Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

“Kanino Ako Manghihilakbot?”

“Kanino Ako Manghihilakbot?”

“Bagaman laban sa akin ay may bumangong digmaan, magkagayunman ay magtitiwala ako.”​—AWIT 27:3.

1. Anong mga tanong ang sasagutin ng ika-27 Awit?

BAKIT sumusulong ang ating gawaing pangangaral kahit sumasamâ ang mga kalagayan sa daigdig? Bakit natin ibinibigay ang ating panahon at lakas sa ministeryo sa kabila ng krisis sa ekonomiya? Paano mananatiling malakas ang ating loob sa kabila ng takot na nadarama ng marami sa hinaharap? Sinasagot ng kinasihang awit ni Haring David na nakaulat sa Awit 27 ang mga tanong na ito.

2. Ano ang epekto ng panghihilakbot sa isang tao? Pero sa ano tayo makatitiyak?

2 Ganito sinimulan ni David ang awit na ito: “Si Jehova ang aking liwanag at aking kaligtasan. Kanino ako matatakot? Si Jehova ang moog ng aking buhay. Kanino ako manghihilakbot?” (Awit 27:1) Ang takot ay nakapanghihina, lalo na ang panghihilakbot. Pero hindi dapat manghilakbot ang sinumang may takot kay Jehova. (1 Ped. 3:14) Kung ginagawa nating moog si Jehova, “tatahan [tayo] nang tiwasay at hindi maliligalig ng panghihilakbot sa kapahamakan.” (Kaw. 1:33; 3:25) Bakit?

“SI JEHOVA ANG AKING LIWANAG AT AKING KALIGTASAN”

3. Sa anong paraan si Jehova ang ating liwanag? Ano ang dapat nating gawin?

3 Ang metaporang “si Jehova ang aking liwanag” ay nangangahulugang pinalalaya tayo ni Jehova sa espirituwal na kadiliman at kawalang-alam. (Awit 27:1) Maaaring ipakita ng literal na liwanag ang isang panganib o sagabal sa ating dinaraanan, pero hindi nito maaalis iyon. Kailangang kumilos tayo para iwasan iyon. Sa katulad na paraan, ipinakikita sa atin ni Jehova ang kahulugan ng mga pangyayari sa daigdig. Binabalaan niya tayo tungkol sa mga panganib ng balakyot na sanlibutan. Nagbibigay siya ng praktikal na mga simulain mula sa Bibliya. Pero kailangan nating ikapit ang natututuhan natin. Sa paggawa nito, magtatamo tayo ng karunungan, gaya ng salmista na naging ‘mas marunong kaysa sa kaniyang mga kaaway’ at nagkaroon ng ‘higit na kaunawaan kaysa sa lahat ng kaniyang mga guro.’​—Awit 119:98, 99, 130.

4. (a) Bakit nasabi ni David: “Si Jehova ang aking . . . kaligtasan”? (b) Kailan natin magiging kaligtasan si Jehova?

4 Ipinakikita ng mga salita ni David sa Awit 27:1 na hindi niya nakalimutan kung paano siya iniligtas ni Jehova noong nagdaang mga panahon. Halimbawa, iniligtas siya ni Jehova “mula sa pangalmot ng leon at mula sa pangalmot ng oso.” Binigyan din siya ni Jehova ng tagumpay laban sa higanteng si Goliat. Nang maglaon, ilang beses tinangka ni Haring Saul na ulusin si David ng sibat. Pero sa bawat pagkakataon, iniligtas siya ni Jehova. (1 Sam. 17:37, 49, 50; 18:11, 12; 19:10) Kaya naman nasabi ni David: “Si Jehova ang aking . . . kaligtasan”! Ililigtas ni Jehova ang kaniyang mga lingkod gaya ng ginawa niya kay David. Paano? Sa pamamagitan ng pagliligtas sa kanila sa dumarating na “malaking kapighatian.”​—Apoc. 7:14; 2 Ped. 2:9.

ALALAHANIN ANG BAWAT PAGKAKATAONG TINULUNGAN KA NI JEHOVA

5, 6. (a) Paano makatutulong ang ating mga alaala para magkaroon tayo ng lakas ng loob? (b) Paano tayo mapalalakas-loob ng ulat tungkol sa pakikitungo ni Jehova sa kaniyang mga lingkod noon?

