaiko ang paraan ng pagsamba ng Israel kay Jehova. Pero hindi inilaan ni Jehova ang maliliit na detalye. Halimbawa, bagaman ipinagbawal ng Kautusan ang pagtatrabaho sa araw ng Sabbath, hindi nito espesipikong sinabi kung ano ang maituturing na trabaho o hindi. (Ex. 20:10) Inisip ng mga Pariseo na hindi sapat ang impormasyong ibinigay ng Kautusan kung kaya nagdagdag sila ng kanilang sariling mga alituntunin at tradisyon. Hindi sinunod ni Jesus ang di-makatuwirang mga alituntunin ng mga Pariseo, pero tinupad niya ang Kautusang Mosaiko. (Mat. 5:17, 18; 23:23) Naunawaan niya ang diwa ng Kautusan, at alam niyang gusto ng Diyos na magpakita ang mga tao ng awa at habag. Naging makatuwiran siya kahit binigo siya ng kaniyang mga tagasunod. Halimbawa, bagaman hinimok niya ang kaniyang tatlong apostol na manatiling gising at maging mapagbantay noong gabing aarestuhin siya, paulit-ulit silang nakatulog. Pero inunawa sila ni Jesus at sinabi: “Ang espiritu ay sabik, ngunit ang laman ay mahina.”​—Mar. 14:34-42.

Mga tanong para sa pagbubulay-bulay:

Gumagawa ba ako ng istriktong mga alituntunin at ipinasusunod ang kagustuhan ko sa iba? Makatuwiran ba ako sa mga inaasahan ko sa iba?

Pag-isipan kung paano naiiba ang turo ni Jesus sa turo ng mga Pariseo. May nakikita ka bang puwede mong pasulungin para matularan mo si Jesus? Kung oo, pagsikapan mong gawin ito.

[Larawan sa pahina 28]

Ang mga Pariseo ay nagsusuot ng mga sisidlan na naglalaman ng kasulatan.​—Mat. 23:2, 5.

[Mga larawan sa pahina 29]

Di-gaya ng hambog na mga Pariseo, ang mapagpakumbabang mga elder ay naglilingkod sa iba

[Larawan sa pahina 30]

Gaya ni Jesus, makatuwiran ka ba sa inaasahan mo sa iba?