Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

“Natupad ang Pangarap Ko”

“Natupad ang Pangarap Ko”

Dating regular pioneer si Emilia. Pero 15 taon na ang nakararaan, kinailangan niyang huminto. Sa nakalipas na mga taon, lagi niyang iniisip-isip ang pinakamasasayang araw na iyon sa kaniyang buhay, at gusto niyang magpayunir uli.

Pero umuubos ng panahon ang trabaho ni Emilia, kaya hindi siya masaya. Minsan, nasabi niya sa kaniyang mga kaopisina: “Sana mabawasan ang oras ng trabaho ko!” Nabalitaan ito ng kaniyang boss at tinanong siya tungkol dito. Tiniyak sa kaniya ni Emilia na ganito sana ang gusto niyang mangyari. Pero para matupad ang kahilingan ni Emilia, kailangan niya itong ipagbigay-alam sa kanilang direktor dahil patakaran ng kompanya na lahat ng empleado nito ay magtrabaho nang buong panahon. Pinaghandaang mabuti ni Emilia ang pakikipag-usap niya sa direktor at nanalangin na sana’y huwag siyang nerbiyusin at masabi niya ang gusto niya.

Nang kausap na ni Emilia ang direktor, mataktika pero lakas-loob niyang hiniling na sana’y mabawasan ang oras ng kaniyang trabaho. Ipinaliwanag niya na ginagamit niya ang ilan sa kaniyang panahon para tulungan ang iba: “Saksi ni Jehova po ako, at gusto kong matulungan ang mga tao sa espirituwal. Mababa na ang moral ng marami sa ngayon. Kailangan nila ng malinaw na mga pamantayan at simulain, at pakikinabangan nila ang ibinabahagi kong karunungan mula sa Bibliya. Ayaw ko pong mapabayaan ang trabaho ko, pero gusto kong magkaroon ng higit na panahon sa pagtulong sa mga tao. Kaya naman po gusto kong mabawasan ang oras ko sa trabaho.”

Nakinig nang mabuti ang direktor at sinabing minsan ay naisip din niyang mag-charity work. Pagkatapos ay sinabi ng direktor: “Sa sinabi mong mga dahilan, mukhang hindi ko matatanggihan ang kahilingan mo. Pero naisip mo na bang mababawasan ang suweldo mo?” Sumagot si Emilia na naisip na niya ito, at kung kailangan, handa siyang pasimplehin ang buhay niya. Idinagdag niya: “Ang pinakamahalaga sa akin ay makagawa ng isang bagay na talagang makatutulong sa mga tao.” Sinabi sa kaniya ng direktor: “Hanga ako sa mga nagbibigay ng kanilang panahon sa iba nang walang hinihintay na kapalit.”

Si Emilia pa lang ang nabigyan ng gayong konsiderasyon sa kompanya. Pinayagan siyang magtrabaho nang apat na araw lang sa loob ng isang linggo. Nasorpresa pa si Emilia dahil itinaas ang sahod niya, kaya gaya rin ng dati ang sinusuweldo niya! Sinabi niya: “Natupad ang pangarap ko, at nakapag-regular pioneer uli ako!”

Naisip mo na bang gumawa ng adjustment para makapagpayunir o muling makapagpayunir?

[Blurb sa pahina 32]

Sinabi sa kaniya ng direktor: “Hanga ako sa mga nagbibigay ng kanilang panahon sa iba nang walang hinihintay na kapalit”