‘Ginabayan Sila ng Banal na Espiritu’
“Ang hula ay hindi kailanman dumating sa pamamagitan ng kalooban ng tao, kundi ang mga tao ay nagsalita mula sa Diyos habang ginagabayan sila ng banal na espiritu.”—2 PED. 1:21.
1. Bakit natin kailangan ang kinasihang Salita ng Diyos?
SAAN tayo nagmula? Bakit tayo naririto? Saan tayo patungo? Bakit ganito ang daigdig? Ano ang nangyayari sa atin kapag namatay tayo? Itinatanong iyan ng mga tao sa buong daigdig. Malalaman kaya natin ang sagot sa mga ito at sa iba pang mahahalagang katanungan kung wala ang kinasihang Salita ng Diyos? Kung wala ang Bibliya, matututo lang tayo sa pamamagitan ng personal na karanasan. At kung ito lang ang guro natin, masasabi kaya natin ang gaya ng naibulalas ng salmista tungkol sa “kautusan ni Jehova”?—Basahin ang Awit 19:7.
2. Paano natin mapananatili ang ating pagpapahalaga sa Bibliya na isang mahalagang kaloob mula sa Diyos?
2 Nakalulungkot, hinayaan ng iba na lumamig ang pag-ibig na taglay nila noong una para sa katotohanang nasa Bibliya. (Ihambing ang Apocalipsis 2:4.) Hindi na sila lumalakad sa daang nakalulugod kay Jehova. (Isa. 30:21) Hindi kailangang mangyari iyan sa atin. Mapananatili natin ang ating pagpapahalaga sa Bibliya at sa mga turo nito, at dapat nating sikaping gawin iyan. Ang Bibliya ay isang mahalagang kaloob mula sa ating maibiging Maylalang. (Sant. 1:17) Paano natin mapasisidhi ang ating pagpapahalaga sa “salita ng Diyos”? Ang isang paraan ay ang repasuhin kung paano ginabayan ang mga manunulat ng Bibliya sa pagsulat nito pati na ang ilang patotoo na kinasihan ang Kasulatan. Sa gayon, mapasisigla tayong basahin ang Salita ng Diyos araw-araw at ikapit ang payo nito.—Heb. 4:12.
‘GINABAYAN SILA NG BANAL NA ESPIRITU’—PAANO?
3. Paano ‘ginabayan ng banal na espiritu’ ang mga propeta at manunulat ng Bibliya?
3 Sa loob nang mga 1,610 taon—mula 1513 B.C.E. hanggang 98 C.E.—mga 40 lalaki ang sumulat ng Bibliya. Ang ilan sa kanila ay mga propeta na ‘ginabayan ng banal 2 Pedro 1:20, 21.) Sa orihinal na Griego, ang pananalitang isinaling “ginagabayan” ay may diwang “dalhin o buhatin patungo sa ibang dako,” at maaaring isaling “ilipat, itulak, makilos.” * Ginamit ito sa Gawa 27:15 para ilarawan ang isang barko na tinangay, o itinulak, ng hangin patungo sa isang direksiyon. Ang mga propeta at manunulat ng Bibliya ay ‘ginabayan ng banal na espiritu’ sa diwa na kinausap, inudyukan, at inakay sila ng Diyos sa pamamagitan ng kaniyang aktibong puwersa. Dahil dito, ang isinulat nila ay hindi nila sariling ideya kundi kaisipan ng Diyos. Kung minsan pa nga, hindi alam ng mga propeta at manunulat ang kahulugan ng kanilang inihula o isinulat. (Dan. 12:8, 9) Oo, “ang lahat ng Kasulatan ay kinasihan ng Diyos” at walang halong opinyon ng mga tao.—2 Tim. 3:16.
na espiritu.’ (Basahin ang4-6. Sa anu-anong paraan itinawid ni Jehova sa mga manunulat ng Bibliya ang kaniyang mensahe? Ipaghalimbawa.
