Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Tinitipon ng “Iisang Jehova” ang Kaniyang Pamilya

Tinitipon ng “Iisang Jehova” ang Kaniyang Pamilya

‘Namamanhik ako sa inyo na ingatan ang pagkakaisa ng espiritu.’​—EFE. 4:1, 3.

1, 2. Ano ang layunin ni Jehova para sa lupa at sa mga tao?

PAMILYA. Ano ang naiisip mo kapag naririnig mo ang salitang iyan? Pagmamahal? Kaligayahan? Pagtutulungan para maabot ang isang tunguhin? Isang ligtas na kanlungan kung saan maaari kang sumulong, matuto, at makipagpalitan ng mga ideya? Malamang na iyan ang maiisip mo kung kabilang ka sa isang maibiging pamilya. Si Jehova ang Tagapagpasimula ng pamilya. (Efe. 3:14, 15) Layunin niya na lahat ng kaniyang mga nilalang sa langit at lupa ay makadama ng katiwasayan, magtiwala sa isa’t isa, at magkaisa.

2 Mula nang magkasala sina Adan at Eva, ang mga tao ay hindi na bahagi ng pansansinukob na pamilya ng Diyos. Pero hindi nagbago ang layunin ni Jehova. Titiyakin niya na ang Paraisong lupa ay tatahanan ng mga inapo nina Adan at Eva. (Gen. 1:28; Isa. 45:18) Gumawa siya ng mga kaayusan para matupad ang layuning ito. Ang ilan sa mga kaayusang ito ay idiniriin sa atin ng aklat ng Bibliya na Efeso, na ang tema ay pagkakaisa. Isaalang-alang natin ang ilang talata mula sa aklat na ito at tingnan kung paano tayo makikipagtulungan sa layunin ni Jehova na pagkaisahin ang kaniyang mga nilalang.

ANG PANGANGASIWA AT ANG GAWAIN NITO

3. Ano ang pangangasiwa na binabanggit sa Efeso 1:10? Kailan nagsimula ang unang yugto nito?

3 Sinabi ni Moises sa mga Israelita: “Si Jehova na ating Diyos ay iisang Jehova.” (Deut. 6:4) Ang lahat ng ginagawa ni Jehova ay kasuwato ng kaniyang layunin. Kaya naman “sa hustong hangganan ng mga takdang panahon,” pinasimulan ng Diyos ang “isang pangangasiwa”​—samakatuwid nga, isang kaayusan para pagkaisahin ang lahat ng kaniyang matatalinong nilalang. (Basahin ang Efeso 1:8-10.) May dalawang yugto ang pangangasiwang ito. Sa unang yugto, inihahanda ng Diyos ang kongregasyon ng mga pinahiran para sa buhay sa langit kasama ni Jesu-Kristo bilang kanilang Ulo. Nagsimula ang yugtong ito noong Pentecostes 33 C.E. nang simulan ni Jehova ang pagtitipon sa mga mamamahalang kasama ni Kristo sa langit. (Gawa 2:1-4) Yamang ang mga pinahiran ay ipinahayag na matuwid para sa buhay salig sa haing pantubos ni Kristo, kinikilala nila na inampon sila bilang “mga anak ng Diyos.”​—Roma 3:23, 24; 5:1; 8:15-17.

4, 5. Ano ang ikalawang yugto ng pangangasiwa?

4 Sa ikalawang yugto, inihahanda ng Diyos ang mga mabubuhay sa Paraiso sa lupa sa ilalim ng Mesiyanikong Kaharian ni Kristo. Ang unang bubuo sa grupong ito ay ang “malaking pulutong.” (Apoc. 7:9, 13-17; 21:1-5) Sa panahon ng Sanlibong Taóng Paghahari, makakasama nila ang bilyun-bilyong bubuhaying-muli. (Apoc. 20:12, 13) Higit nitong maitatanghal ang ating pagkakaisa! Matapos ang isang libong taon, “ang mga bagay na nasa lupa” ay sasailalim sa panghuling pagsubok. Ang mga mananatiling tapat ay aampunin bilang makalupang “mga anak ng Diyos.”​—Roma 8:21; Apoc. 20:7, 8.

5 Magkasabay na nagaganap ngayon ang dalawang yugto ng pangangasiwa ng Diyos​—ang para sa langit at ang para sa lupa. Bilang mga indibiduwal, paano tayo nakikipagtulungan sa pangangasiwa ng Diyos?

“INGATAN ANG PAGKAKAISA NG ESPIRITU”

6. Paano ipinakikita ng Kasulatan na kailangang magtipun-tipon ang mga Kristiyano?

6 Ipinakikita ng Kasulatan na kailangang magtipun-tipon ang mga Kristiyano. (1 Cor. 14:23; Heb. 10:24, 25) Pero upang magkaisa, hindi sapat na magsama-sama tayo sa iisang lugar, gaya ng ginagawa ng mga taong nagpupunta sa pamilihan o sports stadium. Kailangan nating ikapit ang itinuturo sa atin ni Jehova at magpagabay sa banal na espiritu ng Diyos.

