Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Talambuhay

Naging Malapít Ako sa mga May-Edad

Naging Malapít Ako sa mga May-Edad

Ayon sa salaysay ni Elva Gjerde

Mga 70 taon na ang nakararaan, nagbago ang takbo ng buhay ko dahil sa mungkahi ng isang bisita ni Itay. Mula noon, marami pang iba na nagkaroon ng positibong epekto sa buhay ko. Nagkaroon din ako ng isang napakahalagang kaibigan na pinakamamahal ko sa lahat. Hayaan ninyong ikuwento ko ang tungkol dito.

ISINILANG ako sa Sydney, Australia, noong 1932. Naniniwala sa Diyos ang mga magulang ko, pero hindi sila nagsisimba. Sabi ni Inay, ang Diyos ay laging nagmamatyag at parurusahan Niya ako kung salbahe ako. Kaya takót ako sa Diyos. Pero interesado ako sa Bibliya. Kapag dinadalaw kami ng tiyahin ko tuwing dulo ng sanlinggo, marami siyang inilalahad na magagandang kuwento sa Bibliya. Pinananabikan ko ang pagdalaw niya.

Noong tin-edyer ako, nagbabasa si Itay ng mga librong nakuha ni Inay mula sa isang may-edad nang babaing Saksi ni Jehova. Gustung-gusto ni Itay ang mga nabasa niya kung kaya pumayag siyang makipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi. Isang gabi habang nakikipag-aral siya, nahuli niya akong nakikinig. Sasabihin sana ni Itay na matulog na ako, pero iminungkahi ng bisita, “Bakit hindi natin isali si Elva?” Dahil diyan, nagbago ang buhay ko at naging kaibigan ko ang tunay na Diyos na si Jehova.

Di-nagtagal, dumadalo na kami ni Itay sa mga pulong Kristiyano. Dahil sa mga natutuhan niya, gumawa siya ng mga pagbabago. Sinikap na niyang kontrolin ang kaniyang galit. Kaya naman nagsimulang dumalo sa pulong si Inay at ang aking Kuya Frank. * Kaming apat ay patuloy na sumulong at nabautismuhan bilang mga Saksi ni Jehova. Mula noon, maraming may-edad na ang naging magandang impluwensiya sa iba’t ibang yugto ng aking buhay.

PAGPILI NG KARERA

Noong tin-edyer ako, naging malapít ako sa mga may-edad na kapatid sa aming kongregasyon. Isa sa kanila si Sister Alice Place, na unang nangaral sa aming pamilya. Para ko siyang lola. Sinanay niya ako sa pangangaral at pinasiglang magpabautismo. Kaya naman nagpabautismo ako sa edad na 15.

Naging malapít din ako sa isang may-edad na mag-asawa, sina Percy at Madge [Margaret] Dunham. Ang pakikipagsamahan sa kanila ay nagkaroon ng malaking epekto sa aking kinabukasan. Mahilig ako sa matematika, at gusto ko sanang magturo ng math. Sina Kuya Percy at Ate Madge ay dating mga misyonero sa Latvia noong dekada ’30. Nang sumiklab ang Digmaang Pandaigdig II sa Europa, inanyayahan silang maglingkod sa Bethel sa Sydney, Australia. Damang-dama ko ang malasakit sa akin nina Kuya Percy at Ate Madge. Ikinuwento nila sa akin ang masasayang karanasan nila sa pagmimisyonero. Naisip kong magiging mas maligaya ako kung magtuturo ako ng Bibliya sa halip na matematika. Kaya ginawa kong tunguhin ang maging misyonera.

Pinasigla ako ng mag-asawang Dunham na magpayunir bilang paghahanda sa pagmimisyonera. Kaya naman noong 1948, sa edad na 16, nagpayunir ako kasama ng sampung iba pang kabataang payunir sa kongregasyon namin sa Hurstville, Sydney.

