Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

“Ako ay Sumasainyo”

“Ako ay Sumasainyo”

“Marami ang magpaparoo’t parito, at ang tunay na kaalaman ay sasagana.”​—DAN. 12:4.

1, 2. (a) Paano natin nalalaman na si Jesus ay sumasakaniyang mga sakop ngayon at sa hinaharap? (b) Ayon sa Daniel 12:4, ano ang resulta ng maingat na pag-aaral ng Kasulatan?

ISIPIN mong nasa Paraiso ka. Bawat umaga, maganda ang gising mo at handang-handa kang harapin ang maghapon. Wala kang nararamdamang kirot sa katawan. Wala na ang dati mong mga sakit. Lahat ng pandama mo​—paningin, pandinig, pang-amoy, pandamdam, at panlasa​—ay sakdal na gumagana. Napakasigla mo, kasiya-siya ang trabaho mo, marami kang kaibigan, at wala ka nang álalahanín. Iyan ang mga pagpapalang mararanasan mo sa ilalim ng Kaharian ng Diyos. Pagpapalain ng hinirang na haring si Kristo Jesus ang kaniyang mga sakop at tuturuan niya sila tungkol sa kaalaman kay Jehova.

2 Si Jehova ay sasakaniyang tapat na mga lingkod habang isinasakatuparan nila ang pangglobong gawaing pagtuturo na iyon. Sa katunayan, ang Diyos at ang kaniyang Anak ay sumakanilang tapat na mga lingkod sa nakalipas na mga siglo. Bago umakyat sa langit si Jesus, tiniyak niya sa kaniyang tapat na mga alagad na siya ay sasakanila. (Basahin ang Mateo 28:19, 20.) Para mapatibay ang ating pagtitiwala sa pangakong ito, suriin natin ang isang pangungusap sa kinasihang hula na isinulat sa sinaunang Babilonya mahigit 2,500 taon na ang nakararaan. Hinggil sa “panahon ng kawakasan” na kinabubuhayan natin, isinulat ni propeta Daniel: “Marami ang magpaparoo’t parito, at ang tunay na kaalaman ay sasagana.” (Dan. 12:4) Kung titingnan sa makasagisag na paraan at kasuwato ng mga nalalaman natin ngayon, ang pandiwang Hebreo na isinaling “magpaparoo’t parito” ay nagpapahiwatig ng maingat na pagsusuri. Kamangha-manghang mga pagpapala nga ang idudulot ng gayong pagpaparoo’t parito! Ang mga maingat na nag-aaral ng Kasulatan ay pagpapalain ng tunay, o tumpak, na kaalaman sa Salita ng Diyos. Sinasabi pa ng hula na marami ang tatanggap sa “tunay na kaalaman.” Sasagana rin ang kaalamang iyan. Ito ay malawakang ipamamahagi at madaling makukuha. Habang tinatalakay natin kung paano natutupad ang hulang ito, makikita natin na si Jesus ay sumasakaniyang mga alagad sa ngayon at na tutuparin ni Jehova ang lahat ng kaniyang ipinangako.

MAHAHAYAG ANG “TUNAY NA KAALAMAN”

3. Ano ang nangyari sa “tunay na kaalaman” pagkamatay ng mga apostol?

3 Pagkamatay ng mga apostol, ang inihulang apostasya mula sa tunay na Kristiyanismo ay nagsimulang kumalat na gaya ng apoy. (Gawa 20:28-30; 2 Tes. 2:1-3) Sa loob ng maraming siglo mula noon, salat sa “tunay na kaalaman” hindi lang ang mga walang alam sa Bibliya kundi pati ang mga nag-aangking Kristiyano. Bagaman sinasabi ng mga lider ng Sangkakristiyanuhan na naniniwala sila sa Kasulatan, nagtuturo naman sila ng relihiyosong mga kasinungalingan​—“mga turo ng mga demonyo” na lumalapastangan sa Diyos. (1 Tim. 4:1) Pinagkaitan nila ang mga tao ng espirituwal na kaalaman. Kasama sa huwad na doktrina ng mga apostata ang Trinidad, imortalidad ng kaluluwa, at walang-hanggang pagpapahirap sa mga kaluluwa sa impiyerno.

