Si Jehova—“Tagapagsiwalat ng mga Lihim”
“Totoo nga na ang Diyos ninyo ay Diyos ng mga diyos at Panginoon ng mga hari at Tagapagsiwalat ng mga lihim.”—DAN. 2:47.
1, 2. Ano ang isiniwalat sa atin ni Jehova, at bakit niya ito ginawa?
ANONG mga gobyerno ang nangingibabaw sa lupa bago wakasan ng Kaharian ng Diyos ang pamamahala ng tao? Alam natin ang sagot—ipinaalam ito sa atin ng “Tagapagsiwalat ng mga lihim,” ang Diyos na Jehova. Tinutulungan niya tayong matukoy ang mga pamahalaang iyon sa pamamagitan ng mga isinulat ni propeta Daniel at ni apostol Juan.
2 Nagsiwalat si Jehova sa mga lalaking iyon ng mga pangitain tungkol sa mababangis na hayop. Sinabi rin niya kay Daniel ang kahulugan ng pangitain hinggil sa isang pagkalaki-laking imaheng metal. Ipinasulat ni Jehova ang mga ulat na iyon sa Bibliya para sa ating kapakinabangan. (Roma 15:4) Gusto niyang patibayin ang ating pag-asa na malapit nang durugin ng kaniyang Kaharian ang lahat ng pamahalaan ng tao.—Dan. 2:44.
3. Para maintindihan ang hula, ano muna ang dapat nating maunawaan, at bakit?
3 Isinisiwalat ng mga hula nina Daniel at Juan ang pagkakakilanlan ng walong hari, o mga pamamahala ng tao, at ang pagkakasunud-sunod ng paglitaw ng mga ito. Pero hindi natin maiintindihan ang mga hulang ito kung hindi natin nauunawaan ang kahulugan ng kauna-unahang hula na nakaulat sa Bibliya. Bakit? Dahil ang katuparan ng hulang iyon ang siyang tema ng Bibliya. Dito nakasalalay ang lahat ng iba pang hula sa Bibliya.
ANG ULO NG SERPIYENTE AT ANG MABANGIS NA HAYOP
4. Sino ang bumubuo sa binhi ng babae, at ano ang gagawin ng binhing iyon?
4 Di-nagtagal matapos ang paghihimagsik sa Eden, nangako si Jehova na isang “babae” ang magluluwal ng isang * (Basahin ang Genesis 3:15.) Pagdating ng panahon, ang binhing iyon ang susugat sa ulo ng serpiyente, si Satanas. Nang maglaon, isiniwalat ni Jehova na ang binhi ay magmumula kay Abraham, magiging kabilang sa bansang Israel, magmumula sa tribo ni Juda, at magiging inapo ni Haring David. (Gen. 22:15-18; 49:10; Awit 89:3, 4; Luc. 1:30-33) Ang pangunahing bahagi ng binhing iyon ay si Kristo Jesus. (Gal. 3:16) Ang pangalawahing bahagi ng binhi ay ang pinahirang mga miyembro ng kongregasyong Kristiyano. (Gal. 3:26-29) Si Jesus at ang mga pinahirang ito ang bumubuo sa Kaharian ng Diyos, na gagamitin ng Diyos para durugin si Satanas.—Luc. 12:32; Roma 16:20.
“binhi.”5, 6. (a) Ilang kapangyarihan ang tinukoy nina Daniel at Juan? (b) Saan kumakatawan ang mga ulo ng mabangis na hayop sa Apocalipsis?
5 Sinasabi rin ng unang hulang ibinigay sa Eden na si Satanas ay magluluwal ng isang “binhi.” Ang kaniyang binhi ay makikipag-alit, o mapopoot, sa binhi ng babae. Sino ang bumubuo sa binhi ng serpiyente? Lahat ng tumutulad kay Satanas na napopoot sa Diyos at sumasalansang sa Kaniyang bayan. Sa buong kasaysayan, inorganisa ni Satanas ang kaniyang binhi upang bumuo ng iba’t ibang gobyerno, o kaharian. (Luc. 4:5, 6) Pero iilang kaharian lang ng tao ang nagkaroon ng malaking epekto sa bayan ng Diyos—sa bansang Israel man o sa kongregasyon ng mga pinahirang Kristiyano. Bakit mahalaga ang detalyeng ito? Dahil iyan ang paliwanag kung bakit walong kapangyarihan lang ang inilalarawan sa mga pangitain nina Daniel at Juan.