Sa sumunod na apat na taon, nagpayunir ako sa apat na bayan sa New South Wales at Queensland. Ang isa sa mga unang inaralan ko sa Bibliya ay si Betty Law (Betty Remnant na ngayon). Mas matanda siya sa akin nang dalawang taon, at napakabait. Nang maglaon, magkasama kaming nagpayunir sa bayan ng Cowra, mga 230 kilometro sa kanluran ng Sydney. Bagaman sandali lang kaming nagkasama, hanggang ngayon ay magkaibigan kami.

Nakatanggap ako ng atas bilang special pioneer kung kaya lumipat ako sa Narrandera, isang bayan na 220 kilometro sa timog-kanluran ng Cowra. Ang bago kong partner ay si Joy Lennox (Joy Hunter na ngayon), isang masigasig na payunir na dalawang taon din ang tanda sa akin. Kami lang ang Saksi sa bayang iyon. Nakitira kami sa isang mapagpatuloy na mag-asawa, sina Ray at Esther Irons. Ang mag-asawang ito, pati na ang kanilang anak na lalaki at tatlong anak na babae, ay interesado sa katotohanan. Si Ray at ang kaniyang anak na lalaki ay nag-aalaga ng mga tupa at nagtatanim ng trigo sa labas ng bayan, samantalang si Esther at ang mga anak na babae ay nagpapatakbo ng isang boarding house. Tuwing Linggo, nagluluto kami ni Joy ng hapunan para sa pamilyang ito at sa humigit-kumulang 12 boarder nila​—mga manggagawa sa riles na gutom na gutom! Ang paglulutong ito ay bahagi ng upa namin. Pagkatapos naming magligpit ng pinagkainan, naghahain naman kami ng espirituwal na pagkain​—ang lingguhang pag-aaral sa Bantayan. Sina Ray, Esther, at ang kanilang apat na anak ay naging mga Saksi at unang mga miyembro ng Narrandera Congregation.

Noong 1951, dumalo ako sa isang kombensiyon ng mga Saksi ni Jehova sa Sydney. Mayroong espesyal na miting para sa mga payunir na interesadong magmisyonero. Mahigit 300 ang dumalo sa miting na iyon na idinaos sa isang malaking tolda. Kinausap kami ni Brother Nathan Knorr na mula sa Brooklyn Bethel at sinabi niya na kailangang maipangaral ang mabuting balita sa bawat sulok ng mundo. Tutok na tutok kami sa pakikinig sa kaniya. Marami sa mga payunir na dumalo sa miting na iyon ang nagbukas ng gawaing pangangaral sa Timog Pasipiko at sa iba pang lugar. Tuwang-tuwa akong mapabilang sa 17 Australiano na inanyayahang mag-aral sa ika-19 na klase ng Paaralang Gilead noong 1952. Beinte anyos lang ako, pero nagkatotoo na ang pangarap kong maging misyonera!

TUMANGGAP NG PAGTUTUWID

Ang pagtuturong tinanggap ko sa Gilead at ang pakikipagsamahang naranasan ko rito ay nagpalago ng kaalaman ko sa Bibliya at nagpatibay ng aking pananampalataya. Nagkaroon din ito ng malaking epekto sa personalidad ko. Bata pa ako noon at idealistiko, at masyado akong perpeksiyonista sa sarili ko at sa iba. Kung minsan, masyado akong panatiko. Halimbawa, nabigla ako nang makita ko si Brother Knorr na nakikipaglaro ng baseball sa mga kabataang Bethelite.

Napansin ng mga instruktor sa Gilead na nahihirapan akong mag-adjust. Palibhasa’y mga may-gulang sa espirituwal, napakabait nila at tinulungan nila akong maituwid ang aking pangmalas. Unti-unti kong naunawaan na si Jehova ay isang maibigin at mapagpahalagang Diyos, hindi istrikto at mapaghanap. Tinulungan din ako ng ilang kaklase ko. Sinabi pa nga ng isa sa kanila: “Elva, hindi naman gumagamit si Jehova ng latigo para pasunurin tayo. Huwag kang masyadong istrikto sa sarili mo!” Talagang naantig ako sa mga sinabi niya.

