Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Talaga Bang Pinahahalagahan Mo ang Kaloob ng Diyos na Pag-aasawa?

Talaga Bang Pinahahalagahan Mo ang Kaloob ng Diyos na Pag-aasawa?

“Bigyan nawa kayo ni Jehova ng kaloob, at makasumpong kayo ng pahingahang-dako bawat isa sa bahay ng kaniyang asawa.”​—RUTH 1:9.

1. Ano ang naging reaksiyon ni Adan nang bigyan siya ng asawa?

“ITO sa wakas ay buto ng aking mga buto at laman ng aking laman. Ito ay tatawaging Babae, sapagkat kinuha ito mula sa lalaki.” (Gen. 2:23) Napakasaya nga ng unang lalaking si Adan nang magkaroon siya ng asawa! Hindi kataka-takang napatula siya! Matapos patulugin nang mahimbing si Adan, nilalang ni Jehova ang magandang babaing ito mula sa isa sa mga tadyang ni Adan. Eva ang pangalang ibinigay sa kaniya ni Adan. Ikinasal sila ng Diyos. Dahil ginamit ni Jehova ang sariling tadyang ni Adan para likhain si Eva, mas malapít ang ugnayan nina Adan at Eva sa isa’t isa kaysa sa sinumang mag-asawa sa ngayon.

2. Bakit naaakit ang lalaki’t babae sa isa’t isa?

2 Dahil sa di-mapapantayang karunungan ni Jehova, binigyan niya ang tao ng kakayahang makadama ng romantikong pag-ibig. Kaya naman naaakit ang lalaki’t babae sa isa’t isa. Ganito ang sabi ng The World Book Encyclopedia: “Ang isang lalaki at babae na nagpapakasal ay umaasang magkakaroon ng seksuwal na kaugnayan at permanenteng romantikong atraksiyon sa isa’t isa.” Nangyayari din ito sa gitna ng bayan ni Jehova.

PINAHALAGAHAN NILA ANG KALOOB NA PAG-AASAWA

3. Paano nagkaroon ng asawa si Isaac?

3 Malaki ang pagpapahalaga ng tapat na si Abraham sa pag-aasawa. Kaya naman isinugo niya sa Mesopotamia ang kaniyang pinakamatandang lingkod para humanap ng mapapangasawa ni Isaac. Maganda ang naging resulta ng panalangin ng lingkod na iyon. Ang may-takot sa Diyos na si Rebeka ay napangasawa ni Isaac at nagkaroon ng papel sa layunin ni Jehova na ingatan ang binhi ni Abraham. (Gen. 22:18; 24:12-14, 67) Hindi naman ito nangangahulugan na basta-basta na lang tayo magrereto ng mapapangasawa ng iba, kahit maganda pa ang intensiyon natin. Sa ngayon, karaniwan nang mga indibiduwal mismo ang pumipili ng mapapangasawa nila. Siyempre pa, hindi naman itinatadhana ng langit kung sino ang mapapangasawa ng bawat isa, pero papatnubayan ng Diyos ang mga Kristiyano sa pag-aasawa at sa iba pang aspekto ng buhay kung mananalangin sila at magpapagabay sa kaniyang espiritu.​—Gal. 5:18, 25.

4, 5. Bakit natin masasabi na mahal ng Shulamita at ng pastol ang isa’t isa?

4 Sa sinaunang Israel, may isang magandang babaing Shulamita na ginigipit ng iba na maging isa sa maraming asawa ni Haring Solomon. Pero sinaway niya sila: “Pinanumpa ko kayo, O mga anak na babae ng Jerusalem, na hindi ninyo tatangkaing gisingin o pukawin sa akin ang pag-ibig hanggang sa naisin nito.” (Sol. 8:4) Ang Shulamita ay may pagtingin sa isang pastol na nagmamahal din sa kaniya. Mapagpakumbaba niyang sinabi: “Isa akong hamak na safron sa baybaying kapatagan, isang liryo sa mabababang kapatagan.” Pero sinabi ng pastol: “Tulad ng isang liryo sa gitna ng matitinik na panirang-damo, gayon ang kaibigan kong babae sa gitna ng mga anak na babae”! (Sol. 2:1, 2) Talagang mahal nila ang isa’t isa.