5 Ang isang mahalagang salik para magkaroon tayo ng lakas ng loob ay makikita sa Awit 27:2, 3. (Basahin.) Inalaala ni David ang mga pagkakataong iniligtas siya ni Jehova. (1 Sam. 17:34-37) Ang mga alaalang iyon ay nagbigay sa kaniya ng lakas ng loob na harapin ang pinakamahihirap na sitwasyon. Inaalaala mo rin ba ang mga naging karanasan mo? Halimbawa, nasubukan mo na bang ipanalangin ang isang mabigat na problema at pagkatapos ay nakita mo kung paano ka binigyan ni Jehova ng karunungan o lakas para mapagtagumpayan iyon? Naaalaala mo ba kung paano naalis ang mga sagabal sa iyong paglilingkod o kung paano nabuksan sa iyo ang isang malaking pinto na umaakay sa gawain? (1 Cor. 16:9) Ano ang nadarama mo kapag inaalaala mo ang mga pangyayaring iyon? Tiyak na nakukumbinsi kang tutulungan ka ni Jehova na mapagtagumpayan o mabata kahit ang pinakamahihirap na mga problema at pagsubok.​—Roma 5:3-5.

6 Paano kung isang makapangyarihang gobyerno ang magpakana na lipulin ang organisasyon ng mga Saksi ni Jehova? May mga nagtangkang gumawa niyan pero nabigo sila. Lalakas ang ating loob na harapin ang kinabukasan kung aalalahanin natin ang tulong na ibinigay ni Jehova sa atin noong nagdaang mga panahon.​—Dan. 3:28.

PAHALAGAHAN ANG DALISAY NA PAGSAMBA

7, 8. (a) Ayon sa Awit 27:4, ano ang hiniling ni David kay Jehova? (b) Ano ang dakilang espirituwal na templo ni Jehova? Paano tayo sumasamba roon?

7 Ang isa pang mahalagang salik sa pagkakaroon ng lakas ng loob ay ang pag-ibig sa tunay na pagsamba. (Basahin ang Awit 27:4.) Noong panahon ni David, ang “bahay ni Jehova” ay ang tabernakulo. Pinaghandaan ni David ang maringal na templong itatayo ng kaniyang anak na si Solomon. Pero pagkaraan ng maraming siglo, ipinaliwanag ni Jesus na darating ang panahon na hindi na kailangang pumunta sa templo ang mga tao para sumamba kay Jehova. (Juan 4:21-23) Sa Hebreo kabanata 8 hanggang 10, sinabi ni apostol Pablo na isang dakilang espirituwal na templo ang nagsimulang umiral nang mabautismuhan si Jesus noong 29 C.E. at iharap ang kaniyang sarili para gawin ang kalooban ni Jehova. (Heb. 10:10) Ang dakilang espirituwal na templong ito ay ang kaayusan ni Jehova para makalapit tayo sa kaniya sa paraang sinasang-ayunan niya salig sa pananampalataya natin sa haing pantubos ni Jesus. Paano tayo sumasamba sa espirituwal na templong iyan? Sa pamamagitan ng pananalangin nang “may tapat na mga puso sa lubos na katiyakan ng pananampalataya”; pagpapahayag ng ating pag-asa nang walang pag-uurong-sulong; at pagsasaalang-alang, pag-uudyukan, at pagpapatibayang-loob sa ating mga kapananampalataya sa panahon ng mga pulong at pampamilyang pagsamba. (Heb. 10:22-25) Ang pagpapahalaga natin sa tunay na pagsamba ay magpapalakas sa atin sa mapanganib na mga huling araw na ito.

8 Sa buong daigdig, ang tapat na mga lingkod ni Jehova ay gumugugol ng higit na panahon sa ministeryo, nag-aaral ng ibang wika, at lumilipat kung saan mas kailangan ang mga mángangarál ng Kaharian. Ipinakikita nila na gaya ng salmista, isang bagay lang ang hiniling nila kay Jehova. Gusto nilang maranasan ang kaigayahan ni Jehova at makibahagi sa sagradong paglilingkod anuman ang mangyari.​—Basahin ang Awit 27:6.

MAGTIWALA SA TULONG NG DIYOS

9, 10. Anong katiyakan ang ibinibigay ng Awit 27:10?

9 Ipinahayag ni David ang pagtitiwala niya sa tulong ni Jehova sa pagsasabi: “Sakaling iwan ako ng aking ama at ng aking ina, si Jehova mismo ang kukupkop sa akin.” (Awit 27:10) Batay sa 1 Samuel kabanata 22, hindi naman inabandona si David ng mga magulang niya. Sa ngayon, maraming lingkod ni Jehova ang itinakwil ng kanilang pamilya. Pero marami sa mga ito ang nakasumpong ng tulong at proteksiyon sa loob ng maibiging kongregasyong Kristiyano.

