Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Talambuhay

Tinuruan Ako ni Jehova na Gawin ang Kalooban Niya

Tinuruan Ako ni Jehova na Gawin ang Kalooban Niya

Ayon sa salaysay ni Max Lloyd

Hatinggabi noon ng 1955. Kasama ko ang kapartner kong misyonero sa aming atas sa Paraguay, Timog Amerika nang palibutan ng galít na mga mang-uumog ang bahay na tinutuluyan namin. Sumisigaw sila: “Ang aming diyos ay isang diyos na uhaw sa dugo, at gusto niya ng dugo ng mga gringo.” Bakit napadpad kaming mga gringo (banyaga) sa lugar na ito?

PARA sa akin, nagsimula ang lahat maraming taon na ang nakalilipas sa Australia, kung saan ako lumaki at nagsimulang maturuan ni Jehova na gawin ang kalooban niya. Tumanggap si Itay ng aklat na Enemies mula sa isang Saksi noong 1938. Nang panahong iyon, dismayado na sina Itay at Inay sa mga lider ng relihiyon sa lugar namin, na nagsasabing kathang-isip lang ang ilang bahagi ng Bibliya. Makalipas ang mga isang taon, nabautismuhan ang mga magulang ko bilang sagisag ng kanilang pag-aalay kay Jehova. Mula noon, naging pinakamahalagang bahagi ng aming buhay bilang pamilya ang paggawa ng kalooban ni Jehova. Sumunod na nabautismuhan si Ate Lesley, na limang taon ang tanda sa akin. Nabautismuhan naman ako noong 1940, nang siyam na taóng gulang ako.

Di-nagtagal matapos sumiklab ang Digmaang Pandaigdig II, ipinagbawal sa Australia ang pag-iimprenta at pamamahagi ng mga literatura sa Bibliya ng mga Saksi ni Jehova. Kaya noong bata pa ako, natutuhan kong ipaliwanag ang mga paniniwala ko gamit lang ang Bibliya. Lagi kong dinadala sa paaralan ang aking Bibliya para maipakita kung bakit hindi ako sumasaludo sa bandila o sumusuporta sa digmaan ng mga bansa.​—Ex. 20:4, 5; Mat. 4:10; Juan 17:16; 1 Juan 5:21.

Binansagan akong “espiya ng mga Aleman,” kaya nilayuan ako ng maraming kaklase ko. Nang panahong iyon, nagpapalabas ng mga pelikula sa aming paaralan. Bago ito magsimula, lahat ay tumatayo para umawit ng pambansang awit. Kapag hindi ako tumayo, hihilahin ng dalawa o tatlong kaklase kong lalaki ang buhok ko para mapatayo ako. Nang maglaon, pinatalsik ako sa paaralan dahil sa mga paniniwala kong salig sa Bibliya. Pero naipagpatuloy ko sa bahay ang aking pag-aaral sa pamamagitan ng correspondence.

NATUPAD ANG TUNGUHIN KO

Tunguhin kong magpayunir pagtuntong ng edad 14. Kaya lungkot na lungkot ako nang sabihin ng mga magulang ko na maghanap muna ako ng trabaho. Sinabi nila na kailangan kong magbayad ng upa sa aking kuwarto at magbigay ng pera para sa pagkain, pero nangako sila na pagtuntong ko ng edad 18, puwede na akong magpayunir. Dahil dito, lagi kaming nagdidiskusyon pagdating sa perang kinikita ko. Sinasabi ko sa kanila na gusto ko itong ipunin para sa pagpapayunir ko, pero kinukuha nila ito.

Nang dumating na ang panahon para magpayunir ako, sinabi ng mga magulang ko na idineposito nila sa bangko ang perang ibinibigay ko sa kanila. Ngayon, ibinabalik na nilang lahat ito sa akin para maipambili ko ng damit at iba pang bagay na kailangan ko sa pagpapayunir. Tinuturuan pala nila akong pangalagaan ang aking sarili sa halip na umasa sa iba. Masasabi kong talagang nakinabang ako sa pagsasanay na iyon.