6 Sa pagtatapos ng unang siglo C.E., ang binuhay-muling si Jesus ay nagbigay kay apostol Juan ng nakagigitlang mga pangitain. (Apoc. 1:1) Sa isa sa mga ito, nakita ni Juan ang Diyablo, inilalarawan bilang dragon, na nakatayo sa buhanginan ng malawak na dagat. (Basahin ang Apocalipsis 13:1, 2.) Nakakita rin si Juan ng isang kakaibang hayop na umahon sa dagat na iyon at tumanggap ng dakilang awtoridad mula sa Diyablo. Nang maglaon, ipinaliwanag ng isang anghel kay Juan na ang pitong ulo ng isang kulay-iskarlatang mabangis na hayop, na siyang larawan ng mabangis na hayop sa Apocalipsis 13:1, ay kumakatawan sa “pitong hari,” o mga gobyerno. (Apoc. 13:14, 15; 17:3, 9, 10) Nang isulat ni Juan ang pangitain, lima sa mga iyon ang bumagsak na, isa ang nasa kapangyarihan, at ang isa ay “hindi pa dumarating.” Saan tumutukoy ang mga kaharian, o mga kapangyarihang pandaigdig, na iyon? Talakayin natin ang bawat ulo ng mabangis na hayop na inilalarawan sa Apocalipsis. Makikita rin natin kung paanong ang mga isinulat ni Daniel ay nagdagdag ng mahahalagang detalye hinggil sa mga kahariang ito, kung minsan, maraming siglo bago pa lumitaw ang mga kahariang ito.
EHIPTO AT ASIRYA—ANG UNANG DALAWANG ULO
7. Sa ano kumakatawan ang unang ulo, at bakit?
7 Ang unang ulo ng mabangis na hayop ay kumakatawan sa Ehipto. Bakit? Sapagkat ang Ehipto ang unang kapangyarihang pandaigdig na nakipag-alit sa bayan ng Diyos. Ang mga inapo ni Abraham—na pagmumulan ng ipinangakong binhi ng babae—ay dumami sa Ehipto. Pagkatapos, siniil ng Ehipto ang Israel. Sinikap ni Satanas na lipulin ang bayan ng Diyos bago pa man dumating ang binhi. Paano? Inudyukan niya si Paraon na patayin ang lahat ng batang lalaking Israelita. Binigo iyon ni Jehova at pinalaya ang kaniyang bayan mula sa pagkaalipin sa Ehipto. (Ex. 1:15-20; 14:13) Pagkatapos, ibinigay niya sa mga Israelita ang Lupang Pangako.
8. Sa ano kumakatawan ang ikalawang ulo, at ano ang tinangka nitong gawin?
8 Ang ikalawang ulo ng mabangis na hayop ay kumakatawan sa Asirya. Tinangka rin ng makapangyarihang kaharian na ito na lipulin ang bayan ng Diyos. Totoo, ginamit ni Jehova ang Asirya para parusahan ang sampung-tribong kaharian dahil sa kanilang idolatriya at paghihimagsik. Pero pagkatapos ay sinalakay ng Asirya ang Jerusalem. Malamang ay gustong lipulin ni Satanas ang maharlikang angkan na pagmumulan ni Jesus. Ang pagsalakay na ito ay hindi bahagi ng layunin ni Jehova kung kaya makahimala niyang iniligtas ang kaniyang tapat na bayan at pinuksa ang mga mananalakay.—2 Hari 19:32-35; Isa. 10:5, 6, 12-15.
BABILONYA—ANG IKATLONG ULO
9, 10. (a) Ano ang ipinahintulot ni Jehova na gawin ng mga Babilonyo? (b) Para matupad ang hula, ano ang kailangang mangyari?