4. Paano nagsimulang magsaliksik sa “tunay na kaalaman” ang isang grupo ng mga Kristiyano noong dekada ng 1870?

4 Pero noong dekada ng 1870​—mga 40 taon bago magsimula ang “mga huling araw”​—isang maliit na grupo ng taimtim na mga Kristiyano sa Pennsylvania, E.U.A., ang nagsimulang magtipon para pag-aralan ang Bibliya at saliksikin ang “tunay na kaalaman.” (2 Tim. 3:1) Tinawag nila ang kanilang sarili na mga Estudyante ng Bibliya. Hindi sila ang tinutukoy ni Jesus na “marurunong at matatalino” na pagkakaitan ng kaalaman. (Mat. 11:25) Sila’y mga taong mapagpakumbaba at taimtim na nagnanais na gawin ang kalooban ng Diyos. Sa tulong ng panalangin, maingat nilang binabasa, tinatalakay, at binubulay-bulay ang Kasulatan. Pinaghahambing-hambing din nila ang mga teksto sa Bibliya at sinusuri ang mga isinulat ng iba pang gumawa rin ng gayong pagsasaliksik. Unti-unting naunawaan ng mga Estudyante ng Bibliya ang mga katotohanang nakubli sa loob ng maraming siglo.

5. Ano ang layunin ng serye ng mga tract na tinatawag na The Old Theology?

5 Bagaman tuwang-tuwa ang mga Estudyante ng Bibliya sa mga bagay na kanilang natututuhan, hindi sila naging palalo; hindi rin nila inangkin na naghahayag sila ng mga bagay na bago. (1 Cor. 8:1) Sa halip, naglathala sila ng isang serye ng mga tract na tinatawag na The Old Theology. Layunin nito na tulungan ang mga mambabasa na malaman ang mga katotohanan sa Bibliya. Ang una sa gayong mga tract ay nag-aalok ng “higit pang impormasyon na makatutulong sa pag-aaral ng Bibliya, sa layuning alisin ang lahat ng huwad na tradisyon ng mga tao at lubusang maipanumbalik ang dating teolohiya ng ating Panginoon at ng mga apostol.”​—The Old Theology, Blg. 1, Abril 1889, p. 32.

6, 7. (a) Anong mga katotohanan ang ipinaunawa sa atin mula noong dekada ng 1870? (b) Anong mga katotohanan ang lalo nang pinahahalagahan mo?

6 Talagang kamangha-mangha ang mga katotohanang natuklasan mula sa maliit na pasimulang iyon mahigit 100 taon na ang nakararaan! * Ang mga ito ay hindi nakababagot na mga paksang pagdedebatihan ng mga teologo, kundi kapana-panabik at nakapagpapalayang mga katotohanan na nagbibigay-kabuluhan sa ating buhay at pumupuspos sa atin ng kagalakan at pag-asa. Tinutulungan tayo ng mga ito na makilala si Jehova​—ang kaniyang maibiging personalidad at ang kaniyang mga layunin. Nililinaw rin ng mga ito ang papel ni Jesus, ipinaliliwanag kung bakit siya nabuhay at namatay, at sinasabi kung ano ang ginagawa niya ngayon. Isinisiwalat ng mga katotohanang ito kung bakit pinahihintulutan ng Diyos ang kasamaan, kung bakit tayo namamatay, kung paano tayo dapat manalangin, at kung paano tayo magiging tunay na maligaya.

7 Nauunawaan na natin ang kahulugan ng mga hulang “inilihim” sa loob ng libu-libong taon pero natutupad na ngayon sa panahon ng kawakasan. (Dan. 12:9) Kasali rito ang mga hula sa buong Kasulatan, lalo na ang mga nasa Ebanghelyo at nasa aklat ng Apocalipsis. Tinutulungan pa nga tayo ni Jehova na maunawaan ang mga pangyayaring hindi nakita ng ating mga mata​—ang pagkakaluklok kay Jesus, ang digmaan sa langit, at ang paghahagis kay Satanas sa lupa. (Apoc. 12:7-12) Tinutulungan din tayo ng Diyos na maunawaan ang kahulugan ng mga bagay na nakikita natin​—mga digmaan, lindol, salot, kakapusan sa pagkain, pati na ang di-makadiyos na mga taong lalong nagpapalala sa “mga panahong mapanganib na mahirap pakitunguhan.”​—2 Tim. 3:1-5; Luc. 21:10, 11.