Pagkagradweyt sa Gilead, ako at ang apat na kaklase ko ay inatasan sa Namibia, Aprika. Di-nagtagal, mayroon na kaming 80 inaaralan sa Bibliya. Napamahal sa akin ang Namibia at ang buhay-misyonera, pero na-in love ako sa isang kaklase ko sa Gilead na inatasan naman sa Switzerland. Matapos maglingkod nang isang taon sa Namibia, lumipat ako sa Switzerland. Ikinasal kami, at sinamahan ko siya sa kaniyang gawain bilang tagapangasiwa ng sirkito.

ISANG MATINDING DAGOK

Pagkaraan ng limang taon sa gawaing pansirkito, inanyayahan kaming maglingkod sa Bethel sa Switzerland. Tuwang-tuwa akong mapabilang sa pamilyang Bethel doon at makasama ang maraming may-gulang sa espirituwal na mga brother at sister.

Pero di-nagtagal, may masamang nangyari. Natuklasan kong nagtaksil sa akin at kay Jehova ang asawa ko. Pagkatapos, iniwan niya ako. Lumung-lumo ako! Hindi ko alam kung ano ang mangyayari sa akin kung hindi ako tinulungan ng maibiging may-edad na mga kaibigan ko sa pamilyang Bethel. Pinakikinggan nila ako kapag kailangan ko ng kausap at hinahayaan akong magpahinga kapag kailangan ko. Ang kanilang kabaitan ang pinaghugutan ko ng lakas sa panahon ng matinding dagok na ito, at nakatulong sa akin na lalong mapalapít kay Jehova.

Naaalaala ko pa ang mga sinabi ng mga may-edad na pinatatag ng mga pagsubok. Kasama na rito si Ate Madge. Sinabi niya: “Elva, sa paglilingkod kay Jehova, marami kang haharaping pagsubok, pero ang pinakamahihirap na pagsubok ay maaaring manggaling sa mga malapít sa iyo. Sa harap ng gayong mga problema, maging malapít ka kay Jehova. Tandaan mo na sa kaniya ka naglilingkod, at hindi sa di-sakdal na mga tao!” Naging gabay ko ang payo ni Ate Madge. Ipinasiya kong huwag hayaang makaapekto sa paglilingkod ko kay Jehova ang pagkakamali ng asawa ko.

Nang maglaon, ipinasiya kong umuwi sa Australia para magpayunir malapit sa pamilya ko. Habang naglalakbay sakay ng barko, ipinakipag-usap ko ang Bibliya sa isang grupo ng mga kapuwa pasahero. Isa sa kanila ay si Arne Gjerde, isang tahimik na lalaking taga-Norway. Nagustuhan niya ang narinig niya. Nang maglaon, dumalaw si Arne sa amin sa Sydney. Mabilis ang pagsulong niya sa espirituwal at nabautismuhan siya. Noong 1963, ikinasal kami, at pagkaraan ng dalawang taon, isinilang ko ang aming anak na si Gary.

PANIBAGONG PAGSUBOK

Masayang-masaya ang buhay namin nina Arne at Gary. Di-nagtagal, pinalakihan ni Arne ang aming bahay para makasama namin ang aking may-edad na mga magulang. Pero pagkalipas ng anim na taóng pagsasama, ibang dagok ang dumating sa buhay namin. Natuklasang may kanser sa utak si Arne. Araw-araw ko siyang dinadalaw sa ospital habang sumasailalim siya sa radiation therapy. Noong una, parang bumubuti naman ang kalagayan niya; pero sumamâ ang kondisyon niya at na-stroke siya. Sinabihan ako na ilang linggo na lang ang itatagal niya. Pero naka-recover siya. Nakauwi siya sa bahay, at doon ko siya inalagaan. Nang maglaon, nakalakad uli siya at nagampanan ang kaniyang gawain bilang elder sa kongregasyon. Dahil masayahin siya at palabiro, madali siyang gumaling at hindi ako nahirapan sa pag-aalaga sa kaniya.