4 Pero paano itinawid ng banal na espiritu sa mga manunulat ng Bibliya ang mensahe ng Diyos? Tumanggap ba sila ng eksaktong pananalita o basta mga ideya na maipapahayag nila sa sarili nilang pananalita? Pansinin kung paano gumagawa ng liham ang isang negosyante. Kapag kailangan ang eksaktong pananalita, siya mismo ang nagsusulat ng liham o kaya naman ay idinidikta niya ito sa kaniyang secretary nang salita-por-salita. Ita-type ito ng secretary, at pipirmahan ito ng negosyante. Kung minsan naman, ibibigay lang niya ang pangunahing mga ideya, at ang secretary ang gagawa ng liham, gamit ang sarili nitong istilo o pananalita. Pagkatapos, babasahin ng negosyante ang liham at ipagagawa sa secretary ang kinakailangang mga pagbabago. Bilang panghuli, pipirmahan ito ng negosyante, at siya ang kikilalaning pinagmulan ng liham.
5 Sa katulad na paraan, ang ilang bahagi ng Bibliya ay isinulat ng “daliri ng Diyos.” (Ex. 31:18) May mga pagkakataon ding idinikta ng Diyos sa manunulat ang eksaktong pananalita, kung kinakailangan. Halimbawa, mababasa natin sa Exodo 34:27: “Sinabi ni Jehova kay Moises: ‘Isulat mo sa ganang iyo ang mga salitang ito, sapagkat makikipagtipan ako sa iyo at sa Israel ayon sa mga salitang ito.’” Sinabi rin ni Jehova kay propeta Jeremias: “Isulat mo sa ganang iyo sa isang aklat ang lahat ng mga salita na sasalitain ko sa iyo.”—Jer. 30:2.
6 Pero kadalasan, mga kaisipan at hindi espesipikong mga salita ang makahimalang inilagay ng Diyos sa puso’t isip ng mga manunulat ng Bibliya, at pinahintulutan niya silang pumili ng sarili nilang pananalita para ipahayag ang mga ito. “Ang tagapagtipon ay nagsikap na makasumpong ng nakalulugod na mga salita at makasulat ng wastong mga salita ng katotohanan,” ang sabi ng Eclesiastes 12:10. Tinalunton ni Lucas na manunulat ng Ebanghelyo “ang lahat ng bagay mula sa pasimula nang may katumpakan, [para isulat] ang mga iyon ayon sa lohikal na pagkakasunud-sunod.” (Luc. 1:3) Tiniyak ng espiritu ng Diyos na hindi mababahiran ng di-kasakdalan ng tao ang Kaniyang mensahe.
7. Bakit masasalamin ang karunungan ng Diyos sa paggamit niya ng mga tao sa pagsulat ng Bibliya?
7 Masasalamin ang dakilang karunungan ni Jehova sa paggamit niya ng mga tao para isulat ang Bibliya. Ang mga salita ay nagtatawid hindi lang ng impormasyon kundi pati ng emosyon at damdamin. Paano kaya kung mga anghel ang ginamit ni Jehova? Mailalarawan kaya nila ang mga damdamin ng tao gaya ng takot, kalungkutan, at pagkasira ng loob? Dahil pinahintulutan niyang pumili ang di-sakdal na mga tao ng sarili nilang pananalita sa pagsulat, ang mensahe ng Diyos ay nakaaantig sa ating puso.