10 Pangangalagaan ni Jehova ang kaniyang mga lingkod kahit pabayaan sila ng iba. Kaya naman makatitiyak sila na pangangalagaan din niya sila sa harap ng iba pang pagsubok. Halimbawa, nag-aalala ba tayo kung paano paglalaanan ang ating pamilya? Tandaan natin na tutulungan tayo ni Jehova. (Heb. 13:5, 6) Alam niya ang sitwasyon at pangangailangan ng kaniyang tapat na mga lingkod.

11. Paano maaaring makaapekto sa iba ang pagtitiwala natin kay Jehova? Magbigay ng halimbawa.

11 Nariyan ang halimbawa ni Victoria, isang inaaralan ng Bibliya sa Liberia. Nang malapit na siyang magpabautismo, siya at ang kaniyang tatlong anak ay iniwan ng lalaking kinakasama niya. Kahit wala siyang tirahan at trabaho, nagpatuloy siya sa pag-aaral ng Bibliya at nabautismuhan. Isang araw, ang kaniyang 13-anyos na anak na babae ay nakakita ng isang wallet na punô ng pera. Ni hindi man lang nila binilang ang salapi para huwag silang matukso. Sa halip, agad nilang hinanap ang sundalong nagmamay-ari ng wallet. Nang matagpuan nila siya, sinabi nito na kung lahat ng tao ay tapat gaya ng mga Saksi ni Jehova, mas maganda at mas mapayapa sana ang mundo. Ginamit ni Victoria ang kaniyang Bibliya para ipakita sa sundalo ang pangako ni Jehova na bagong sanlibutan. Humanga ang sundalo sa katapatan ni Victoria at binigyan siya ng malaking halaga bilang pabuya. Oo, dahil sa tiwala natin sa kakayahang maglaan ni Jehova, kilalang-kilala tayo sa pagiging matapat.

12. Ano ang ipinakikita natin kapag patuloy tayong naglilingkod kay Jehova kahit mawalan tayo ng trabaho o salapi? Magbigay ng halimbawa.

12 Isip-isipin din kung ano ang nadama ni Thomas, isang di-bautisadong mamamahayag sa Sierra Leone. Nagsimula siyang magtrabaho bilang guro sa isang haiskul, pero halos isang taon siyang di-sumusuweldo dahil hindi pa maayos ang papeles niya. May isa pang requirement bago siya makatanggap ng suweldo at back pay​—kailangan niyang magpainterbyu sa school administrator na isang pari. Sinabi ng pari na hindi tanggap ng paaralan ang mga paniniwala ng mga Saksi ni Jehova. Pinapili niya si Thomas​—ang kaniyang relihiyon o ang kaniyang trabaho. Nagbitiw si Thomas kahit hindi na niya makukuha ang isang-taóng suweldo niya. Pero nakakita siya ng ibang trabaho bilang taga-repair ng radyo at cellphone. Gaya ng ipinakikita ng halimbawang ito at ng maraming iba pa, hindi tayo dapat mangamba na kakapusin tayo sa ating pangangailangan. Dahil si Jehova ang Maylalang ng lahat ng bagay, alam nating lagi niyang paglalaanan at poprotektahan ang kaniyang bayan.

13. Paano sumusulong ang gawaing pangangaral sa mga bansang mahihirap?

13 Kapansin-pansin na maraming tagapaghayag ng Kaharian ang aktibung-aktibo sa mga bansang mahihirap. Bakit kaya? Sumulat ang isang tanggapang pansangay: “Maraming tumatanggap ng pag-aaral sa Bibliya ang walang trabaho, kaya nasa bahay lang sila at mas maraming panahong magpa-study. Mas marami ring panahong mangaral ang mga kapatid. Ang mga tao, lalo na sa pinakamahihirap na lugar, ay hindi na kailangang kumbinsihin na nabubuhay tayo sa mga huling araw; nakikita na nila mismo ang mga kalagayan sa paligid nila.” Sa isang bansa naman, maraming mamamahayag ang may mahigit sa tatlong Bible study. Isang misyonero na naglilingkod doon nang mahigit 12 taon ang sumulat: “Dahil simple ang pamumuhay ng mga mamamahayag dito at walang gaanong mga pang-abala, karaniwan nang mas marami silang panahon para sa ministeryo sa larangan at sa pagtuturo ng Bibliya.”

14. Sa anu-anong paraan maaaring tumanggap ng proteksiyon ng Diyos ang malaking pulutong?

14 Nangako si Jehova na tutulungan, poprotektahan, at ililigtas niya sa pisikal at espirituwal na paraan ang kaniyang bayan. May tiwala tayo sa kaniya. (Awit 37:28; 91:1-3) Isang malaking pulutong ang makaliligtas sa “malaking kapighatian.” (Apoc. 7:9, 14) Kaya naman ang pulutong na iyon, bilang isang grupo, ay ipagsasanggalang sa mga huling araw na ito. Ibibigay sa kanila ni Jehova ang lahat ng kailangan nila para makapagbata at maingatan ang kaugnayan nila sa kaniya. Poprotektahan din sila ni Jehova hanggang sa huling yugto ng malaking kapighatian.