7. Ano ang ibig sabihin ng “ingatan ang pagkakaisa ng espiritu”?

7 Dahil nananampalataya tayo sa haing pantubos ni Kristo, ipinapahayag tayong matuwid ni Jehova, bilang kaniyang mga anak kung tayo’y mga pinahiran, o bilang kaniyang mga kaibigan kung kabilang tayo sa ibang mga tupa. Pero hangga’t naririto tayo sa sistemang ito, hindi maiiwasang magkaproblema tayo sa iba. (Roma 5:9; Sant. 2:23) Kaya naman pinapayuhan tayo ng Bibliya na ‘pagtiisan ang isa’t isa.’ Paano natin maitataguyod ang pagkakaisa sa kongregasyon? Kailangan ang “buong kababaan ng pag-iisip at kahinahunan.” Pinasisigla rin tayo ni Pablo na marubdob na pagsikapang “ingatan ang pagkakaisa ng espiritu sa nagbubuklod na bigkis ng kapayapaan.” (Basahin ang Efeso 4:1-3.) Maikakapit natin ang payong ito kung magpapaakay tayo sa impluwensiya ng espiritu ng Diyos at hahayaan itong magluwal sa atin ng bunga nito. Ang bunga ng espiritu ng Diyos ay tumutulong para malutas ang mga di-pagkakaunawaan, hindi gaya ng mga gawa ng laman na sumisira ng pagkakaisa.

8. Paano nakasisira ng pagkakaisa ang mga gawa ng laman?

8 Paano nakasisira ng pagkakaisa ang “mga gawa ng laman”? (Basahin ang Galacia 5:19-21.) Ang pakikiapid ay sumisira sa kaugnayan ng isa kay Jehova at sa kongregasyon. Ang pangangalunya ay nagdudulot ng matinding kirot sa mga pamilya at sumisira sa ugnayan ng anak at magulang, at ng mag-asawa. Ang karumihan ay sumisira sa kaugnayan ng isang tao sa Diyos at sa mga nagmamahal sa kaniya. Bilang paghahalimbawa, kung gusto nating pagdikitin ang dalawang bagay gamit ang glue, kailangang parehong malinis ang mga ito. Ang paggawi nang may kapangahasan ay nagpapakita ng lubusang pagwawalang-bahala sa matuwid na mga kautusan ng Diyos. Sinisira din ng iba pang gawa ng laman ang kaugnayan ng mga tao sa isa’t isa at sa Diyos. Ang gayong paggawi ay salungat na salungat sa personalidad ni Jehova.

9. Paano natin malalaman kung “marubdob [nating] pinagsisikapang ingatan ang pagkakaisa ng espiritu”?

9 Kaya dapat nating tanungin ang ating sarili: ‘Gaano karubdob ang pagsisikap kong “ingatan ang pagkakaisa ng espiritu sa nagbubuklod na bigkis ng kapayapaan”? Ano ang ginagawa ko kapag nagkakaproblema ako sa iba? Ikinukuwento ko ba ito sa mga kaibigan ko para magkaroon ng maraming kakampi? Inaasahan ko ba na mga elder ang lulutas ng di-pagkakaunawaang ito sa halip na ako mismo ang makipagpayapaan? At kung alam kong may reklamo sa akin ang isang kapatid, iniiwasan ko ba siya para hindi na namin pag-usapan ang problema?’ Kung ganiyan ang ginagawa natin, ipinakikita ba natin na nakikipagtulungan tayo sa layunin ni Jehova na muling tipunin ang lahat ng bagay kay Kristo?

10, 11. (a) Gaano kahalaga ang pakikipagpayapaan sa ating mga kapatid? (b) Paano natin maitataguyod ang mapayapang kalagayan na magdudulot ng pagpapala ni Jehova?

10 Sinabi ni Jesus: “Kung gayon, kapag dinadala mo sa altar ang iyong kaloob at doon ay naalaala mo na ang iyong kapatid ay may isang bagay na laban sa iyo, iwan mo roon sa harap ng altar ang iyong kaloob, at umalis ka; makipagpayapaan ka muna sa iyong kapatid, at kung magkagayon, sa pagbalik mo, ihandog mo ang iyong kaloob. Makipag-ayos kang madali.” (Mat. 5:23-25) Isinulat ni Santiago na “ang bunga ng katuwiran ay may binhing inihasik sa ilalim ng mapayapang mga kalagayan para roon sa mga nakikipagpayapaan.” (Sant. 3:17, 18) Nangangahulugan ito na hindi natin patuloy na magagawa ang matuwid kung wala tayong pakikipagpayapaan sa iba.