9 Ang ikatlong ulo ng mabangis na hayop na nakita ni Juan ay kumakatawan sa kaharian na ang kabisera ay Babilonya. Pinahintulutan ni Jehova ang mga Babilonyo na pabagsakin ang Jerusalem at dalhing bihag ang kaniyang bayan. Pero bago nito, binabalaan ni Jehova ang mapaghimagsik na mga Israelita na sasapit sa kanila ang ganitong trahedya. (2 Hari 20:16-18) Inihula niya na mapuputol ang linya ng mga taong hari na sinasabing umuupo sa “trono ni Jehova” sa Jerusalem. (1 Cro. 29:23) Pero ipinangako rin ni Jehova na isang inapo ni Haring David, isa na may “legal na karapatan,” ang darating para kuning muli ang awtoridad na iyon.—Ezek. 21:25-27.
10 Ipinahihiwatig din ng isa pang hula na ang mga Judio ay sumasamba sa templo sa Jerusalem kapag dumating ang ipinangakong Mesiyas, o Pinahiran. (Dan. 9:24-27) Ayon sa isang naunang hula, na isinulat bago dalhing bihag ang Israel sa Babilonya, ang taong ito ay ipanganganak sa Betlehem. (Mik. 5:2) Para matupad ang mga hulang iyon, ang mga Judio ay kailangang mapalaya mula sa pagkakabihag, makabalik sa kanilang sariling lupain, at kailangan nilang maitayong muli ang templo. Pero walang patakaran ang Babilonya na magpalaya ng mga bihag. Paano mapagtatagumpayan ang hadlang na iyan? Isiniwalat ni Jehova ang sagot sa kaniyang mga propeta.—Amos 3:7.
11. Sa anu-anong paraan inilalarawan ang Imperyo ng Babilonya? (Tingnan ang talababa.)
11 Kasama si propeta Daniel sa mga bihag na dinala sa Babilonya. (Dan. 1:1-6) Ginamit siya ni Jehova para isiwalat ang sunud-sunod na mga kahariang papalit sa kapangyarihang pandaigdig na iyon. Isiniwalat ni Jehova ang mga lihim na iyon sa pamamagitan ng iba’t ibang simbolo. Halimbawa, binigyan niya ang hari ng Babilonya na si Nabucodonosor ng isang panaginip tungkol sa pagkalaki-laking imahen na gawa sa iba’t ibang metal. (Basahin ang Daniel 2:1, 19, .) Isiniwalat ni Jehova sa pamamagitan ni Daniel na ang ulong ginto ng imahen ay kumakatawan sa Imperyo ng Babilonya. 31-38 * Ang kapangyarihang pandaigdig naman na papalit sa Babilonya ay isinasagisag ng dibdib at mga bisig na pilak. Ano ang kapangyarihang ito, at paano nito pakikitunguhan ang bayan ng Diyos?
MEDO-PERSIA—ANG IKAAPAT NA ULO
12, 13. (a) Ano ang isiniwalat ni Jehova hinggil sa pagkatalo ng Babilonya? (b) Bakit angkop na ilarawan ang Medo-Persia bilang ikaapat na ulo ng mabangis na hayop?
12 Mahigit isang siglo bago ang panahon ni Daniel, isiniwalat ni propeta Isaias ang mga detalye tungkol sa kapangyarihang pandaigdig na tatalo sa Babilonya. Sinabi ni Jehova hindi lang ang paraan ng pagbagsak ng lunsod ng Babilonya kundi pati ang pangalan ng lulupig dito. Siya ay si Ciro na Persiano. (Isa. 44:28–45:2) Tumanggap si Daniel ng dalawa pang pangitain hinggil sa Kapangyarihang Pandaigdig ng Medo-Persia. Sa isang pangitain, ang kahariang ito ay inilalarawan bilang isang oso na nakataas sa isang tagiliran. Sinabihan ito na “kumain . . . ng maraming laman.” (Dan. 7:5) Sa isa pang pangitain, nakita naman ni Daniel ang tambalang kapangyarihang pandaigdig na ito bilang barakong tupa na may dalawang sungay.—Dan. 8:3, 20.