MGA PATOTOO NA KINASIHAN NG DIYOS ANG BIBLIYA
8. Bakit ang Bibliya ay di-tulad ng ibang mga aklat tungkol sa relihiyon?
8 Napakaraming patotoo na ang Bibliya ay kinasihang Salita ng Diyos. Tinutulungan tayo nitong makilala ang tunay na Diyos, di-tulad ng ibang mga aklat tungkol sa relihiyon. Halimbawa, kasama sa mga akdang Hinduismo ang mga aklat ng mga himnong Veda, koleksiyon ng ritwalistikong mga komentaryo tungkol sa mga himnong ito, mga akdang pilosopiya na tinatawag na mga Upanishad, at epikong mga kuwentong tinatawag na Ramayana at Mahabharata. Ang Bhagavad Gita, isang aklat na naglalaman ng mga tagubilin sa moral, ay bahagi ng Mahabharata. Sa mga aklat naman ng Budismo, gaya ng Tipitaka (Tatlong Koleksiyon), ang isang tomo ay tungkol sa mga alituntunin para sa mga monghe at mga madre. Ang isa pang tomo ay pangunahin nang tungkol sa mga doktrinang Budismo. Ang ikatlong tomo naman ay ulat ng mga katuruang binigkas ng Buddha. Hindi inangkin ni Buddha na siya ay diyos, at wala siyang gaanong itinuro tungkol sa Diyos. Ang mga akda naman ng Confucianismo ay pinaghalu-halong ulat ng mga pangyayari, gabay sa moralidad, pormula sa mahika, at mga awit. At nariyan din ang banal na aklat ng Islam na nagtuturo na may iisang Diyos na nakaaalam ng lahat ng bagay at nagtatakda ng mga mangyayari sa hinaharap, pero hindi man lang nito isinisiwalat ang pangalan ng Diyos, na Jehova, na libu-libong beses na lumilitaw sa Bibliya.
9, 10. Ano ang itinuturo sa atin ng Bibliya tungkol sa Diyos?
9 Karamihan ng mga aklat tungkol sa relihiyon ay walang gaanong itinuturo tungkol sa Diyos. Pero tinutulungan tayo ng Bibliya na makilala ang Diyos na Jehova at malaman ang kaniyang mga gawain, pati na ang kaniyang personalidad. Ipinakikita ng Bibliya na siya ang Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat, marunong, at makatarungan, at na iniibig niya tayo. (Basahin ang Juan 3:16; 1 Juan 4:19.) Sinasabi rin ng Bibliya: “Ang Diyos ay hindi nagtatangi, kundi sa bawat bansa ang tao na natatakot sa kaniya at gumagawa ng katuwiran ay kaayaaya sa kaniya.” (Gawa 10:34, 35) Pinatutunayan ito ng pagiging laganap ng Bibliya. Ayon sa mga lingguwista, sa mga 6,700 wika sa daigdig ngayon, halos 100 ang sinasalita ng 90 porsiyento ng populasyon ng daigdig. Ang kumpletong Bibliya, o mga bahagi nito, ay naisalin na sa mahigit 2,400 wika. Halos lahat ng tao sa daigdig ay makapagbabasa ng ilang bahagi, kung hindi man buong Bibliya, sa kanilang wika.
10 Sinabi ni Jesus: “Ang aking Ama ay patuloy na gumagawa hanggang ngayon, at ako ay patuloy na gumagawa.” (Juan 5:17) Isip-isipin ang mga nagawa ni Jehova dahil “mula pa sa panahong walang takda hanggang sa panahong walang takda ay [siya] ang Diyos”! (Awit 90:2) Bibliya lang ang nagsasabi sa atin ng tungkol sa mga ginawa noon ng Diyos, mga bagay na ginagawa niya ngayon, at mga gagawin niya sa hinaharap. Itinuturo din ng Kasulatan kung ano ang kalugud-lugod at di-kalugud-lugod sa kaniya, at kung paano tayo mapapalapít sa kaniya. (Sant. 4:8) Huwag nating hayaang mapalayo tayo sa kaniya dahil sa personal na ambisyon o mga kabalisahan.