Noong maliit pa kami ni Ate Lesley, madalas tumuloy sa bahay namin ang mga payunir, at natutuwa kaming sumama sa kanila sa ministeryo. Tuwing Sabado at Linggo, maghapon kami sa pagbabahay-bahay, pagpapatotoo sa lansangan, at pagba-Bible study. Nang mga panahong iyon, ang tunguhin ng bawat mamamahayag ng kongregasyon ay 60 oras sa ministeryo bawat buwan. Magandang halimbawa si Inay para sa amin ni Ate Lesley dahil halos lagi niyang naaabot ang oras na iyon.

PAGPAPAYUNIR SA TASMANIA

Ang unang atas ko bilang payunir ay sa isla ng Tasmania sa Australia. Nakasama ko roon ang ate ko at ang mister niya. Pero di-nagtagal, umalis sila para mag-aral sa ika-15 klase ng Paaralang Gilead. Napakamahiyain ko at noon lang ako napalayo sa pamilya. Iniisip ng iba na tatlong buwan lang ako tatagal sa Tasmania. Pero noong 1950, sa loob lang ng isang taon, nahirang akong company servant doon, na katulad ngayon ng koordineytor ng lupon ng matatanda. Nang maglaon, naatasan akong maging special pioneer, at naging kapartner ko ang isa pang kabataang brother.

Ang atas namin ay isang liblib na bayan na may minahan ng tanso. Wala pang mga Saksi roon. Hapon na nang dumating kami sakay ng bus. Nang gabing iyon, tumuloy kami sa isang lumang otel. Kinabukasan, nagbahay-bahay kami at kasabay nito ay naghanap ng matutuluyan. Bago matapos ang maghapon, isang lalaki ang nagsabi sa amin na bakante ang bahay ng isang ministro malapit sa simbahang Presbiteryano. Sinabihan niya kaming makipag-usap sa diyakono. Mabait ang diyakono at pinayagan niya kaming tumuloy sa bahay. Parang kakatwa na lumalabas kami mula sa bahay ng isang klerigo para mangaral araw-araw.

Mabunga ang teritoryo namin. Maganda ang pakikipag-usap namin sa mga may-bahay at marami kaming napasimulang pag-aaral sa Bibliya. Nang mabalitaan ito ng mga lider ng simbahan sa kabisera at nalaman nila na mga Saksi ni Jehova ang nakatira sa bahay ng ministro, inutusan nila ang diyakono na agad kaming paalisin. Wala na naman kaming tuluyan!

Kinabukasan, matapos mangaral hanggang bandang hapon, naghanap kami ng matutulugan. Wala kaming ibang makita kundi ang grandstand sa sports stadium. Itinago muna namin doon ang aming mga maleta at nagpatuloy sa pangangaral. Dumidilim na, pero ipinasiya naming dumalaw pa sa ilang bahay para tapusin ang pangangaral sa isang kalsada. Isang lalaki ang nag-alok sa amin ng tuluyan sa isang maliit na bahay na may dalawang silid sa likod ng kaniyang lupa!

GAWAING PANSIRKITO AT PAG-AARAL SA GILEAD

Pagkaraan ng mga walong buwan sa atas na ito, inanyayahan ako ng tanggapang pansangay sa Australia na maglingkod bilang tagapangasiwa ng sirkito. Nabigla ako dahil 20 anyos lang ako noon. Pagkatapos tumanggap ng ilang linggong pagsasanay, sinimulan ko na ang regular na pagdalaw para patibayin ang mga kongregasyon. Halos lahat ng mga kapatid na dinadalaw ko ay mas matanda sa akin! Pero hindi nila hinamak ang aking kabataan at sa halip ay iginalang ang aking atas.

Iba-iba rin ang paraan ng paglalakbay patungo sa mga kongregasyon! May linggo na nagbu-bus ako, minsan naman ay trambiya. Mayroon ding pagkakataong sumasakay ako ng kotse o umaangkas sa motorsiklo, bitbit ang aking maleta at preaching bag. Nakatutuwang makitira sa mga kapatid. Isang company servant ang gustung-gustong magpatuloy sa akin kahit hindi pa tapós ang kaniyang bahay. Nang linggong iyon, bathtub ang naging higaan ko. Pero nakapagpapatibay sa amin ang linggong iyon!