“TURUAN MO AKO, O JEHOVA, HINGGIL SA IYONG DAAN”

15, 16. Paano tayo nakikinabang kapag sinusunod natin ang tagubilin ng Diyos? Magbigay ng halimbawa.

15 Para mapanatili ang ating lakas ng loob, kailangan natin ang patuloy na pagtuturo ng Diyos. Sinabi ni David: “Turuan mo ako, O Jehova, hinggil sa iyong daan, at akayin mo ako sa landas ng katuwiran dahil sa aking mga kagalit.” (Awit 27:11) Para magawa ito, kailangan tayong magbigay-pansin sa salig-Bibliyang mga tagubilin na tinatanggap natin mula sa organisasyon ni Jehova at ikapit agad ang mga ito. Halimbawa, marami ang nagkapit ng payo na pasimplehin ang kanilang buhay. Binayaran nila ang kanilang mga utang at ipinagbili ang mga bagay na di-kailangan. Kaya naman, nang magkaroon ng krisis sa ekonomiya, wala na silang gaanong problema sa pananalapi. Hindi na nila kailangang magtrabaho para mabayaran ang mga bagay na hindi naman nila kailangan. At marami silang panahon para sa ministeryo. Tanungin ang ating sarili, ‘Agad ko bang ikinakapit ang lahat ng nababasa ko sa Bibliya at sa mga publikasyon ng uring tapat at maingat na alipin, kahit kailangan ang pagsasakripisyo?’​—Mat. 24:45.

16 Kapag nagpapaturo tayo kay Jehova at nagpapaakay sa landas ng katuwiran, wala tayong dapat ipangamba. Isang brother na regular pioneer sa Estados Unidos ang nag-aplay sa posisyong makatutulong para makapanatili siya at ang kaniyang buong pamilya sa buong-panahong paglilingkod. Pero sinabi ng kaniyang supervisor na hindi niya makukuha ang puwestong iyon dahil wala siyang college degree. Kung mangyari ito sa iyo, pagsisisihan mo bang naglingkod ka nang buong panahon sa halip na nagkolehiyo? Pagkaraan ng dalawang linggo, natanggal sa trabaho ang supervisor na iyon. Tinanong ng isang manager ang brother tungkol sa kaniyang mga tunguhin. Ipinaliwanag niya na silang mag-asawa ay buong-panahong ministro ng mga Saksi ni Jehova at na gusto nilang manatili sa gawaing iyon. Bago maituloy ng brother ang sinasabi niya, nagsalita ang manager: “Sabi ko na nga ba, naiiba ka! Nang magkasakit ang tatay ko at malapit nang mamatay, dalawang karelihiyon ninyo ang araw-araw na bumibisita sa kaniya at binabasahan siya ng Bibliya. Ipinangako ko sa sarili ko na kung may pagkakataon akong tumulong sa isang Saksi ni Jehova, gagawin ko iyon.” Kinabukasan, nakuha ng brother na ito ang trabahong ipinagkait sa kaniya ng dating supervisor. Talagang tinutupad ni Jehova ang pangako niya na hindi tayo kakapusin sa ating mga pangangailangan kung uunahin natin ang Kaharian.​—Mat. 6:33.

MAHALAGA ANG PANANAMPALATAYA AT PAG-ASA

17. Paano natin mahaharap nang may tiwala ang kinabukasan?

17 Ipinakita ni David kung gaano kahalaga ang pananampalataya at pag-asa. Sinabi niya na wala sana siyang pag-asa kung hindi siya nagkaroon ng “pananampalataya sa pagkakita ng kabutihan ni Jehova.” (Awit 27:13) Paano na kaya tayo kung hindi tayo binigyan ng Diyos ng pag-asa at kung hindi natin pinahahalagahan ang mga bagay na tinalakay sa Awit 27? Kaya nga, patuloy tayong manalangin kay Jehova na bigyan tayo ng lakas at iligtas tayo para makatawid sa Armagedon!​—Basahin ang Awit 27:14.

[Mga Tanong sa Aralin]

[Larawan sa pahina 23]

Napalakas si David ng mga alaala niya ng pagliligtas ni Jehova

[Larawan sa pahina 25]

Itinuturing ba natin ang krisis sa ekonomiya bilang pagkakataon para mapalawak ang ating ministeryo?