Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa

Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa

Sa hula ng Bibliya, kailan naging ikapitong kapangyarihang pandaigdig ang Anglo-Amerika?

▪ Ang pagkalaki-laking imaheng metal na nakita ni Haring Nabucodonosor ay hindi kumakatawan sa lahat ng kapangyarihang pandaigdig. (Dan. 2:31-45) Inilalarawan lamang nito ang lima na namahala mula noong panahon ni Daniel at nagkaroon ng malaking epekto sa bayan ng Diyos.

Ipinahihiwatig ng paglalarawan ni Daniel sa imaheng metal na ang Kapangyarihang Pandaigdig na Anglo-Amerikano ay hindi lulupig sa Roma kundi magmumula rito. Nakita ni Daniel na ang imahen ay bakal mula sa binti hanggang sa paa pati na sa mga daliri sa paa. (Pagdating sa mga paa at mga daliri nito, ang bakal ay hinaluan ng luwad.) * Ipinahihiwatig ng deskripsiyong iyon na ang Kapangyarihang Pandaigdig na Anglo-Amerikano ay magmumula sa mga binting bakal. Pinatutunayan ng kasaysayan na tumpak ang deskripsiyon na iyon. Ang Britanya, na dating bahagi ng Imperyo ng Roma, ay nagsimulang maging prominente noong huling bahagi ng ika-18 siglo. Nang maglaon, ang Estados Unidos ng Amerika ay naging makapangyarihang bansa. Pero hindi pa nabubuo noon ang inihula ng Bibliya na ikapitong kapangyarihang pandaigdig. Bakit? Dahil hindi pa kumikilos nang magkasama sa kapansin-pansing paraan ang Britanya at ang Estados Unidos. Naganap lang ito noong Digmaang Pandaigdig I.

Noong panahong iyon, “ang mga anak ng kaharian” ay aktibo lalo na sa Estados Unidos, at ang kanilang pandaigdig na punong-tanggapan ay nasa Brooklyn, New York. (Mat. 13:36-43) Ang mga miyembro ng uring pinahiran ay aktibong nangangaral sa mga bansang nasasakupan ng Imperyo ng Britanya. Noong Digmaang Pandaigdig I, ang Britanya at Amerika ay bumuo ng espesyal na alyansa nang makipaglaban sila sa kanilang mga kaaway sa pulitika. Noong nag-aalab ang nasyonalismong dulot ng digmaan, nakipag-alit din sila sa mga kabilang sa binhi ng makasagisag na “babae” ng Diyos, anupat ipinagbawal ang mga publikasyong inilathala ng mga ito at ibinilanggo ang mga nangunguna sa gawaing pangangaral.​—Apoc. 12:17.

Samakatuwid, batay sa hula ng Bibliya, ang ikapitong kapangyarihang pandaigdig ay hindi nabuo noong huling bahagi ng ika-18 siglo nang magsimulang maging prominente ang Britanya. Sa halip, nakamit lang nito ang posisyong iyon noong pasimula ng araw ng Panginoon. *

[Mga talababa]

^ par. 4 Ang luwad na inihalo sa bakal ay kumakatawan sa mga elemento sa ilalim ng tulad-bakal na pamamahala ng Kapangyarihang Pandaigdig na Anglo-Amerikano. Sa kalaunan, dahil sa luwad na ito ay naging mahirap para sa kapangyarihang iyan na maging napakalakas.

^ par. 6 Ang paliwanag na ito ay isang pagbabago sa impormasyong tinalakay sa aklat na Hula ni Daniel, pahina 57, parapo 24, at sa mga tsart sa pahina 56 at 139.

[Larawan sa pahina 19]

Walong brother mula sa punong-tanggapan ng Watchtower ang ibinilanggo noong Hunyo 1918