8. Sino ang dapat nating papurihan sa mga bagay na nakita at narinig natin?

8 Tiyak na sasang-ayon tayo sa sinabi ni Jesus sa kaniyang mga alagad: “Maligaya ang mga mata na nakakakita ng mga bagay na inyong nakikita. Sapagkat sinasabi ko sa inyo, Maraming mga propeta at mga hari ang nagnais na makita ang mga bagay na inyong nakikita ngunit hindi nakita, at marinig ang mga bagay na inyong naririnig ngunit hindi narinig.” (Luc. 10:23, 24) Pinupuri natin ang Diyos na Jehova dahil tinulungan niya tayong makita at marinig ang gayong mga bagay. Laking pasasalamat natin na “ang katulong”​—ang banal na espiritu ng Diyos​—ay isinugo para akayin ang mga tagasunod ni Jesus “sa lahat ng katotohanan”! (Basahin ang Juan 16:7, 13.) Lagi nawa nating pahalagahan ang “tunay na kaalaman” at ibahagi ito sa iba nang walang pag-iimbot!

“MARAMI” ANG TUMANGGAP SA “TUNAY NA KAALAMAN”

9. Anong panawagan ang inilabas sa isyu ng Abril 1881 ng magasing ito?

9 Noong Abril 1881, wala pang dalawang taon matapos ilathala ang kauna-unahang isyu ng Watch Tower, nanawagan ang magasing ito para sa 1,000 mángangarál. Mababasa sa artikulo: “Sa mga nasa kalagayang makapagbigay ng kalahati o mahigit sa kalahati ng kanilang panahon para sa gawain ng Panginoon, may mungkahi kami . . . samakatuwid nga: Na humayo kayo sa malalaki at maliliit na lunsod, ayon sa inyong kakayahan, bilang mga Colporteur o Ebanghelisador, hanapin sa bawat dako ang taimtim na mga Kristiyano, na marami sa mga ito ay masusumpungan ninyong may sigasig para sa Diyos, subalit hindi ayon sa kaalaman; sa kanila ay ihayag ninyo ang saganang biyaya ng Ating Ama, at ang kariktan ng Kaniyang salita.”

10. Paano tumugon ang mga tao sa panawagan para sa buong-panahong mga mángangarál?

10 Ipinakikita ng panawagang iyon na kinikilala ng mga Estudyante ng Bibliya na ang pangangaral ng mabuting balita ay isang napakahalagang gawain ng mga tunay na Kristiyano. Pero parang mahirap maabot ang panawagan para sa 1,000 buong-panahong mángangarál yamang iilang daan pa lang naman ang dumadalo sa mga pulong ng mga Estudyante ng Bibliya nang panahong iyon. Gayunman, matapos mabasa ang isang tract o magasin, marami ang nakumbinsi na ito ang katotohanan at agad na tumugon sa panawagan. Halimbawa, noong 1882, matapos mabasa ang isang isyu ng Watch Tower at isang buklet na inilathala ng mga Estudyante ng Bibliya, isang mambabasa mula sa London, Inglatera, ang sumulat: “Pakisuyong turuan ninyo ako kung paano mangaral at kung ano ang ipangangaral para makabahagi ako sa pinagpalang gawain na gustong ipagawa ng Diyos.”

11, 12. (a) Ano ang tunguhin ng mga colporteur? (b) Paano nagtatag ng mga “klase,” o kongregasyon, ang mga colporteur?