11 Bilang paghahalimbawa, sa ilang bansang dumanas ng digmaan, tinatayang 35 porsiyento pa sana ng lupain ang puwedeng pakinabangan kung hindi nangangamba ang mga tao sa mga nakatanim na bomba. Kapag may sumabog na bomba, iniiwan na ng mga magsasaka ang bukid, nawawalan ng kabuhayan ang mga taganayon, at kinakapos sa pagkain ang mga tagalunsod. Sa katulad na paraan, kung mayroon tayong mga ugali na sumisira sa pakikipagpayapaan natin sa ating mga kapatid, mahahadlangan ang ating espirituwal na pagsulong. Pero kung mabilis tayong magpapatawad sa iba at gagawa ng mabuti sa kanila, maitataguyod natin ang mapayapang kalagayan na magdudulot ng pagpapala ni Jehova.

12. Paano tayo tinutulungan ng mga elder na magkaisa?

12 Makatutulong din ang “kaloob na mga tao” para “makamtan nating lahat ang pagkakaisa sa pananampalataya.” (Efe. 4:8, 13) Habang ang mga elder ay gumagawang kasama natin sa sagradong paglilingkod at nagbibigay ng payo mula sa Salita ng Diyos, tinutulungan nila tayong magbihis ng bagong personalidad. (Efe. 4:22-24) Kapag pinapayuhan ka ng mga elder, tandaan mo na ginagamit sila ni Jehova para ihanda ka sa buhay sa bagong sanlibutan sa ilalim ng pamamahala ng kaniyang Anak. Mga elder, kapag itinutuwid ninyo ang iba, ipinadarama ba ninyo na gusto ninyo silang tulungan?​—Gal. 6:1.

“MAGING MABAIT KAYO SA ISA’T ISA”

13. Ano ang magiging resulta kung hindi natin susundin ang payo sa Efeso 4:25-32?

13 Binabanggit sa Efeso 4:25-29 ang ilang paggawi na dapat nating iwasan, gaya ng pagsasalita ng kabulaanan, pagkapoot, katamaran, at paggamit ng bulok na pananalita sa halip na pananalitang mabuti at nakapagpapatibay. Kung hindi susundin ng isa ang payong ito, mapipighati niya ang banal na espiritu ng Diyos, dahil ito ay isang puwersang nagtataguyod ng pagkakaisa. (Efe. 4:30) Mahalaga rin sa kapayapaan at pagkakaisa ang pagkakapit ng sumunod na isinulat ni Pablo: “Ang lahat ng mapait na saloobin at galit at poot at hiyawan at mapang-abusong pananalita ay alisin mula sa inyo pati na ang lahat ng kasamaan. Kundi maging mabait kayo sa isa’t isa, mahabagin na may paggiliw, lubusang nagpapatawaran sa isa’t isa kung paanong ang Diyos sa pamamagitan ni Kristo ay lubusang nagpatawad din sa inyo.”​—Efe. 4:31, 32.

14. (a) Ano ang ipinahihiwatig ng payong “maging mabait”? (b) Ano ang makatutulong sa atin na maging mabait?

14 Ipinahihiwatig ng payong “maging mabait” na may mga pagkakataong hindi tayo naging mabait at na kailangan nating linangin pa ang katangiang ito. Dapat nating isipin na mas mahalaga ang damdamin ng iba kaysa sa atin. (Fil. 2:4) Baka mayroon tayong gustong sabihin para magpatawa o magtinging matalino. Pero kung makasasakit ito sa iba, pagpapakita kaya ito ng kabaitan? Ang pag-iisip bago magsalita ay makatutulong sa atin na “maging mabait” sa iba.

MATUTO NG PAG-IBIG AT PAGGALANG SA LOOB NG PAMILYA

15. Anong pakikitungo ni Kristo sa kongregasyon ang tinutukoy ni Pablo sa Efeso 5:28?

15 Ang kaugnayan ni Kristo sa kongregasyon ay inihahalintulad ng Bibliya sa kaugnayan ng asawang lalaki sa kaniyang kabiyak. Idiniriin ng halimbawa ni Kristo ang patnubay, pag-ibig, at pangangalaga na dapat ibigay ng asawang lalaki sa kaniyang kabiyak at ang pagpapasakop na dapat ipamalas ng asawang babae sa kaniyang asawa. (Efe. 5:22-33) Nang isulat ni Pablo: “Sa ganitong paraan dapat ibigin ng mga asawang lalaki ang kani-kanilang asawang babae na gaya ng sa kanilang sariling mga katawan,” anong “paraan” ang tinutukoy niya? (Efe. 5:28) Itinatampok ng naunang mga talata kung paano “inibig din ng Kristo ang kongregasyon at ibinigay ang kaniyang sarili ukol dito, . . . na nililinis ito sa paghuhugas ng tubig sa pamamagitan ng salita.” Oo, pananagutan ng asawang lalaki na tulungan ang kaniyang pamilya na magkaroon ng mabuting kaugnayan kay Jehova. Sa gayon, nakikipagtulungan siya sa layunin ni Jehova na muling tipunin ang lahat ng bagay kay Kristo.