Pagkaraan ng ilang taon, noong 1986, muling sumamâ ang kalagayan ni Arne. Nang panahong iyon, patay na ang mga magulang ko, kaya lumipat kami sa Blue Mountains sa labas ng Sydney, para tumira malapit sa mga kaibigan namin. Nakapag-asawa si Gary ng isang magandang sister, si Karin, at iminungkahi nila na tumira kaming apat sa iisang bahay. Makalipas ang ilang buwan, lumipat kami sa isang bahay na di-kalayuan sa dating tinitirhan namin ni Arne.

Sa huling 18 buwan ng kaniyang buhay, nakaratay na lang si Arne at kailangang alagaan at bantayan. Dahil nasa bahay lang ako, araw-araw ay gumugugol ako ng dalawang oras sa pag-aaral ng Bibliya at ng ating mga publikasyon. Marami akong natutuhan tungkol sa pagbabata. Dinalaw rin ako ng mga may-edad sa aming kongregasyon, na ang ilan ay nakaranas din ng ganitong pagsubok. Talagang napatibay ako sa pagbisita nila! Namatay si Arne noong Abril 2003, na may matibay na pananalig sa pagkabuhay-muli.

ANG PINAKAMALAKING TULONG SA AKIN

Noong bata pa ako, idealistiko ako. Pero nakita ko na kadalasan, hindi nangyayari ang inaasahan natin. Marami akong tinanggap na pagpapala pero dumanas din ako ng dalawang trahedya​—ang pagtaksilan ng aking unang asawa at ang mamatayan ng ikalawang asawa dahil sa sakit. Sa mga pinagdaanan ko, nakakuha ako ng patnubay at kaaliwan sa iba’t ibang paraan. Pero ang pinakamalaking tulong sa akin ay nagmula sa “Sinauna sa mga Araw”​—ang Diyos na Jehova. (Dan. 7:9) Ang payo niya ay humubog sa aking personalidad, kung kaya nagkaroon ako ng maraming kasiya-siyang karanasan sa gawaing pagmimisyonera. Sa harap ng mga problema, ‘ang maibiging-kabaitan ni Jehova ang umalalay sa akin at ang kaniyang mga pang-aaliw ang humaplos sa aking kaluluwa.’ (Awit 94:18, 19) Naranasan ko rin ang pag-ibig at suporta ng aking pamilya at ng ‘tunay na mga kaibigang ipinanganganak kapag may kabagabagan.’ (Kaw. 17:17) Marami sa kanila ay mga may-edad.

“Hindi ba may karunungan sa matatanda na at unawa sa kahabaan ng mga araw?” ang tanong ng patriyarkang si Job. (Job 12:12) Sa pagbabalik-tanaw sa buhay ko, masasabi kong oo. Ang payo ng marurunong na may-edad ay nakatulong sa akin, ang kanilang kaaliwan ay nakapagpatibay sa akin, at ang kanilang pakikipagkaibigan ay nakapagpasaya sa buhay ko. Nagpapasalamat ako na naging malapít ako sa kanila.

Ngayon ay 80 anyos na ako. Dahil sa mga pinagdaanan ko, damang-dama ko ang pangangailangan ng mga may-edad. Gustung-gusto ko pa rin silang dalawin at tulungan. Pero natutuwa rin akong makasama ang mga kabataan. Nakapagpapasigla sila, at nakakahawa ang kanilang sigasig. Kapag hinihingi ng mga kabataan ang aking gabay o patnubay, natutuwa akong tulungan sila.

[Talababa]

^ par. 7 Ang kuya ni Elva na si Frank Lambert ay naging masigasig na payunir sa ilang ng Australia. Inilalahad ng 1983 Yearbook of Jehovah’s Witnesses, pahina 110-112, ang isa sa mga paglalakbay niya para mangaral.

[Larawan sa pahina 14]

Pagpapayunir sa Narrandera kasama ni Joy Lennox

[Larawan sa pahina 15]

Si Elva kasama ang mga miyembro ng pamilyang Bethel sa Switzerland noong 1960

[Larawan sa pahina 16]

Inalagaan ko si Arne noong may sakit siya