Noong 1953, nasorpresa na naman ako nang tumanggap ako ng aplikasyon para sa ika-22 klase ng Paaralang Gilead. Magkahalong saya at pag-aalala ang naramdaman ko. Kasi, nang magtapos sa Gilead ang ate ko at ang asawa niya noong Hulyo 30, 1950, inatasan sila sa Pakistan. Wala pang isang taon, nagkasakit si Ate at namatay roon. Ano kaya ang madarama ng mga magulang ko kung hindi pa natatagalan ay pupunta ako sa ibang bahagi ng mundo? Pero sinabi nila: “Maglingkod ka kay Jehova saan ka man niya atasan.” Hindi na kami nagkita ni Itay. Namatay siya noong 1957.

Di-nagtagal, sakay na ako ng isang barko patungong New York City kasama ang limang iba pang kapatid na Australiano. Sa paglalakbay na iyon na tumagal nang anim na linggo, nagbasa at nag-aral kami ng Bibliya at nagpatotoo sa ibang mga pasahero. Bago kami pumunta sa paaralan sa South Lansing, New York, dumalo muna kami sa internasyonal na kombensiyon sa Yankee Stadium noong Hulyo 1953. Ang pinakamataas na bilang ng dumalo ay 165,829!

Ang aming klase ay binubuo ng 120 estudyante mula sa bawat sulok ng daigdig. Saka lang namin nalaman ang magiging teritoryo namin noong araw ng aming gradwasyon. Nang magkaroon kami ng pagkakataon, sumugod kami sa aklatan ng Gilead para magkaideya tungkol sa bansang iniatas sa amin. Nalaman ko na ang atas ko, ang Paraguay, ay bansang dumanas ng maraming pulitikal na himagsikan. Hindi pa nagtatagal pagdating ko roon, tinanong ko ang ibang mga misyonero kung ano ang ingay na narinig ko noong gabi. Ngumiti sila at sinabi: “Naranasan mo na ang iyong unang himagsikan. Tumingin ka sa labas ng pinto.” Nagkalat ang mga sundalo!

ISANG DI-MALILIMUTANG KARANASAN

Minsan, sumama ako sa tagapangasiwa ng sirkito para dalawin ang isang liblib na kongregasyon at ipalabas ang pelikulang The New World Society in Action. Naglakbay kami nang walo o siyam na oras. Sumakay muna kami ng tren, pagkatapos ay kabayo at karwahe, at panghuli, karitong hila ng baka. Dala namin ang isang generator at isang movie projector. Pagdating namin, pumunta kami sa mga bukid at inanyayahan ang mga tao na panoorin ang pelikula nang gabing iyon. Mga 15 katao ang dumalo.

Nang maka-20 minuto na ang pelikula, sinabihan kami na magmadaling pumasok sa loob ng bahay. Sumunod kami at binuhat namin ang projector. Pagpasok namin ng bahay, may mga lalaking nagpaputok ng baril at sumigaw: “Ang aming diyos ay isang diyos na uhaw sa dugo, at gusto niya ng dugo ng mga gringo.” Dadalawa lang ang gringo roon, at isa ako sa kanila! Hinarang ng mga manonood ang mga mang-uumog para huwag silang makapasok sa bahay. Pero bumalik ang mga ito nang bandang alas tres ng umaga. Nagpaputok na naman sila ng kanilang mga baril at nagbantang aabangan kami pagbalik namin sa bayan.

Ipinagbigay-alam ito ng mga kapatid sa sheriff, at dumating siya kinahapunan. Dala niya ang dalawang kabayo na sasakyan namin papuntang bayan. Habang naglalakbay, kapag napalapit kami sa isang kumpol ng palumpong o mga puno, binubunot niya ang kaniyang baril at nagpapauna siya para inspeksiyunin ang lugar. Nakita ko na kailangang-kailangan ang kabayo sa paglalakbay kaya nang maglaon ay bumili ako.

NAGDATINGAN ANG IBANG MISYONERO

Matagumpay ang pangangaral kahit patuloy ang pagsalansang ng klero. Noong 1955, limang bagong misyonero ang dumating, kasama si Elsie Swanson, isang kabataang sister na taga-Canada at nagtapos sa ika-25 klase ng Gilead. Nakasama namin siya nang ilang panahon sa tanggapang pansangay bago siya maatasan sa ibang bayan. Ginamit niya ang kaniyang buhay sa paglilingkod kay Jehova kahit walang gaanong suporta ng kaniyang mga magulang, na hindi tumanggap ng katotohanan. Noong Disyembre 31, 1957, ikinasal kami ni Elsie. Pagkatapos, lumipat kami sa timugang bahagi ng Paraguay. Kaming dalawa lang ang nakatira sa missionary home doon.