13 Ginamit ni Jehova ang Imperyo ng Medo-Persia para matupad ang hula hinggil sa pagbagsak ng Babilonya at pagsasauli sa mga Israelita sa kanilang sariling lupain. (2 Cro. 36:22, 23) Pero tinangka ring lipulin ng kapangyarihang ito ang bayan ng Diyos. Iniuulat ng aklat ng Bibliya na Esther ang tungkol sa pakana ng punong ministro ng Persia na si Haman. Pinlano niya ang paglipol sa lahat ng Judiong naninirahan sa malawak na Imperyo ng Persia at nagtakda siya ng petsa kung kailan ito ipatutupad. Pero muling ipinagsanggalang ni Jehova ang Kaniyang bayan mula sa matinding poot ng binhi ni Satanas. (Es. 1:1-3; 3:8, 9; 8:3, 9-14) Kaya naman angkop na inilalarawan ang Medo-Persia bilang ikaapat na ulo ng mabangis na hayop sa Apocalipsis.
GRESYA—ANG IKALIMANG ULO
14, 15. Anong mga detalye ang isiniwalat ni Jehova hinggil sa sinaunang Imperyo ng Gresya?
14 Ang ikalimang ulo ng mabangis na hayop ng Apocalipsis ay ang Gresya. Gaya ng pakahulugan ni Daniel sa panaginip ni Nabucodonosor, ang kapangyarihang ito ay isinasagisag ng tiyan at mga hitang tanso ng imahen. Nakatanggap din si Daniel ng dalawang pangitain na nagbibigay ng mahahalagang detalye hinggil sa imperyong ito at sa pinakaprominenteng tagapamahala nito.
15 Sa isang pangitain, nakakita si Daniel ng isang leopardo na may apat na pakpak. Tumutukoy ito sa Gresya na manlulupig nang napakabilis. (Dan. 7:6) Sa isa pang pangitain, inilarawan ni Daniel kung paano mabilis na pinatay ng isang kambing na may malaking sungay ang isang barakong tupa na may dalawang sungay, ang Medo-Persia. Sinabi ni Jehova kay Daniel na ang kambing ay sumasagisag sa Gresya at ang malaking sungay ay lumalarawan sa isa sa mga hari nito. Iniulat pa ni Daniel na ang malaking sungay ay mababali at apat na mas maliliit na sungay ang hahalili rito. Bagaman ang hulang ito ay isinulat mga dalawang siglo bago pa mangibabaw ang Gresya, nagkatotoo ang bawat detalye nito. Si Alejandrong Dakila, na pinakaprominenteng hari ng sinaunang Gresya, ang nanguna sa pakikipaglaban sa Medo-Persia. Pero di-nagtagal, nabali ang sungay na ito dahil ang dakilang hari ay namatay sa rurok ng kaniyang kapangyarihan, sa edad lang na 32. Pagkatapos, ang kaharian niya ay pinaghati-hatian ng apat sa kaniyang mga heneral.—Basahin ang Daniel 8:20-22.
16. Ano ang ginawa ni Antiochus IV?
16 Matapos lupigin ang Persia, pinamahalaan ng Gresya ang Israel. Nang panahong iyon, ang mga Judio ay nakabalik na sa Lupang Pangako at naitayo na nilang muli ang templo sa Jerusalem. Sila pa rin ang piling bayan ng Diyos, at ang muling-itinayong templo pa rin ang sentro ng tunay na pagsamba. Pero noong ikalawang siglo B.C.E., ang Gresya, na ikalimang ulo ng mabangis na hayop, ay sumalakay sa bayan ng Diyos. Si Antiochus IV, isa sa mga tagapagmana ng nahati-hating imperyo ni Alejandro, ay naglagay ng paganong altar sa bakuran ng templo sa Jerusalem at nag-utos na ang sinumang makikibahagi sa pagsamba ng mga Judio ay parurusahan ng kamatayan. Napakatindi ng poot ng binhi ni Satanas! Pero di-nagtagal, ang Gresya ay napalitan bilang kapangyarihang pandaigdig. Ano ang magiging ikaanim na ulo ng mabangis na hayop?