11. Anong dakilang karunungan ang matatagpuan sa Bibliya?
11 Ipinahihiwatig ng dakilang karunungang nasa Bibliya na nagmula ito sa Diyos. Isinulat ni apostol Pablo: “Sino ang nakaaalam ng pag-iisip ni Jehova, upang maturuan niya siya?” (1 Cor. 2:16) Tinanong ni propeta Isaias ang mga tao noong panahon niya: “Sino ang sumukat sa espiritu ni Jehova, at bilang kaniyang taong tagapayo ay sino ang makapagpapabatid sa kaniya ng anuman?” (Isa. 40:13) Siyempre wala. Kaya naman talagang nakikinabang tayo kapag ikinakapit natin ang payo ng Kasulatan tungkol sa pag-aasawa, mga anak, paglilibang, pakikisama, kasipagan, pagkamatapat, at moralidad! Walang anumang masamang payo ang Bibliya. Sa kabaligtaran, ang mga tao ay salat sa karunungan pagdating sa pagbibigay ng mabuting payo. (Jer. 10:23) Lagi nilang binabago ang mga payo nila kapag natutuklasan nilang mali ang mga ito. “Ang mga kaisipan ng mga tao,” ayon sa Bibliya, “ay gaya ng singaw.”—Awit 94:11.
12. Sa nagdaang mga siglo, paano pinagtangkaang pawiin ang Bibliya?
12 Ipinakikita ng kasaysayan ang isa pang patotoo na ang tunay na Diyos ang Awtor ng Bibliya. Ito ay ang pagtatangkang pawiin ang mensahe nito. Noong 168 B.C.E., ipinahanap ng Siryanong hari na si Antiochus IV ang mga aklat ng Kautusan para ipasunog ito. Noong 303 C.E., ipinag-utos ng Romanong emperador na si Diocletian na sirain ang mga dakong pulungan ng mga Kristiyano at sunugin ang kanilang Kasulatan. Umabot nang mga sampung taon ang paglipol. Pagkatapos ng ika-11 siglo, pinangunahan ng mga papa sa Roma ang pagsugpo sa paglaganap ng kaalaman tungkol sa Bibliya. Ipinagbawal nila ang pagsasalin ng Kasulatan tungo sa mga wika ng karaniwang mga tao. Pero sa kabila ng mga pagtatangkang ito ni Satanas at ng kaniyang mga alipores, umiiral pa rin ang Bibliya. Hindi pinahintulutan ni Jehova na mapawi ng sinuman ang kaloob niyang ito sa sangkatauhan.
MGA PATOTOO NA NAKAKUMBINSI SA MARAMI
13. Ano ang mga patotoo na ang Bibliya ay kinasihan ng Diyos?
13 May iba pang patotoo na kinasihan ng Diyos ang Bibliya: Hindi nagkakasalungatan ang nilalaman nito. Tumpak ito ayon sa siyensiya at kasaysayan. Natupad ang mga hula nito. Ang mga manunulat nito ay laging matapat. May kapangyarihan din itong magpabago ng buhay, at nagbibigay ito ng kasiya-siyang sagot sa mga tanong na binanggit sa parapo 1. Pag-usapan natin kung paano nakumbinsi ang ilan na ang Bibliya ay nagmula sa Diyos.
14-16. (a) Ano ang nakakumbinsi sa isang Muslim, isang Hindu, at isang agnostiko na ang Bibliya ay nagmula sa Diyos? (b) Anong patotoo ang gusto mong gamitin sa ministeryo para makumbinsi ang mga tao na ang Bibliya ay kinasihan ng Diyos?
14 Lumaking Muslim si Anwar * sa isang bansa sa Gitnang Silangan. Noong nakatira siya sa Hilagang Amerika, may dumalaw sa kaniya na mga Saksi ni Jehova. “Nang panahong iyon,” ang sabi ni Anwar, “hindi maganda ang tingin ko sa mga relihiyong Kristiyano dahil sa Krusada at Inkisisyon. Pero dahil mausisa ako, pumayag akong makipag-aral ng Bibliya.” Di-nagtagal, bumalik si Anwar sa Gitnang Silangan at nawalan ng komunikasyon sa mga Saksi. Pagkaraan ng ilang taon, lumipat siya sa Europa, kung saan ipinagpatuloy niya ang kaniyang pag-aaral sa Bibliya. Nang maglaon, nasabi niya: ‘Nakumbinsi ako na ang Bibliya ay Salita ng Diyos dahil natutupad ang mga hula nito, iisa ang tema nito mula sa simula hanggang katapusan, wala itong pagkakasalungatan, at ang mga mananamba ni Jehova ay may pag-ibig sa isa’t isa.’ Nabautismuhan si Anwar noong 1998.