11 Pagsapit ng 1885, mayroon nang mga 300 Estudyante ng Bibliya na naglilingkod bilang colporteur. Tunguhin ng buong-panahong mga ministrong iyon na gumawa ng mga alagad ni Jesu-Kristo, tulad natin ngayon. Pero iba ang pamamaraan nila. Sa ngayon, karaniwan nang nagtuturo tayo ng Bibliya sa mga indibiduwal. Pagkatapos, inaanyayahan natin ang Bible study na dumalo sa isang kongregasyon. Noong panahon ng mga colporteur, nagpapasakamay sila ng mga aklat at pagkatapos ay tinitipon nila ang mga interesado para sama-sama nilang pag-aralan ang Kasulatan. Sa halip na magturo sa mga indibiduwal, bumubuo sila ng mga “klase,” o kongregasyon.

12 Halimbawa, noong 1907, isang grupo ng mga colporteur ang nagsurbey sa isang lunsod para hanapin ang mga nakatanggap na ng Millennial Dawn (tinatawag ding Studies in the Scriptures). Iniulat ng Watch Tower: “Ang mga [interesadong] ito ay tinitipon sa isang maliit na pagpupulong sa tahanan ng isang interesado. Tinatalakay sa kanila ng Colporteur ang tungkol sa Divine Plan of the Ages sa buong maghapon ng Linggo, at sa kasunod na Linggo ay hihimukin niya silang magdaos ng regular na mga pulong.” Noong 1911, binago ng mga kapatid ang pamamaraan. Limampu’t walong naglalakbay na ministro ang nagbigay ng pangmadlang mga lektyur sa buong Estados Unidos at Canada. Kinalap ng mga brother na ito ang pangalan at adres ng mga interesado na dumalo sa mga lektyur at inorganisa ang mga ito para magtipon sa pribadong mga tahanan at magtatag ng bagong mga “klase.” Pagsapit ng 1914, mayroon nang 1,200 kongregasyon ng mga Estudyante ng Bibliya sa buong daigdig.

13. Ano ang hinahangaan mo hinggil sa paglaganap ng “tunay na kaalaman” sa ngayon?

13 Sa ngayon, mayroon nang mga 109,400 kongregasyon sa buong daigdig, at mga 895,800 kapatid ang naglilingkod bilang payunir. Halos walong milyon na ang tumanggap sa “tunay na kaalaman” at nagkakapit nito sa kanilang buhay. (Basahin ang Isaias 60:22.) * Talagang kahanga-kahanga ito, lalo na’t inihula ni Jesus na ang kaniyang mga alagad ay magiging “mga tudlaan ng pagkapoot ng lahat ng mga tao” dahil sa kaniyang pangalan. Sinabi rin niya na ang kaniyang mga tagasunod ay pag-uusigin, ibibilanggo, at papatayin pa nga. (Luc. 21:12-17) Sa kabila ng pagsalansang ni Satanas, ng kaniyang mga demonyo, at ng mga tao, nagtagumpay ang bayan ni Jehova sa kanilang atas na gumawa ng mga alagad. Sa ngayon, nangangaral sila sa “buong tinatahanang lupa”​—mula sa mga kagubatan sa tropiko hanggang sa nagyeyelong kapatagan, sa mga kabundukan, disyerto, lunsod, at sa pinakaliblib na lugar. (Mat. 24:14) Hindi nila ito magagawa kung wala ang tulong ng Diyos.

SUMASAGANA ANG “TUNAY NA KAALAMAN”

14. Paano lumaganap ang “tunay na kaalaman” sa pamamagitan ng nakalimbag na mga publikasyon?

14 Ang “tunay na kaalaman” ay sumagana sa tulong ng maraming tagapaghayag ng mabuting balita. Sumagana rin ito dahil sa nakalimbag na mga publikasyon. Noong Hulyo 1879, inilathala ng mga Estudyante ng Bibliya ang kauna-unahang isyu ng magasing ito, na pinamagatang Zion’s Watch Tower and Herald of Christ’s Presence. Ang isyung iyon ay inimprenta ng isang komersiyal na kompanya. Ang inilimbag ay 6,000 kopya sa wikang Ingles. Ang 27-taóng-gulang na si Charles Taze Russell ang napiling maging patnugot, at limang may-gulang na Estudyante ng Bibliya ang nagsilbing regular na manunulat. Ang Bantayan ay inililimbag ngayon sa 195 wika. Ito ang magasin na may pinakamalawak na sirkulasyon sa daigdig, anupat may 42,182,000 kopya bawat isyu. Pumapangalawa ang kasama nitong magasin na Gumising! na may sirkulasyon na 41,042,000 sa 84 na wika. Karagdagan pa, mga 100 milyong aklat at Bibliya ang inililimbag bawat taon.