Walang gripo, shower, o toilet sa loob ng aming bahay. Mayroon lang kaming balon sa likod-bahay. Wala rin kaming washing machine ni refrigerator man, kaya araw-araw kaming bumibili ng pagkain. Pero napakasayang bahagi ito ng aming buhay may-asawa dahil napakasimple ng aming pamumuhay at napakabait ng mga kapatid sa kongregasyon.

Noong 1963, umuwi kami ng Australia para dalawin si Inay. Di-nagtagal, inatake siya sa puso, marahil dahil sa sobrang tuwang makita ako pagkaraan ng sampung taon. Nang malapit na kaming bumalik sa atas namin sa Paraguay, napaharap kami sa isa sa pinakamabibigat na desisyon sa aming buhay. Iiwan ba namin si Inay sa ospital, at aasang may ibang mag-aalaga sa kaniya? Babalik ba kami sa atas namin sa Paraguay, na mahal na mahal namin? Pagkatapos ng maraming panalangin, nagpasiya kami ni Elsie na alagaan si Inay. Sa kabila nito, nakapagpatuloy kami sa buong-panahong paglilingkod hanggang mamatay si Inay noong 1966.

Nagkapribilehiyo akong maglingkod sa gawaing pansirkito at pandistrito sa Australia sa loob ng maraming taon at magturo ng Kingdom Ministry School para sa mga elder. Pagkatapos, isa na namang pagbabago ang dumating sa aming buhay. Inatasan akong maglingkod bilang miyembro ng kauna-unahang Komite ng Sangay sa Australia. At noong magtatayo na ng isang bagong tanggapang pansangay, inatasan akong maging chairman ng building committee. Sa tulong ng maraming makaranasang manggagawa, naitayo ang isang magandang pasilidad.

Sumunod ay naatasan ako sa Service Department, na nangangasiwa sa gawaing pangangaral. Nagkapribilehiyo rin akong dumalaw sa ibang sangay sa daigdig para magbigay ng tulong at pampatibay-loob bilang tagapangasiwa ng sona. Talagang napatibay ang pananampalataya ko nang dumalaw ako sa mga bansa kung saan ang mga kapatid ay gumugol ng maraming taon​—at mga dekada pa nga​—sa mga bilangguan at kampong piitan dahil sa kanilang katapatan kay Jehova.

ANG AMING ATAS NGAYON

Pag-uwi namin mula sa isang nakapapagod na paglalakbay bilang tagapangasiwa ng sona noong 2001, nadatnan namin ang isang liham na nag-aanyaya sa amin na pumunta sa Brooklyn, New York, para maglingkod bilang miyembro ng bagong-tatag na Komite ng Sangay sa Estados Unidos. Pinag-isipan at ipinanalangin namin ito ni Elsie, at malugod namin itong tinanggap. Pagkaraan ng mahigit 11 taon, narito pa rin kami sa Brooklyn.

Nagpapasalamat ako na malugod na ginagawa ng aking kabiyak ang anumang hilingin ni Jehova. Mahigit 80 anyos na kami ni Elsie, at maganda pa rin ang aming kalusugan. Inaasam-asam naming maturuan ni Jehova magpakailanman at tamasahin ang saganang pagpapala na matatamo ng mga patuloy na gumagawa ng kaniyang kalooban.

[Blurb sa pahina 19]

May linggo na nagbu-bus ako, minsan naman ay trambiya. Mayroon ding pagkakataong sumasakay ako ng kotse o umaangkas sa motorsiklo, bitbit ang aking maleta at preaching bag

[Blurb sa pahina 21]

Inaasam-asam naming maturuan ni Jehova magpakailanman

[Mga larawan sa pahina 18]

Kaliwa: Noong ako ay nasa gawaing pansirkito sa Australia

Kanan: Kasama nina Itay at Inay

[Larawan sa pahina 20]

Araw ng aming kasal, Disyembre 31, 1957