ROMA—ANG IKAANIM NA ULO, “NAKATATAKOT AT KAHILA-HILAKBOT”
17. Anong malaking papel ang ginampanan ng ikaanim na ulo sa katuparan ng Genesis 3:15?
17 Roma ang nangingibabaw na kapangyarihan nang matanggap ni Juan ang pangitain hinggil sa mabangis na hayop. (Apoc. 17:10) Malaking papel ang ginampanan ng ikaanim na ulong ito sa katuparan ng hula sa Genesis 3:15. Ginamit ni Satanas ang mga Romanong opisyal para sugatan “sa sakong” ang binhi. Paano? Nilitis nila si Jesus sa maling paratang na sedisyon at ipinapatay siya. (Mat. 27:26) Pero mabilis ding gumaling ang sugat na iyon dahil binuhay-muli ni Jehova si Jesus.
18. (a) Anong bagong bansa ang pinili ni Jehova, at bakit? (b) Paano patuloy na nagpahayag ng matinding poot sa binhi ng babae ang binhi ng serpiyente?
18 Ang mga lider ng relihiyon ng Israel ay nakipagsabuwatan sa Roma laban kay Jesus, at itinakwil din siya ng karamihan sa bansang Israel. Kaya itinakwil ni Jehova ang likas na Israel bilang kaniyang bayan. (Mat. 23:38; Gawa 2:22, 23) Pumili siya ng isang bagong bansa, ang “Israel ng Diyos.” (Gal. 3:26-29; 6:16) Ang bansang iyon ay ang kongregasyon ng mga pinahirang Kristiyano na binubuo ng mga Judio at mga Gentil. (Efe. 2:11-18) Pagkatapos ng kamatayan at pagkabuhay-muli ni Jesus, ang binhi ng serpiyente ay patuloy na napoot at nakipaglaban sa binhi ng babae. Hindi lang miminsang tinangka ng Roma na lipulin ang kongregasyong Kristiyano—ang pangalawahing bahagi ng binhi. *
19. (a) Paano inilarawan ni Daniel ang ikaanim na kapangyarihang pandaigdig? (b) Ano ang tatalakayin sa susunod na araling artikulo?
19 Sa panaginip ni Nabucodonosor na ipinaliwanag ni Daniel, ang Roma ay isinasagisag ng mga binting bakal. (Dan. 2:33) Nakakita rin si Daniel ng pangitain na naglalarawan hindi lang sa Imperyo ng Roma kundi pati sa kapangyarihang pandaigdig na magmumula sa Roma. (Basahin ang Daniel 7:7, 8.) Sa loob ng maraming siglo, ang Roma ay nagtinging “nakatatakot at kahila-hilakbot at may di-pangkaraniwang lakas” sa kaniyang mga kaaway. Pero sinasabi ng hula na “sampung sungay” ang magmumula sa imperyong ito. Pagkatapos, “isa pang sungay, na maliit,” ang lilitaw at magiging mas makapangyarihan kaysa sa iba. Sa ano kumakatawan ang sampung sungay, at ano ang maliit na sungay? Aling bahagi ng pagkalaki-laking imahen na nakita ni Nabucodonosor ang katumbas ng maliit na sungay na ito? Sasagutin ng artikulo sa pahina 14 ang mga tanong na ito.
[Mga talababa]
^ par. 4 Ang babaing ito ay kumakatawan sa tulad-asawang organisasyon ni Jehova na binubuo ng mga espiritung nilalang sa langit.—Isa. 54:1; Gal. 4:26; Apoc. 12:1, 2.
^ par. 11 Ang ulo ng imahen sa aklat ng Daniel at ang ikatlong ulo ng mabangis na hayop sa Apocalipsis ay parehong lumalarawan sa Babilonya. Tingnan ang tsart sa pahina 12-13.
^ par. 18 Nang wasakin ng Roma ang Jerusalem noong 70 C.E., hindi na Israel ang piling bayan ng Diyos. Kaya ang pagwasak sa Jerusalem ay hindi katuparan ng Genesis 3:15.
[Mga Tanong sa Aralin]