15. Paano sinusuportahan ang ating paglilimbag?

15 Ang napakalaking gawaing ito ay sinusuportahan ng boluntaryong donasyon. (Basahin ang Mateo 10:8.) Iyan pa lang ay kamangha-mangha na para sa mga nasa industriya ng paglilimbag na nakauunawa sa gastos sa makina, papel, tinta, at iba pang materyales. Isang brother na inatasang bumili ng mga materyales para sa mga palimbagan ng Bethel ang nagsabi: “Ang mga negosyante na bumibisita sa ating mga palimbagan ay namamangha na ang isang pasilidad na hi-tech at napakalaki ng produksiyon ay sinusuportahan ng boluntaryong donasyon. Namamangha rin sila dahil napakabata at napakasaya ng mga manggagawa sa Bethel.”

ANG LUPA AY MAPUPUNO NG KAALAMAN SA DIYOS

16. Bakit inihahayag ni Jehova ang “tunay na kaalaman”?

16 May mabuting dahilan kung bakit sumagana ang “tunay na kaalaman.” Kalooban ng Diyos na “ang lahat ng uri ng mga tao ay maligtas at sumapit sa tumpak na kaalaman sa katotohanan.” (1 Tim. 2:3, 4) Gusto ni Jehova na malaman ng mga tao ang katotohanan para maging kaayaaya ang kanilang pagsamba at makatanggap sila ng kaniyang pagpapala. Dahil sa paghahayag ni Jehova ng “tunay na kaalaman,” natipon niya ang tapat na nalabi ng mga pinahirang Kristiyano. Tinitipon din niya mula sa “lahat ng mga bansa at mga tribo at mga bayan at mga wika” ang “isang malaking pulutong,” na may pag-asang mabuhay magpakailanman sa lupa.​—Apoc. 7:9.

17. Katibayan ng ano ang paglaganap ng tunay na pagsamba?

17 Ang paglaganap ng tunay na pagsamba sa nakalipas na 130 taon ay katibayan na sinusuportahan ng Diyos at ng kaniyang hinirang na haring si Jesu-Kristo ang mga lingkod ni Jehova sa lupa​—inaakay sila, pinoprotektahan, inoorganisa, at tinuturuan. Ang pagsulong nila ay katibayan din na siguradong matutupad ang mga pangako ni Jehova sa hinaharap. “Ang lupa ay tiyak na mapupuno ng kaalaman kay Jehova gaya ng tubig na tumatakip sa dagat.” (Isa. 11:9) Kay laking pagpapala nga ang tatamasahin ng sangkatauhan sa panahong iyon!

[Mga talababa]

^ par. 6 Makikinabang ka sa panonood ng mga DVD na Mga Saksi ni Jehova​—Buháy ang Pananampalataya, Bahagi 1: Mula sa Kadiliman Tungo sa Liwanag at Mga Saksi ni Jehova​—Buháy ang Pananampalataya, Bahagi 2: Pasikatin ang Liwanag.

^ par. 13 Tingnan ang Hula ni Isaias​—Liwanag Para sa Buong Sangkatauhan II, pahina 320.

[Mga Tanong sa Aralin]

[Larawan sa pahina 6]

Ang mga Estudyante ng Bibliya ay mga taong mapagpakumbaba at taimtim na nagnanais na gawin ang kalooban ng Diyos

[Larawan sa pahina 7]

Pinahahalagahan ni Jehova ang iyong mga pagsisikap sa pagpapalaganap ng “tunay na kaalaman” sa Diyos