5 At dahil parehong mahal ng Shulamita at ng pastol ang Diyos nang higit sa lahat, tiyak na magiging matibay ang kanilang pagsasama. Sa katunayan, sinabi ng Shulamita sa kaniyang pastol: “Ilagay mo ako bilang tatak sa iyong puso, bilang tatak sa iyong bisig; sapagkat ang pag-ibig ay sinlakas ng kamatayan, ang paghingi ng bukod-tanging debosyon ay singhigpit ng Sheol. Ang mga lagablab nito ay mga lagablab ng apoy, ang liyab ni Jah [dahil mula ito sa kaniya]. Ang pag-ibig ay hindi mapapatay ng maraming tubig, ni matatangay man ito ng mga ilog. Kung ibibigay ng isang lalaki ang lahat ng mahahalagang pag-aari sa kaniyang bahay dahil sa pag-ibig, ang mga iyon ay tiyak na hahamakin ng mga tao.” (Sol. 8:6, 7) Hindi ba ganiyan din ang debosyong inaasahan ng mga lingkod ni Jehova sa kanilang mapapangasawa?

ISANG PAGPILI NA MAHALAGA SA DIYOS

6, 7. Paano natin nalalaman na mahalaga sa Diyos ang pagpili natin ng mapapangasawa?

6 Mahalaga kay Jehova ang pagpili natin ng mapapangasawa. Ganito ang iniutos niya sa mga Israelita tungkol sa mga tumatahan sa Canaan: “Huwag kang makikipag-alyansa sa kanila ukol sa pag-aasawa. Ang iyong anak na babae ay huwag mong ibibigay sa kaniyang anak na lalaki, at ang kaniyang anak na babae ay huwag mong kukunin para sa iyong anak na lalaki. Sapagkat ihihiwalay niya ang iyong anak mula sa pagsunod sa akin, at tiyak na paglilingkuran nila ang ibang mga diyos; at ang galit ni Jehova ay lalagablab nga laban sa inyo, at tiyak na lilipulin ka niya nang dali-dali.” (Deut. 7:3, 4) Pagkaraan ng maraming siglo, sinabi ng saserdoteng si Ezra: “Kayo ay gumawi nang di-tapat sa dahilang naglaan kayo ng tahanan sa mga asawang banyaga upang magdagdag sa pagkakasala ng Israel.” (Ezra 10:10) Sinabi naman ni apostol Pablo sa mga kapuwa Kristiyano: “Ang asawang babae ay nakatali sa buong panahon na buháy ang kaniyang asawa. Ngunit kapag natulog na sa kamatayan ang kaniyang asawa, siya ay malaya nang mag-asawa sa kaninumang ibig niya, tangi lamang sa Panginoon.”​1 Cor. 7:39.

7 Kung ang isang nakaalay na lingkod ni Jehova ay mag-aasawa ng di-sumasampalataya, ito’y isang pagsuway sa Diyos. Ang mga Israelita noong panahon ni Ezra ay gumawi nang di-tapat nang maglaan sila ng “tahanan sa mga asawang banyaga.” Hindi dapat maliitin ang malilinaw na tagubilin ng Kasulatan. (Ezra 10:10; 2 Cor. 6:14, 15) Ang Kristiyanong nag-aasawa ng di-sumasampalataya ay hindi mabuting halimbawa at walang tunay na pagpapahalaga sa kaloob ng Diyos na pag-aasawa. Maaari siyang mawalan ng ilang pribilehiyo sa bayan ng Diyos. At hindi makatuwirang umasa ng pagpapala habang nananalangin, ‘Diyos na Jehova, sinadya kong sumuway sa iyo, pero sana’y pagpalain n’yo pa rin ako.’