16. Ano ang resulta kapag tinutupad ng mga magulang ang kanilang maka-Kasulatang pananagutan sa tahanan?

16 Dapat tandaan ng mga magulang na ang atas nila ay mula kay Jehova. Nakalulungkot na marami ngayon ang “walang likas na pagmamahal.” (2 Tim. 3:1, 3) Maraming ama ang umiiwas sa kanilang responsibilidad​—na may masamang epekto sa kanilang mga anak. Pero ganito ang payo ni Pablo sa mga amang Kristiyano: “Huwag ninyong inisin ang inyong mga anak, kundi patuloy na palakihin sila sa disiplina at pangkaisipang patnubay ni Jehova.” (Efe. 6:4) Sa pamilya unang natututuhan ng mga anak ang tungkol sa pag-ibig at paggalang sa awtoridad. Ang mga magulang na nagtuturo nito sa kanilang mga anak ay nakikipagtulungan sa pangangasiwa ni Jehova. Kung may pag-ibig sa ating tahanan anupat walang galit, poot, at mapang-abusong pananalita, tinuturuan natin ang ating mga anak kung paano magpapakita ng pag-ibig at ng paggalang sa awtoridad. Ihahanda sila nito para sa buhay sa bagong sanlibutan ng Diyos.

17. Ano ang kailangan para madaig natin ang Diyablo?

17 Tandaan natin na mula’t sapol, gusto ng Diyablo na pahintuin ang iba sa paglilingkod sa Diyos, at gagawin din niya ito sa atin. Sinusunod ng maraming tao sa sanlibutan ang gusto ng Diyablo kapag nagdidiborsiyo sila, nagsasama nang di-kasal, at kinukunsinti ang pagpapakasal ng mga homoseksuwal. Pero dahil si Kristo ang ating huwaran, hindi natin tinutularan ang mga paggawi at saloobin na nagiging katanggap-tanggap sa sanlibutan. (Efe. 4:17-21) Kaya para madaig natin ang Diyablo at ang kaniyang mga demonyo, pinapayuhan tayo na “isuot . . . ang kumpletong kagayakang pandigma mula sa Diyos.”​—Basahin ang Efeso 6:10-13.

“PATULOY KAYONG LUMAKAD SA PAG-IBIG”

18. Ano ang susi sa pagkakaisa nating mga Kristiyano?

18 Ang tunay na susi sa pagkakaisa nating mga Kristiyano ay pag-ibig. Taglay ang pusong punô ng pag-ibig para sa ating “isang Panginoon,” sa ating “isang Diyos,” at sa isa’t isa, determinado tayong “ingatan ang pagkakaisa ng espiritu sa nagbubuklod na bigkis ng kapayapaan.” (Efe. 4:3-6) Nanalangin si Jesus tungkol sa gayong pag-ibig: “Humihiling ako, hindi lamang may kinalaman sa mga ito, kundi may kinalaman din sa mga nananampalataya sa akin sa pamamagitan ng kanilang salita; upang silang lahat ay maging isa, kung paanong ikaw, Ama, ay kaisa ko at ako ay kaisa mo, upang sila rin ay maging kaisa natin . . . At ipinakilala ko sa kanila ang iyong pangalan at ipakikilala ito, upang ang pag-ibig na inibig mo sa akin ay mapasakanila at ako ay maging kaisa nila.”​—Juan 17:20, 21, 26.

19. Ano ang determinasyon mo?

19 Baka dahil sa ating di-kasakdalan ay mayroon tayong mga ugali na nahihirapan tayong baguhin. Pero dapat tayong udyukan ng pag-ibig na manalanging gaya ng salmista: “Pagkaisahin mo ang aking puso na matakot sa iyong pangalan.” (Awit 86:11) Maging determinasyon nawa natin na labanan ang pagsisikap ng Diyablo na ilayo tayo sa ating maibiging Ama at sa mga sinasang-ayunan Niya. Magsikap tayong ‘maging mga tagatulad sa Diyos, bilang mga anak na minamahal, at patuloy na lumakad sa pag-ibig’​—sa pamilya, sa ministeryo, at sa kongregasyon.​—Efe. 5:1, 2.

[Mga Tanong sa Aralin]

[Larawan sa pahina 29]

Iniwan niya sa harap ng altar ang kaniyang kaloob para makipagpayapaan sa kaniyang kapatid

[Larawan sa pahina 31]

Mga magulang, turuan ang inyong mga anak na maging magalang