15 Ang 16-anyos na si Asha ay galing sa pamilyang Hindu. “Nagdarasal lang ako kapag nasa templo o kapag may problema,” ang sabi niya, “pero hindi ko naiisip ang Diyos kapag maganda ang takbo ng buhay ko.” Nagpatuloy siya: “Nang kumatok sa pinto namin ang mga Saksi ni Jehova, lubusang nagbago ang buhay ko.” Nakipag-aral ng Bibliya si Asha at nakilala niya ang Diyos bilang kaniyang Kaibigan. Ano ang nakakumbinsi sa kaniya na ang Bibliya ay kinasihan ng Diyos? Sinabi niya: “Sinagot ng Bibliya ang bawat katanungan ko. Tinulungan ako nitong magkaroon ng pananampalataya, kahit hindi ko nakikita ang Diyos—kahit hindi ako pumunta sa templo at yumukod sa isang idolo.”
16 Lumaking Katoliko si Paula, pero naging agnostiko siya nang maging adulto. Pagkatapos, may pangyayaring nagpabago sa kaniya. “Nakita ko ang isang kaibigan na ilang buwan ko nang di-nakikita,” ang sabi niya. “Panahon ng mga hippie noon. Nang makita ko kung gaano kalaki ang ipinagbago niya—maayos na ang hitsura niya at mukha siyang maligaya—tinanong ko siya, ‘Ano’ng nangyari sa ’yo, at saan ka nanggaling?’ Sinabi niyang nakikipag-aral siya ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova, at nagsimula siyang magpatotoo sa akin.” Dahil sa nakita niyang epekto ng katotohanan, ang dating agnostikong ito ay naakit sa mensahe ng Bibliya, at tinanggap niya na kinasihan ito ng Diyos.
“ANG IYONG SALITA AY LAMPARA SA AKING PAA”
17. Ano ang maitutulong sa iyo ng araw-araw na pagbabasa ng Salita ng Diyos at pagbubulay-bulay rito?
17 Ang Bibliya ay isang kamangha-manghang kaloob ni Jehova na inilaan niya sa pamamagitan ng kaniyang banal na espiritu. Basahin mo ito araw-araw, at lalago ang pag-ibig mo rito at sa Awtor nito. (Awit 1:1, 2) Bago magbasa, manalangin at hilingin sa Diyos na patnubayan ka ng kaniyang espiritu. (Luc. 11:13) Ang Bibliya ay naglalaman ng kaisipan ng Diyos. Kung bubulay-bulayin mo ang sinasabi nito, matututo kang mag-isip kaayon ng kaisipan ng Diyos.
18. Bakit gusto mong patuloy na matuto tungkol sa Bibliya?
18 Habang lumalago ang iyong tumpak na kaalaman sa katotohanan, sikaping mamuhay kasuwato nito. (Basahin ang Awit 119:105.) Basahin mo ang Kasulatan na para kang tumitingin sa salamin. At kung makita mong kailangan mong gumawa ng pagbabago, gawin mo iyon. (Sant. 1:23-25) Gamitin ang Salita ng Diyos gaya ng isang tabak para ipagtanggol ang iyong pananampalataya at tagpasin, wika nga, ang mga bulaang turo sa puso ng maaamo. (Efe. 6:17) At habang ginagawa mo iyan, ipagpasalamat mo na ang mga propeta at lalaking ginamit sa pagsulat ng mensahe ng Bibliya ay talagang ‘ginabayan ng banal na espiritu.’
[Mga talababa]
^ par. 3 A Greek-English Lexicon of the New Testament and Other Early Christian Literature.
^ par. 14 Binago ang ilang pangalan.
[Mga Tanong sa Aralin]
[Blurb sa pahina 29]
Basahin mo ang Bibliya araw-araw, at lalago ang pag-ibig mo para sa Awtor nito
[Larawan sa pahina 26]
Ang isang liham ay kinikilalang nagmula sa taong pumirma rito