ALAM NI JEHOVA ANG PINAKAMABUTI PARA SA ATIN

8. Ipaliwanag kung bakit dapat nating sundin ang patnubay ng Diyos sa pag-aasawa.

8 Alam ng imbentor ng isang makina kung paano ito gumagana. Siya lang ang makapagbibigay ng mga detalyeng kailangan sa pagbuo rito. Paano kung ipagwawalang-bahala natin ang mga instruksiyon niya at bubuuin ito sa paraang gusto natin? Tiyak na kapaha-pahamak ang resulta. Sa katulad na paraan, kung gusto nating maging maligaya ang ating pag-aasawa, dapat nating sundin ang mga tagubiling inilaan ni Jehova, ang Tagapagpasimula ng pag-aasawa.

9. Bakit natin masasabi na nauunawaan ni Jehova ang damdamin ng nalulungkot, at ang kaligayahang dulot ng pag-aasawa?

9 Alam ni Jehova ang lahat tungkol sa mga tao at sa pag-aasawa. Nilalang niya ang mga tao na may seksuwal na pangangailangan para sila ay “magpalaanakin . . . at magpakarami.” (Gen. 1:28) Nauunawaan ng Diyos ang damdamin ng nalulungkot, dahil bago lalangin ang unang babae ay sinabi niya: “Hindi mabuti para sa lalaki na manatiling nag-iisa. Gagawa ako ng isang katulong para sa kaniya, bilang kapupunan niya.” (Gen. 2:18) Alam din ni Jehova ang kaligayahang dulot ng pag-aasawa.​—Basahin ang Kawikaan 5:15-18.

10. Anu-anong simulain ang dapat tandaan ng mga mag-asawang Kristiyano hinggil sa kanilang matalik na ugnayan?

10 Dahil sa kasalanan at di-kasakdalang ipinamana sa atin ni Adan, walang perpektong pag-aasawa sa ngayon. Pero sa gitna ng mga lingkod ni Jehova, puwedeng maging maligaya ang mga mag-asawa kung susundin nila ang Salita ng Diyos. Halimbawa, pansinin ang malinaw na payo ni Pablo tungkol sa matalik na ugnayan ng mag-asawa. (Basahin ang 1 Corinto 7:1-5.) Hindi sinasabi ng Kasulatan na ang seksuwal na pagtatalik ng mag-asawa ay para lang magkaroon sila ng anak. Ang gayong matalik na ugnayan ay nakasasapat din sa kanilang emosyonal at pisikal na mga pangangailangan. Pero ang di-likas na mga gawain sa sekso ay hindi nakalulugod sa Diyos. Para maipakita ang tunay na pagmamahal sa isa’t isa, nanaisin ng mga mag-asawa na maging makonsiderasyon sa mahalagang aspektong ito ng kanilang pagsasama. At tiyak na iiwasan nila ang anumang paggawi na hindi nakalulugod kay Jehova.

11. Paano pinagpala si Ruth dahil sa pagsunod kay Jehova?

11 Ang pag-aasawa ay dapat pagmulan ng kaligayahan, hindi kalungkutan at pasakit. Ang tahanan ng mga Kristiyano ay dapat maging dako ng kapahingahan at kapayapaan. Mga 3,000 taon na ang nakararaan, ang matandang biyuda na si Noemi at ang kaniyang nabalong mga manugang na sina Orpa at Ruth ay naglalakbay mula Moab patungong Juda. Hinimok ni Noemi ang mga manugang niya na bumalik sa kanilang bayan. Pero hindi iniwan ng Moabitang si Ruth ang kaniyang biyenan at naging tapat siya sa tunay na Diyos. Tiniyak sa kaniya na tatanggap siya ng ‘sakdal na kabayaran mula kay Jehova, na sa ilalim ng Kaniyang mga pakpak ay nanganlong siya.’ (Ruth 1:9; 2:12) Dahil sa pagpapahalaga niya sa kaloob ng Diyos na pag-aasawa, si Ruth ay naging asawa ng may-edad nang si Boaz, isang tunay na mananamba ni Jehova. Kapag binuhay-muli si Ruth sa lupa sa bagong sanlibutan ng Diyos, matutuwa siyang malaman na naging ninuno siya ni Jesu-Kristo. (Mat. 1:1, 5, 6; Luc. 3:23, 32) Anong laking pagpapala ang tinanggap niya dahil sa pagsunod kay Jehova!

MATALINONG PAYO PARA SA MATAGUMPAY NA PAG-AASAWA

12. Saan tayo makakakuha ng matalinong payo para sa pag-aasawa?

12 Sinasabi sa atin ng Tagapagpasimula ng pag-aasawa ang kailangan nating malaman para magkaroon ng matagumpay na pag-aasawa. Walang tao ang may ganitong kaalaman. Ang Bibliya ang tanging pinagmumulan ng matalinong payo hinggil sa pag-aasawa. Kaya kung magpapayo ang isa, dapat na lagi itong kaayon ng mga pamantayan sa Kasulatan. Halimbawa, ganito ang isinulat ni apostol Pablo sa ilalim ng patnubay ng Diyos: “Ibigin . . . ng bawat isa sa inyo ang kani-kaniyang asawang babae gaya ng ginagawa niya sa kaniyang sarili; sa kabilang dako naman, ang asawang babae ay dapat na magkaroon ng matinding paggalang sa kaniyang asawang lalaki.” (Efe. 5:33) Ang payong iyan ay napakadaling maintindihan ng may-gulang na mga Kristiyano. Pero ang tanong, Ikakapit ba nila ang Salita ni Jehova? Gagawin nila iyon kung talagang pinahahalagahan nila ang kaniyang kaloob na pag-aasawa. *

13. Ano ang maaaring maging resulta ng di-pagsunod sa payo ng 1 Pedro 3:7?

13 Ang Kristiyanong asawang lalaki ay dapat maging maibigin sa kaniyang kabiyak. Sumulat si apostol Pedro: “Kayong mga asawang lalaki, patuloy na manahanang kasama nila sa katulad na paraan ayon sa kaalaman, na pinag-uukulan sila ng karangalang gaya ng sa isang mas mahinang sisidlan, yaong may katangiang pambabae, yamang kayo ay mga tagapagmana ring kasama nila ng di-sana-nararapat na biyaya ng buhay, upang hindi mahadlangan ang inyong mga panalangin.” (1 Ped. 3:7) Posibleng mahadlangan ang mga panalangin ng isang asawang lalaki kung hindi niya ikakapit ang payo ni Jehova. Malamang na maapektuhan din ang espirituwalidad nilang mag-asawa, anupat maaaring mauwi sa matinding stress, pag-aaway, at pagmamalupit.

14. Paano makatutulong sa buhay pampamilya ang isang maibiging asawang babae?

14 Malaki ang magagawa ng asawang babaing nagpapagabay sa Salita ni Jehova at sa banal na espiritu para maging mapayapa at maligaya ang kanilang tahanan. Likas para sa asawang lalaking may-takot sa Diyos na mahalin ang kabiyak niya at protektahan ito sa pisikal at espirituwal na paraan. Hangad ng asawang babae ang pagmamahal ng kaniyang asawa, kaya naman kailangan siyang maging kaibig-ibig. “Ang babaing tunay na marunong ay nagpapatibay ng kaniyang bahay,” ang sabi ng Kawikaan 14:1, “ngunit ginigiba iyon ng mangmang ng sarili niyang mga kamay.” Ang marunong at maibiging asawang babae ay nakatutulong para maging matagumpay at maligaya ang pamilya. Ipinakikita rin niya na talagang pinahahalagahan niya ang kaloob ng Diyos na pag-aasawa.

15. Anong payo ang matatagpuan sa Efeso 5:22-25?

15 Ang mga mag-asawang nakikitungo sa isa’t isa gaya ng pakikitungo ni Jesus sa kongregasyon ay nagpapakita ng pagpapahalaga sa kaloob ng Diyos na pag-aasawa. (Basahin ang Efeso 5:22-25.) Talagang pagpapalain ang mga mag-asawa kung nagmamahalan sila at iniiwasan ang pride, di-pagkikibuan, o iba pang di-makakristiyanong ugali na makasisira sa kanilang pagsasama!

HUWAG SILANG PAGHIWALAYIN NG SINUMAN

16. Bakit nananatiling walang asawa ang ilang Kristiyano?

16 Karamihan ng mga tao ay nagbabalak mag-asawa pagdating ng panahon. Pero may mga lingkod ni Jehova na nananatiling walang asawa dahil hindi sila makakita ng kabiyak na kalugud-lugod sa kanila at kay Jehova. Ang iba naman ay may kaloob na pagiging walang asawa kung kaya naitatalaga nila ang kanilang sarili sa paglilingkod kay Jehova nang walang panggambala. Siyempre pa, ang mga walang asawa ay dapat sumunod sa mga pamantayang itinakda ni Jehova.​—Mat. 19:10-12; 1 Cor. 7:1, 6, 7, 17.

17. (a) Ano ang sinabi ni Jesus tungkol sa pag-aasawa na dapat nating tandaan? (b) Ano ang dapat gawin agad ng isang Kristiyano na nagsisimulang mag-imbot ng asawa ng iba?

17 May asawa man o wala, dapat nating tandaan ang sinabi ni Jesus: “Hindi ba ninyo nabasa na siya [ang Diyos] na lumalang sa kanila mula sa pasimula ay ginawa silang lalaki at babae at nagsabi, ‘Sa dahilang ito ay iiwan ng lalaki ang kaniyang ama at ang kaniyang ina at pipisan sa kaniyang asawa, at ang dalawa ay magiging isang laman’? Kung kaya hindi na sila dalawa, kundi isang laman. Kaya nga, ang pinagtuwang ng Diyos ay huwag paghiwalayin ng sinumang tao.” (Mat. 19:4-6) Isang kasalanan na imbutin ang asawa ng iba. (Deut. 5:21) Kung ang isang Kristiyano ay magsimulang magkaroon ng gayong maruming pagnanasa, dapat siyang kumilos agad para alisin iyon. At kung pinahintulutan niyang lumago ang gayong pagnanasa, lalo niya itong dapat alisin, gaanuman ito kasakit. (Mat. 5:27-30) Kailangang ituwid ang maling pag-iisip na iyon at supilin ang makasalanang paghahangad ng mapandayang puso.​—Jer. 17:9.

18. Ano ang dapat nating madama tungkol sa kaloob ng Diyos na pag-aasawa?

18 Marami sa mga taong walang alam o walang gaanong alam tungkol sa Diyos na Jehova at sa kaniyang kaloob na pag-aasawa ang nagpapakita ng pagpapahalaga rito. Kaya tayong mga nakaalay sa “maligayang Diyos,” si Jehova, ay lalong dapat magpakita ng tunay na pagpapahalaga sa kaloob ng Diyos na pag-aasawa!​—1 Tim. 1:11.

[Talababa]

^ par. 12 Para sa detalyadong pagtalakay tungkol sa pag-aasawa, tingnan ang kabanata 10 at 11 ng aklat na Manatili sa Pag-ibig ng Diyos.

[Mga Tanong sa Aralin]

[Blurb sa pahina 6]

Ang matagumpay na pag-aasawa ay nagpaparangal kay Jehova at makapagpapaligaya sa buong pamilya

[Larawan sa pahina 5]

Pinahalagahan ni Ruth ang kaloob ng Diyos na pag-aasawa

[Larawan sa pahina 7]

Ipinakikita mo ba na talagang pinahahalagahan mo ang kaloob ni Jehova na pag-aasawa?